Undead vs Demon Review

May kakaibang bihis ang larong ito na talaga namang hindi mo maiiwasang hindi ito subukan. Ito ang Undead vs Demon, isang strategy game na nilikha ng FunTriggerGames upang kagiliwan ng lahat partikular na sa mga mahihilig sa horror. Sa larong ito, talagang magugustuhan mo ang bawat detalyeng inilagay para rito. Mula sa kakaibang art at tema hanggang sa gameplay nitong kaya kang aliwin habang ika’y tinatakot.

Sa Undead vs Demon, ikaw ay dadaan sa isang labanan kung saan ikaw ay binibigyan ng isang papel bilang isang Skeleton King na may trabahong kontrolin ang iyong mga skeleton soldier. Sila ang tinatawag na undead ng laro at trabaho ninyong puksain ang mga demon na papalapit sa inyong teritoryo. Sinasabing ang larong ito ay kumbinasyon ng brick breaker game at merge system dahil kailangan mong patayin ang mga demon sa pamamagitan ng pagtulak sa iyong mga skeleton soldier sa mga ito. Kailangan mo lamang ding i-merge ang mga ito kung nais mong mapalakas pa ang mga ito.

Features ng Undead vs Demon

Sa larong ito ay mayroon kang maaaring kaaaliwang iba’t ibang klase ng game mode. Ito ay nasa loob ng tinatawag na Dungeon. Mayroon ditong tinatawag na normal kung saan laman nito ang mga challenge na may katamtaman lamang na level ng difficulty. Ito rin ang masasabing pinakamahusay na larong maaaring simulan ng bawat manlalaro. Sa tabi naman nito ay ang Infinity kung saan mayroong itong tatlong klase ng laro gaya ng Northern Gate, Outskirts, at Sewers. Gaya ng Normal, tama lamang din ang level of difficulty nito. Ang kaibahan lamang nila ay ang kanilang game mechanics. Bukod pa sa dalawang ito ay mayroon ding tinatawag na Gold na may very hard game mode at Boss naman na hard. Gaya ng Infinity, maaari mo lamang ding malaro ang dalawang ito sa oras na makarating ka na sa isang specific na level.

Mayroon din itong iba’t ibang klase ng mission kung saan sa tuwing makukumpleto mo ito ay magkakaroon ka ng reward na gem. Ilan sa mga mission dito ay yung mga basic na magagawa ng bawat manlalaro sa simula ng laro gaya ng unang panalo, unang pag-summon at pagkumpleto ng isang dungeon at marami pang iba. Bukod dito, mayroon ding Pass section kung saan maaari kang makakuha ng libreng reward.

Related Posts:

Hero Royale: PvP Tower Defense Review

Sci-Fi Tower Defense Module TD Review

Sa Power-Up section naman makikita ang iba’t ibang klaseng ability ng iyong soldier na kailangan mong i-upgrade o i-level up. Sa kabuuan, mayroong 12 abilities na narito sa normal section. Tatlo para sa iyong Skeleton’s King, tatlo rin para sa iyong skeleton soldiers, at anim naman para sa bawat gamit o sa’yo, bilang isang manlalaro. Bukod pa rito, mayroon pang ability na makikita sa advance, kumpara sa normal, ito ang mga ability kung saan maaaring i-level up para mag-deploy pa ng maraming soldier upang mapabilis ang pag-increase ng mana at iba.

Mayroong tinatawag na Rune section sa larong ito, kung saan narito ang mga special ability na maaari mong gamitin para sa iyong mga soldier. Nahahati ito sa dalawa: Equip at Craft. Sa Equip, makikita mo ang pitong slots na pwede mong paglagyan ng mga special ability na posible mong makuha habang nakikipaglaban. Sa Craft naman ay kung saan ka maaaring gumawa ng marahil ay spell o panibagong rune. Mayroon din itong slot na kailangan mo ring ma-unlock.

Hindi naman maaaring mawala rito ang shop kung saan maaari kang bumili ng iba’t ibang klase ng item gaya ng gem, rune, gold at iba pa. Nahahati ito sa apat: Discount, kung saan mabibili mo ang ilang item nang naka-package; Resource, kung saan mabibili mo ang game currency gaya ng gems at gold; Special, kung saan maaari mong mabili ang Rune at No ads; at Time, kung saan makikita ang ilang rare items.

Dumako naman tayo sa iba pang features ng laro pagdating sa bawat labanan. Sa bandang baba natin makikita ang tatlong klase ng summon na iyong magagamit upang magkaroon ka ng dagdag-bilang sa iyong skeleton soldier: ang Normal (puting skeleton soldier), Special (may iba’t ibang kulay) at Combine. Mayroong iba’t ibang kulay kung saan nakadepende rito ang lakas ng bawat skeleton soldier. Mayroong White (may katamtamang lakas), Yellow, Green, Orange at Violet (pinakamalakas). Kung iko-combine mo sa isa’t isa ang bawat magkakaperahas na kulay, magiging isa sila at magkakaroon ng panibagong kulay.

Sa bandang kanan naman sa baba makikita ang tinatawag na Operation Board kung saan makikita mo ang bilang ng na-deploy mong skeleton soldiers, bilang ng na-combine mo, at ilan ang nasa summon site inventory. Sa bandang kaliwa naman makikita ang Gear Window ng iyong King skeleton. Dito mo makikita ang ilang gear nito gaya ng necklace, weapon, helm, talisman at iba pa. Sa gitna ng mga ito naman makikita ang iba’t ibang klase ng skills.

Saan maaaring i-download ang app?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 143MB sa Google Play Store. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba.

Download Undead vs Demon on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.FunTrigger.UndeadVSDemon

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Undead vs Demon

Kung nais mong laruin ang Undead vs Demon, isang mainam na gawin ang target-in ang likod o dulong bahagi kung saan ang maaaring tamaan ay ang likod ng iyong mga kalaban. Isang mainam kasing paraan iyon upang magtagal sa pag-bounce ang iyong skeleton soldier sa parteng itaas. Epektibo rin iyon dahil talagang marami ang maaari mong mapatay na kalaban. Gayunpaman, huwag pa ring kalilimutang bawasan ang nasa unahan. Baka kasi sa kaka-target mo sa bandang likod nito, makalimutan mo na ang harap na unti-unting lumalapit sa’yo. Kung mangyari man ito, subukan agad na gamitin ang skill kung saan rekta nitong napapatay ang kalaban. May limit lamang ang paggamit nito kaya gamitin ito nang wasto at talagang pinag-iisipan.

Mahalaga ang pagmi-merge sa iyong mga skeleton soldier kung nais mo talagang mas mapalakas pa ang mga ito. Ngunit para sa Laro Reviews, isang mainam na paraan din naman kung bihira mo lamang ito gagawin dahil naniniwala kaming mas mahalaga ang bilang lalo na sa ganitong klase ng laro. Maraming nagagawa ang marami kaysa malakas. Kung usapang lakas din naman, maaari mo lamang i-merge pansamantala ang mga skeleton soldier na may katamtaman lamang na lakas gaya ng mga may kulay na white.

Pros at Cons ng Undead vs Demon

Kamangha-mangha at talagang nakakapukaw ng atensyon ang kakaibang graphics na inilagay para sa larong ito. Hindi man sigurado ang Laro Reviews kung mayroon bang kagaya ng larong ito, ngunit naniniwala kaming kakaiba ito. Unique at talagang may bagong dating ang larong ito pagdating sa bawat disenyo at gameplay na inilagay para rito. Maganda ang 3D graphics nitong may iba’t ibang kulay na taglay dahilan upang lalo mo pang magustuhan ito. Makulay mula sa mga skeleton soldier, sa iyong mga kalaban maging ang ilan pang mga feature gaya ng mga kagamitan at mga makikita pa sa labas ng laro. Magaling ang ipinakita ng laro kung saan nagawa nitong maging kaakit-akit tingnan ang bawat karakter dito kahit pa nakakatakot ang mga itsura ng mga ito.

Kapuri-puri rin maging ang music at sound na inilapat dito. Lalo na sa tuwing naririnig mo ang tunog na nalilikha ng mga skeleton soldier sa tuwing tumatama ang mga ito sa kanilang mga kalaban. Ganun din, maging sa kanilang mga boses sa tuwing sina-summon mo ang mga ito. Matinis, ngunit hindi naman gaanong masakit sa tenga, sa tuwing napakikinggan. Ngunit siguro, may iilan ding maririndi rito kung sakaling paulit-ulit din nila itong maririnig.

Gayunpaman, sa kabila ng mga ito, maituturing namang disadbentahe sa larong ito ang mga button, gaya ng makikita sa skills na sobrang liit ng size. Dahil dito, mahirap itong pindutin lalo na sa mga pagkakataon sa larong nagiging crucial na ito. Bukod pa rito, may ilang buttons din sa larong ito na hindi naisalin sa wikang Ingles dahilan upang magkaroon ito ng daan upang hindi maintindihan ng ibang manlalaro ang ipinararating ng laro.

Konklusyon

Sa kabila ng ilang flaws na makikita sa larong ito, may tamang timpla pa rin ito para iyong kagiliwan. Maganda at nakakabusog ang art na makikita mo rito at taglay din nito ang iba’t ibang klase ng gameplay na may sapat ng level of difficulty upang magtulak sa iyong umisip ng iba’t ibang estratehiya at talaga namang kaaadikan mo. Kaya kung nais mong maranasang laruin ang kakaibang larong ito na tampok ang skeleton at demon, i-download na ang Undead vs Demon!

Laro Reviews