Ang Stickman Dismounting ay isang simulation game na inilabas noong Agosto 21, 2015. Ito ay inihahandog ng Vipergames, isang Indie game developer na kilala sa larangan ng paggawa at pag-publish ng ragdoll physics-based games. Ang kumpanyang ito ay nakapaglunsad na ng apat na laro.
Sa larong ito, ang mga manlalaro ay kailangang pangasiwaan ang isang stickman. Dapat nilang gawin ang lahat para ito ay pahirapan at makakuha ng mataas na damage points at maraming in-game coins. Maaari silang gumamit ng iba’t ibang posisyon, bagay o sasakyan upang pahirapan ito nang matindi. Kung ikaw ay isang baguhan at wala ka pang masyadong alam sa larong ito, sagot ka ng Laro Reviews!
Paano I-download ang Laro?
Ang larong ito ay maaaring laruin ng offline o online. Sa kasalukuyan, maaari lamang itong laruin gamit ang Android devices. Para ito ay mai-download, pumunta lamang sa Play Store, hanapin ang app at i-click ang install button. Kung nais mo namang maglaro gamit ang iyong laptop o desktop, magtungo lamang sa anumang lehitimong gaming website o i-download ang app sa iyong computer gamit ang isang emulator. Maaari mo ring i-click ang link sa ibaba upang mai-download ito nang direkta:
Download Stickman Dismounting game on PC https://www.ldplayer.net/games/stickman-dismounting-on-pc.html
Download Stickman Dismounting game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.ViperGames.StickmanDismount
Stickman Dismounting: Gabay para sa mga Nagsisimula
Bago ka magsimula sa paglalaro, bibigyan ka ng Laro Reviews ng ilang pointers. Ang mga ito ay magsisilbing gabay mo para makakuha ng mas mataas na score at mabilis na makapag-level up.
Ang konsepto nito ay hango sa kwento ng isang stickman sa isang testing facility. Kailangan mong isailalim ito sa mga serye ng pagsubok upang ito ay pahirapan nang husto. Ang score system ng laro ay gumagamit ng Damage points at ito ay may katumbas din na halaga ng in-game coins.
Upang makakuha ng mataas na Damage Points at mabilis na makapag-level up sa Stickman Dismount, kakailanganin mong makakuha ng partikular na damage point depende sa nakatakda sa bawat level. Bukod dito, kailangan mo ring kumita ng sapat na coins upang makabili ng mga sasakyan, materyales o props at mai-unlock ang iba pang game levels.
Related Posts:
DIY Keyboard Review
Brain Story: Tricky Puzzle Review
Kailangan mong maging malikhain at madiskarte sa larong ito upang makapagtala ng mataas na pinsala sa Stickman. Pwede kang gumamit ng iba’t ibang props tulad ng bloke, lagare at iba pa upang mas pahirapan pa ito. Bukod dito, may mga sasakyan ding pwede mong bilhin at gamitin upang mas maging mabilis ang paghulog nito sa platform. Sa bawat round ng laro, pwede mong palitan ang posisyon ng stickman, ang uri ng sasakyan na gagamitin at ang bilis ng kanyang pagkahulog.
Ang sumusunod ay mga diskarteng dapat mong gamitin sa paglalaro:
- Tandaang kailangan mong iposisyon nang tama ang Stickman sa bawat sasakyang iyong gagamitin. I-click lamang ang Prev Pose o Next Pose icons upang mabago ang pose ng stickman. Ang bawat posisyon ay may iba’t ibang epekto sa iyong impact at damage points. Halimbawa, kung ang stickman ay nakaposisyon nang pasulong, magiging mas mabilis ang kanyang pagkahulog at mas tataas ang iyong damage points. Samatala, kapag ito ay nakasandal sa kanyang likuran, malamang magiging mas mabagal ang pagkahulog niya at mas mababa ang makukuha mong puntos. Huwag kalimutang ang larong ito ay hango sa konsepto ng Physics kaya kailangan mo ring gamitin ang mga konsepto nito sa laro.
- Pumili ng sasakyang madaling masira. Malaki ang ambag ng paggamit ng sasakyan para mapataas ang iyong Damage points. Ang mga sasakyang madaling masira tulad ng scooter, skates at iba pa ay makapagtatala ng mas matinding pinsala kung ikukumpara sa matitibay na uri ng sasakyan tulad ng jeep o sportscar.
- Bukod sa pag-iipon ng sapat na halaga ng in-game coins, may mga level din sa laro kung saan kailangan mong gawin ang mga task tulad ng paggawa ng ilang mga flip at pagkamit ng partikular na air time length. Kailangan mong kumpletuhin ang mga kondisyong ito upang makausad sa susunod na levels.
- May mahalagang papel ding ginagampanan ang speed o bilis sa Damage points na iyong makukuha. Sa pangkalahatan, kapag mas mabilis na nahuhulog ang Stickman, mas mataas din na puntos ang iyong makukuha. Gayunpaman, nakasalalay pa rin ito sa uri ng misyong iyong gagawin. May mga misyon kasi na kailangang maging mabagal. Subalit, kung hindi naman kinakailangang maging mabagal, huwag mag-atubiling gamitin ang buong bilis.
May dalawang paraan para magamit ang iyong maiipong in-game coins. Pwede mo itong gamiting pambayad para sa sasakyan o kaya ay para mai-unlock ang ibang game levels na hindi dapat palampasin dahil sa kakaibang hamong hatid ng mga ito. Subalit kung nagtitipid ka, mas praktikal na unahin mo munang i-unlock ang mga sasakyan upang mas tumaas ang tsansa mong makakuha ng karagdagang puntos at coins.
Pros at Cons ng Stickman Dismounting
Ang Stickman Dismounting ay isang simpleng larong may game mechanics na madaling matutunan. Maraming manlalaro ang nasisiyahan rito dahil sinusubok nito ang iyong galing sa diskarte at pagiging malikhain. Maraming mga kakaiba at nakakamanghang stunts ang pwede mong gawin sa larong ito. Isa rin itong epektibong paraan upang mapawi ang stress. Kahanga-hanga rin ang tila makatotohanan nitong sound effects tulad ng mga nabaling buto at mga pagsabog. Ang simpleng black and white graphics nito ay angkop din sa konsepto ng laro dahil hindi magiging nakakatakot ang mga matitinding eksena sa laro.
Sa kabilang banda, may mga problema rin ang larong ito. Maraming mga manlalaro ang nagrereklamo tungkol sa kawalan ng opsyon para mai-save ang game data. Masyadong mataas din ang halaga ng in-game coins na kinakailangan upang makapag-unlock ng mga sasakyan o ng ibang game levels. Bukod pa rito, may mga isyu sa controls katulad ng kawalan ng manibela para makontrol ang paggalaw ng mga sasakyan.
Konklusyon
Ang Stickman Dismounting app ay may mahigit 10 milyong downloads na sa Google Play Store. Ito ay nakakuha rin ng mataas na average rating – 4.5 stars mula sa mahigit 500,000 reviews. Ang larong ito ay nakapagbibigay talaga ng saya at aliw sa marami sa pamamagitan ng simple nitong graphics at gameplay. Kahit na ang konsepto nito ay tungkol sa pagpapahirap, hindi nagiging brutal at kahindik-hindik ang dating nito dahil wala itong mga nakakatakot na mga detalye tulad ng mga dugo at iba pa. Sa pangkalahatan, kung ikaw ay mahilig sa mga physics-based at larong stickman, ang isang ito ay bagay sa’yo.
Laro Reviews