Ang Rivengard – RPG Strategy Game ay isang turn-based RPG na dinevelop ng Snowprint Studios noong Enero taong 2021. Sa larong ito, pwedeng mangolekta ng fantasy heroes na may kanya-kanyang kakaibang katangian at abilidad. Bumuo ng isang makapangyarihang line-up sa tulong ng kanilang kakayahan at manalo sa battlefield. Makakalaban din ang mga dwende, elves, goblins, at iba pang mga misteryosong nilalang. Nakaka-overwhelm sa umpisa ang larong ito dahil sa iba’t ibang game modes, detalye, at game mechanics nito. Ngunit huwag mag-alala dahil narito ang Laro Reviews para tulungan ka!
Features ng Rivengard – RPG Strategy Game
Various Game Modes – Hindi lang isa, kundi may anim na modes ang Rivengard – RPG Strategy Game para makapagbigay ng iba’t ibang content sa mga manlalaro. Ito ay ang mga sumusunod:
- Campaign Mode – Ito ang primaryang mode ng laro na tumatakbo ang kalakhan ng istorya. Mayroon itong tatlong kabanatang ginanap sa tatlong rehiyon sa tatlong magkakaibang factions. Ang unang kabanata ay ang Ancient Ruins ng Rinji Dynasty, Frozen Expanse ng Azure Tower naman para sa ikalawang kabanata, at ang panghuli ay ang Great Desert ng Shara’zar Traders. Bawat kabanata ay binubuo ng 75 na levels na may boss fight kada ika-15 na level. Upang makapalaro sa mga campaign level, kailangan mo ng sapat na stamina. Tipikal na hinihingi kada level ay lima hanggang anim. Kaya sa oras na maubos ang iyong stamina meter, kailangan mong maghintay bago mapuno itong muli.
- Elite Campaign – Ito ang mas pinaayos na bersyon ng Campaign Mode. Malalaro lamang ito kapag nakolekta mo ang lahat ng tatlong stars sa bawat level ng unang kabanata.
- Hero Arena – Ang PvP ng laro na kung saan makikipagtunggali ka sa mga ibang manlalaro mula sa iba’t ibang parte ng mundo. May option kang piliin kung gusto mo bang makaharap ang mas mataas o mas mababang rank na player. Makakakuha ng Victory Points sa bawat panalo na tutukoy sa iyong worldwide rank.
- Guild Raids – Pwedeng makipaglaro kasama ang guild na kinabibilangan para magapi ang Common Boss.
- Onslaught Mode – Bago ma-unlock ang mode na ito ay kailangan mo munang maabot ang Power Level 9. Bawat wave na iyong napagtagumpayan ay makakakuha ka ng one-time awards at coins. Mahalaga ang pagkakasunud-sunod ng iyong hero dahil kapag namatay ang isa, papalitan ito ng panibagong hero batay sa binuong hanay.
- Treasure Beach – Kailangan muna ng Battle Tokens para makapasok sa mode na ito. Gamitin ang iyong mga hero sa treasure hunting at paggapi sa mga kalaban. Mainam ito para sa mga nagnanais na maparami ang bilang ng kanilang coins at diamonds.
Summoning Portals – Ito ang gacha system ng laro. Gamit ang iyong Gems, ang premium currency ng laro, at Summoning Tokens, pwedeng humiling sa diyos na bigyan ka ng bagong hero. Isa ang pinakababang pull na maaari mong gawin, samantalang sampu naman ang pinakamarami sa isang pull. Maraming iba’t ibang rewards ang maaaring matanggap dito bukod sa mga hero.
Playable Hero – Mayroong humigit kumulang 60 heroes ang maaaring laruin! Ang bawat hero ay nahahati sa tatlo: Mage, Rogue, at Warrior. Bukod pa rito, nakaklasipika rin ang mga hero sa kanilang kakaibang Traits na taglay. Ilan sa mga halimbawa nito ay kung kaya ba nilang lumipad, kung may shield na suot, at pagkakaroon ng dragon scales. Maaring magkaroon ang isang hero ng mas higit pa sa dalawang Traits.
Gabay para sa mga Baguhang Manlalaro
Similar sa chess, ang pundasyon ng gameplay ng Rivengard – RPG Strategy Game ay base sa tactical RPG kung saan ang manlalaro at kampo ng kalaban ay salitan sa pagtira. Nililimitahan din ang bilang ng steps na maaaring tahakin ng iyong karakter base sa taglay na feature at kapangyarihan. Kapag pinindot mo ang iyong karakter, lalabas ang mga light-blue na hexagon para matukoy ang pinakamalayong distansyang maaari nitong bagtasin. May dalawang paraan para mabago ang iyong lokasyon. Una ay sa pamamagitan ng pag-drag ng iyong karakter sa napiling destinayon. Ang ikalawa naman ay sa pag-double tap sa hexagon na nais lipatan. Dagdag pa rito, kapag ikaw ay nakakita ng mga pulang hexagon, nangangahulugang maaari mong atakihin ang partikular na karakter na iyon.
Para makapaglaro sa isang level, kinakailangan mo munang pumili ng limang pinakamakapangyarihan mong karakter para makabuo ng team. Bagamat sa ibang level ay nagbabago ang bilang nito, ang default na bilang ay lima. Sunod naman ay ang pagdetermina ng kanilang initial na posisyon bago tuluyang kalabanin ang mga katunggaling nilalang.
Maaaring malaman ang bilang ng mga kalabang posibleng makatanggap ng iyong damage sa pamamagitan ng mga maliliit na bungong iyong makikita. May mga pagkakataong kahit malayo ang kalaban ay maaari mo itong atakihin gamit ang iyong long-ranged na abilidad. Kapag nangyari ito, makikita ang violet na hexagon bilang marka sa mga katunggali. Kinakailangang manalo sa pinakamababang bilang ng damage ng iyong hero para makakuha ng mas magagandang rewards.
Saan pwedeng i-download ang Rivengard – RPG Strategy Game?
Free-to-play (F2P) ang laro kaya hindi kailangang magbayad para mai-download ito. Pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman para sa iOS users gamit ang iyong mobile phone. I-search ang Rivengard – RPG Strategy Game at hanapin ito sa search results. Pindutin ang Get o Install button para mai-download ito. Hintaying matapos ang pagda-download tsaka buksan ang app. Kumpletuhin ang mga kailangan sa sign-in details. ‘Pag nagawa mo na ang lahat ng ito, maaari mo nang simulan ang paglalaro!
Narito ang links mula sa Laro Reviews kung saan pwedeng i-download ang laro:
Download Rivengard – RPG Strategy Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.king.hero.rpg.tactics
Download Rivengard – RPG Strategy Game on iOS https://apps.apple.com/ph/app/rivengard/id1509449529?msclkid=57241c0cafb911ec9262b4ed7e669c74
Download Rivengard – RPG Strategy Game on PC https://www.bluestacks.com/apps/strategy/rivengard-on-pc.html
Kung sa PC mo napiling maglaro ng Rivengard – RPG Strategy Game, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang official website. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.
Tips at Tricks sa Paglalaro
Sa unang bahagi ng paglalaro, mahalagang alamin at pagmasdan ang terrain kung saan gaganapin ang digmaan. Partikular na ang mga healing tile, maaari itong magamit sa iyong advantage kung ilalagay rito ang tank hero habang umaatake ang iba mo pang heroes. Huwag ding mauna sa paggawa ng move lalo na kung malayo ang iyong kalaban at labas sa iyong range. Mag-skip na lang muna at hayaang sila ang lumapit sa iyo. Kung aatake ka naman na, mainam kung sa mas mataas na lugar ito gagawin dahil mas malaki ang damage na matatanggap dito ng kalaban kumpara sa ground level. Huwag ding gagamitin ang long-ranged heroes para tamaan ang mga malalapit na kalaban. Sa halip, mag-focus sa melee-type heroes na gumagamit ng espada, spears, o hammers. Mahina ang damage na nagagawa ng long-ranged heroes kapag maiksi ang distansya ng kalaban.
Bukod dito, pag-aralan din ang komposisyon ng kalabang kakaharapin. Isa sa epektibong taktikang ginagamit sa giyera ay ang pagsasaliksik sa iyong katunggali. I-tap lamag ang enemy card bago magsimula ang battle. Mula rito, ibabatay mo na ngayon ang bubuuing team base sa katangian ng mga kalaban. Halimbawa na lamang, kung kalakhan ng iyong kalaban ay binubuo ng mga warrior, mainam na kung ang pokus ng iyong team ay sa mga mage para i-counterattack ang kanilang adbentahe sa melee fighting at malakas na depensa.
Habang walang espisipikong pamamaraan para masabing ang isang partikular na team ang the best, may mga komposisyon lamang na kailangan mapunan. Ang disenteng line up ay binubuo ng DPS o ang damage dealers, warrior o tank, at ang support unit. Masasabing balanse ang ganitong grupo dahil bukod sa may naatasan ka nang umatake sa kalaban, may iba ka pang hero na responsable sa pag-depensa at pagsuporta sa mga damage dealer. Gayunman, gaya ng nauna kong nabanggit, ang lahat ng ito ay nakadepende pa rin sa kalabang kakaharapin.
Pagdating sa pag-pull sa Summoning Portal, mas maganda kung gagamitin ang Summoning Tokens dahil mas madali itong makuha kumpara sa gems. Iwasan din ang paisa-isang pull at bagkus ay gawing sampuan ang pagwi-wish. Mas malaki ang posibilidad na makakuha ng panibagong hero o kaya naman ng Laurel na iyong magagamit upang mapataas ang rarity ng iyong kasalukuyang heroes. Mula common, tataas ang rarity ng mga hero patungong uncommon para tuluyang ma-unlock ang ikalawang abilidad ng iyong hero. Hindi lamang ito, maa-unlock mo rin ang max level cap ng HP level at dagdag-bonus sa base stats at ability stats.
Dagdag pa rito, ang ilan sa mga dapat idagdag sa pang-araw-araw na gawain ay ang pag-check ng daily deals na ibinibigay nang libre, kumpletuhin ang quests, at patuloy na palakasin at i-upgrade ang heroes. Kung kayang sumali ng aktibong guild, gawin din ito. Makakapag-request ka ng rank-up material items mula sa mga kasamahan sa guild. Samantalahin din ang weekends dahil makakatanggap ka ng dobleng XP tuwing Sabado, at dobleng gold naman tuwing Linggo.
Pros at Cons ng Rivengard – RPG Strategy Game
Tunay ngang nakakasabik at nakakaaliw laruin ang Rivengard – RPG Strategy Game. Dahil sa game mechanics nito, naging tama ang timpla sa pagitan ng madaling gameplay at sa hamong kakaharapin. Dinagdag pa ang iba’t iba nitong modes kaya hindi ka talagang magsasawang laruin ito dahil maraming content ang naibibigay ng laro. Cute din ang disenyo ng mga karakter na ginagamit para bigyang-buhay ang iba’t ibang heroes at nilalang na makikita. Anuman ang playstyle, mag-e-enjoy talaga ang mga manlalaro dahil may angkop na hero para dito.
Sa kabilang banda, hindi rin maikakaila ang mga negatibong aspeto sa laro. Isa na rito ay sa usaping teknikal. Maraming nakakaranas ng bugs at biglaang pag-crash ng app na nakakasira sa gameplay ng mga manlalaro. Kung hindi naman ay kusang nagfi-freeze ang laro. Kahit na ilang beses i-restart, paulit-ulit lang ang nangyayari. Tinugunan na ito ng game developers nitong nakaraang buwan lamang sa bago nilang update, subalit para sa karamihan, wala namang pagbabagong naganap.
Konklusyon
Sa madaling sabi, ang Rivengard – RPG Strategy Game, na dinevelop ng Snowprint Studios, ay puno ng iba’t ibang mga mode, karakter, at rehiyong maaari mong tuklasin at diskubrihin. Gayunpaman, mainam kung aayusin ng game developer ang teknikal na isyung patuloy na kinakaharap ng mga manlalaro. Kaya ano pang hinihintay mo? Bumuo na ng sariling grupo ng mga hero, makipagkaibigan sa guild, at palakasin ang hanay para tuluyang magapi ang pwersa ng kadiliman!