Underworld Football Manager – Bribe, Attack, Steal Review

Siguradong ang lahat sa atin ay nagnanais na maging matagumpay sa lahat ng laban sa buhay. Sino nga ba naman ang gustong matalo, hindi ba? Sa mga laro halimbawa, karaniwan na ang pagkakaroon ng mahigpit na kompetisyon sa pagitan ng bawat koponan, bawat isa ay gustong makauwi ng panalo at bawat isa ay gustong matalo ang kalaban. Ngunit kadalasan, hindi lamang sa mga manlalaro makikita ang init ng laban dahil maging sa pagitan ng mga sport manager ay may nangyayari ring kompetisyon kaya naman minsan, hindi maiiwasan na nauuwi sa maduming labanan ang laro.

Ipapakita ng larong Underworld Football Manager – Bribe, Attack, Steal kung ano ang kayang gawin ng isang competitive na sport manager para lamang masigurado na mananalo ang kanyang koponan. Matutunghayan din sa larong ito kung anu-anong mga hindi kanais-nais na mga bagay ang pwedeng gawin ng mga sport manager laban sa mga player ng ibang koponan.

Paano laruin ang larong ito? Simple lamang ang mechanics ng laro. Maliban sa pagsabak mo sa iyong mga manlalaro sa mga soccer tournament, kailangan mo lamang gawin ang nakasaad sa daily quests upang umusad sa laro. Ngunit kailangan mong maging maingat sa lahat ng oras dahil walang pinipiling sandali ang ibang rival team upang gumawa ng pananabotahe sa iyong koponan at maging sa iyong syudad. Ilan sa mga pwedeng gawin ng kalaban ay bugbugin ang iyong players hanggang ma-injured, manira ng gamit sa iyong stadium at iba pang pasilidad at manuhol sa mga magagaling mong manlalaro upang lumipat sa kanilang koponan.

Bilang isang Sport Manager, pangunahing layunin mo sa laro ay pangalagaan ang iyong koponan laban sa mga masasamang bagay na posibleng gawin ng mga katunggali. Siguraduhin na nagagawa ang mga bagay na makikita sa daily quests upang regular na ma-level up ang iyong mga manlalaro at ma-upgrade ang kanilang mga kinakailangang sport equipment.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Isa sa mahahalagang bagay upang palakasin ang pwersa ng iyong koponan ay lagi silang isalang sa exhibition matches upang magkaroon sila ng karagdagang karanasan sa laro at mapabuti ang kanilang performance sa mga susunod na laro. Hindi rin pwedeng kaligtaan ang kanilang regular na pag-eensayo. Sa tulong ng Training Ground, siguraduhin na palaging sumasailalim sa mga pagsasanay ang iyong mga manlalaro upang ma-improve ang kanilang shooting, speed, creativity, passing, tackling at goalkeeping.

Sa pamamagitan naman ng Community Pitch, maaari kang mag-recruit ng mga batang manlalaro upang pagdating ng takdang panahon ay magamit mo sila sa laro. Kapag pumili ng mga bagong player, laging bumatay sa kanilang statistics at star rating. Mas mainam na piliin lamang ang three-star player dahil higit na mas mabilis ang kanilang progress sa laro.

Sa Exhibition matches, walang nangyayaring aktwal na larong soccer, ang tanging makikita lamang doon ay ang script na sinasalita ng sport analyst kaya kung ayaw mong magsayang ng oras ay pwede mong i-forward, o i-skip ang nangyayari sa laro para agad na malaman kung sino ang nanalo. Minsan makakaharap mo sa match na ito ang mahihinang koponan, ngunit kadalasan, ang makakatunggali mo rito ay malalakas na uri ng kalaban.

Sakaling dumating naman sa punto na tuluyan ng gumamit ng dahas ang ibang kalaban kagaya ng pambubugbog sa iyong mga star player, laging tandaan na pwede kang maghiganti. Puntahan lamang ang syudad kung saan nakatayo ang kanilang stadium at hanapin at bugbugin din ang player na nanakit sa iyong team member. Sa karagdagan, pwede rin na ikaw mismo ang magsimula ng gulo sa pamamagitan ng pananabotahe ng ibang koponan, pindutin lamang ang heat-up na makikita sa stadium ng ibang koponan upang saktan ang isa sa kanilang mga manlalaro, o subukang suhulan ang ilan sa kanilang star player na lumipat sa iyong koponan.

Saan Maaaring I-download ang Laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, kailangan naman na i-download ang GameLoop sa PC para gumana ito. Samantala, hindi pa available ang larong ito para sa mga iOS user. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download Underworld Football Manager – Bribe, Attack, Steal on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.jokkogames.footballunderworld.mobile

Download Underworld Football Manager – Bribe, Attack, Steal on PC https://www.gameloop.com/ph/game/sports/underworld-football-manager-bribe-attack-steal-on-pc

Features ng Laro

  • Stadiums – Ito ang nagsisilbing home menu ng bawat koponan. Dito mo rin makikita ang statistics ng lahat ng iyong manlalaro at tool box kung saan mo matatagpuan ang mga improvement item na pwedeng mong ibigay sa iyong mga manlalaro para higit silang palakasin, o pangalagaan mula sa masasamang balak ng iba.
  • Hospital – Sadyang hindi maiiwasan na maging biktima ng pananabotahe ng ibang koponan ang iyong mga manlalaro, kaya sakaling may mga na-i-report na mga injured player, buksan ang feature na ito ng laro at bumili ng healing effect upang agad silang mapagaling.
  • Pawn Shop – Sa feature naman nitong laro matatagpuan ang lahat ng mga nakakatawang upgrade na kinakailangan ng iyong mga manlalaro kagaya ng old underwear na may kakayahang i-boost ang passing rate ng iyong manlalaro hanggang sa 10%, old socks na may kakayahang mag-boost ng speed hanggang 10% at old pads na magbibigay ng karagdagang 10% sa tackling ability ng iyong mga manlalaro.
  • Sports Lab – Maituturing ito na isa sa pinakamahalagang feature ng laro kung saan matatagpuan ang mga xp category na pwede mong gamitin upang i-level up ang ilan sa iyong mga player kagaya ng attack, defense, fitness, mental at luxury.
  • Finance Headquarter – Makikita rito ang budget information ng iyong koponan, makokolekta ang mga naipong pera mula sa paglalaro sa mga tournament at makapag-hire ng accountant na siyang mamamahala sa lahat ng iyong pera.
  • Tournament Arena – Dito naman magagawang makapag-rehistro sa mga available tournament na pwedeng salihan kagaya ng rookie tournament.
  • University – Upang mapantayan ang galing ng ibang manager, dito mo magagawang i-improve ang iyong managing skill. Ang pagpapabuti sa iyong kasanayan bilang isang manager ay magbibigay sa iyo ng malaking bentahe sa paglalaro sa mga liga.
  • Prison – Upang maiwasan na mapadpad sa lugar na ito, iwasan ang pananabotahe ng ibang koponan. Ngunit kapag may mga kaibigan ka, o team member na nakulong, pwede mong suhulan ang guard ng kulungan upang palayain sila, o hindi kaya gumamit ng pera upang itakas sila.

Pros at Cons ng Laro

Hindi maaaring ipagkaila ng Laro Reviews na sadyang nakakaadik ang paglalaro ng Underworld Football Manager – Bribe, Attack, Steal sapagkat napakaraming pwedeng gawin sa larong ito. Bukod kasi sa mga tournament, halos hindi rin nauubusan ng mga ipinapagawa ang daily quest. Maliban pa rito, sobrang dami ng upgrades na pwedeng magamit sa laro at napakarami ring mga paraan upang kumita ng pera.

Sa karagdagan, hindi mo rin maiiwasan na hindi humanga sa graphics ng laro. Tunay na kaakit-akit ang mga makikitang pasilidad sa mga syudad lalo na ang stadium at pawn shop. Maliban pa rito, malaki rin ang naitutulong ng mga optional ad upang makatanggap ka ng mga libreng upgrade at gold.

Sa kabilang banda, masasabi rin ng Laro Reviews na malayo pa sa pagiging perpektong laro ang Underworld Football Manager – Bribe, Attack, Steal. Bukod kasi sa pagkakaroon ng lag at glitching paminsan-minsan sa laro, hindi rin maayos ang pag-ma-match ng mga koponan. Maraming pagkakataon na magagawa kang talunin ng mga mahihinang kalaban kahit pa upgraded ang lahat ng iyong mga manlalaro. Bukod pa rito, hindi rin maganda para sa mga batang manlalaro ang larong ito sapagkat maaari nilang gawin sa iba ang mga karahasang nakikita rito, partikular na ang pambubugbog at paninira ng gamit ng ibang tao.

Konklusyon

Kung marami kang bakanteng oras palagi, tiyak na magugustuhan mo ang gameplay ng Underworld Football Manager – Bribe, Attack, Steal. Hindi kasi nauubusan ng mga challenge ang larong ito at sigurado ring mawiwili ka sa pagsunod sa mga ipinapagawang tasks sa iyo ng Daily Quest. Para malaman mo mismo kung tama nga ba ang mga nakasulat dito, ano pa ang hinihintay mo? I-download na itong laro sa iyong device.