Mahilig ka bang manood ng MasterChef o Hell’s Kitchen? O kaya naman ay pamilyar sa isa sa pinagpipitaganang chef sa industriya ng culinary na si Gordon Ramsay? Kung mapapansin sa mga palabas na ito, hindi madali ang buhay ng isang chef. Ito ay isang porma ng sining at sumasalamin sa pagkain ang kultura ng isang bansa. Makikita rin kung ano-ano ang pagkakaiba at pagkakatulad ng iba’t ibang cuisines sa mundo. May standard ding kailangan makamit ang mga baguhang chef bago pumasa sa pamantayan ni Gordon Ramsay. Kaya nga hindi na nakapagtataka na may mga meme na lumalabas kung paano niya kutyain ang isang pagkain lalo na’t kung hindi ito masarap. Dahil dito, hindi na rin nakapagtataka kung may mga larong umuusbong na halaw sa ganitong tema.
Isa na rito ang Asian Cooking Games: Star Chef na dinevelop ng The App Guruz. Ang pinakatampok nitong feature ay nakapokus ang laro sa Asian cuisine. Kagaya ng ibang cooking games, simple lang ang gameplay ng laro. Gayunpaman, kailangan pa rin gamitan ng bilis ng reflexes at presence of mind para matugunan ang dumaraming orders ng customers. Dahil dito, maraming manlalaro ang naaadik sa balanseng ino-offer ng laro. Kaya kung isa ka sa mga mahilig maglaro ng ganitong tema, basahin sa Laro Reviews ang tips, tricks, pros, cons, at kabuuang verdict para sa Asian Cooking Games: Star Chef.
Features ng Asian Cooking Games: Star Chef
Various Asian Cuisine – Libutin ang Asya at maghanda ng Chinese, Indian, Japanese, at South Korean cuisine sa iyong customers! Magiging pamilyar ka pa sa iba’t ibang ipinagmamalaking pagkain ng ilang bansa sa Asya.
Multiple Levels – Tiyak na hindi magsasawa sa dami ng levels na maaaring laruin. Sa kasalukuyan, mayroon itong humigit kumulang 800 levels na kung saan maaari kang magmay-ari ng 30 restaurants. Alamin kung paano ang kalakaran sa mundo ng culinary!
Offline Mode – Maaring laruin ang Asian Cooking Games: Star Chef kahit walang anumang internet connection o mobile data. Kung ikaw ay naghihintay o kaya naman ay nais magpalipas ng oras, swak ang feature na ito para sa iyo.
Saan pwedeng i-download ang Asian Cooking Games: Star Chef?
Sa seksyon na ito ng article itururo ng Laro Reviews kung saan at paano i-download ang Asian Cooking Games: Star Chef. Kasalukuyang available lamang ang laro sa Android at iOS users kaya hindi pa ito pwedeng mai-download sa PC. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users, at sa App Store naman sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro at hanapin ito sa search results, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos gawin ang lahat ng ito, pwede mo na simulan ang paglalaro!
Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:
Download Asian Cooking Games: Star Chef on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.asiancooking.star.chef.cooking.games
Download Asian Cooking Games: Star Chef on iOS https://apps.apple.com/us/app/asian-cooking-star-food-games/id1529552807?msclkid=fb29982eb58e11eca4fd3647b289fb88
Tips at Tricks sa Paglalaro
Ang susi para makakuha ng maraming rewards ay matugunan ang lahat ng orders ng iyong customer. Dahil dito, kailangang maging maliksi ka dahil dumadagsa ang bilang ng mamimili at dumarami rin ang kanilang orders habang papataas ang level. Kaya umpisa pa lamang, ihanda mo na ang pagkain habang sila’y wala pa. Halimbawa, dahil ang pangunahing sangkap sa Ramen House ay ang noodles, pindutin na agad ito para makapaghanda. Siguraduhing antabayanan ang mga nilulutong pagkain dahil may posibilidad itong masunog kapag napabayaan. Makikita ang orasan sa itaas na bahagi ng pagkain. Ito ang tutukoy kung gaano pa katagal ang segundong kailangan hintayin bago ito maluto. Mapapansing magiging pula ang kulay nito na dating berde kapag lumagpas na sa oras ng pagluluto. Bagamat ito ang itinuturing na grace period, huwag na paabutin hanggang sa tuluyang maunog ang iyong niluluto.
Tingnang maigi ang thought bubble ng iyong customers. Dito nakasaad kung ano ang kanilang orders. Kapag naibigay na sa kanila ang orders, i-click agad ang sangkap para matiyak na may nakaabang na pagkain. Dahil sunod-sunod ang pagdagsa ng customers, tapatan ito sa pagiging laging alerto. Kung maaari, maganda kung hindi kailanman mababakante ang iyong working station.
Huwag ding kakaligtaang i-upgrade ang iyong equipment at pagkain. Mula rito, mas lalong iiksi ang oras na kailangan para ihanda ang pagkain. Samantalang tataas naman ang katumbas na coins na makukuha kung ia-upgrade ang pagkain. Gumamit din ng boosters kung kinakailangan. Isa na rito ang lollipop para maiwasan ang pagkabagot ng mga customer habang naghihintay sa kanilang pagkain. Mahalagang huwag hahayaang bumaba nang tuluyan ang waiting meter ng customers dahil kundi ay mapipilitan silang mag-walk out.
Pros at Cons ng Asian Cooking Games: Star Chef
Masasabing simple lamang ang mechanics ng Asian Cooking Games: Star Chef. Dahil kailangan lamang i-click ang pagkaing inorder ng iyong customers, maging ang mga bata ay kaya ito. Gayunpaman, kagaya ng ibang cooking games, ang thrill at kagalakang hinahanap ng mga manlalaro ay ang bilis na kailangan gawin para matugunan ang lahat ng orders. Habang pataas nang pataas ang level, mas dumaragsa ang tao at mas nagiging kumplikado ang kanilang orders. Isa rin sa dahilan kung bakit natatangi ang Asian Cooking Games: Star Chef ay dahil sa kung gaano kaunti ang bilang ng ads na makikita rito. Binigyan lamang ng game developers ang mga manlalaro ng option kung nais ba nilang doblehin ang natatanggap na rewards kada level. Bukod dito, wala nang pop-up video ads na mapapansin. Makulay at cute din ang graphics na ginamit na mas lalong nagbibigay kasiyahan sa mga manlalaro. Dagdag pa sa mga nabanggit, swak din ito para sa F2P players dahil hindi kailangan gumastos para mapagtagumpayan ang mga level.
Subalit sa kabila nito, inaangal ng ilang manlalaro ang teknikal na isyung kinakaharap sa paglalaro ng Asian Cooking Games: Star Chef. Biglaan diumano ang pagka-crash ng app kahit ilang beses itong i-restart, kaya tuloy nauudlot ang kanilang paglalaro. Bukod pa rito, may ilang kaso rin na kung saan bumili ang ilang manlalaro ng in-app purchase para hindi makakita ng ads subalit matapos mag-update ng app, tila nag-restart din ang settings ng account at may lumalabas muling video ads.
Konklusyon
Ang Asian Cooking Games: Star Chef ay may 4.4 average star-rating sa Google Play Store at 4.8 average star sa App Store. Nangangahulugan lamang ito na maraming manlalaro ang tumatangkilik dito. Anuman ang iyong edad, bata man o matanda, ay pwedeng-pwede itong laruin dahil bukod sa cute nitong visual, nahahasa rin ang bilis at pag-iisip na tugunan ang dagsang orders mula sa customers. Gayunpaman, kailangan pang pag-ibayuhin ng game developers ang pag-aayos ng teknikal na aspeto ng laro dahil may mga manlalarong nagrereklamo sa mga bug na kanilang nararanasan. Kaya kung mahilig ka sa cooking games, idagdag na sa iyong koleksyon ang Asian Cooking Games: Star Chef!