Tampok sa artikulong ito ng Laro Reviews ang isang brain teaser na laro na may kakaibang gameplay at hot na mga pagsubok na tiyak kikiliti sa iyong imahinasyon. Hatid ng ABC Global, isang game developer ng ilan sa mga brain teaser na laro kagaya ng DOP Brain Test – Tricky Puzzle at Escape Plumber. Tampok sa Brain Raise: Tricky Test ang ilan sa mga simpleng pagsubok na may kakaibang pamamaraan ng pagsagot. Ika nga, para masagot ang mga tricky test ay ‘you have to think outside the box’. Well, handa ka na bang sumubok sa kakaibang larong ito? Paalala lamang, mga bata hindi ito pwede sa inyo.
Mga Tampok ng Laro
Simple lamang ang gameplay ng laro. Hindi ito multiplayer kaya mag-isa ka lamang na sasagot sa mga tanong at walang ranking. Simple lang din ang patakaran: sagutan ang mga tricky test na nakahanda at ikaw ay a-advance sa panibagong level. Sa paglalaro, hindi ka naman masyadong mahihirapan dahil out of 10 nasa 4 lamang ang level ng kahirapan ng mga pagsubok. Ngunit ang mga sagot ay may twist, dahil hindi mo aakalain na maaari palang sagutan iyon sa paraang malayo sa nararapat na sagot.
Ang laro ay mayroong mahigit isang daang mga quizzes at iba’t-ibang level. May mga daily rewards na matatanggap kung araw-araw mong bubuksan ang app at maglalaro. Bawat araw ay may katumbas na mga hints na magagamit mo kung ikaw ay naglalaro at hindi mo alam ang sagot sa tanong. Isang hint ang matatanggap mo sa isang araw at madadagdagan pa ito kung aaraw-arawin mo ang paglalaro. Sa unang araw ay makakatanggap ka ng isang hint at kung bago ka pa lamang ay makakatanggap ka ng tatlong hints. Sa susunod na mga araw ay madadagdagan ang mga hints na iyong matatanggap kung saan hanggang pitong hints ang iyong maaaring makuha sa isang araw sa ikapitong araw ng iyong paglalaro.
May mga special levels din kung tawagin ang pwede mong laruin kung sakaling nababagot ka na sa mga karaniwang levels na iyong nilalaro. Laman ng special level ang mga age-inappropriate contents na hindi advisable na laruin ng mga bata kaya naman flagged ang larong ito sa Google Play Store. Walang in-app purchases ang laro at libre lamang itong malalaro, subalit kahit libre ito ay ang mga biglaang sumusulpot na ads at lubhang nakakasagabal lalo na kung ikaw ay konektado sa internet. Ngunit sa kabilang banda, ang mga ad ay nakakatulong naman. Kung sakaling maubos ang mga hints ay pwedeng gamitin ang ads upang makakuha ka ng libreng hints. Magagamit din ang ads upang i-skip ang laro.
Paano i-download ang Brain Raise: Tricky Test?
Maaari mong laruin ang larong ito sa pamamagitan ng pag-download mula sa Google Play Store para sa mga Android user at App Store naman sa mga iOS user. I-search lamang ang pangalan ng laro at i-click ang install. Maari din itong laruin sa PC o laptops, kailangan lamang mag-install ng Memu Play emulator. Kapag mayroon ka ng emulator ay hanapin lang ang Brain Raise: Tricky Test, i-download at maglaro. Para sa mas madaling pag-access, i-click lamang ang mga link sa ibaba.
Download Brain Raise: Tricky Test on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.test.quiz.brain.puzzle
Download Brain Raise: Tricky Test on iOS https://apps.apple.com/us/app/brain-raise-tricky-test/id1612810740
Download Brain Raise: Tricky Test on PC https://www.memuplay.com/download-com.test.quiz.brain.puzzle-on-pc.html
Tips at Tricks para sa Baguhan
Walang specific na strategy at special skills ang magagamit sa laro kahit ito ay isang brain teaser game dahil napaka-simple lamang ng mga kailangan mong sagutin na mga tricky test. Sa sobrang dali na kahit mga bata ay mahuhulaan ang mga sagot ngunit hindi advisable na maglaro ang mga bata nito dahil sa mga age-inappropriate contents. Iba-iba ang mga tricky test ngunit maaaring magkakapareho lang ang sagot sa mga naunang mga pagsubok na iyong sinagutan kaya masasabing nakakabagot at walang thrill ang laro. Pero sa mga nais sumubok nitong laro ay may ilang paalala ang Laro Reviews na maaaring makatulong.
Una, dapat masipag ka maglaro upang madali kang maka-advance sa mga levels kung saan maaari mong ma-unlock ang isang set of levels kung sakaling matapos mo ang tiyak na dami ng quiz. Pangalawa, sa pangangalap ng hints ay dapat araw-arawin mo ang paglalaro para sa daily at weekly streak para makatanggap ka ng maraming hints. Makakatulong din ang mga ads upang makakuha ka ng libreng hints kung sakaling maubos. Panghuli, dahil sa quirky mood ng laro ay maa-apply na ang kasabihang “think outside the box”. Ang mga hindi aakalaing mga sagot ay applicable sa larong ito.
Kalamangan at Kahinaan
Binansagan mang brain teaser game ngunit hindi naman napanindigan ang mga tricky test. Masyadong childish at malayo sa tema ng laro ang ilan sa mga pagsubok na dapat mong masagutan. Walang thrill at medyo malaswa kaya hindi ito nababagay sa mga menor de edad. Ang sound effects ay hindi rin bagay sa mood at tema ng laro. Ang level ng mga quizzes ay hindi challenging, kung sakaling nasa height ka na ng iyong paglalaro at thrilled ka na sa mga quizzes na iyong sinasagutan ay bigla ka namang makakatagpo ng isang quiz na parang pambata. May isang set ng mga quizzes na masyadong matagal mabuksan kaya naman kailangan naman talagang tyagain mo ang paglalaro kung nais mong ma-unlock ito.
Sa kabilang banda, ang mga ads ay biglaang sumusulpot kapag natapos mo ng sagutan ang isang quiz na lubha naman talagang nakakaantala sa paglalaro. Ang mga ads minsan ay doble ang haba at walang specific na pagkakataon kung ito ay lalabas, kaya basta-basta na lamang itong susulpot. Kung ikaw ay maglalaro, mas mabuting huwag na lamang ikonekta ang iyong cellphone sa internet kung ayaw mong madistorbo. Kahit ganun, maganda at kaaya-aya naman sa mata ang graphics, nabawi sa color scheme at animation na nakakatuwa kaya kahit papaano ay hindi ka mababagot. Maaaring magustuhan naman ito ng mga nasa tamang gulang dahil sa pilyo ang mga content nito.
Konklusyon
Sa kabuuan, nakakuha ang Brain Raise: Tricky Test ng 3.1 rating sa Google Play Store at 2.0 naman sa App Store. Mas mataas kumpara sa ibang laro ng ABC Global. Siguro kaya ganito lamang ang nakuha nila sa mga manlalaro ay dahil sa lousy at masyadong exaggerated ang content ng laro. Maaaring sa kadahilanang may mga age-inappropriate content ito kaya nakatanggap lamang ito ng mababang rating. Ang hindi akmang mga content sa tema ng laro ay isa rin sa mga salik kung bakit iniilagan itong laruin ng mga manlalaro. Subalit kung tutuusin hindi na rin masama ang ganitong rating dahil kahit papaano ay mukhang mae-enjoy naman ito ng kahit sino. Kaya kung isa kang pilyo at witty na tao na gustong sumubok sa kakaibang brain teaser game na ito ay ano pa ang iyong hinihintay? I-download na ang Brain Raise: Tricky Test ngayon!