Isa sa mga paborito nating tao sa mundo ay ang ating mga lola. Kadalasan, sila ang ating mga kakampi kapag pinapagalitan tayo ng ating mga magulang. Hilig din nila ang pag-aalaga ng mga bulaklak at pagbibigay ng mga kendi kapag umiiyak ang kanilang mga apo. Ngunit paano kung isang araw ay magising ka sa isang bangungot na bigla na lamang nag-iba ang ugali ng iyong lola. Hindi na ito ngumingiti. Sa halip, ang kanyang mga mata ay binabalot ng galit at tila sa sandaling malingat ka ay susugurin ka niya at may gagawing masama sa iyo.
Inihahandog ng SUPERCAT Arcade ang larong Granny’s House na susubokan ang iyong tapang upang makatakas mula sa pagkakakulong sa isang nakakatakot na bahay. Ang larong ito ay nagsisimula sa kwento ng isang lolang namatay na, subalit sa halip na sumalangit na ang kaluluwa niya ay muling nagbalik sa kanyang bahay upang ikulong ang kanyang apo at pagtangkaang patayin upang maisama sa kanyang hukay. Dito nagsisimula ang laro.
Amg Granny’s House ay isang survival horror game na umiikot sa stealth gameplay. Ikaw ay binihag ng isang baliw at bulag na matandang babae ngunit may matalas na pandinig. Ang layunin sa laro ay makatakas sa dalawang palapag na bahay sa pamamagitan ng pagkolekta ng mga susi ng pinto. Kailangan mong tumakbo, magtago, o lumaban kung ayaw mong hampasin ka sa ulo ng pamalo ng isang lola at mga kasamahan niya. Matatapos ang laro kapag nahuli ka ng mga pursuer, o napatay mula sa pamamalo ng mga ito.
Paano dapat laruin ang Granny’s House?
Mula sa pagkakakulong, dapat mong subukan ang lahat ng paraan upang makaalis sa nakakatakot na bahay sa lalong madaling panahon. Pero dapat na maging maingat ka sa lahat ng iyong mga galaw dahil bawat kaluskos na iyong nalilikha ay naririnig ng malalakas na mga kalaban. Tibayan mo rin ang iyong loob na huwag masindak sa nakakatakot na wangis ng mga matatandang kalaban: Ang kanilang mga mata ay nakatirik, ang kanilang mga ngipin ay may mga bahid ng dugo at higit sa lahat, may hawak ang mga ito ng malalaking pamalo. Walang ibang paraan para makatakas sa bahay ng hindi mo nahahanap ang mga susi ng mga pinto at kung hindi ka lalaban.
Mga feature ng laro:
- Great Escape– Sa game mode na ito, mag-isa mong haharapin ang isang batalyon ng mga matatandang kalaban na lahat ay may bitbit na pamalo. Gamit ang iyong liksi, kailangan na mabilis kang umilag sa kanilang mga atake at mag-counter attack gamit ang mga bato na ibabato mo sa kanila at paggamit ng decoy na scarecrow. Kailangan kang manalo sa sampung episodes dito;
- Story– Sa game mode namang ito, magkakaroon ka ng tatlo pang kasama upang labanan ang pwersa ng iba’t-ibang matatandang makakalaban. Sa kabuuan may tatlong game episodes na kailangang malampasan sa mode na ito;
- Escape – Dito naman, may makakasama kang pito pang manlalaro mula sa iba’t-ibang panig ng mundo. Ang layunin sa mode na ito ay sabay-sabay na makalabas sa bahay. Ngunit bago makalabas, kailangan nyo munang mahanap ang lahat ng susi. Ang susi ng pinto ay nakabatay sa kulay nito;
- Metaverse Square – Kung gusto mo ng mas maraming mga kasama sa laro, piliin mo itong game mode na ito dahil 100 lahat ang manlalaro rito na mag-uunahan sa paghahanap ng mga treasure chest at gift box. Mainam din itong laruin kapag gusto mo lamang na dagdagan ang iyong red souls at gold sa laro;
- Shop – Ang larong ito ay nagtataglay rin ng maraming collectibles. Dito, maaaring makabili ng summon character kapag gusto mo ng palitan ang gamit mong character, summon gear at summon decoration para gawing mas makulay ang kasuotan mo, package at gold upang magkaroon ng mas maraming coins at red souls sa laro, at Boost kung saan maaari mong i-upgrade ang mga potion;
- Chats – Ang larong ito ay nagtataglay rin ng chat feature kung saan may oportunidad ang lahat ng mga manlalaro na makilala ang isa’t-isa mula sa ibang panig ng mundo
- Traits/role – Dito naman matatagpuan ang mga special abilities sa laro kagaya ng attack power, HP at Healing. Makikita rin dito ang pagkakaiba ng magiging role mo sa laro kagaya ng bomber, marksman, trapper, puppeteer, beater at healer
- Inventory – Mababasa rito ang listahan ng mga survivor, pursuer, gear at decoration.
- Settings – Kung nais mo namang tignan ang nilalaman ng laro, impormasyon mo bilang isang manlalaro at impormasyon ng developer ng laro, maaari mong pindutin ang button na ito na makikita sa kanang bahagi ng screen.
Saan maaaring i-download ang laro?
Gamit ang search bar ng inyong device, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user at sa App Store para sa iOS. Para naman sa gumagamit ng PC, gumamit ng emulator para i-download ang laro. I-click lamang ang link sa ibaba, i-install ito at hintaying ma-download para masimulan na ang paglalaro
Download Granny’s House on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=net.updategames.granny
Download Granny’s House on iOS https://apps.apple.com/us/app/grannys-house/id1498163839
Download Granny’s House on PC https://www.bluestacks.com/apps/arcade/grannys-house-on-pc.html
Tips at tricks sa paglalaro
- Kung maglalaro ka sa Great Escape, dapat na maging alisto ka pagkapasok mo palang ng pinto dahil agad na bubulaga sa iyong harapan ang napakaraming kalaban. Bukod pa rito, mayroon ding mga nakalatag na mga trap na kailangan mong iwasan. Mayroon ka lamang 500% life kaya hangga’t maaari ay mapanatili mo itong mataas dahil ang bawat game episode ay binubuo ng maraming game levels;
- Sa paglalaro naman sa Story mode, higit na kinakailangan ang koordinasyon mo sa mga kasamahan. Tiyakin na matulungan nyo ang isa’t-isa kapag umaatake na ang mga kalaban. Gamit ang bato at bomba maaari mo silang mapaslang. Kailangan niyo rin na makahanap ng daan upang makalabas sa kinalalagyan ninyo;
- Sa Escape naman, higit na mas malawak ang pagtataguan. Maliban sa paghahanap ng mga susi, may kakayahan din ang bawat isa na palayain ang mga kasamahang nahuli ng mga nakakatakot na matatanda. Dapat rin na sundan ang map na makikita sa game screen upang maiwasang mahuli at makulong;
- Sa Metaverse Square naman, higit na kinakailangan ang bilis sa pagtakbo at paglundag upang maiwasan ang mga kalaban at maunang makahanap ng mga treasure chest at gift box.
Pros at cons ng Laro
Kung naghahanap kayo ng isang thrilling na laro, naniniwala ang Laro Reviews na para sa iyo ang Granny’s House. Ang larong ito ay hindi lamang nagtataglay ng maraming game feature sapagkat may kakayahan rin itong maghatid ng kakaibang takot sa mga manlalaro lalo na kapag lumalabas na ang mga nakakatakot na mga mukha ng mga matatandang kalaban. Bukod sa nakakamanghang graphics ng laro, nakakadagdag takot din ang musikang ginamit nito. Talagang mapapasigaw ka sa takot kapag naabutan ka ng mga kalaban.
Sa karagdagan, kapuri-puri rin ang takbo ng laro dahil kahit isa itong online game, walang mga pop-ad na bigla na lamang susulpot sa kalagitnaan ng iyong paglalaro. Hindi rin ipagkakait ng laro sa iyo ang pagkakataong ma-upgrade ang mga gamit mong gear sa laro at maliban pa rito, maaari ring makatanggap ng libreng explosion shot, revival, invincibility, attack speed up, poison shot at marami pang uri ng skills sa bawat panalo sa laban.
Sa kabilang banda, hindi para sa lahat ang larong ito dahil bukod sa nakakatakot, nagtataglay rin ang laro ng karahasan na maaaring maka-impluwensya sa ibang manlalaro lalo na sa mga bata. Kailangang malaman ng mga magulang na ang larong ito ay isang horror game na maaaring magbigay trauma sa kanilang mga anak. Tunay na kahanga-hanga ang pagiging detalyado ng laro, ngunit ang stealth gameplay na ito ay nagtatampok din ng mga kahindik-hindik na larawan kagaya ng mga bangkay, nagkalat na mga dugo at ilang parte ng hilaw na karne.
Konklusyon
Sa pangkalahatan, ang larong ito ay masasabing idinesenyo para lamang sa mga nasa tamang edad na mga manlalaro. Bukod sa mga nabanggit na magagandang katangian ng laro, naniniwala rin ang Laro Reviews na sa pamamagitan ng larong ito, maaaring ma-overcome ng ilang manlalaro ang kanilang takot sa dilim at matutunang manatiling kalmado at malinaw ang pag-iisip kapag nahaharap sa mga hindi inaasahang panganib. Madali lang ding sundin ang mechanics ng laro kapag nananatili kang kalmado at hindi magpapadaig sa iyong takot. Kung gusto mong makasama sa laro ang iyong mga kaibigan, yayain na ang tropa at lumikha ng clan upang sama-samang maranasan ang nakakatakot ngunit kapanapanabik na larong ito.