Naisip mo bang magsasama-sama ang mga pinakasikat na karakter mula sa iba’t ibang TV shows sa isang laro? Ang ganitong crossover ay tiyak na inaantay ng marami, lalo na ang fans nito. Ganito ang feature ng larong tatalakayin ng Laro Reviews sa article na ito.
Ang Animation Throwdown: Epic CCG ay isang adventure at CCG o collectible card game kung saan maaari kang makipaglaban sa mga karakter mula sa iyong paboritong TV shows. Ito ay ginawa ng game developer na Kongregate. Tunghayan dito ang mga kilalang karakter sa mga cartoons tulad ng Family Guy, Futurama, American Dad, King of the Gill, at Bob’s Burgers. Balikan ang iyong pagkabata sa cartoon-themed na larong ito. Tiyak na labis ding matatawa ang mga manlalaro sa mga karakter na makikita rito.
Features ng Animation Throwdown: Epic CCG
Collectible Card Games – Kolektahin ang cards kung saan nagiging pamilyar ang mga karakter at scenes mula sa pinakamamahal na cartoons ng maraming tao simula pa noon. Siguradong ma-eenjoy rin ng mga manlalaro ang pagkolekta ng cards ng kanilang paboritong mga cartoon character sa iba’t ibang shows.
PvP Battles – Sa player-versus-player (PvP) battles nito, maaari kang makipag-duel sa ibang manlalaro. Labanan sila sa strategic na one-on-one card battles gamit ang iyong napiling karakter. Kabilang sa battle ang pag-build at upgrade ng deck upang talunin ang kalaban.
Multiple Game Modes – Maraming modes sa laro kung saan pwede itong pagpiliian ng mga manlalaro. Narito ang katangian ng bawat isa:
- Adventure – Binubuo ito ng sari-saring chapters na may magkakaibang lokasyon. Mayroon itong 33 chapters sa kasalukuyan na maaaring laruin ng manlalaro.
- Arena – Makipaglaban sa ibang mga manlalaro para makakolekta ng bagong heroes. Kasama na rin dito ang pag-level up sa kanila. Kailangan ng isang bilang ng boxing gloves para makasali sa match.
- Challenges Mode – Kailangang maabot ang Level 3 bago ito ma-unlock.
- Rumble Mode – Abutin ang Level 4 upang ma-unlock ito.
- Siege Mode – Gayundin, kailangan makaabot ng Level 4 para ma-unlock ito.
- Events Mode – Maa-unlock lamang kapag naabot ang Level 3.
Gameplay ng Animation Throwdown: Epic CCG
Sa umpisa ng laro, kailangan mong pumili ng hero na gagamitin mula kina Bob ng Bob’s Burgers, Roger ng American Dad!, Brian ng Family Guy, Leela ng Futurama, at si Bobby ng King of the Hill. Ngunit huwag mag-alala kung nagbago ang nais mong karakter dahil pwede itong palitan kahit anong oras.
Kapag tiningnan ang card, makikita ang Attack batay sa nakalagay sa Hammer icon na nasa kaliwang-ibabang bahagi nito. Dito mo malalaman kung gaano kalakas ang damage na maidudulot nito sa kalaban. Samantala, nasa ibaba naman ang Heart icon na sumisimbolo sa Health ng cards mo. Ito ang nagsasabi kung gaano karaming damage ang kaya nitong tanggapin. I-click ang card para malaman ang impormasyon tungkol sa karakter. Halimbawa, nakalagay rito na maaaring mag-improve ang stats kapag inupgrade mo ito. Gayundin, nakalagay rin kung anong combos posible magamit ang card.
Sa battle, kailangan mong pumili ng card sa pagtira. Mainam kung ang pipiliin mong card ay may mas mataas na Attack kumpara sa Health ng kalaban. Nang sa gayon ay mabilis mong mapapatay ang card at mapuruhan ang mismong kalaban.
Saan Pwedeng I-download ang Animation Throwdown: Epic CCG?
Sa bahaging ito ng article ituturo ng Laro Reviews kung saan at paano i-download ang Animation Throwdown: Epic CCG. Kasalukuyang available ang laro sa Android, iOS, at PC devices. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos ang lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!
Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:
Download Animation Throwdown: Epic CCG on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.kongregate.mobile.throwdown.google
Download Animation Throwdown: Epic CCG on iOS https://apps.apple.com/us/app/animation-throwdown-ccg/id1080816579
Download Animation Throwdown: Epic CCG on PC https://www.bluestacks.com/apps/adventure/animation-throwdown-tqfc-on-pc.html
Kung sa PC mo napiling maglaro ng Animation Throwdown: Epic CCG, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang https://www.bluestacks.com. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong Google Play account.
Tips at Tricks sa Paglalaro
Sa ganitong laro, isa sa nais ng mga manlalaro ay pagandahin ang deck sa pamamagitan ng pagbili ng mas maraming cards. Ang coins na makukuha sa paglalaro ay magagamit sa pagbili ng card packs. Kaya naman tungkol dito ang una kong maipapayo sa iyo. Malamang ay magtangka ka kaagad na bumili ng cards kapag nagkaroon ka na ng sapat na perang pambili nito. Ngunit kung ako sa iyo, aantayin kong makakuha muna ng 5,000 coins. Ang tip ko rito ay pindutin ang Buy All button sa Card Packs menu para makabili ng limang cards imbes na isang standard pack lamang.
Importante ang palaging pag-upgrade ng cards dahil ito ang paraan upang magkaroon ka ng mas magandang deck. Para magawa ito, kailangan mo lang piliin ang card at pindutin ang Upgrade button. Mas maigi kung isa-isa ang iyong pag-upgrade kaysa gagawin ito nang sabay-sabay. Unahing i-upgrade ang rare cards, kung mayroon ka nito. Ang susunod na dapat i-upgrade ay ang maayos na common cards, tulad ni Fry ng Futurama. Pagkatapos mo itong i-upgrade, mas maganda kung ipunin mo muna ang malakihang pag-upgrade kapag nagkaroon ka na ng mas maraming cards sa iyong deck. Iwasang masyadong ma-excite sa pag-upgrade ng cards, lalo na ang mga hindi mo naman madalas na ginagamit.
Isa sa mahalagang paraan sa paglalaro ay ang pag-research ng combos. Pumunta sa Research at gamitin ang dalawang cards upang madiskubre ang potensyal nitong magamit bilang combo sa laro. Ang bawat card ay maaaring i-pair sa ibang card kaya marami kang kailangang alaming combinations gamit ang Research. Para hindi ka ma-overwhelm sa dami nito, makakatulong kung simulan mo muna sa cards na pinakamadalas mong gamitin o lumabas sa laro. Nang sa gayon, marami kang posibleng maging combos. Dagdag pa rito, nagreresulta sa mas malakas na combo kapag magkakaiba ang rarity levels ng card.
May quests din ito kung saan makakatanggap ka ng rewards kapag nakumpleto ang bawat isa. Sa pamamagitan din nito, mapapataas mo ang level ng karakter. Gayundin, magbibigay-daan ito upang makapag-unlock ng ibang game modes. Siguraduhing makakumpleto ng maraming quests hangga’t makakaya para makakuha ng power, coins, at XP.
Pros at Cons ng Animation Throwdown: Epic CCG
Nakakapukaw ng atensyon ang cute ng disenyo ng laro lalo na’t pinagsama-sama ang mga karakter mula sa iba’t ibang sikat na cartoons. Nakakaakit ang graphics ang visuals nito lalo na sa talagang pamilyar sa mga karakter na kasama sa laro. Mapapansin din ang pagkakapareho ng storyline nito sa mismong show ng mga karakter, lalo na pagdating sa pagiging nakakatawa nito. Nakaka-enjoy rin ang gameplay nito kaya marami ang ipinagpapatuloy ang kanilang paglalaro at di napapansing nakababad na pala sila sa laro.
Gayunpaman, may mga pagkakataong hindi naibibigay ang rewards matapos manood ng ads. Ikinadidismaya ito ng mga manlalaro dahil kaya lamang sila nanonood ng ads ay para makakuha ng libreng rewards. Pero kung wala rin silang matatanggap pagkatapos, walang kwenta ang paghihintay nilang tapusin ang ads. Hindi rin nila nagustuhan ang pagkakaroon ng multi parts ng ads, kung saan nahahahati pa ito sa tatlong ads. Bukod pa rito, may mga insidente kung saan paminsan-minsang nagfi-freeze ang laro sa tuwing pumipili ng card. Walang improvement na nangyayari kaya walang choice kundi i-restart ang app. Ngunit pagkabalik dito, nawala naman ang lahat ng data ng manlalaro. Pagdating naman sa in-game purchases nito, masasabing malaki ang advantage ng mga pay-to-win (P2W) na mga manlalaro lalo na sa pagkakaroon ng mabilis na progreso.
Konklusyon
Tunghayan ang malakihang crossover ng mga paboritong karakter ng nakararami mula sa cartoons, tulad ng Family Guy, Futurama, Bob’s Burgers, King of the Hill, at American Dad! Ang Animation Throwdown: Epic CCG ay isang CCG na kinokonsiderang masayang laruin ng karamihan. Gayunpaman, nakakaranas sila ng glitches sa paglalaro kaya hindi rin nila ito masyadong na-eenjoy. Kung nais mong subukan itong laruin at mananatili kang F2P, asahang mas mayroong advantage ang mga P2W na mga manlalaro kumpara sa iyo.