Ang Football ang itinuturing na pinakasikat na ballgame sa buong mundo base sa bilang ng manonood at kalahok. Ang sports na ito ay binubuo ng 11 na manlalaro kung saan pinapagalaw nila ang bola ng hindi ginagamit ang kamay or braso. Tanging ang goalkeeper lang ang pinahihintulutang hawakan ang bola sa loob ng penalty area na nakapalibot sa goal. Ang layunin ng bawat team ay maka-score ng goal sa magkabilang kampo. Ang grupong makakakuha ng pinakamaraming puntos ang siyang tatanghaling panalo. Ang ilan sa mga personalidad na tanyag sa larangang ito ay sina Lionel Messi, Cristiano Ronaldo, Megan Rapinoe, Didier Drogba, at marami pang iba. Dahil dito, hindi na nakapagtataka kung pati sa industriya ng mobile gaming ay may may mga larong ibinatay dito. Ito ang susunod na larong kikilatisin ng Laro Reviews kaya basahin ito hanggang dulo!
Ang eFootball™ CHAMPION SQUADS ay dinevelop ng isang kilalang video game company sa Japan – ang Konami. Matatagpuan dito ang mga classic na laro gaya na lamang ng Castlevania, Metal Gear Solid, Silent Hill, at Blades of Steel. Gumamit din ang laro ng mataas na kalidad ng 3D graphics para bigyang-buhay ang mga paboritong football players.
Features ng eFootball™ CHAMPION SQUADS
Customizable Strips and Emblems – Sa bahaging ito ng laro maaaring baguhin ang uniform ng iyong mga manlalaro. Malawak ang pagpipilian depende sa disenyo at kulay na iyong gusto. Maaari ring baguhin ang pangunahin at sekondaryang kulay na makikita sa uniform. Matapos nito, sunod na pipiliin kung anong emblem ang magrerepresenta sa iyong grupo.
Auto Matchplay – Hindi ito kagaya ng ibang laro na kailangang kontrolin mo ang mga manlalaro para mapakilos. Sa eFootball™ CHAMPION SQUADS, kailangan mo lamang palakasin ang kanilang stats at pataasin ang kanilang level.
Draw System – Sa ibabang banda ng homepage, makikita ang Draw option kung saan dito maaaring mag-pull ng cards ng mga karakter na iyong magagamit. Nahahati ito sa tatlong banner: Limited Time Offer, Permanent, at Free. Nakagrupo rin ang mga karakter base sa bilang ng stars na tutukoy sa kanilang rarity.
Various Match Modes – Samu’t sari rin ang modes na pwede mong salihan. Bukod sa pangunahing match, narito rin ang Beginner Match, Event Match, Championship, Elevens Match, Rank Match, Road to Glory, Training Match, Skill Match, at Friendly Match.
Saan Pwedeng I-download ang eFootball™ CHAMPION SQUADS?
Sa bahaging ito ng artikulo, ituturo ng Laro Reviews kung saan at paano i-download ang eFootball™ CHAMPION SQUADS. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman kung ikaw ay iOS user. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro at kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button tsaka hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Kapag natapos ang lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!
Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:
Download eFootball™ CHAMPION SQUADS on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=jp.konami.wecc&showAllReviews=true
Download eFootball™ CHAMPION SQUADS on iOS https://apps.apple.com/ca/app/efootball-champion-squads/id1273064549
Download eFootball™ CHAMPION SQUADS on PC https://www.gameloop.com/ph/game/sports/efootball-champion-squads-on-pc
Tips at Tricks sa Paglalaro
Dahil ang mga labanan ay automatic na nagaganap gamit ang AI ng laro, ang tanging taktika upang manalo ay ang masing paghahanda at pagpapalakas ng iyong mga manlalaro bago magsimula ang bawat match. Ang isa sa mga bagay na dapat mong pagtuunan ng pansin ay ang Special Skills at Excitement Points (EP). Ang Excitement Points ay ang indikasyon ng takbo ng iyong match. Dito mo malalaman kung malaki ba ang potensyal kung ikaw ay mananalo o hindi. Ang pagsasagawa ng iyong mga manlalaro ng Dazzling Dribbles at Crunching Tackles ang isa sa epektibong pamamaraan para makalikom nito. Ang Excitement Points ay ang meter sa itaas na bahagi ng iyong screen na makikita tuwing match games. Bukod sa pagtukoy ng posibleng maging daloy ng laro, dito rin nakabase ang dami ng rewards na makukuha matapos ang match. Sa kabilang banda, ang Special Skills naman ay ang mga magagarbong aksyong ginagawa ng in-game players tuwing match. Ino-notify ka ng system sa mga pagkakataong maaaring mag-activate ng Special Skills kaya tiyaking gawin ito parati upang tumaas ang tsansang manalo. Huwag ding kakalimutang i-train ang iyong player cards. Dahil oras na ma-unlock mo ang kanilang Talents, maaari mong ipagsama ito sa kanilang Special Skills upang maging isang makapangyarihang manlalaro sa field.
Kagaya ng ibang gacha system, mahalagang ilaan ang kalakhan ng Prime Balls sa mga banner na naglalaman ng mga limitadong karakter. Sa Premium Draw dapat madalas na mag-draw. Makakakuha ka rito ng playing cards na naka-maximize na ang kanilang ang mga level at sinamahan pa ng isang SP Skill. Matapos makakuha ng playing cards, ang sunod na kailangan mong paglaanan ng atensyon ay ang team management. Mahalaga ito dahil dito nakabatay kung sinu-sino ang iyong starters at subs. Kung nagdadalawang-isip ka naman sa pagbuo ng sarili mong team, mas makabubuti kung gagamitin mo ang Auto Set feature ng laro. Pipili ang system ng pinaka-swak na line-up para sa iyo.
Pros at Cons ng eFootball™ CHAMPION SQUADS
Dahil 3D ang ginamit na visuals, masasabing swabe ito at talaga namang kamukha ng mga paborito mong football players ang characters sa laro. Hindi rin naging awkward ang kanilang facial features. Masasabing disente ang graphics at smooth ito, lalo na sa mga match. Maaari ring baguhin ang anggulo ng kamera depende kung saan mas ka mas komportable. Dagdag pa rito, maririnig din ang komentaryo patungkol sa takbo ng laro na tila ba ikaw ay nanonood ng aktwal na football match.
Sa kabila ng potensyal na ipinakita ng laro, marami ang nadismaya dahil hindi sapat ang kanilang nakukuha mula sa mga nailabas nang pera. Una sa lahat, hindi ito mainam laruin ng mga manlalarong balak maging F2P dahil nanaig ang pay-to-win system nito. Bagama’t hindi ito itinuturing na premium game dahil maaaring ma-download ito nang libre, kinalauna’y mapipilitan kang magbayad kung nais mong mas lalong mapalakas ang iyong team. Gayunpaman, hindi mo pa rin makukuha ang gusto mong mga karakter. Sinasabi rin ng ibang manlalaro kung gaano kadaya ang draws sa Spotlight 11 dahil puro mahihinang manlalaro lamang ang iyong makukuha. Kahit na ilang Prime Balls pa ang bilhin, napakaliit ng tsansang makuha ang tina-target na in-game character. Bukod pa rito, kahit na gaano pa katataas ang stats at level ng iyong team, hindi mo pa rin masisiguro ang iyong pagkapanalo. Maging ang mga grupong mas mababa sa iyo ng 50 na level, may pag-asa pa ring manalo sa League Matches. Mula rito, mahihinuhang rigged na talaga ang sistemang nagpapatakbo sa laro.
Bukod pa sa mga nabanggit na hindi magandang naging karanasan ng mga manlalaro, may kaso rin pagdating sa teknikal na usapin ng eFootball™ CHAMPION SQUADS, tulad ng hindi agarang pagbukas at biglaang pagka-crash ng app. Dagdag pa rito, mas mainam kung pag-iibayuhin ng game developers ang gameplay. Halimbawa na lamang, mas maganda kung magkakaroon ng abilidad ang mga manlalaro na baguhin at palitan ang posisyon at pormasyon ng team habang nasa match. Lalo na sa mga in-game characters na isinasabak sa half-time.
Konklusyon
Kung susumahin, kung ikaw ay fan ng football, nakatitiyak ang Laro Reviews na masisiyahan ka sa paglalaro ng eFootball™ CHAMPION SQUADS. Bukod sa makikita mo ang iyong mga paboritong football players, mapapalakas at makikita mo pa silang nakikipagtunggali sa isang game. Bagama’t malaki ang naging potensyal ng laro dahil dinevelop pa ito ng Konami, marami pa rin ang nadismaya dahil sa hindi pantay-pantay na pag-pull pagdating sa gacha system ng laro. Marami rin ang nagsasabi na hindi patas ang pakikipagtunggali sa pagitan ng ibang manlalaro. Kung pag-iibayuhin pa lalo ng Konami ang parteng ito, paniguradong mas lalawak ang kanilang audience reach.