Sa nakaraang artikulo, nalaman mo ang tungkol sa nakakaantig na kuwento ni Emily at ng kanyang mga mahal sa buhay sa Delicious – Hopes and Fears. Ngunit nagpapatuloy ang kanyang paglalakbay habang itinatampok ng Laro Reviews ang Delicious: Message in a Bottle. Ang ikalabintatlong yugto ng serye na may parehong restaurant management mechanics ngunit sa ibang lugar. Magiging kasing-ganda ba ito ng nakaraang laro? Alamin ‘yan habang patuloy kang nagbabasa.
Si Emily ay nagkaroon ng magandang relasyon sa kanyang lolo noong bata pa siya. Ginugugol nila ang kanilang oras sa tabi ng dagat habang ang kanyang ama ang namamahala sa restaurant. Ipinadala pa nila sa kanyang yumaong lola ang kanyang drawing sa bote, umaasang mababasa niya ito balang araw. Iyon ang pinakamasayang araw ng kabataan ni Emily, ngunit nagpasya ang kanyang lolo na maglayag nang mag-isa. Sa kasamaang palad, ito ang huling pagkakataong nakita niya ang kanyang pinakamamahal na lolo dahil ang bangka nito ay patungo sa bagyo. Lumipas ang tatlumpung taon, at nagkaroon na ng sariling pamilya si Emily. Ang bittersweet moments niya na kasama ang kanyang lolo ay isa na ngayong alaala. Hanggang sa narinig niya ang balita na buhay ang kanyang lolo at nasa Italy.
Ito ay ang parehong restaurant management game na may ibang kuwento. Ihanda ang orders at ihatid ang mga ito sa iyong customers. Magkakaroon ka rin ng iba’t ibang layunin sa bawat level, at makukumpleto mo ang mga ito upang makakuha ng diamonds. Samahan muli si Emily sa kanyang pakikipagsapalarang mahanap ang kanyang lolo sa Italy.
Features ng Delicious: Message in a Bottle
Campaign – Ang main mode ng larong may higit sa animnapung level na dapat kumpletuhin. Ang bawat isa ay may iba’t ibang goal, at makakakuha ka ng hanggang tatlong stars kung magtagumpay ka rito. Hindi tulad ng Delicious – Hopes and Fears, maaari mong laruin ang natitirang levels kung manonood ka ng ad. Bukod dito, iba’t ibang restaurants ang dapat mong pamahalaan depende sa lokasyon ng kwento.
Goals – Ito ang mga gawaing dapat mong tapusin sa bawat level. Bilang karagdagan, makakakuha ka ng tatlong stars at isang diamond bilang gantimpala kapag nakumpleto mo ang lahat ng mga ito. Maaari mong mahanap ang mga ito bago simulan ang laro sa gitna ng play tab. Sa kabilang banda, ang mga ito ay matatagpuan sa kanang itaas ng iyong screen kapag pinaglilingkuran mo ang customers.
Shop – Ang in-game store kung saan maaari mong i-upgrade ang items na kailangan para ihanda ang pagkain o mga dekorasyon para mapanatiling masaya ang customers.
Family Reunion – Isang lugar kung saan kailangan mong anyayahan ang lahat ng dalawampu’t limang miyembro ng pamilya at kaibigan. Upang gawin ito, dapat mong i-click ang anumang silhouette ng isang tao at magpadala sa kanila ng isang liham gamit ang diamonds.
Trophies – Kung nakakuha ka ng potted plants sa Delicious – Hopes and Fears, makakakuha ka ng mga nakasulat na mensahe sa loob ng isang bote sa larong ito. Bilang karagdagan, matatanggap mo ang mga ito bilang gantimpala para sa pagkumpleto ng ilang yugto, paggawa ng mga gawain, at iba pa.
Memorable Moments – Tulad ng karamihan sa Delicious games, maaari kang kumuha ng litrato sa ilang cutscenes. Ang lahat ng ito ay mailalagay sa isang photo album, at maaari mong basahin ang maikling paglalarawan ng mga litrato.
Saan pwedeng i-download ang Delicious: Message in a Bottle?
Pumunta sa Google Play Store gamit ang iyong smartphone kung Android user ka o sa App Store kung iOS device naman ang iyong gamit. I-type ang Delicious: Message in a Bottle sa search bar. Dahil libre ang laro, i-click at i-install lang ito at hintaying matapos ang pagda-download.
Narito ang mga link kung saan mo maaaring ma-download ang laro:
Download Delicious: Message in a Bottle on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.gamehouse.delicious13
Download Delicious: Message in a Bottle on iOS https://apps.apple.com/us/app/delicious-message-in-a-bottle/id1102828488
Download Delicious: Message in a Bottle on PC https://store.steampowered.com/app/540780/Delicious__Emilys_Message_in_a_Bottle/
Kung gusto mong laruin ito sa PC, i-download ang Steam mula sa kanilang https://store.steampowered.com/about/. Kumpletuhin ang kinakailangang access para mag-sign in sa iyong account, at kailangan mong magbayad muna ng ₱369.95. Pagkatapos ay maaari mo na ngayong i-download ang laro at maranasan ito sa PC.
Tips at Tricks sa Paglalaro
Isa ka mang mahusay na player o baguhan, palaging may isang level na mahirap na matapos. Kaya magbibigay ang Laro Reviews ng tips upang matulungan kang umusad.
Panatilihing masaya ang customers.
Ang coins ay isa sa pinakamahalagang bagay sa larong ito. Makukuha mo ang mga ito mula sa customers, kaya laging panatilihing masaya sila sa pamamagitan ng paghahatid ng pagkain sa lalong madaling panahon upang makakuha ng mas malalaking tip. Bilang karagdagan, huwag silang paghintayin ng matagal dahil baka maubusan sila ng pasensya. Ngunit kung sila ay magalit, maaari mong i-click ang miyembro ng iyong pamilya upang mag-perform sa harap nila at pasayahin silang muli.
I-click ang daga.
Habang pinamamahalaan ang restaurant, makakakita ka ng daga na lalabas. Makakakuha ka ng bonus coins sa sandaling ma-click mo ang mga ito. Kaya palaging tumingin sa iyong lokasyon kapag mayroon kang libreng oras, tulad ng paghahanda ng pagkain. Bukod dito, magagawa mo rin ito kapag nag-iisip pa rin ang customers ng kanilang order.
I-upgrade ang kusina.
Tulad ng karamihan sa restaurant management games, ito dapat ang isa sa iyong mga prayoridad upang bawasan ang oras ng paghahanda ng mga pagkain. Dahil dito, makakapagsilbi ka ng mas maraming customer.
Ibigay ang lahat ng orders nang sabay-sabay.
Makakakuha ka rin ng bonus coins kapag ginawa mo ito, kaya siguraduhing ihanda ang lahat ng kanilang orders bago mo ihatid ang mga ito sa customers.
Pros at Cons ng Delicious: Message in a Bottle
Kahit na mayroon itong simpleng 2D art style, mahusay na na-set up ng laro ang ambiance. Ang background music at ang maliliit na detalye ng mga lugar ay naaangkop sa bawat cutscene. Bilang karagdagan, mas magugustuhan mo ang laro kung isa ang Italy sa mga pinapangarap mong destinasyon dahil karamihan sa mga lokasyon sa stage ay kinunan sa bansang ito.
Karamihan sa restaurant management games ay may unskippable instructions na kailangan mong tapusin kahit na ayaw mo itong gawin. Ang magandang bagay tungkol sa larong ito ay optional lamang ang tutorials. Bago simulan ang laro, maaari mong piliing laktawan ang bahaging ito at magpatuloy sa paglalaro. Matututuhan mo ang mechanics nito nang mag-isa na nagdadagdag ng hamon sa laro.
Sa Delicious – Hopes and Fears, ang nakaraang laro, makakapaglaro ka lang ng iba pang level kung mag-aapply ka para sa buwanan o taunang subscription. Ngunit dito, mae-enjoy mo ang levels hangga’t nanonood ka ng ads bago maglaro. Ito ay trial version lamang, at ang orihinal na laro ay nagkakahalaga ng ₱369.95. Kaya makatwiran na kailangan mong magbayad para malaro ito.
Hindi ka magsasawa sa paglalaro nito dahil sa iba’t ibang layunin sa bawat levels. Gayunpaman, ang ilan sa kanila ay maaaring maging overwhelming. Halimbawa, kailangan mong ihanda at ihain ang pagkain sa customers habang hinahanap si Emily sa iyong restaurant. Hindi nito inaalis ang saya, ngunit maaari itong makaapekto sa iyong performance kung hindi ka mahusay magmulti-task.
Konklusyon
Ang Delicious: Message in a Bottle ay kasing ganda ng nakaraang laro nito. Hindi nabigo ang GameHouse Original Stories na magsulat ng isang nakakahimok na kuwento sa kanilang mga gawa. Ito ay hindi isang simpleng laro sa restaurant management game dahil sa plot nito. Bilang karagdagan, maaari mong ma-enjoy ang laro na may iba’t ibang mga layuning dapat mong kumpletuhin sa bawat level. Inirerekomenda ito ng Laro Reviews kung mahilig ka sa mga larong mula sa Delicious series ngunit hindi mo kayang mag-apply para sa buwanan o taunang subscription.