Pro Builder 3D Review

Na-miss mo ba ang mga laro na ang misyon ay ang lumikha ng isang malaki at matatag na bahay? Walang problema dahil sagot ka namin pagdating diyan. Nasubukan mo na ba ang larong ito na nilikha ng Supersonic Studios? Kung hindi pa ay ito na ang tamang panahon para subukan ito. Panandaliang maging isang engineer at lumikha ng isang magarang bahay gamit ang arcade game na ito – ang Pro Builder 3D. Bubusugin ka nito ng iba’t ibang uri ng disenyo ng bahay na talagang hindi mo aakalaing ikaw mismo ang lumikha.

Sa larong ito, kailangan mo lamang mangolekta muna ng mga materyales na ibibigay sa simula pa lang ng laro. Ibenta ang mga ito kapalit ng perang magagamit mo upang doblehin pa ang bilang ng iyong mga workers na siyang magpapabilis ng iyong trabaho. Bukod pa rito, isa ring itong daan upang makapaglagay pa ng bagong makinang magpo-produce ng bagong materyales na gagamitin mo rin upang makalikha ng isang magarang bahay. Ibenta ito at maging isa sa mga engineer na makikita so Forbes Magazine na may malaking kinikita sa paggawa ng bahay.

Features ng Pro Builder 3D

Sa bawat gilid ng screen ay mapapansin mong naka-organize ang bawat features na mayroon ang laro. Sa pagpasok mo rito ay mapapansin mo agad ang upgrade section kung saan makikita mo ang ilang item ng laro na iyong maa-unlock sa isang specific na level gaya ng speed at capacity. Katabi nito ang siyam na klase ng skin na maaari mong mabili gamit ang maiipon mong pera sa laro o kaya naman sa pamamagitan ng panonood ng ads. Bukod pa rito, mayroon ding section para sa mga cap na may nakakaaliw na disenyo, hindi lamang pang-engineer. May sampung klase ito na magagamit mo rin kung babayaran mo ito ng pera na mayroon ka sa laro at sa panonood mo ng ads.

Sa taas naman nito, sa bandang kanan makikita ang bilang ng pera na mayroon sa laro. Sa baba naman nito makikita kung magkano ang ino-offer sayo ng laro kung sakaling manood ka ng ads. Maaari kasi itong ma-doble kung sakaling piliin mong manood ng ads dito. Dahil na rin isa ang larong ito sa mga larong binuhusan ng napakaraming ads, makikita sa bandang kanan sa taas ang no ads na iyong maaaring gamitin upang maging maaliwalas ang iyong paglalaro. Gaya rin ito ng ibang laro dahil may bayad din ito at mababayaran lamang gamit ang tunay na pera.

Kung pagdating naman sa laro, agad na makikita ang bawat indicator na mayroon dito gaya ng kung saan dapat magtungo ang iyong character upang kumuha ng iba’t ibang materyales (working area) na kakailanganin upang makalikha ng isang bahay (building area) o kaya naman ay ibenta ito upang kumita ng pera (selling area).

May mga guide na inilagay ang laro upang hindi ka malito sa paglalaro nito gaya ng makikita sa building area kung saan nakalagay doon kung anong materyal ang kailangan at gaano karami ang dapat na ilaan doon upang makalikha ng isang magandang bahay. Sa may bandang working area naman kung saan nagaganap ang pagpuputol ng kahoy o paggawa ng bricks at blocks, makikita kung ilang mga workers ang maaari mo pang ilagay doon upang mas mapadali ang trabaho dito. Bukod pa rito, mayroon din para sa capacity kung saan maaari mong dagdagan kung hanggang saan ang magagawang materyales ng iyong mga workers.

Sa oras na matapos mo na ang paglikha ng isang magarang bahay, may kalayaan kang ibenta ito sa kung sino ang nais bumili. Makikita sa bandang taas nila kung magkano ang kaya nilang i-offer sa nagawa mong bahay. May kalayaan kang tanggihan ang ilan sa mga iyon kung sa tingin mo’y hindi makatarungan ang halaga na ibinibigay nila sayo. Sa oras na mabenta mo na ang bahay, ipapakita ang isang ranking system.

Saan maaaring i-download ang Pro Builder 3D?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 56MB sa Google Play para ma-install habang 279.5MB naman pagdating sa App Store. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang mga link sa ibaba depende sa device na iyong gamit.

Download Pro Builder 3D on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=io.blackcandy.probuilder3d

Download Pro Builder 3D on iOS https://apps.apple.com/us/app/pro-builder-3d/id1591866513

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Pro Builder 3D

Sa simula pa lang ng laro ay mapapansin mo kaagad na mabagal pa ang paggawa ng mga materyales dahil sa maliit na bilang ng worker na maaaring gumawa nito. Kaya naman isang magandang paraan na ito muna ang pagtuunan ng bawat manlalaro bago ang paglalagay ng materyales sa ginagawang bahay. Maaari mong ilagay muna sa selling area ang mga magagawang materyales upang makaipon ng pera. Sa oras na magkaroon ka na ng malaki-laking pera ay maaari ka ng magdagdag ng bilang ng workers. Sunod mong idagdag ang capacity upang mas lalo pang mapabilis ang paggawa ng materyales. Maaari mo ring sundin ang format na ito kahit pa sa mga level kung saan kailangan mo ring maglaan ng oras upang makalikha ng makinarya para sa paggawa ng blocks at bricks.

Related Posts:

Party Match: Do Not Fall Review

The Superhero League Review

Pros at Cons ng larong Pro Builder 3D

Kung pagmamasdan ang kabuuang itsura ng Pro Builder 3D, minimal lamang ang graphics na makikita rito. Simple lang at hindi gaanong kakumplikado partikular na sa mga karakter nito na tanging ang mga suot lamang nila ang nagbibigay ng kakaibang itsura dito. Ganun din maging sa mga pwesto kung saan ginagawa ang paghahati ng wood, bricks, at blocks. Gayunpaman, minabuti pa rin ng developer nito na magkaroon ng detalyadong itsura ng bahay na para bang ito ang higit na prayoridad nilang gawin sa laro. Nakakatuwa itong tingnan at hindi mo maiiwasang ma-proud sa iyong sarili sa tuwing ipinapakita na ito bilang finish product.

Hindi rin gaanong masikip tingnan ang laro sa oras na buksan mo ito dahil naka-organize na ang bawat kakailanganin mo para dito. Alam nila na ito ang dapat ilagay sa magkabilang gilid upang hindi maging mahirap para sa mga manlalaro na pumunta sa isang pwesto at magpabalik-balik dito kung kinakailangan. Gayunpaman, mainam din siguro kung ang Pro Builder 3D ay hindi lamang malalaro ng naka-portrait kundi naka-landscape rin upang mas maging dama mo ang laro. Madali lamang ang control na mayroon dito ngunit nagiging mabigat ito dahil sa bagal o liit ng hakbang ng karakter na mayroon dito.

Medyo minimal lang din ang sound na maririnig sa larong ito gaya ng tunog kapag kumukuha ng mga materyales, sa tuwing ibebenta ito o kapag ilalagay na sa building area. Para sa Laro Reviews, ayos lang naman ang ganito ngunit maituturing din itong isang dahilan kung bakit medyo nakakaantok ito laruin. Mainam sana kung kahit papaano ay may nilagay pa silang ibang sound kung saan mararamdaman ng bawat manlalaro na kasiya-siya ang kanilang ginagawa.

Bagaman madali lang din ang gameplay nito, isang disadvantage pa rin na wala kang makikitang kahit saglit na tutorial kung paano ang gagawin. Papasok ka rito na talagang kakapain mo muna kung ano ang kailangan mong gawin. Maya’t maya rin ang pagsulpot ng ads sa larong ito. Ang nakakalungkot pa rito, hindi ito katulad ng ibang laro na lumalabas lamang ang ads sa tuwing natatapos mo ang isang level dahil lumalabas na ito kahit pa man nasa kalagitnaan ka pa rin ng laro.

Konklusyon

Para sa Laro Reviews, isa na marahil ang larong ito sa maaari mong laruin kung sakaling mapadpad ka sa isang sitwasyon gaya ng pagkaipit sa trapiko o kaya naman upang makaiwas sa mga social interaction (haha). Nakakalibang kasi ang gameplay nito at sa oras na laruin mo ito ay hindi mo na lang namamalayan na marami ka ng nauubos na oras. Gayunpaman, may ilang mga bagay pa rin sa larong ito na nangangailangan ng pag-aayos ng developer upang mas lalo pa itong kagiliwan ng lahat. Kung hindi, mananatili itong isang larong may potensyal ngunit dahil sa mga disadbentahe nito, hinaharangan nito ang interes ng bawat manlalaro upang ipagpatuloy itong laruin.

Laro Reviews