Plants vs Zombies 2 Review

Ang Plants vs Zombies 2 ay ang sequel ng orihinal, kamangha-mangha at napaka-hit na laro ng Popcap. Bukod sa ito ay bago, mayroon din itong dala na kakaiba sa laro. Libre rin itong malaro ng lahat. Kakailanganin lang maglabas ng pera kung pipiliing bumili ng in-app purchases at mga kagamitan upang lalo pang ma-enjoy ang paglalaro.

Ang Plants vs. Zombies 2: It’s About Time

Sa Part 2 ng larong ito, gagawa kang muli ng mabisang estratehiya upang makatulong na mailigtas ang mga buhay laban sa mga patay na bumangon muli sa mga libingan. Kagaya sa unang bersyon ng laro, ang mga halaman ang iyong sandigan at ang tutulong sa iyo upang puksain ang mga zombies habang pinoprotektahan ang iyong sarili at iyong kinatatayuan. Mas pinalakas din ang mga bagong katulong mo sa pagbuo ng depensa, ngunit mas naging matalino at malakas rin ang mga zombies dito. Kaya kailangan mong maghanda sa pagharap sa mga undead na kinabibilangan ng mga modernong halimaw, yeti, at ang walang-kamatayang Egyptian mummies.

Ang Paglalaro

Gamit ang iyong mga daliri, mamimili ka sa hanay ng mga halaman ng iyong mga gagamiting pangdepensa sa laro. Ilalagay mo isa-isa ang mga item na ito sa board. Ilan lamang sa pwedeng piliin ay ang halaman na nagtatapon ng repolyo bilang isang pangontra, mga gisantes na dumudura at ang cute na jalapeno peppers na sumasabog. Ang mga halaman na ito ang tutulong sa manlalaro upang hindi ito maabot ng zombies at makain ang utak.

Maaaring subukan muna ng manlalaro ang opsyonal na tutorial kung saan matutunghayan ang kwento ng laro. Ipapakita rin dito ang mga dapat pindutin at malaman sa paglalaro. Pagkatapos nito, makapaglalakbay rin ang mga manlalaro sa sinaunang panahon ng bansang Egypt kung saan ay maaaring manalo ng World Keys sa pagkumpleto lamang ng 6 na araw at mai-unlock ang isang serye ng iba’t ibang mundo.

Ang in-app items ng laro ay hindi rin ipinipilit sa mga manlalaro. Ito ay opsyonal lamang kung sakaling gusto ng manlalaro na mag-power up o kapag naghahanap pa ng mas matinding makakatulong upang mas tumibay pa ang depensa. Ang bawat isa sa mga halaman ay may kanya-kanyang kakayahan kapag ito ay nakatanggap ng Plant Food. Posible pa rin naman na matapos ang laro kahit na hindi bumili ng anumang dagdag na power boost para sa mga halaman. Ito ay maaaring makuha sa laro ngunit mangangailangan lang ng tiyaga, pasensya at maraming oras sa paglalaro.

Bilang ng Downloads ng Laro

Ang mga nahumaling at nakisabay na rin sa pagdepensa ng kanilang mga bakuran laban sa mga zombies ay umabot na ng mahigit sa 20 milyon. Oo, ganun karami ang mga naglalaro ng Plants vs. Zombie 2. Tiyak na isa ka na rin sa milyun-milyong mga taong nakasubaybay dito. Ang larong ito ay maaaring i-download at i-install sa iyong device mapa-android man o iOS ang gamit mo. Ito ay madali at simple lang din gawin. Pumunta lamang sa Play Store para sa mga gumagamit ng Android at sa AppStore naman kung ikaw ay gumagamit ng iOS device. Bukod dito, maaari rin itong ma-download sa iyong PC sa pamamagitan ng pagpunta sa Bluestacks website at piliin lamang ang setting na naaangkop sa iyong system. Pwede ka na kaagad maglaro pagkatapos nito.

Narito ang mga link para ma-download ang laro:

  • Download Plants vs. Zombies 2 Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.ea.game.pvz2_row&hl=en_US&gl=US&auao=none&referrer=utm_source%3Dgoogle%26utm_medium%3Dorganic%26utm_term%3Dpvz2+on+android.&pcampaignid=APPU_1_5F6SYcGlOtTa2roPosKm2Ao
  • Download Plants vs. Zombies 2 Game on iOS https://apps.apple.com/us/app/plants-vs-zombies-2/id597986893
  • Download Plants vs. Zombies 2 Game on PC https://www.bluestacks.com/apps/casual/plants-vs-zombies-2-on-pc.html

Tuklasin ang iba’t ibang Halaman at mga Plants vs. Zombies 2

Kolektahin ang mga importante at paboritong halaman sa pagdedepensa ng iyong kampo.Ilan sa mga ito ay ang Sunflower na nagbibigay ng sinag ng araw at karagdagang credit para makabili ng ibang halaman at ang Peashooter na nangunguna sa paglaban sa mga zombies. Nandyan rin ang Laser Bean, Lava Guava at ang Jalapeno Pepper na pasasabugin ang mga dumadaang zombies. Ihanda ang sarili sa pagdating ng wave ng iba’t ibang zombies na mayroong angking lakas at mga espesyal na galawan.

Palaguin ang Malalakas na Halaman

Upang sumigla ang mga nakuhang malalakas na halaman, gamitan ito ng seed packets na makukuha sa patuloy na paglalaro. Kapag nagkataon, mas magiging malaki ang pinsalang maidudulot ng mga halaman sa mga zombies at magiging mas mabilis na rin ang pagtatanim nito. Tiyak na hindi magtatagal ang mga zombies sa iyong bakuran.

Gumawa ng Plano at Labanan ang mga Plants vs. Zombies 2

  1. Bigyan ng pagkain o plant food ang mga halaman upang malaman ang mga nakatagong kakayahan at lakas ng mga ito na magiging malaking tulong sa pagdepensa at paglaban sa mga zombies.
  2. Huwag itambak ang mga makukuhang plant food. Gamitin ito hangga’t maaari. Isa sa magandang paraan ng paggamit nito ay ibigay kaagad sa mga Sunflower sa simula pa lang ng laro. Sa ganitong paraan ay mapaparami kaagad ang iyong maiipon na sinag ng araw at makakapagsimula nang bumuo ng malakas na depensa.
  3. Maganda ring gamitin ang mga plant food sa mga zombies na may bitbit ding plant foods. Bukod sa malaking pinsala ang maidudulot nito, maglalaho ang zombie at maiiwan nito ang plant food sa iyo na maaari mong gamitin sa susunod na laban.
  4. Subukang gamitin ang plant food sa mga halamang repolyo, melon at iba pang halaman na tumitira ng kanilang bunga. Ito ay malakas na pantapat sa mga grupo ng zombies katulad ng Raiding Party.
  5. Mainam na mauna nang gamitin ang mga potato mines sa mangilan-ngilang zombies na unang lalabas sa laro upang makapag-concentrate ka sa pag-iipon kaagad ng maraming sun o sinag mula sa sunflower.
  6. Para sa mabilisang pagkolekta ng mga barya, araw at plant food, mag-swipe lamang sa mga ito upang sabay-sabay na makuha. Mas madali ang paraang ito kung ikukumpara sa pagta-tap nang paisa-isa.
  7. Nandyan rin ang mga swak na pares ng Walnuts. Maaaring subukan ito katambal ng Bonk Choys at Spikeweeds, at gayundin ang pares ng Walnuts at Snapdragons.
  8. Huwag ding maliitin ang kakayahan at lakas ng isang Spring Bean. Ito ay mayroong kakayahan na baliktarin ang mga alon sa Pirate Seas bilang pagpoprotekta nito sa iyo.
  9. Mas mabuti rin na maglagay ng pang-atakeng mga halaman sa pinakadulo ng linya sa halip na Sunflower. Sakaling makaabot man ang zombie sa linyang ito, may tsansa pa ring maharang at matalo nito ang zombie. Higit sa lahat, mas mura at mas madaling palitan ang Sunflower kumpara sa mga halaman na panlaban at depensa. Huwag kalimutan ang importanteng bahagi ng laro: lumaban at manatiling buhay hanggang sa huling level.
  10. Huwag mawalan ng pag-asa kung sakaling hindi umuusad ang iyong paglalaro at nananatili pa rin sa parehong level kahit pa wala na ring baryang natitira. Kung gagamitin ang talino at tamang diskarte sa paggawa ng isang magandang plano upang makakuha ng mga sinag ng araw at bituin sa laro na hindi gumagamit ng mga barya, may pag-asa pa rin para maipanalo ito.

Ang mga Pros ng Plants vs Zombies 2

Ang Plants vs Zombies 2 ay libre lang i-download at i-enjoy. Hindi mo kailangang magbayad para makapaglaro. Ang tanging misyon ay protektahan ang iyong teritoryo at labanan ang lahat ng mga zombie para hindi ka maabot ng mga ito. Ito ay isang simpleng laro na nakakahumaling at may nakakatuwang gameplay na tila walang hanggan.

Pagdating sa animation ng laro at sa pagpili ng musika, ramdam na ramdam ang apocalyptic feels sa isang cartoon world. Isang mahusay at balanseng dynamics para sa isang animated na larong zombie. Sino ba naman ang hindi gugustuhing tuklasin ang iba’t ibang mundo ng larong ito? May mga panggulat at iba’t ibang hamon. Naisakatuparan ng mga developer ng Plants vs Zombies 2 ang lahat ng kanilang mga ideya na nagdadala sa mga players sa iba’t ibang mundo kahit na ito ay sa pamamagitan lamang ng isang laro. Ang mga konsepto ng bawat mundo ay natatangi, mahusay na binalak at matagumpay na naipakita sa laro. Higit pa rito, ang mga halaman mula sa unang bahagi ng PVZ na karamihan sa atin ay pamilyar na ay nagbabalik nang may higit na lakas at mga kakayahan.

Ang mga Cons ng PVZ 2

Natural lang na naisin ng mga manlalaro na manalo at umabante sa bawat sasalihang laro. Ngunit dahil negosyo pa rin ang gaming, hindi maiiwasang humanap ang mga gumawa nito ng paraan para kumita ng pera mula sa mga tumatangkilik ng game. Sa PVZ 2, kumikita ang laro sa pamamagitan ng mga bumibili ng coins, halaman, gems, at power-ups. Kung kulelat ka sa multitasking skills, hindi mo magagamit nang husto ang lahat ng pinakamahuhusay at natatanging features sa laro. Kung tanging oras lang ang mayroon ka, madami-daming oras at mahabang pasensya ang kailangan upang mai-level up ang iyong mga halaman. Kailangan mong doblehin ang iyong pagsusumikap at triplehin pa ang iyong pasensya. Maliwanag sa laro na ang mga halaman ay mas mahirap i-upgrade kumpara sa mismong pagsabak sa laro.

Kailangan mo ring tapusin at mapuntahan ang 11 na mundo, kumpara sa 5 mundo sa PVZ 1, upang matapos lang ang buong laro. Hindi ako sigurado kung gaano katagal bago mo ito magagawa gamit lamang ang mga pangunahing halaman bilang mga sandata. Panghuli, isang mini-game lang ang inaalok nito, ang Vase Breaker. Mas maganda sana kung naglagay sila ng maraming mini-games na makapagbibigay ng ilang power-ups at pang-upgrade na mga premyo.

Related Posts:

Wordscapes Review

Family Farm Adventure Review

Konklusyon

Ang Plants vs Zombies 2 ay isa talagang nakakaaliw na laro na mas pinaganda pa kaysa sa nauna. Ang idinagdag na mga features nito ay nagbibigay ng mas kapanapanabik na gameplay sa mga manlalaro.

Bumuo ng napakalakas na depensa at huwag kalimutang kolektahin ang mga sinag ng araw na tutulong sa iyo na makakuha ng malalakas na mga halaman. Mabuhay sa larangan ng digmaan ng ilang araw at maging isang tunay na bayani ng laro.

Laro Reviews