Isa ang larong soccer sa mga sikat na sports. Saang panig ka man ng kontinente mapadpad ay tiyak na mayroon kang makikitang mga tao na naglalaro ng sport na ito. Katunayan, nangunguna sa listahan ang soccer bilang pinakatanyag na laro sa buong mundo. Walang pinipiling edad, o kasarian ang larong ito sapagkat lahat ay maaaring makapaglaro. Sa isang propesyonal na liga, kinakailangan na magkaroon ng tag-labing-isang manlalaro ang dalawang koponan. Ngunit bukod tangi ang Extreme Football: 3on3 Multiplayer Soccer dahil tatlong players lamang bawat koponan ang kailangan upang makapaglaro na ng soccer.
Paano nga ba nilalaro ang mobile game na ito? Simple lamang ang mechanics ng laro dahil kagaya ng mga karaniwang mobile soccer game na nilalaro mo, kailangan mo lamang makagawa ng mga goal upang manalo sa laban. Hindi madali ang makapuntos kaya kailangan ng matinding pagsasanay, magandang estratehiya at teamwork para magawa ito. Ngunit bago ka pa sumabak sa mga laro, kailangan mo munang dumaan sa tutorial upang ituro sa iyo ang mga control na dapat gamitin sa pagpasa ng bola, pagsipa at pagsalo. Layunin mo sa larong ito na galingan sa lahat ng laban upang manguna sa listahan ng pinakamahusay na soccer player
Tips at Tricks sa Paglalaro
Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at trick na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:
Upang magawang mabuksan ang mga game mode sa larong ito, kailangan mo munang makumpleto ang mga task sa tutorial. Mahalagang maging pamilyar ka sa lahat ng control na gagamitin upang maging madali para sa iyo na kontrolin ang bola.
Isa sa mahalagang abilidad na dapat mong matutunan ay kung paano gumamit ng mga trick kagaya ng sliding tackle at around the world upang maagaw sa kalaban ang bola. Mahalaga na ma-master kaagad ito sa tutorial pa lamang upang hindi ka na mahirapan na gamitin ito pagdating sa multiplayer mode.
Sa paglalaro sa multiplayer, mayroon kang dalawang random na makakasama at tatlong makakaharap na mga kalaban. Kadalasan, mas mataas ang level ng iyong makakalaban sa mode na ito kaya kailangan na sa pag-uumpisa pa lamang ng laro ay magawa mo nang magamit ang Super Overhead kick upang unang makapagtala ng goal. Pindutin ang Pass button tuwing hawak ng isa sa iyong dalawang kasamahan ang bola upang ipasa ito sa iyo at tumakbo papunta sa soccer net ng kalaban.
Kung hindi mo gagamitan ng upgrade ang iyong gamit na karakter, walang pag-asa na matatalo mo ang malalakas na kalaban sa multiplayer mode, kaya napakahalaga na makabili ng mga upgrade na higit na magpapahusay sa skills ng iyong character pagdating sa tackling, passing at shooting.
Hindi rin madaling makaipon ng in-game currency sa larong ito kaya lubos na kinakailangan ang panonood ng ads kapalit ng ilang mahahalagang rewards na maaari mong matanggap kagaya ng gems, coins, gold at chests na naglalaman ng mga sorpresang reward.
Sa Single Play mode naman, isa laban sa isa ang magiging labanan kaya wala kang ibang maaasahan kung hindi ang sarili mo lamang upang maipanalo ang laban. Kung hindi upgraded ang in-game character tiyak na magsasayang ka lamang ng oras sa paglalaro sa mode na ito kaya dapat mong siguraduhin na sapat ang iyong skills at abilidad para mapantayan ang galing ng kalaban at magkaroon ng malaking tsansa na manalo laban dito.
Saan Maaaring I-download ang Laro?
Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user at kailangan naman na i-download ang GameLoop sa PC para malaro ito. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:
Download Extreme Football: 3on3 Multiplayer Soccer on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.ninemgames.football
Download Extreme Football: 3on3 Multiplayer Soccer on iOS https://apps.apple.com/us/app/extreme-football/id1476365472
Download Extreme Football: 3on3 Multiplayer Soccer on PC https://www.gameloop.com/ph/game/sports/extreme-football-3on3-multiplayer-soccer-on-pc
Features ng Laro
- Team – Sa feature na ito ng laro matatagpuan lahat ng mga in-game character na makokolekta mo mula sa mga panalo sa laban.
- Mission – Hindi lamang daily task ang matatagpuan sa feature na ito ng laro dahil makikita rin dito ang weekly, sponsor, season at events task na magagawa mo lamang mabuksan kapag malayo na ang narating ng progress mo sa laro.
- TV – Sakaling magsawa ka na sa paglalaro sa iba’t ibang game mode sa larong ito, maaari kang mag-relax at manood na lamang ng mga naganap na laban ng ibang manlalaro. Makikita ang feature na ito ng laro sa kaliwang bahagi ng iyong screen.
- Social – Kung gusto mo naman na magkaroon ng mga bagong kakilala, tiyak na magugustuhan mo ang feature na ito ng laro dahil maaari kang sumali sa mga club na makikita rito, o bumuo ng sarili mong club.
- Shop – Isa ito sa mga hindi mo dapat makaligtaang buksan sa paglalaro dahil tanging dito makikita ang mga upgrade na kakailanganin mo upang lubos na maging mahusay ang playing abilities ng iyong mga in-game character na ginagamit.
Pros at Cons ng Laro
Kung pag-uusapan lang naman ang pagiging challenging ng mga laro, hindi kayo bibiguin ng Extreme Football: 3on3 Multiplayer Soccer dahil hindi ito kagaya ng ibang mobile game na mayroong madali hanggang katamtaman na level of difficulty. Sa tutorial pa lamang ng larong ito, susubukin na agad ang iyong abilidad pagdating sa pagkontrol ng bola.
Ang graphics ng laro ay masasabi ring kahanga-hanga dahil pwede mong ma-adjust ang camera view ng iyong paglalaro. Natitiyak ng Laro Reviews na magugustuhan n’yo rin ang mga mapapanood na laban sa TV na feature ng Extreme Football: 3on3 Multiplayer Soccer.
Sa kabilang banda, napakaraming mga negatibong katangian na mayroon ang larong ito na dapat mong malaman. Una na rito ay ang isyu sa control. Napakahirap kontrolin ng direction movement ng iyong karakter lalo na kapag tumatakbo na ito dahil kadalasan hindi mo magawang mapasunod sa gusto mong mangyari ang iyong karakter. Halimbawa, kapag gusto mong pumunta ito sa kaliwa, sa kabilang direksyon ito pumupunta. Hindi rin hiwa-hiwalay ang mga control button dahil iisa lamang ang pindutan para sa tackling, passing, catching at shooting ng bola kaya madalas imbes na shooting ang nais mong gawin ay passing ang ginagawa ng iyong karakter.
Bukod sa problema sa control, imposible ring malampasan mo ang matataas na game levels kung hindi ka gagastos ng totoong pera upang i-upgrade ang iyong karakter dahil kailanman ay hindi magiging sapat ang in-game currency na natatanggap mo, o kahit pa panoorin mo pa lahat ng optional ads sa laro.
Konklusyon
Hindi maaaring itanggi ng Laro Reviews na maganda ang konsepto ng Extreme Football: 3on3 Multiplayer Soccer. Subalit nananatiling malaking problema ang isyu sa control ng laro na siyang pangunahing dahilan upang mawalan ng gana ang mga manlalaro na ipagpatuloy ang paglalaro. Sakaling maresolba na ng developer ang mga nabanggit na problema sa laro, hindi malayong mas lalo pang papatok ito sa mga avid soccer game fan.