Maraming mga card game sa Google Play Store ang pwede mong pagpilian katulad ng mga iba’t ibang uri ng solitaire at uno. Subalit kung naghahanap ka ng kakaibang larong barahang may twist, sigurado akong magugustuhan mo ang likha ng Feiyu Technology HK Limited, ang My Turn: Infinite Magic Duel.
Ang My Turn: Infinite Magic Duel ay inilunsad noong July 2020 sa Google Play Store at App Store ng Feiyu Technology HK Limited. Ito ay isang card duel game na may kumbinasyon ng Training Card Game o TCG at Multiplayer Online Battle Arena o MOBA. Ibig sabihin, ito ay isang larong barahang pwede sa maraming manlalaro. Maaari mong kalabanin ang ibang players at pwede ka ring lumaban ng isang buong grupo laban sa iba pa. Kapanapanabik ang larong ito dahil marami ang pwede mong makasama sa isang labanan.
Ang larong ito ay tungkol sa pagpapakita ng galing at husay sa pakikipaglaban sa pamamagitan ng baraha. Ipamalas ang iyong kakayahan sa pagbuo ng estratehiya at pamamaraan upang matalo ang kalaban. Nasa iyo nakasalalay ang tagumpay ng bawat laban. Handa ka na ba sa isang duel?
Para mas lalo pang maunawaan ang ibang impormasyon tungkol sa larong ito, narito ang ilan pang detalyeng makatutulong sa iyo. Basahin ang artikulo upang matuklasan kung ano ang mga features, tips at tricks, pros at cons ng larong My Turn: Infinite Magic Duel.
Features ng My Turn: Infinite Magic Duel
Fast-paced Duel – Para sa mga nais ng mabilis at kapanapanabik na labanan, ang My Turn: Infinite Magic Duel ay isang fast-paced duel. Sa loob lamang ng pitong minuto o higit pa, makikita mo na ang resulta ng laban. Ang galaw at atake ng mga karakter ay mabilis lamang kaya hindi ka maiinip kung gusto mo ng maikling tunggalian.
Bumuo ng Sariling Grupo – Bilang isang MOBA game, sa My Turn: Infinite Magic Duel ay hindi ka mag-isang makikipaglaban sa kaaway. Pumili ng magagaling at malalakas na heroes at bigyan sila ng mga kagamitang makakatulong sa kanilang paglaban.
Kakaibang Hero – Mahigit sa isandaang heroes ang pwede mong pagpilian sa larong ito. Kabilang dito ang Cosmic Dragon, Arcane Source, Squire, Alchemist at Samurai.
Iba’t ibang uri ng Baraha – Mayroong tatlong uri ng baraha ang My Turn: Infinite Magic Duel. Una dito ang Hero Card. Sa barahang ito nakalagay kung sino ang mga hero na pwede mong pagpilian. Pangalawa, ang Equipment Card at Item Card. Ito naman ang mga barahang naglalaman ng kapangyarihan, armas at kagamitang ginagamit ng iyong karakter sa laban. Pangatlo at pang huli, ang Special Card. Ito naman ang mga barahang naglalaman ng espesyal na items na hindi mo madalas makikita at magagamit sa laban.
Mga Pandaigdigang Manlalaro – Sa larong ito ay maaari mo ring ipamalas ang iyong galing at talento sa pakikipaglaban sa mga nasa iba’t ibang dako ng mundong mga manlalaro. Gawin mo ang iyong makakaya upang mapunta sa mataas na rank.
Mahusay na graphics – Ang graphics na ginamit sa larong ito ay mahusay. Hindi ka madidismaya sa disenyo dahil maganda ang pagkakagawa ng mga karakter, istilo ng mga baraha at ang mismong kabuuan ng laro. Ito rin ang isa sa mga dahilan upang mas mahikayat ka pang laruin ito.
Saan pwedeng i-download ang My Turn: Infinite Magic Duel?
Kung nais makuha ang larong ito, narito ang mga links ng laro. I-click lamang ang mga links sa ibaba para i-download ang laro depende sa ginagamit na device:
Download My Turn: Infinite Magic Duel on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.zxhd.projectc
Download My Turn: Infinite Magic Duel on iOS https://apps.apple.com/us/app/my-turn-infinite-magic-duel/id1504175834
Download My Turn: Infinite Magic Duel on PC https://www.ldplayer.net/games/com-zxhd-projectc-on-pc.html
Para mai-download ang laro, kailangan mo muna ng data o internet connection para makuha ito. Pagkatapos, i-click lamang ang link, pindutin ang install at hintayin umabot sa 100% ang pag-download. Kapag tapos na ito, maaari mo nang buksan ang larong ito at laruin.
Tips at Tricks kung Nais Laruin ang My Turn: Infinite Magic Duel
Kung ikaw ay baguhan pa lamang at nagnanais na laruin ang My Turn: Infinite Magic Duel, narito ang ilang tips mula sa Laro Reviews na siguradong makakatulong sa iyo.
Sa simula ng laro, gumawa muna ng iyong account. Maaari kang mamili kung Google account, Facebook o guest mode ang pipiliin mo. Pagkatapos mong pumili, magpapakita ng isang maikling kwento ang laro bago dumako sa mismong laban. Bago ka lumaban, mayroong gagabay sa iyo kung ano ang mga dapat mong gawin. Sundan lamang ang itinuturo sa tutorial stage at basahing mabuti ang isinasaad sa direksyon. Ito ay para mas mabilis mong maunawaan at maging pamilyar ka kung paano laruin ang My Turn: Infinite Magic Duel.
Pagkatapos mong maintindihan ang daloy ng laro, pumili ka na mula sa mga Hero Card ng nais mong gamitin na hero sa laban. Kabilang dito ang Cosmic Dragon, Arcane Source, Squire, Alchemist at Samurai. Mula sa limang heroes, kailangan mong pumili ng apat na karakter na lalaban. Huwag basta mamili kundi tingnang mabuti ang katangian at tungkulin ng mga napili mo. Sunod dito ay ang Equipment at Special Card na naglalaman ng kagamitan o kapangyarihang gagamitin mo sa mismong laban. Ang mga barahang ito ang pinakamahalaga kapag ikaw ay nakikipaglaban dahil narito ang mga gagamitin mong kapangyarihan upang talunin ang kaaway. Kabilang sa mga barahang ito ang attack, defensive stance, shield block, overpower strike, leech mask, heavy explosives at marami pang iba.
Kung sino ang matirang buhay sa huli ay siyang magwawagi. Kaya naman kailangan mong galingan sa iyong pag-atake at gumamit ng iba’t ibang estratehiya sa paglaban. Gamiting mabuti ang barahang hawak mo at pag-isipan ang bawat paglusob sa kalaban.
Gamitin ang iyong sariling pamamaraan at estratehiya sa paglalaro. Nakasalalay sa iyo ang pagkapanalo mo sa laban. Ito ang ilan lamang sa mga tips at tricks para sa mga bagong manlalaro na nais subukan ang My Turn: Infinite Magic Duel. Kung nais mo pa ng ibang gabay para maunawaan ito, mas maganda kung ikaw na mismo ang dumanas na laruin ito.
Pros at Cons sa Paglalaro ng My Turn: Infinite Magic Duel
Kung pag-uusapan ang tema ng larong ito, para sa Laro Reviews, ang My Turn: Infinite Magic Duel ay simple at masayang laruin. Madali at mabilis lang matutunan ang gameplay nito, gayundin ang mga gamit ng karakter at baraha. Kaya naman pwede itong laruin ng mga batang edad pito pataas dahil hindi masyadong marahas ang nilalaman nito na nakakaapekto sa kanila.
Pagdating naman sa graphics, visual at sound effects na ginamit sa larong ito, maayos at simple lamang. Maaari pa nila itong mas gandahan sa kanilang mga susunod na update. Pati na rin ang mga sound effect na ginamit lalo na sa boses ng mga karakter ay kadalasang nakasalin sa wikang Hapon. Siguradong magugustuhan ito ng mga anime at manga lover. Subalit hindi masyadong makaka-relate ang mga naglalaro nitong hindi masyadong pamilyar sa lenggwaheng Hapon. Mayroon pa rin namang mga wikang Ingles na mababasa sa laro kaya hindi ka rin malilito kapag ikaw ay naglaro na.
Ayon sa reviews, masaya, madali at mabilis nilang natutunan ang larong ito. Nagustuhan nila ang graphics at musikang inilapat sa laro dahil nakaka-relax ito habang ikaw ay nakikipaglaban. Subalit, ayon rin sa ibang reviews, nakaranas sila ng lags at errors sa pag-login sa laro. Hindi makapaglaro ang iba dahil sa ganito nilang karanasan at masyado rin daw maraming bots silang natatanggap. Para maayos ang ganitong problema, magpadala lamang ng screenshot sa customer service ng laro upang matulungan ng technical staff.
Gayunpaman, ang My Turn: Infinite Magic Duel ay isa pa ring magandang laro na maaari mong subukan. Nakaka-relax ito at nakakapagtanggal ng pagkabagot. Tiyak akong magugustuhan mo ito kapag naumpisahan mo na itong laruin.
Konklusyon
Sa ngayon, mayroong itong 4.2 stars out of 5 ratings sa Google Play Store at may mahigit na 2,000 reviews. Umabot na rin sa mahigit na 100,000 downloads ang larong ito. Ibig sabihin, medyo marami na rin ang mga naglalaro nito hanggang sa ngayon. Kaya kung gusto mong malaman pa ang iba pang impormasyon tungkol dito, i-download mo na sa iyong devices ang My Turn: Infinite Magic Duel!