Darkness Rises Review

Kung nais mong iligtas ang mundo mula sa kasamaan at maging isang magiting na mandirigma, ang larong ito ay para sa iyo. Siguro akong magugustuhan mo ang nilikha ng NEXON Company na Role-Playing Game o RPG, ang Darkness Rises. Ito ay opisyal na inilabas noong taong 2018 at patuloy na nakikilala hanggang ngayon.

Ang Darkness Rises ay isang larong aksyon at epic fantasy role-playing game. Ito ay tungkol sa paglalakbay at matinding pakikipaglaban ng mga mandirigma sa kadiliman. Ang larong ito ay may mahusay na graphics, makabagong gameplay, at mabagsik na laban sa pagitan ng mga kaaway.

Sa larong ito, kailangan mong maglakbay sa mga dungeon, harapin ang mga quest, labanan ang kampon ng kasamaan at mag-level up para maging magaling na mandirigma. Para mas mabilis mong matalo ang kalaban at makamit ang tagumpay, maghanda ka ng iba’t ibang estratehiya. Maaari kang bumuo at gumamit ng iyong pamamaraan sa pakikipaglaban. Lupigin ang kadiliman bago ka pa nito sakupin. Handa ka na bang lumaban sa pwersa ng kasamaan?

Kung handa ka nang laruin ang Darkness Rises, alamin muna ang ilang mga pangunahing impormasyon sa paglalaro. Sa ganitong paraan, mayroon ka ng ideya kung tungkol saan nga ba ang larong ito at malalaro ito nang walang palya.

Para mas maunawaan ang larong ito, narito ang iba pang impormasyong makakatulong sa iyo. Basahin ang buong artikulo upang matuklasan kung ano ang mga feature, tips at tricks, pros at cons ng larong Darkness Rises.

Features ng Darkness Rises

Iba’t ibang Uri ng Mandirigma – Mayroong anim na uri ng mandirigmang pwede mong laruin sa Darkness Rises. Ang mga magigiting na mandirigmang ito ay ang warrior, wizard, berserker, assassin, archer, at witch. Maaari mong palakasin ang mga karakter na mayroon ka upang matalo mo ang mga malalakas na kalaban. Ang bawat karakter na ito ay may kanya-kanyang katangiang dapat mong malaman. Kapag nalaman mo na ang detalye sa mga katauhan ng mga hero, piliing mabuti kung sino ang nais mong lumaban.

HD Graphics – Ang larong ito ay mayroong mahusay na graphics at visuals na parang dadalhin ka sa mundo ng kadiliman. Mula sa disenyo ng mga karakter, sa mga kagamitang ginagamit sa labanan at ang kabuuan nito. Hindi ka madidismaya sa magandang graphics na ibibigay sa iyo ng larong Darkness Rises.

Challenging Boss Battles – Ang larong ito ay mayroong matindi at kapanapanabik na hamon ng tunggalian sa pagitan ng mandirigma at boss ng bawat level. Ipamalas ang iyong husay sa pakikipaglaban at talunin ang mga boss battle sa labanan.

Saan pwedeng i-download ang Darkness Rises?

Kung nais makuha ang larong ito, narito ang mga link. I-click lamang ang mga link sa ibaba para i-download ang laro depende sa ginagamit na device:

Download Darkness Rises on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.nexon.da3.global Download Darkness Rises on iOS https://apps.apple.com/us/app/darkness-rises-adventure-rpg/id1321309284 Download Darkness Rises on PC https://www.bluestacks.com/apps/role-playing/darkness-rises-on-pc.html

Para mai-download ang laro, kailangan mo ng data o internet connection para makuha ito. Pagkatapos, i-click lamang ang link, pindutin ang Install at hintaying umabot sa 100% ang pagda-download. Kapag tapos na ito, maaari mo nang buksan at laruin ang Darkness Rises.

Kung nagkakaroon ng problema sa pagda-download, maaaring magpadala ng mensahe sa email account ng developer. Maaari ring mag-iwan ng komento tungkol sa laro upang malaman ng mga creator ang problema.

Tips at Tricks kung nais Laruin ang Darkness Rises

Kung nais mong subukan ang larong ito subalit hindi alam kung paano, basahin ang gabay upang magkaroon ng ideya kung paano ito laruin.

Para sa mga bago at nagnanais na laruin ang Darkness Rises, narito ang ilang tips mula sa Laro Reviews na tiyak akong makakatulong sa iyong paglalaro.

Kung ikaw ay bagong manlalaro, mayroong gagabay sa iyo kung ano ang mga dapat mong gawin. Sundan lamang ang itinuturo at basahin ang sinasabi sa direksyon. Ito ay para mas mabilis mong maunawaan ang daloy ng laro at maging pamilyar ka rito. Kapag nalagpasan mo na ang tutorial stage, magkakaroon ka na ng ideya kung paano laruin ang Darkness Rises.

Sa simula ng laro, mayroong maikling kwentong kung saan nagsimula ang labanan at ang pagbagsak ng kaharian ng Losteria. Sa bawat level ay mayroon kang misyong dapat isakatuparan. Ang larong ito ay may kwento ng paglalakbay at mga layuning dapat tuparin. Hindi ka lang basta makikipaglaban sa kasamaan subalit lalaban ka para sa iyong kaharian at sa kaligtasan ng lahat.

Pagdating naman sa pagkontrol ng laro, pag-aralang mabuti ang mga katangian ng karakter na iyong gagamitin upang alam mo kung para saan ang mga kapangyarihan nila. Sa ganitong paraan, magagamit mo ang kanilang kakayahan nang maayos sa pakikipaglaban. Kaya mahalagang may kaalaman ka sa mga mandirigmang pipiliin mo.

Kung nais mong lumakas ang gamit mong mga karakter at tumaas ang kanilang mga ranggo, dapat mong ipanalo ang bawat laban. Kolektahin ang mga premyong makukuha at gamitin ito upang mabuksan ang mga item. Tuklasin ang kanilang ibang mga kakayahan at gamitin ito sa pakikipaglaban. Nakadepende sa istilo ng iyong paglalaro ang iyong pagkapanalo. Ibigay ang lahat ng iyong makakaya at buong lakas sa labanan kung nais mong makamit ang inaasam na tagumpay.

Kung nais mo ng iba pang gabay sa paglalaro, maaari kang manood ng mga tutorial sa YouTube. Sa ganitong paraan, mas mabilis mong mauunawaan ang laro dahil sa nabasa mo mula sa artikulo at sa iyong napanood.

Ilan lamang ito sa tips at tricks ng Darkness Rises. Subukan ang larong ito upang malaman ang tungkol dito. Sigurado akong kaaadikan mo rin ito gaya ng ibang mga manlalaro.

Pros at Cons ng Darkness Rises

Para sa Laro Reviews, ang Darkness Rises ay nakalalamang sa ibang mga role-playing game pagdating sa konsepto ng laro. Ang kwento sa likod ng pakikipaglaban ng mga mandirigma ang nagsisilbing inspirasyon upang gawin ang misyon. Hindi lang basta nakikipaglaban ang mga manlalaro kundi mayroong layuning nais gawin.

Pagdating naman sa graphics, ang larong ito ay may magandang disenyo. Mula sa mga mandirigmang gagamitin mo, ang lugar ng labanan at mga boss na makakaharap mo ay mahusay ang pagkabuo. Pati naman ang mga visual at sound effects na inilapat sa laro ay nakahihikayat dahil dadalhin ka nito sa mismong pakikipaglaban. Ang mga lumalabas na effect kapag ikaw ay nasa mismong labanan ay nakakadagdag ng elemento sa kagandahan ng laro. Mararamdaman mo ang aksyon ng isang tunggalian.

Dagdag pa rito, nakatanggap rin ang larong ito ng iba’t ibang reviews sa Google Play Store at App Store. Ayon sa mga komento, mabilis daw silang na-hook sa paglalaro dahil sa klasikong graphics at content ng laro. Madali lang rin daw itong kontrolin at mapagbigay sa mga papremyo. Subalit kailangan ng mataas na specs ng device at malaking space sa storage upang maayos na makapaglaro nito. Nakararanas din ang ibang mga manlalaro ng pagbagal sa laro at patuloy na pag-crash nito.

Sa larong ito, maaari ka ring bumili ng mga in-app na produkto gamit ang tunay na pera. Ang mga item na ito ay nagkakahalaga ng ₱15 hanggang ₱5,400 kada item. Subalit pwede mo namang i-disable ang feature na ito at i-off sa iyong setting ang in-app na pagbili kung ayaw mong gumastos.

Gayunpaman, maaari ka pa ring makapaglaro at makakuha ng mga item kahit hindi ka gumamit ng tunay na pera. Kaya kung ako sa iyo susubukan ko ang larong ito dahil sulit itong laruin. Sigurado akong kaaaliwan mo rin ito gaya ng ibang mga manlalaro.

Konklusyon

Ngayon, mayroong itong 4.6 stars out of 5 ratings sa Google Play Store, at umabot na sa mahigit 10 milyong downloads simula nang ito ay inilabas noong taong 2018. Kaya kung gusto mong masubukan ang kanilang bagong update at malaman ang iba pang impormasyon tungkol dito, i-download na sa iyong devices ang Darkness Rises!