Naghahanap ka ba ng larong may kinalaman sa espada, labanan, at samurai? Saktong-sakto dahil narito ang larong nilikha ng Dreamotion na maaari mong subukan, ang Ronin: The Last Samurai. Ito ay isang uri ng action game na dadalhin ka sa Japanese era at kung saan ikaw ay tinatawag na legendary warrior na ang misyon ay hanapin ang sinasabing mastermind ng korapsyon.
Sa larong ito, bukod sa bubusugin nito ang iyong mata sa mala ink-painting nitong graphics, ay may kakaiba din itong gameplay kung saan trabaho mong paslangin ang taong haharang sayong mga plano. Ikaw ay magiging isang ganap na Samurai na may kasanayang gumamit ng espada at pana upang ubusin ang iba’t ibang kalabang narito na habang tumatagal ay palakas nang palakas.
Features ng Ronin: The Last Samurai
Sa larong ito ay may kalayaan kang pumili kung sinong karakter ang nais mong gamitin. Tinatawag ng laro ang mga karakter na ito na Ronin. Maaaring isa kina Kenji na espada ang armas o kay Tomoe na gumagamit naman ng pana ang maaari mong gamitin sa bawat misyon mo rito. Gayunpaman, hindi ito tulad ng ibang laro na iisa lamang ang maaari mong gamitin sa buong paglalaro mo. Dito sa Ronin: The Last Samurai, maaari mong pagpalit-palitin ang dalawang ito kahit kailan mo nanaisin.
Bukod dito ay maaari mo ring i-customize ang kanilang mga suot gamit ang paglalagay rito ng dye. Makikita ito sa Change Color section kung saan nakahilera doon ang iba’t ibang kulay ng dye na maaari mong mabili gamit ang pera na naipon mo sa laro o kaya naman gamit ang tunay na pera. Sa section din na ito makikita ang iba’t ibang pet gaya ng aso, pusa, ibon at panda na maaari mo ring palitan ang kulay ng gamit na kanilang suot.
Kung nais mo namang mapalakas pa ang iyong Ronin, maaari kang magtungo sa Training section kung saan kailangan mo lamang i-train ang mga ito. Ngunit hindi ito yung training na talagang may nangyayaring labanan. Nakahilera lamang ang mga ability na narito at kailangan mo lamang pindutin ang salitang train sa baba. Kung saan iyon mapatapat, iyon ang ability na makukuha ng iyong Ronin. Dito rin makikita ang ilang mga detalye patungkol sa kanila gaya ng bilang ng kanilang ATK, HP, Posture maging ang mastery.
Sa Equipment naman makikita ang ilang mga gamit na mayroon sila. Sa ibang laro, ito ang tinatawag na inventory dahil narito ang lahat ng kanilang armas, armor, pet at iba’t ibang klase ng accessories. Maraming iba’t ibang klase ng equipment ang mayroon sa larong ito gaya ng normal, great, rare, epic, legendary at mythic na maaaring ang ilan sa mga ito ay makukuha mo kung ipagpapatuloy mo ang paglalaro nito.
Ang ilang equipment gaya ng great at epic ay maaaring mabili sa shop ng laro. Ilan sa mga ito ang maaaring mabili gamit ang tunay na pera. Mabibili rin dito ang gem at gold na siyang nagsisilbi mong salapi sa larong ito. Bukod sa shop ay mayroon din itong special offer na section kung saan narito ang mga item na maaari mo rin mabili gamit ang tunay na pera.
Upang maging kalibang-libang ang larong ito, mayroon itong mga event para sayong Daily Attendance, Warrior Trainee Special Missions at No rust for Warrior’s Sword. Dito mo makikita at makukuha ang ilang mga rewards mula sa mga nalagpasan mong mga laban. Bukod pa rito, mayroon din itong Daily Mission kung saan may ilang mga task dito na nakaangkla sa bawat laban na iyong dapat lampasan.
Ang labanan na nilagay para sa larong ito ay kada-kabanata. Bawat kabanata ay mayroong tig-dalawapung level na maaari mong lagpasan bago makausad sa panibagong kabanata. Hindi tiyak ng Laro Reviews kung ilan ang kabuuang bilang ng kabanatang mayroon ang Ronin: The Last Samurai ngunit isa na rin maituturing na mahaba at sapat ang bawat kabanata dahil kada pagkasawi mo sa bawat laban ay umuulit ito nang umulit hanggang sa manalo ka.
Bukod pa rito ay mayroon ding side quest ang laro. Maikli lamang ang mga ito kumpara sa mga labanang nasa kabanata. Ito ay nahahati sa tatlo; ang Land of Chaos na mayroong Land of Thorns at Land of Flashing Lights, Yokai Battle na mayroong Gashadokuro at Oogama, at panghuli, ang Twisted Battleground. Ang mga ito ay naka-lock at bumubukas lamang sa itinakdang oras.
Kung mayroon ka namang nais malaman pagdating sa mga bagay na mayroon ang laro, maaari kang magtungo sa Sacred Scrolls kung saan narito ang bawat impormasyon kalakip ang ilang video clip upang lalo mo pang maunawaan ang patungkol sa bawat battle, equipment, mode ng laro maging ang practice na siyang nakalista sa bawat kategorya.
Saan maaaring i-download ang app?
Ang larong ito ay nangangailangan ng 343MB sa Google Play Store habang 453.9MB naman pagdating sa App Store. Maaari ka namang gumamit ng emulator gaya ng MEmu player para naman sayong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.
Download Ronin: The Last Samurai on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.dreamotion.ronin
Download Ronin: The Last Samurai on iOS https://apps.apple.com/th/app/ronin-the-last-samurai/id1534821475
Download Ronin: The Last Samurai on PC https://www.memuplay.com/how-to-play-com.dreamotion.ronin-on-pc.html
Tips at Tricks sa Paglalaro ng Ronin: The Last Samurai
Sa oras na simulan mo ang larong ito, kailangan mong tanggapin na hindi mo maiiwasan ang pagkakataon kung saan maaari kang matalo sa bawat laban at bumalik sa level kung saan ka nagsimula. Simple lamang ang dahilan kung bakit, iyon ay dahil ito ang nature ng laro at isang dahilan kung bakit nagiging challenging laruin ito. Gayunpaman, katuwang mo ang Laro Reviews para dito. Hindi mo maiiwasan ang bawat pagkatalo at pag-ulit sa simula ngunit maaari ka naming tulungan upang kahit papaano’y maantala ito nang kahit saglit lamang.
Related Posts:
Shadowgun Legends: Online FPS Review
Mario Kart Tour Review
Palaging unahin ang mga kalabang kayang bumawas ng malaki sa iyong buhay. Maaari kang sumilip sa Sacred Scrolls na isa sa features ng laro upang malaman mo kung sino ang iyong mga kalaban at kung gaano kalakas ang mga ito. Kung dumating na ang pagkakataon na makaharap mo na ang mga ito sa laban, sila ang iyong unahing tapusin. Mayroon din namang mga kalaban na hindi man kalakihan kung bumawas sa iyong buhay ngunit may kakayahan naman itong umatake kahit sa malayong distansya. Halimbawa na riyan ang mga kalabang may hawak ng baril. Sa oras na makita mo ang mga ito sa iyong laban, maaari mo na rin silang isama sayong dapat unahing paslangin.
Lahat ng armas na mayroon sa larong ito ay epektibo; pana man iyan o espada. Ngunit maaari mong ikonsidera ang pana dahil magagawa mong puruhan ang kalaban kahit hindi ka nakakalapit sa mga ito. Nagagawa rin nitong paatrasin ang kalaban kung mangyaring nakakalapit ito sayo. Isang taktika na rin maituturing na palaging gamitin ang “timing” sa tuwing nakikipaglaban. Ibig sabihin nito, maaaring gawin mo ang sumangga nang sumangga muna ng atake ng kalaban. Sa oras na tumigil na ang mga ito, ito naman ang pagkakataon mong tumira nang tumira.
Pros at Cons ng Ronin: The Last Samurai
Isang bagay na maituturing na angat ang larong ito ay ang graphics na mayroon dito. Agaw-pansin at talagang hindi mo maiiwasang mamangha sa mala-painting na itsura nito partikular na sa bawat laban. Perpektong iginuhit ang bawat bagay na makikita rito; mula sa paligid ng laro maging sa bawat karakter na narito dahilan kung bakit nagmimistulang buhay na painting ang mga ito. May mga pagkakataon din naman na nagkakaroon ng kulay ito ngunit minimal lamang din gaya ng mga armas, sa skills at maging sa target. Ganoon din pagdating sa mga suot nito na talagang kapag nakukulayan ay umaangat sa black and white na paligid nito.
Bukod sa graphics, para ka talagang dinadala ng laro sa kulturang mayroon ang mga Japanese dahil lahat ng mga makikita mo rito bilang mga features ng laro ay sinubukan nilang i-align dito. Gaya ng paglalagay ng tambol bilang button para sa event, ang tradisyunal na pagkain nilang onigiri o japanese rice ball bilang isa sa currency ng laro, sa tunog nito sa tuwing nagreresurrect ang iyong karakter at marami pang iba na mapapansin mo sa oras na silipin mo na ang larong ito.
Tatlo lamang ang control na mayroon sa laro kaya hindi siya gaanong mahirap laruin. Isa para sa depensa, opensa at skills na unti-unting napupuno sa tuwing umuusad ka na sa laro. Pahapyaw man ang naging tutorial para dito ay hindi naman ito maituturing na problema dahil agad mong makukuha ang mechanics ng laro. Isang bagay lang siguro na maaaring maging butas dito ay ang battle na mayroon dito na mas mainam siguro kung mayroon ding PvP. Iyon ay upang maranasan mo rin ang makipaglaban sa iba pang manlalaro nito.
Nang laruin ng Laro Reviews ang Ronin: The Last Samurai, isang bagay na maituturing na kahinaan sa laro ay ang mga button nito na may kahirapang pindutin. Hindi naman gaanong maliliit ang mga ito ngunit tila nagiging hard touch ito. Partikular mo itong mararanasan sa mga section kung saan kailangan mong kumuha ng ilang mga rewards. Bukod dito, mabagal din ang pag-process ng laro sa bawat laban. Bagaman wala namang problema sa internet at may tamang lakas naman ito, palagi na lamang sinasabi ng laro na mabagal ito o kung minsan ay wala.
Konklusyon
May kakaibang gameplay ang larong ito kung saan sa oras na matalo ka sa iyong laban ay mayroon ka lamang limitadong pagkakataon para muling i-revive ang iyong laro. Sa oras na maubos ito, muli ka nitong ibabalik sa kung saan ka nagsimula. Isa ito sa uniqueness ng laro at masasabing isang daan upang talagang ma-challenge ang bawat manlalaro sa paglalaro nito. Ang Ronin: The Last Samurai ay may simple at repetitive na gameplay ngunit nagawa nitong humakot ng manlalaro dahil laman nito ang bawat battle na talagang hindi mo pagsasawaan at palalagpasin.
Laro Reviews