RIVALS Esports MOBA Manager – Sa larong ito, mararanasan mo kung paano nga ba maging isang ganap na manager ng sarili mong Esports team. Bilang manager, tungkulin mong gabayan ang iyong players upang tanghaling pinakamagaling na grupo sa buong mundo. Dugo’t pawis ang kakailanganin para malagay ang iyong team sa pinakatuktok ng leaderboard. Dagdag pa rito, kailangan mong atasan ng epektibong Training Plans ang iyong team. May dalawang paraan upang makuha ito. Una, sa pamamagitan ng pag-hire ng coaches. At ikalawa, matatanggap ito bilang reward sa Scrim Matches.
Features ng RIVALS Esports MOBA Manager
League Matches – Pataasin ang ranking sa leaderboards sa pamamagitan ng pakikipaglaban sa ibang team! Nangyayari ang league matches tuwing League Season na nagtatagal ng dalawang linggo. Sa loob ng dalawang linggo, nagaganap ang isang labanan kada 8 PM. Ang mga panalo mo rito ang tutukoy sa iyong league ranking. Tandaan na kung online ka man o hindi, papasok ang iyong team sa kompetisyon. Ang kaibahan nga lang ay maaari kang mag-formulate ng iba’t ibang estratehiya tuwing labanan kapag ikaw ay online.
Scrim Matches – Pwede ring makipaglaban nang boluntaryo sa mga manlalarong may iba’t ibang levels. Makakatanggap ng training plans at pera kapag nanalo rito.
Paggawa ng sariling Esports Team
Ang players ang pundasyon ng iyong Esports Team. Kailangan ng limang manlalaro at bawat isa sa kanila ay may kani-kanyang tungkuling dapat gampanan sa team. Iba-iba rin ang kanilang stats at listahan ng partikular na hero kung saan sila magaling maglaro. Ang kabuuang kakayahan ng isang player ay matutukoy sa kanyang Player Skill na maaaring pataasin hanggang umabot sa limitasyon. Ang mga sumusunod ang limang tungkuling bumubuo sa isang balanseng team:
- Bottom-laner – Teritoryo nila ang babang parte ng map. Tungkulin nilang magampanan ang lahat ng kailangang gawin mula sa pagpatay ng mga kaaway hanggang sa pagsira ng towers.
- Top-laner – Kahalintulad ng sa Bottom-laner, magkatulad ang kanilang responsibilidad. Ang pagkakaiba lang ay sa Top-laner ang itaas na bahagi ng map ang kanilang balwarte.
- Mid-laner – Sinisiguro nilang matagumpay ang Bottom-laner at Top-laner sa kani-kanilang layunin. Dagdag pa rito, tintulungan din nila ang Jungler.
- Jungler – Madalas silang makikita sa jungle. Ang jungle ay ang lugar na naghihiwalay sa top at bottom lane mula sa middle lane. Tungkulin nilang magapi ang mga neutral creature na nagbibigay ng dagdag-kapakinabangan sa buong team. Hindi lang ito, nagfa-farm din sila ng iba pang resources na maaaring magamit ng grupo.
- Support – Madalas ito ang think tank ng grupo. Tungkulin nilang magbigay-suporta sa anumang role na nangangailangan ng tulong.
Oras na maabot ng mga player ang ceiling ng kanilang kakayahan, mainam na palitan sila ng ibang players na may mas magandang stats at mas mataas na Player Skill. Maaaring mag-imbita ng panibagong players sa Transfer Market ngunit siguraduhin lamang na sasapat ang gagastusing talent fee o pera kapag sila ay inanyayahan
Related Posts:
Tower Conquest: Tower Defense Review
Hexapolis: Civilization 4X hex
Paghihimay sa training plans
Nahahati sa dalawang kategorya ang stats ng iyong players. Ito ay ang Mechanics at Personality. Mahalagang malaman ang magiging epekto nito sa iyong players para ma-maximize ang kanilang kabuuang potensyal. Pag-usapan muna natin ang Mechanics. May apat na stats na nakapaloob dito: Accuracy, Perception, Positioning, at Survival. Ang Accuracy ay mahalaga upang mapataas ang tsansang mapatay ang kalaban. Kumbaga sa ibang termino, ito ay ang crit rate. Perception, sa kabilang banda, ay nagpapatalas sa reaksyon ng players laban sa pag-atake ng kalaban. Ang Positioning naman ay nagpapabuti ng performance ng team tuwing ganks (gang kill). Bilang panghuli, ang Survival ay nagpapataas ng tsansang mabuhay tuwing nakikipaglaban.
Sunod naman nating tatalakayin ay ang Personality. Kung ang Mechanics ay kadalasang may epekto sa attack at defense ng players, ang Personality naman ay may epekto sa phasing ng laro. Nahahati rin ito sa apat na sub-categories. Ito ay ang Aggression, Communication, Discipline, at Knowledge. Ang Aggression ay nagbibigay ng dagdag-bonus sa paunang phase ng laro. Knowledge naman tuwing panggitna at Discipline sa huling phase ng laro. Ang Communciation ay all-rounder dahil nagbibigay ito ng dagdag-bonus sa lahat ng phases.
Saan pwedeng i-download ang RIVALS Esports MOBA Manager?
Pumunta sa Google Play Store para sa mga Android user at App Store naman para sa mga iOS user. I-type sa search bar ang RIVALS Esports MOBA Manager at pindutin ang icon ng app. Dahil free-to-play (F2P) ang larong ito, hindi na kailangang magbayad para magsimula. I-click lang ang install o get button at hintaying mai-download. Pagkatapos nito, pindutin ang app at kumpletuhin ang sign-in details.
Narito ang mga link mula sa Laro Reviews kung saan pwedeng mai-download ang laro:
Download RIVALS Esports MOBA Manager on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=gg.metagames.penta
Download RIVALS Esports MOBA Manager on iOS https://apps.apple.com/us/app/rivals-esports-moba-manager/id1425943092
Download RIVALS Esports MOBA Manager on PC https://www.bluestacks.com/apps/strategy/rivals-esports-moba-manager-on-pc.html
Kung sa PC mo napiling maglaro ng RIVALS Esports MOBA Manager, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang https://www.bluestacks.com. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.
Tips at Tricks sa Paglalaro
Bago makipagtunggali sa ibang manlalaro, i-ban ang posibleng champions na gagamitin ng iyong kalaban. Gamitan ng diskarte kung ano ang may pinakamalaking posibilidad na negatibong makakaapekto sa kanyang performance. Pumunta lamang sa Setup menu, at pindutin ang Select Bans. Makikitang may pulang marka ang mga champion na pinapaboran ng iyong katunggali. Siguraduhing i-ban ang mga ito sa pamamagitan ng pag-click ng Confirm button. Gayunpaman, mahalagang pag-isipan ito nang maigi dahil maaaring ang mga pinapaborang champion ng kalaban ay kaparehas sa pinapaboran ng iyong players. Kapag nangyari ito, timbangin kung ano ang mas magiging kapakipakinabang sa iyo.
Upang gawing mas balanse ang takbo ng laro, hindi maaaring pumili ang iyong team ng partikular na hero na maaaring gamitin sa labanan. Ngunit, pwede mong planuhin ang kanilang magiging prayoridad sa pagpili ng heroes. Sa ibabang banda ng Heroes Ban tab, makikita ang option para sa kanilang limang prayoridad. Ito ay ang Auto, Balanced, Early, Fights, at Scaling. Sa Auto, pipiliin ng iyong players ang kanilang paboritong champions. Piliin lamang ito kung nakatitiyak kang hindi ito na-ban. Sunod naman ang Balanced na kung saan ang pipiliin ng iyong team ay nahahati sa opensiba at depensibong champions. Kung ikaw ay baguhang manlalaro, mainam na ito ang iyong pipiliin. Para naman sa Early, pipili ang iyong team ng champions na makapangyarihan sa early phase ng labanan. Ito naman ay iyong pipiliin kung gusto mong magkaroon ng malaking lead sa umpisang bahagi ng laro. Kung ang gusto mong diskarte ay mas pokus sa tanks at manalo sa mid-game, piliin mo ang Fights. Bilang panghuli, piliin ang Scaling kung gusto mong pumili ang iyong team ng attack-heavy champions na magiging kapakipakinabang sa huling banda ng phase. Subalit makokompormiso nito ang kabuuang depensa ng iyong team.
Mainam din kung sisiguraduhing nagko-compliment ang aktwal na estratehiyang gagamitin sa laro sa pamamaraan ng pagpili ng players sa kanilang preferred heroes. Halimbawa, kung Scaling ang napili mong estratehiya, siguraduhing compatible ito sa mga agresibong taktika gaya ng Gank, Invade, at Push Lane. Makikitang iba-iba ang diskarte at taktika ang maaari mong mabuo depende sa komposisyon ng iyong team. Malaya kang makakapag-eksperimento kung ano ang sa tingin mong magdadala sa iyong team tungo sa tagumpay.
Pros at Cons ng RIVALS Esports MOBA Manager
Ang iba’t ibang pamamaraan upang mapalakas ang iyong team ang isa sa kapanapanabik na parte sa RIVALS Esports MOBA Manager. Kung ikaw ay matagal nang naglalaro ng mga MOBA games, malamang ay pamilyar ka na rin sa mga terminong ginamit ng laro kaya mas mapapadali ang pagbuo ng diskarte para matalo ang kabilang grupo. Pinapagana rin nito ang pagiging competitive ng mga manlalaro dahil may League Season na tutukoy kung sino ang tatanghaling pinakamagaling na team sa buong mundo. Nakaka-engganyo ring mapanood ang labanan sa pagitan ng magkalabang team.
Gayunpaman, ang isang bagay na hindi ko nagustuhan sa laro ay ang takbo ng kanilang PvP leagues. Kapag nahuli ka, kahit isang minuto lang sa paglalaro ng league tournaments, mag-o-auto play na ang iyong team at wala ka ng kontrol sa magiging takbo ng labanan. Mainam kung pahihintulutan ng game developers na maglaro ng isang league match kada araw sa anumang oras na napili nito.
Konklusyon
Ang RIVALS Esports MOBA Manager ay nakakaengganyo dahil hahasain nito ang iyong talas ng pag-iisip ng iba’t ibang estratehiyang maaaring gamitin para manalo ang iyong team. May malinaw rin itong layuning talunin ang ibang team. Makikita sa leaderboard ang kabuuang ranking sa buong mundo. Kung sakaling hindi man palarin, huwag mag-alala dahil nagbabago ang season kada dalawang linggo. Isa sa kailangang pag-ibayuhin ng laro ay sa halip na sa iisang oras nagaganap ang League Tournaments, mainam kung nakadepende na lang ito sa kagustuhan ng manlalaro. Ngunit bukod dito, mairerekomenda ng Laro Reviews ang larong ito kung nais mong maranasan kung paano mag-manage ng sarili mong Esports team.
Laro Reviews