Twisted Towers Review

Kung naghahanap ka ng bago at magandang laro na may mga labanan para ipagtanggol ang isang kaharian, maaari mong subukan ang isang ito. Ito ay nilikha ng PerBlue Entertainment, isang mobile gaming studio na gumagawa ng mga libreng laro. Maaari mong makuha ang laro sa Google Play Store, App Store at kahit sa iyong Personal Computer o PC. Matagumpay silang nakagawa ng mga sumikat na RPGs at strategy games. Ang isa sa larong nagawa nila na tiyak akong masisiyahan kang laruin ay ang Twisted Towers.

Ang Twisted Towers ay isang strategy game. Sa larong ito, kailangan mong magkaroon ng kakayahang bumuo at gumawa ng mga estratehiya sa pakikipaglaban. Ang pagkapanalo mo sa mga laban ay nakasalalay sa istilo ng iyong paglalaro. Ikaw ay may kontrol at may kakayahang magdesisyon sa mga hakbang na gagawin mo sa paglalaro ng Twisted Towers.

Simple lang ang larong ito dahil tungkol ito sa pagbuo ng depensa ng iyong kaharian gamit ang mga tore upang hindi makapasok ang kalaban. Ang mga toreng iyong itatayo ang poprotekta sa iyo sa mga atake ng kaaway. Ito ang pinakapangunahing sandata na gagamitin mo kaya dapat magkaroon ka ng ideya kung paano ang tamang paggamit nito upang hindi matalo sa laban.

Ang larong ito ay puno ng hamon at nakakakabang laban. Handa ka na ba sa isang matinding tunggalian? Kung handa ka na, basahin ang buong artikulo para sa iba pang impormasyon na makakatulong sa iyong paglalaro.

Features ng Twisted Towers

HD Graphics – Ang Twisted Towers ay may mahusay na disenyo ng graphics. Maganda at malinaw din ang ginamit na visuals, sound effects, background music at animation ng laro.

Customize – Sa larong ito, maaari mong i-customize ang iyong base depende sa iyong nais. Pwede mo itong pagtibayin at palakasin bilang paghahanda sa biglaang pagsalakay ng kalaban. Gumamit ng magagandang uri ng tore bilang proteksyon sa mga kaaway.

Puzzles – Bukod sa paglalaro ng tower defense game, ang Twisted Towers ay mayroon ding tower defense puzzles. Sa mode na ito, kailangan mong buuin ang puzzle pieces.

Upgrade – Maaari mong i-upgrade ang heroes at towers na nakuha mo sa laro. I-level up ang mga kagamitan na iyong ginagamit sa laban upang maging mas malaki ang posibilidad na manalo sa mga labanan.

Daily Quests – Ang Twisted Towers ay mayroon ding daily quests. Bukod sa paglalaro, kailangan mo ring isakatuparan ang misyon mo sa laro. Basahin ang mga nakasaad sa daily quests at gawin ito upang makakuha ng iba’t ibang gantimpala.

Saan pwedeng i-download ang Twisted Towers?

Kung nais makuha ang larong ito, i-click lamang ang mga link sa ibaba para ma-download ang laro depende sa ginagamit na device:

Download Twisted Towers on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.perblue.tt

Download Twisted Towers on iOS https://apps.apple.com/dk/app/twisted-towers/id1573027389

Tips kung Nais Laruin ang Twisted Towers

Para sa mga bago at nagnanais na laruin ang Twisted Towers, narito ang ilang tips mula sa Laro Reviews na siguradong makakatulong sa iyo.

Kung ikaw ay bagong manlalaro at hindi alam kung paano magsisimula, mayroong tutorial stage ang larong ito. Sundin lamang ang mga itinuturo at basahing mabuti ang sinasabi sa direksyon. Ituturo sa iyo sa tutorial mode kung tungkol saan ang laro at kung paano ito laruin. Sa ganitong paraan, mauunawaan mo ang daloy ng laro at magiging pamilyar ka rito.

Pagkatapos mong maglaro sa tutorial stage, maaari ka ng magsimula sa totoong laban. Simple at madali lang laruin ang Twisted Towers, kailangan mo lang bumuo ng mga tore sa labas ng iyong kaharian bago pa man sumalakay ang kalaban. Makakabuo ka ng mga tore sa pamamagitan ng pagbubuo ng sorceress tomes. Pagsama-samahin ang mga piraso nito upang makabuo ng isang tore. Ang mga tore na iyong itatayo ang magsisilbing depensa mo sa pag-atake ng kaaway. Kapag mas maraming tore ang iyong nabuo, mas mapoproteksyunan ang iyong kaharian.

Gumamit ng estratehiya at pamamaraan sa paglalaro ng Twisted Towers. Isiping mabuti kung saan mo dapat ilagay ang iyong tower defense upang hindi makapasok ang kaaway. Dapat mong sanayin ang iyong kaisipan na maging madiskarte sa mga planong dapat mong isakatuparan dahil ang larong ito ay isang strategy game. Mayroon ka ring misyon na dapat makumpleto sa larong ito na makikita mo sa daily quests. Gawin ang mga ito upang makakuha ng mga kagamitan na makakatulong sa iyong paglalaro.

Ang pinakalayunin ng larong ito ay madepensahan ang iyong kaharian laban sa kaaway. Huwag hayaang makalapit o makapasok ang mga kalaban sa iyong base. Ibigay ang lahat ng iyong makakaya sa laro upang makamit ang tagumpay.

Pros at Cons ng Twisted Towers

Para sa Laro Reviews, ang Twisted Towers ay isa sa magandang larong nilikha ng PerBlue Entertainment bukod sa Portal Quest at Disney Heroes: Battle Mode. Kakaiba ang konsepto ng laro dahil hindi ito katulad ng ibang strategy game na aking nasubukan ng laruin. Pinahihintulutan din itong laruin ng mga batang edad pito pataas dahil mayroon man itong bahid ng karahasan, maituturing na mild o hindi kapansin-pansin. Ngunit, hindi pa rin ito dapat ipalaro sa mga batang wala pa sa tamang edad.

Samantala, ang larong ito ay hindi pa opisyal na inilulunsad. Ang Twisted Towers ay larong hindi pa natatapos buuin ng developer. Maaari lang itong laruin sa mga piling device na mayroong early access sa laro. Ipinakikilala ito upang malaman ng PerBlue Entertainment kung ano pa ang mga dapat nilang isaayos at pagbutihin sa laro sa pamamagitan ng ilang mga komento mula sa mga manlalarong nakasubok na nito.

Subalit, hindi maaaring magbigay ng reviews sa laro na makikita ng publiko. Magpapadala ka lang mga pribadong mensahe sa developer ng laro upang maiparating mo ang naranasan mo sa laro. Maaari mo silang tulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng tapat at malinaw na komento. Sa ganitong paraan, mas mapapabuti nila ang kalidad ng laro bago pa man ito opisyal na ilunsad.

Sa larong ito, maaari ka ring bumili ng in-app products gamit ang totoong pera. Ang mga item na ito ay nagkakahalaga ng ₱200 hanggang ₱5,050 bawat isa. Maaari mo rin namang i-disable ang feature na ito at i-off sa settings ang in-app purchases kung ayaw mong gumastos.

Konklusyon

Sa ngayon, mayroon na itong mahigit 50,000 downloads na naitala sa Google Play Store. Inilabas rin ng PerBlue Entertainment ang bagong update sa larong nitong Mayo 17, 2022. Kaya kung gusto mong masubukan ang kanilang bagong update at malaman ang iba pang impormasyon tungkol dito, i-download mo na sa iyong device ang Twisted Towers!