Rescue Cut – Rope Puzzle Review

Iligtas ang karakter sa mga panganib na nag-aabang sa kanya! Maging matalino sa pag-iisip ng pinakamabisang paraan upang maitakas siya mula sa pagkatali nang hindi namamatay. Alamin pa ang tungkol sa larong ito sa pamamagitan ng article na itong inihinanda ng Laro Reviews.

Ang Rescue Cut – Rope Puzzle ay isang puzzle game na ginawa ng ITI Inc. Layunin ng manlalarong putulin ang mga tali upang mapalaya ang karakter mula sa pagkakatali at makaalis ito sa kwarto gamit ang Exit door. Iba’t ibang mga pagsubok ang iyong haharapin habang pataas nang pataas ang level na nilalaro mo kabilang dito ang saw, blade, fire, bear, at iba pang traps. Bukod pa rito, kapansin-pansin ang law of physics sa gameplay nito kaya naman makakatulong sa iyong paglalaro ang application nito.

Features ng Rescue Cut – Rope Puzzle

Three Game Modes – Bukod sa Rescue Cut Classic na unang game mode na iyong malalaro, maaari mo ring ma-unlock ang Rescue Cat at VS Mode. Narito ang detalye ng bawat mode:

  • Rescue Cut Classic – Ito ang magiging batayan para ma-unlock mo ang ibang modes. Halimbawa, kailangan mong matapos ang Stage 22 para ma-unlock ang Rescue Cat, samantalang Stage 56 naman para sa VS Mode.
  • Rescue Cat – Tulad ng classic mode, kailangan ding putulin ang mga tali para magawa ang objective ng bawat level. Ngunit sa halip na tao ang iyong ililigtas, mga pusa naman ang iyong papalayain mula sa kanilang kulungan. Mayroon ka ring makakasalubong na iba’t ibang mga pagsubok na kailangan mong malampasan. Binubuo ito ng 64 levels sa kabuuan.
  • VS Mode – Ito ang player-versus-player (PvP) mode ng laro kung saan pwede kang makipaglaban sa ibang mga manlalaro mula sa buong mundo. Mayroong 376K na kabuuang bilang ng users sa kasalukuyan. Kailangang may internet connection para malaro ito para makapag-match sa ibang manlalaro. Binubuo ito ng iba’t ibang levels of difficulty: Easy, Normal, at Insane. Dapat makakuha ka muna ng tatlong trophies para ma-unlock ang Normal mode, samantalang 10 trophies naman para sa Insane mode. Sa paglalaro nito, paunahan ang dalawang manlalaro papunta sa finish line habang sinisiguradong ligtas ang karakter mula sa mga panganib habang tumatakbo ito.

Single-handed Game – Madali lang ang controls ng larong ito sapagkat ang kailangan lang gawin ay i-drag ang daliri sa tali para maputol ito, nang sa gayon ay mahulog ang nakatali rito. Dahil dito, maaari mong ma-enjoy ang paglalaro habang naka-relax dahil malalaro mo ito kahit gamit ang isang kamay lamang.

Offline Mode – Hindi mo na kailangan kumonekta sa Wi-Fi o mobile data bago ma-enjoy ang paglalaro nito. Kahit nasaan ka man, pwedeng-pwede mo itong laruin kaya sakto itong laruin habang naghihintay sa pila. Tiyak na malilibang ka sa paglalaro nito kaya hindi mo na mamamalayan ang oras.

Saan Pwedeng I-download ang Rescue Cut – Rope Puzzle?

Sa bahaging ito ng article, ituturo kung saan at paano i-download ang Rescue Cut – Rope Puzzle. Maaaring i-download ang laro sa Android, iOS, at PC devices. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pagda-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos nito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Rescue Cut – Rope Puzzle on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.app.rescuecut

Download Rescue Cut – Rope Puzzle on iOS https://apps.apple.com/us/app/rescue-cut-rope-puzzle/id1475887491

Download Rescue Cut – Rope Puzzle on PC https://www.memuplay.com/how-to-play-com.app.rescuecut-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro

Bago magsimula sa bawat level, tignan mo muna ang kabuuang ayos ng nilalarong level. Alamin kung saan nakaposisyon ang traps at kung anong klase ang mga ito. Importanteng maging pamilyar ka sa katangian ng bawat trap na maaari mong makaharap. Halimbawa, kapag nakita mong may security sa level na iyong nilalaro, huwag na huwag mong hahayaang makalapit ang karakter dito o maging magkapantay sila ng pwesto dahil ikamamatay ito ng iyong karakter. May hawak na baril ang ganitong trap kaya kahit nasa malayo ka man, basta’t nasa iisang palapag kayo, maaari ka na agad niyang paputukan ng baril.

Tantyahin kung ano ang magiging trajectory ng karakter o kahit anong bagay pagkatapos itong mai-release mula sa kanilang pagkakatali. Ipagpalagay kung saan direksyon ito mahuhulog o mapupunta kapag pinutol mo ang partikular na tali kung saan ito nakasabit. Halimbawa, maging alerto sa pagpili ng taling puputulin kapag may dalawang pagpipilian. Maaaring magdulot ng iyong pagkamatay kapag nagkamali ka ng puputuling tali. Imbes na makaiwas ka sa blade, magdudulot lamang ito ng kapahamakan sa iyong karakter. Dito mo mai-aapply ang concepts tungkol sa law of physics.

Huwag mag-alalang magkamali ka man habang naglalaro dahil pwede mong ulitin ang bawat level kahit ilang beses. Kapag namatay naman ang iyong karakter, awtomatikong uulit ka sa level na nilalaro mo. Wala rin itong limit sa bilang ng lives kung saan nababawasan ito sa tuwing natatalo ka sa isang level, tulad sa ibang mga laro.

Pros at Cons ng Rescue Cut – Rope Puzzle

Nakatanggap ang larong ito ng 4.2 star-rating sa Google Play Store at 4.5 star-rating naman sa App Store. Simple lamang ang graphics ng laro ngunit hindi maipagkakailang cute ang kabuuang disenyo nito. Pagdating sa game controls nito, napakadali lang nitong matutunan ng kahit sino. Gayunpaman, hindi nagiging boring ang paglalaro sapagkat talagang mararamdaman mong mas nagiging challenging ang bawat level habang pataas ito nang pataas. Hindi lamang ito, hinahasa rin nito ang pag-iisip at kakayahang bumuo at magsagawa ng mga technique habang naglalaro. Kaya naman mae-enjoy rin itong laruin kahit ng mga bata. Marami ring game modes ang maaari mong pagpilian kung nais mong maglaro gamit ang ibang approach ng laro.

Sa kabilang banda, mayroong itong maraming ads na biglaang lumalabas kapag nakatapos ka ng ilang stages. Kaya kailangan mo munang hintaying matapos ito ng ilang segundo bago magpatuloy sa paglalaro. Gayunpaman, maraming mga manlalaro ang nagsasabing dumating sila sa point kung saan nagiging paulit-ulit na lamang ang levels na kanilang nilalaro kaya nawawala ang pagiging challenging nito. Kahit na kailangan mong mag-isip ng epektibong paraan upang palayain ang karakter, mabilis mo lamang matatapos ang stages kaya maaaring mabitin ka kapag nakumpleto mo na ang laro, lalo na’t kaunti lamang ang levels na mayroon ito.

Konklusyon

Bilang konklusyon, mairerekomenda ng Laro Reviews na subukang laruin ang Rescue Cut – Rope Puzzle lalo na sa mga manlalarong mahilig sa puzzle games at kung saan hindi kumplikado ang gameplay at controls. Maaari itong laruin ng kahit anong edad sapagkat napakadali lang matutunan ng game control. Malaya kang makakapag-enoy sa paglalaro nito dahil hindi ito limitado sa iyong internet connection. Kahit na nasa labas ka habang nagpapalipas ng oras, pwedeng-pwede mo itong laruin. Gayunpaman, hindi mo nga lang malalaro ang VS Mode kapag ikaw ay naka-offline mode. Asahan din ang maraming ads na lalabas habang naglalaro. Kaya kung ako sa’yo, ipagpapatuloy ko ang paglalaro habang gamit ang offline mode nito para walang maging sagabal sa kalagitnaan ng laro.