Minsan mo na bang pinangarap na magkaroon ng kakayahang i-drawing na lang ang mga gamit na gusto mong magkaroon? Ito ay para pwede mo nang instant na makuha ang kahit anong bagay na kailangan mo. Hindi lang sa karangyaan o kasiyahan mo ito magagamit dahil maaari mo ring mapakinabangan ang ganitong kakayahan sa oras ng panganib. Kaya huwag nang mag-alala pa sapagkat posible mo na itong magagawa sa larong tatalakayin ng article na ito!
Ang Draw It Story – Draw Puzzle ay isang Android drawing puzzle game na ginawa ng game developer na TVC Global., Ltd.. Binubuo ito ng iba’t ibang scenario kung saan kailangan mong kumpletuhin ang istorya gamit ang iyong drawing skills. Ngunit huwag mag-alala kung hindi ka magaling sa pagguhit dahil makikilala agad ng laro ang iyong ginuguhit kahit simple lang ito.
Features ng Draw It Story – Draw Puzzle
Draw Puzzle Game – Bigyang buhay ang bawat kwento sa iyong pagguhit. Daan-daang draw puzzles ang naghihintay sa iyo para kumpletuhin! Nakadepende na sa iyong imahinasyon kung paano ang iyong gagawin sa bawat scenario na kahaharapin.
Simple Gameplay and Controls – Napakasimple lang ang parehong gameplay at controls ng laro sapagkat ang kailangan mo lamang gawin ay gumuhit ng bagay na kulang sa bawat scenario. Kahit na hindi malakas ang iyong loob sa kakayahan mo sa drawing, hindi ito magiging hadlang para mabigyang buhay mo ang mga bagay na iyong iguguhit.
100+ Levels – I-enjoy ang mahigit sa 100 levels na iyong lalaruin dito. Tuluy-tuloy lang ang iyong paglalaro sapagkat madali lang kumpletuhin ang bawat level. Hindi ka maiinip sa pagkumpleto sa levels dahil mayroong itong kakaibang kwentong iyong masusubaybayan. Dahil dito, tiyak na mapupukaw ang iyong atensyon sa istoryang madidiskubre rito.
Saan Pwedeng I-download ang Draw It Story – Draw Puzzle?
Dito ituturo ng Laro Reviews kung paano i-download ang Draw It Story – Draw Puzzle. Kasalukuyang available lamang ang laro sa Android devices kaya hindi pa ito posibleng mai-download sa iOS devices. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store at ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install button at hintaying matapos ang pagda-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos ng lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!
Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:
Download Draw It Story – Draw Puzzle on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.tvc.drawstory
Download Draw It Story – Draw Puzzle on PC https://www.memuplay.com/how-to-play-com.tvc.drawstory-on-pc.html
Tips at Tricks sa Paglalaro
Makikita mo ang mga karakter kung saan kadalasang nakasimangot o problemado ang kanilang facial expression. Kailangan mong alamin kung ano ang dahilan kung bakit hindi sila maligaya. Mapapansin mong may kulang sa scenario, at iyon ang kailangan mong iguhit para makumpleto ang kwento.
Halimbawa, mukhang namomroblema ang babae at hindi siya mapakali habang pilit na isinisilong ang mukha sa ilalim ng kanyang palad. Kapag titingnan ang paligid nila, mapapansing nasa beach ang lugar kung nasaan sila. Gamitin ang mga nakolekta mong hints at impormasyon para malaman kung ano ang kulang na gamit sa scenario na dapat mong iguhit. Kung isasaalang-alang ang lahat ng iyong nakuhang impormasyon, mapagtatantong nakabilad sa ilalim ng matinding sikat ng araw ang babae kaya ginagamit niya ang kanyang kamay bilang pansilong ng kanyang mukha sa sikat ng araw. Dahil dito, ang kailangan mong gawin ay gumuhit ng malaking payong para sa mga karakter.
Importante ring bigyang pansin ang body language ng mga karakter. Sa pamamagitan nito, malaking tulong ang maibibigay nito para malaman mo kung ano ang nararamdaman ng bawat karakter. Tingnan kung saan sila nakatingin at alamin kung ito ba ang dahilan ng kanilang emosyon. Halimbawa, nanonood ang dalawang karakter sa sine at mapapansin mong namomroblema ang isa sa kanila habang hawak-hawak ang kanyang inumin. Dahil dito, ang dapat mong iguhit ay ang straw na gagamitin ng karakter sa pag-inom. Kapag tama ang iyong iginuhit, makikita mong mag-iiba ang facial expression ng mga karakter dahil magiging masaya na ang timpla ng kanilang mukha.
Pros at Cons ng Draw It Story – Draw Puzzle
Kung titingnan ang review section nito sa Google Play Store, nakakuha ito ng katamtamang taas sapagkat ang natanggap nito ay 3.9 star-ratings. Madali lang ang gameplay nito kaya matututunan at maiintindihan agad ng lahat ng manlalaro kung paano ito laruin. Tamang-tama ito sa mga manlalarong hindi mahilig sa mga larong may kumplikadong gameplay. Maaari kang mag-relax habang nilalaro ang Draw It Story – Draw Puzzle. Pwede rin itong maging single-handed game kaya talagang convenient ito sa mga manlalaro.
Gayunpaman, may mga pagkakataon kung saan kahit na nakaguhit naman ang linya sa tamang pwesto, hindi pa rin ito tinatanggap ng laro kadalasan. Isa ito sa inirereklamo ng mga manlalaro. Bukod pa rito, hindi mo mae-enjoy nang tuluy-tuloy ang laro dahil napakadalas ng ads habang ikaw ay naglalaro. Kailangan mo pang hintaying matapos ito para makapagpatuloy sa susunod na level dahil hindi lang ito tumatagal ng limang segundo. Ito ang klase ng ads kung saan kailangan mong hintaying lumabas ang X sign sa corner para pindutin at mawala ito. Ang mas nakakainis pa sa laro ay lumalabas ang ads na ito pagkatapos ng bawat level na iyong nakukumpleto. Kahit na mae-enjoy mo ang gameplay, kung ganito naman kadami at kadalas ang ads, mas mangingibabaw ang iyong inis kaysa sa kasiyahan. Dahil dito, marami sa mga manlalaro ang nag-uninstall agad ng laro.
Konklusyon
Mayroong simpleng gameplay at controls ang Draw It Story – Draw Puzzle kaya madaling maiintindihan at matutunan ng mga manlalaro kung paano ito laruin. Simple lang din ang graphics ng laro. Nakakalibang itong laruin dahil hindi masyadong kumplikado ang kailangang gawin para kumpletuhin ang bawat level. Ang tungkulin ng manlalaro ay hanapin kung ano ang kulang na gamit sa scenario at i-drawing ito. Nakakapukaw rin ng interes ang istoryang masusubaybayan habang kinukumpleto ang bawat level. Gayunpaman, isa sa hindi nagugustuhan ng karamihan sa laro ay ang napakadalas na ads na lumalabas sa kalagitnaan ng iyong paglalaro. Nagiging sagabal ito sa pagkakaroon ng tuluy-tuloy na enjoyment ng mga manlalaro dahil imbes na didiretso na agad sila sa susunod na level, kailangan pa nilang hintaying matapos ang ads. Ngunit kung sa kabila ng napakadalas na ads nito ay nais mo pa rin itong laruin, huwag mag-alinlangang gamitin ang mga isinaad na impormasyon ng Laro Reviews para magsilbing gabay sa iyong paglalaro. Nakasaad sa tips at tricks na section ng article ang mga dapat mong malaman bago magsimula sa paglalaro dahil matatagpuan doon ang techniques at mga bagay na maipapayo ko sa iyo.