Sa bansang Pilipinas, isa sa mga pambansang laro ng mga kabataan sa lansangan ay ang larong Tumbang Preso. Gamit ang tsinelas, kailangan nilang batuhin at patumbahin ang latang nasa loob ng pabilog na linya. Sa halos lahat ng panig ng bansa, alam na alam ng karamihan sa mga bata kung paano ito laruin. Maging sa kasalukuyang panahon kung saan talamak na ang mga gadget at social media, hindi pa rin maikakaila na maraming kabataan ang patuloy na tumatangkilik sa Tumbang Preso.
Hindi naiiba ang mechanics ng larong Knockdown 3 sa nabanggit na laro sa itaas, ang pinagkaiba lamang, sa halip na tsinelas, baseball ang gagamiting pambato sa mga lata. Ito ay isa ring klasikong karnabal na laro kung saan ang pangunahing layunin ng mga manlalaro ay patumbahin lahat ng latang nakahilera sa iba’t-ibang pwesto upang umusad sa laro.
May nauna ng dalawang bersyon ang larong ito, ngunit ang kasalukuyang bersyon ay mas pinaganda ang graphics, mas dinagdagan ang game levels at higit sa lahat, naresolba na ang mga problemang inirereklamo ng mga manlalaro noon pagdating sa usaping ads at sa madalas na pagkakaroon ng lagging sa laro.
Sa karagdagan, ang laro ay mayroon lamang tatlong baseball na ipambabato sa mga latang naka-pwesto sa ledge, pedestal, o nakasalansan sa ibabaw ng isa’t- isa. Kinakailangang mapatumba ng mga manlalaro ang lahat ng lata mula sa iba’t-ibang pwesto bago maubos ang tatlong baseball. Ang bawat game episode ay binubuo ng dalawampung game levels. Dapat na makumpleto ang lahat ng level para mabuksan ang panibagong game episode.
Features ng laro:
- Extra ball can – Ang kulay berdeng lata ay magbibigay ng isang karagdagang baseball kapag tinamaan. Sa paglalaro, dapat na unahin silang tamaan upang mas maraming bola pa ang maaaring magamit sa laro;
- Bomb Can – Ang kulay pula namang mga lata ay naglilikha ng malaking pasabog kapag tinamaan kaya kung gusto mong maubos ng madalian ang mga lata ay sikapin mong tamaan ang mga ito;
- Danger Can – Kung ang naunang dalawang lata ay nagbibigay ng tulong sa mga manlalaro, ang mga latang may marka ng bungo at kulay itim naman ay dapat na hindi matamaan dahil ang mga ito ay may negatibong epekto sa marka mo sa laro at sa bilang ng stars na makukuha mo;
- Alarm Signal Buttons – Makikita sa laro ang mga nakalambitin na mga signal. Kailangang matamaan sila upang tumigil sa paggalaw ang mga harang sa laro;
- Different challenges – Ang bawat game level ay mayroong pagkakaiba pagdating sa mga pagsubok sa laro. Nagiging mas mahirap ang mga ito habang pataas nang pataas ang mga nabubuksang game episode.
- Chains – Ang harang na ito ang pinakamahirap na malampasan kaya lubos na kinakailangan ang sobrang bilis sa pagbato ng bola upang hindi maabutan ng mga nakalambiting kadena.
Saan maaaring ma-download ang laro?
Gamit ang search bar ng inyong device, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user at sa App Store para sa iOS. Para naman sa gumagamit ng PC, gumamit ng emulator para i-download ang laro. I-click lamang ang link sa ibaba, i-install ito at hintaying ma-download para masimulan na ang paglalaro
Download Can Knockdown 3 on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=pl.idreams.CanKnockdown3
Download Can Knockdown 3 on iOS https://apps.apple.com/us/app/can-knockdown-3/id651966498
Download Can Knockdown 3 on PC https://www.microsoft.com/en-us/p/canknockdown-3/9nblggh1hmgg?activetab=pivot:overviewtab
Tips at Tricks sa Paglalaro ng Can Knockdown 3
- Sikaping maubos lahat ng mga lata gamit lamang ang isang baseball upang makamit ang tatlong stars sa laro. Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga stars dahil mabubuksan lamang ang susunod na game episode kapag natamo ang target na bilang ng mga star na kailangang makuha upang mabuksan ito;
- Kung hindi kayang mapatumba ang lahat ng mga lata gamit lamang ang isang baseball, tiyakin na may isa o higit pang berdeng lata kang matatamaan upang mas maraming bola pa ang matitira;
- Bukod sa pag-target sa mga lata, maaari ring tamaan ang mga magaan na kahoy kung saan sila nakapatong upang bumagsak ang mga ito at matamaan ang iba pang mga latang nasa ibaba;
- Kapag naman may kulay pula ang mga lata na makikita, sikapin din na una mo silang matamaan upang kasabay ng pagsabog ng mga ito ay titilapun din ang mga katabing lata nito;
- Kapag bumabato, maaaring pumwesto sa magkabilang gilid upang madaplisan ang iba pang lata at matumba rin ang mga ito;
- Sa ilang game levels, may ilang mga alarm signal na kailangang pindutin ng mas nauuna at may ilan din namang kailangang pindutin ng huli. Pag-aralan kung alin sa dalawang ito ang dapat mauna at dapat mahuli;
- Kailangan din na mabilis kang mag-swipe upang higit na mas maging malakas ang pwersa ng baseball na iyong ibabato.
Pros at Cons ng laro
Hindi kagaya ng ibang laro na kailangan mong bumalik sa umpisa sa oras na matalo, o kailangan mong magbayad ng coins para ma-revive ang iyong game character, sa larong ito, walang limitasyon ang mga manlalaro sa paulit-ulit na pagsubok upang maipanalo ang game level kung saan sila nabibigo. Maaari ring i-replay ang mga level na mas mababa sa tatlo ang star. Bukod pa rito, tunay na susubukin ng larong ito ang iyong game play at strategy kung paano malampasan ang lahat ng mga pagsubok sa laro.
Ang graphics ng laro ay tunay ring kahanga-hanga dahil ito ay naka 3D. Maliban pa rito, maganda rin ang detalye ng mga lugar kung saan ginaganap ang laro. Maging ang musika ng laro ay nakakadagdag intensity din dahil sa magandang beat nito. Ang bawat pagtama ng bola sa isang chain-linked na harang ay talagang may kaparehong tunog sa ingay na nililikha ng totoong bola kapag ihinagis mo ito sa matigas na bakal.
Maliban pa rito, hindi rin nakakasawang laruin ang larong ito dahil ang bawat game level ay nagtatampok ng iba’t-ibang game challenges at sa oras na masimulan mo ang paglalaro, tiyak na parang ayaw mo ng bitawan ang iyong device dahil tunay na nakakaadik ang paglalaro ng Can Knockdown 3. Sa pamamagitan ng leader board at badges na makikita sa laro, maaari mong maibahagi sa iyong mga kaibigan ang iyong progress at maging maibahagi sa social media ang scores na natamo mo sa laro.
Sa kabilang dako, pagdating sa episode 5 ay tila imposible ng malampasan ang ilan sa mga game level ng laro. Maaaring itinuturing itong magandang katangian ng iba, ngunit ang mga batang manlalaro ay tiyak na mahihirapan na malampasan ang mga ito. Dagdag pa, sakaling naka-on ang data, o WiFi connection mo, nagkakaroon ng delay sa pagbato ng bola. Totoo ring nabawasan ang dami ng ads sa laro ngunit hindi ito ganap na nawala dahil patuloy pa rin ang pagsulpot ng mga pop-ad sa inyong screen. Bukod pa rito, upang mabuksan ang mga game episode, kailangang matapos mo ang bawat game level na mayroong tatlong stars dahil kung hindi ay mananataling nakakandado ang mga ito at walang ibang paraan upang makapagpatuloy ka pa sa laro.
Konklusyon
Hindi maipagkakaila ng Laro Reviews na unti-unti ng nawawala sa ating kultura ang mga pamanang laro ng nakaraan. Halos lahat ng kabataan ay pinipili na ang paglalaro ng gadgets kaysa ang paglalaro sa labas ng bahay. Nakakalungkot man, ngunit ito ang masakit na katotohanan na nangyayari ngayon sa ating lipunan. Ngunit sa tulong ng Can Knockdown 3, nakakatiyak ang Laro Reviews na muling manunumbalik ang interes ng ilang manlalaro lalo na ng mga kabataan sa paglalaro ng mga larong naging kaakibat na ng ating kultura. Kung nais mong balikan ang nakagisnang Tumbang Preso, i-download na ang larong ito at ibahagi sa mga kaibigan para kahit malayo man sa isa’t-isa ay magkakasama pa rin kayo sa paglalaro.