Ano ang gagawin mo kung sakaling magkaroon ng zombie apocalypse? Sa tingin mo ba ay kaya mong manatiling buhay sa gitna ng kaguluhan? Ang Zombie Gunship Survival – Action Shooter ay isang online shooting game na ginawa ng Flaregames. Kung isa kang masugid na tagahanga ng mga larong may temang apocalypse, tiyak na magugustuhan mo ito. Halika at kilalanin pa natin itong laro dito sa artikulong ginawa ng Laro Reviews.
Mga Tampok ng Laro
Ang iyong role sa laro ay sundalo. Ikaw ay isang operator ng aircraft na may misyon na protektahan ang mga ground assault team sa pamamagitan ng pagbibigay ng arial support. Upang laruin ito, kailangan mong tamaan ang mga zombies at protektahan ang ground assault team. Sa kaliwang bahagi ng screen ay makikita mo ang weapons na maaari mong gamitin. Ang kanang bahagi naman ay ginagamit upang pagalawin ang camera vision ng iyong aircraft. Ngayon ay talakayin naman natin ang mga pangunahing tampok ng laro.
Base – Kailangan mong paunlarin ang iyong base dahil dito mo kukunin ang lahat ng iyong weapons na gagamitin. Habang tumataas ang level ng iyong mga building ay maaari mong ma-unlock ang ibang mga feature nito. Halimbawa, kapag umabot na ng Level 5 ang Hangar, maaari ka nang mag-equip ng karagdagang armas para sa iyong aircraft. Ibig sabihin, kung mas mataas ang level ng iyong mga building, mas malakas din ang iyong fire power.
Battle – Ang battle ay mayroong dalawang uri, ang main map at ang defense mode. Ang main map ang pangunahing mode ng laro. Dito nagaganap ang storyline, main mission at tasks. Upang ma-unlock ang ibang mapa, kailangan mo munang makakolekta ng itinakdang bilang ng stars at upang magawa ito, maaari mong laruin ang mission na may mataas na difficulty level. Maaari mo ring balikan ang mga mission na iyong natapos ngunit hindi ka makakakuha ng karagdagang stars maliban kung lalaruin mo ito sa mas mataas na difficulty level. Ang layunin naman ng defense mode ay simple lang, kailangan mo lang depensahan ang iyong base sa itinakdang oras.
Mayroon din itong special events tulad ng Boss Rush. Lahat ng mission sa special event ay time-limited kaya tiyaking huwag palalampasin ang pagkakataong ito.
Paano I-download ang Zombie Gunship Survival – Action Shooter?
Napakadaling i-download nitong laro at hindi mo na kailangan gumawa ng login account o mag-bind ng Facebook o Gmail account upang makapagsimulang maglaro nito. Upang i-download ito sa Android device, buksan ang Google Play Store app at i-type sa search bar ang pangalan ng laro. Pagkatapos ay i-click ang Install. Parehong proseso lamang ang gagawin para sa iOS ngunit sa halip na Google Play Store, maaari mo itong i-download mula sa App Store. Para naman sa PC, maaari mo itong i-download mula sa http://gameloop.com, pumunta lamang sa nasabing website pagkatapos ay i-type sa search bar ang pangalan ng laro pagkatapos i-click ang download. Para sa mas mabilis na pag-access, maaaring i-click ang mga link sa ibaba:
Download Zombie Gunship Survival – Action Shooter on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.flaregames.zgs
Download Zombie Gunship Survival – Action Shooter on iOS https://apps.apple.com/us/app/zombie-gunship-survival/id1019161597
Download Zombie Gunship Survival – Action Shooter on PC https://www.gameloop.com/game/action/zombie-gunship-survival-action-shooter-on-pc
Tips at Tricks para sa mga Baguhan
Hindi naman mahirap laruin ito at hindi rin kumplikado ang gameplay kaya natitiyak kong mabilis mong maiintindihan ang mekaniks ng laro. Ngayon ay ibabahagi ng Laro Reviews ang mga kaalamang maaaring makatulong sa iyong progress sa laro. Mahalagang maintindihan mong maigi ang mekaniks nito dahil ito ang magiging basehan ng iyong strategy at tactics. Tandaan na mayroon kang dalawang objectives sa laro: (1) ang protektahan ang iyong ground troops: at (2) makapag-loot at protektahan ang iyong base.
Hindi mo naman kailangang patayin lahat ng mga zombie dahil kung ito ang magiging target mo, mahihirapan ka dahil maaaring mag-overheat ang iyong armas kapag walang habas mo itong pinapaputok. Ang maaari mo lang gawin, base sa abilidad at kondisyon ng iyong armas ay bawasan o pahinain ang zombie wave. Ibig sabihin kapag mayroong kumpol ng mga zombies, mas mainam na bawasan lamang ang bilang nito. Dapat mo ring protektahan ang blindspot ng ground troops. Halimbawa, kapag ang groundtroops ay mayroong binabaril sa harap, dapat mong protektahan ang kanilang likuran. Kapag naintindihan mo ang konseptong ito, madali na lamang para sa iyo na malampasan ang karamihan ng mga stage.
Bukod sa strategy, mas mainam din na i-upgrade ang iyong mga armas upang mas maging epektibo ang mga nabanggit na diskarte. Halimbawa, kung mas malakas ang mga armas ng ground troops, mas tataas ang kanilang survival rate at kung mas malakas ang armas na nakakabit sa iyong eroplano, mas mabilis mong mapapatay ang mga zombies. Sa kabuuan, hindi mo kailangang patayin lahat ng zombies na iyong makikita. Ang pinakaepektibong paraan upang magampanan mo ang iyong role ay ang pagkakaroon ng teknik sa pagpatay ng mga zombies.
Kalamangan at Kahinaan
Napakaraming bagay ang karapat-dapat banggitin dito sa laro. Isa na rito ang napakagandang 3D graphics na napaka-realistic ng bawat detalye. Napaka-smooth din ng animation nito na animo’y pinapanood mo ang mga zombies at ground troops na naglalaban sa totoong buhay. Bukod sa graphics at animation, napakamakatotohanan din ng gameplay nito. Ang mga factor tulad ng overheating ng armas, delay ng pagtama ng mga bala at ang black and white na kulay ng monitor, lahat ng ito ay makikita mo sa tunay na buhay (bukod sa mga zombies syempre). Dahil sa mga nabanggit kong kalamangan ng laro, tiyak na mahuhumaling ka rito. Ngunit kagaya ng ibang mga laro, mayroon din itong kapintasan na sa tingin ko ay hindi naman gaanong nakakaapekto sa pangkalahatang performance ng laro.
Ngayon ay talakayin naman natin ang mga kahinaan nitong laro. Napakalaki ng file size nito na aabot sa 2GB. Bukod sa files application na kailangan mong i-download mula sa Play Store at App Store, mayroon pa itong karagdagang files na kailangang i-download bago gumana itong app at dahil dito, maaaring hindi ma-enjoy ng mga manlalarong may mababang phone specs ang larong ito. Dahil sa laki ng graphics at detalyadong animation, mas pinapainit nito ang iyong device lalo na kapang nilaro mo ito gamit ang phone na mayroong mababang memory space. Madalas din na nagla-lag ang laro kapag nilaro mo ito gamit ang mobile data, kaya mainam na laruin lamang ito gamit ang Wi-Fi connection. Mayroon itong ilang lag tulad tuwing pinipindot ang back button. Kung minsan, hindi ito gumagana ngunit maaari mong magamit ang back button ng iyong phone (may back button ang laro na hiwalay sa standard back button ng iyong phone). Sa kabuuan, kung lalaruin mo ito sa device na may mataas na specs at memory space, hindi mo mararanasan ang mga nabanggit na sagabal sa paglalaro.
Konklusyon
Sa kabuuan, nakatanggap ang larong ito ng 4.5 star rating sa Google Play Store at 4.7 naman sa App Store. Dahil sa realistic na graphics at gameplay nito, napakaraming manlalarong nahumaling dito kaya hindi nakakapagtaka na mataas ang markang nakuha nito. Kaya kung gusto mong ma-experience ang isang kapanapanabik na laro, i-download na ang Zombie Gunship Survival – Action Shooter ngayon!