Cloud Song: Saga of Skywalkers Review

Kung nakapaglaro ka na ng ibang Massively Multiplayer Online Role Playing Games (MMORPG) gaya ng Eudemons Online at Monster & Me, nakatitiyak akong magiging pamilyar sa iyo ang gameplay at kabuuang setup ng larong ito. Ang Cloud Song: Saga of Skywalkers ay hatid ng VNG Game Studios na inilabas noong Setyembre 2021. Kasalukuyang available ito sa Pilipinas, Singapore, Indonesia, Vietnam, Malaysia, at Thailand. Isa itong free-to-play (F2P) open world MMORPG na may dungeons, quests, side missions, at pet system. Kagaya ng ibang mobile MMORPGs, may auto-pathing mode rin itong maaaring laruin nang walang masyadong binibigay na input. Bagamat maraming quest at milestone na kailangan mapagtagumpayan, mapapaisip ka na lang – bakit nga ba sisimulan pa ang paglalaro?

Features ng Cloud Song: Saga of Skywalkers

Pets System – Sila ang tutulong sa iyong paglalakbay at pakikidigma sa mga kalaban. May dalawang array ang pets, ang major at support. I-unlock ang slot habang tumataas ang iyong level. Maaari rin silang i-evolve upang mas mapataas ang kanilang aptitude na vitality, strength, intelligence, at defense. Makukuha ang pets sa pamamagitan ng gacha system.

Customizable Character – Ibahin ang itsura ng karakter na iyong gagamitin. Baguhin ang style at kulay ng buhok, pungay at kulay ng mga mata, at hugis ng mukha. Maaari ding pumili kung ano ang kanilang magiging kasarian.

Arena – Kalabanin ang ibang manlalaro gamit ang feature na ito. Makipaglaro at talunin sila sa isang duwelo. Ikumpara ang iyong angking kakayahan sa ibang manlalaro sa kinabibilangang server. Alinmang klase kabilang ang kanilang karakter ay maaari mo pa rin silang makalaban. Subukin ang iyong PvP skills at makakuha ng mataas na rank sa ranking board sa pamamagitan ng paggapi sa ibang manlalaro.

Auto-pathing Mode – Pwede itong laruin nang hindi pinipindot ang dayalogo at tapusin ang labanan kahit walang input na ibinibigay. Saklaw din nito ang ibang miyembro sa party system na kung saan ang mga miyembro ay automatic na susundan kung saan man magpunta ang kanyang lider habang isinasagawa ang quest.

Social Media Profile – Bumuo ang laro ng sarili nitong social media-like profile na kung saan pwedeng magbigay ang ibang manlalaro ng likes, kindness, at gifts. Maaaring ipalit ang mga ito sa ibang resources na iyong magagamit sa laro.

Saan Pwedeng I-download ang Cloud Song: Saga of Skywalkers?

Basahing maigi kung paano mula sa Laro Reviews. Pumunta sa Google Play Store para sa mga Android user at App Store naman para sa mga iOS user. I-type sa search bar ang Cloud Song: Saga of Skywalkers at pindutin ang icon ng app. Dahil free-to-play (F2P) ang larong ito, hindi na kailangang magbayad ng kahit anumang pera upang makapagsimula. Ngunit pwede lang ito sa mga mobile device na may libreng 2GB na storage at may system na Android 4.4 at iOS 11.0 pataas. I-click lang ang install o get button at hintaying ma-download. Dahil may kalakihan ang file, matatagalan ang pag-download depende sa bilis ng iyong internet connection. Matapos nito, pindutin ang app, kumpletuhin ang sign-in details, at simula nang maglaro!

Narito ang mga link kung saan pwedeng ma-download ang laro:

Download Cloud Song: Saga of Skywalkers on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=vng.game.sky.fantasy.song.sea&hl=en&gl=US

Download Cloud Song: Saga of Skywalkers on iOS https://apps.apple.com/ph/app/cloud-song-saga-of-skywalkers/id1547409600

Download Cloud Song: Saga of Skywalkers on PC https://www.bluestacks.com/apps/role-playing/cloud-song-saga-of-skywalkers-on-pc.html

Kung sa PC mo naman napiling maglaro ng Cloud Song: Saga of Skywalkers, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang https://www.bluestacks.com/. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos ma-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Sa umpisang bahagi ng laro, pipili ka ng class kung saan kabilang ang iyong napiling karakter. May limang uri ng class: Archer, Mage, Swordsman, Oracle, at Rogue. Bukod dito, maaari ding piliin ang nais na kasarian ng iyong karakter. Makikita rin ang features ng class depende kung ilang stars ang mayroon sa kanilang damage, survival, at easiness. Halimbawa, ang Mage ay may mataas na attack power at malawak na AOE (area of effect) damage. Ang Swordsman naman ay para sa mga mahilig sa melee combat at ang Oracle ang healer ng grupo. Nasa iyo na kung anong armas, skillset, at gameplay ang iyong matitipuhan. Hindi lamang ito, maaari ding baguhin ang itsura at pangalan ng napiling karakter. Mula sa kulay at style ng buhok, mata, pati na rin ang hugis ng mukha.

Related Posts:

The Grand Mafia Review

KawaiiWorld Review

Kung ang prayoridad ng iyong paglalaro ay ang PvP (players vs players), isang tip na maibibigay ko sa iyo ay ang importansya ng rank status. Tandaang ito ay nagsisilbing gabay lang para sa mga achievement na iyong natanggap sa paggawa ng mga adventure, main quests, at iba pang side mission. Hindi ito kasiguraduhan ng pagkapanalo sa arena. Bagamat mataas ang iyong rank, madali ka pa ring matatalo kung kulelat at hindi kagandahan ang stats ng iyong gears. Kung kaya’t magandang i-invest ang iyong resources sa mga gear na may malalakas na stats at passive.

Mahalagang bigyan din ng prayoridad ang iyong pets. Mayroong humigit-kumulang na 25 pets ang maaaring pagpilian. Nahahati ang mga ito ayon sa bilang ng kanilang stars. Siguraduhing magkaroon ng tatlong pets na nais dalhin hanggang end game. Sa kanila ibubuhos ang karamihan ng resources sa pag-evolve at pag-upgrade ng stats. Mainam din kung magkakaroon ng tatlo hanggang anim na pets bilang support. Magagamit ang pets para mas mapadali ang pagtatapos ng treasure hunt. Kung ikaw ay isang pay-to-play na manlalaro, maganda kung pagtutuunan mo ang pagkuha at pagli-level up sa Diamond Dragon at Snow Bunny pet. Dahil sa taas ng kanilang stats at ganda ng passive, masasabing meta ang mga ito at magiging malaki ang ambag sa end game.

Bukod sa nabanggit na tips, ang pinakahuling maibibigay ko ay maglaro sa isang team. Maganda kung makakahanap ng permanenteng guild na makakasamang maglaro. Bukod sa makakukuha ng mas mataas na rating, makatatanggap din ng mas magagandang gears. Makakatulong din sila kung may missions na hindi pa nagagawa at kadalasa’y mas maganda ang bigayan ng rewards. Masasabing makatitipid ka rin ng pera sapagkat hindi mo na kailangang bumili ng items dahil posibleng makuha ito nang libre sa tuwing nagagawa ang mga mission sa pamamagitan ng team play.

Pros at Cons ng Cloud Song: Saga of Skywalkers

Ang larong ito ay nagbibigay ng kasiyahan sa pag-abot ng mataas na level at pagiging matagumpay nang wala masyadong ginagawa. Hindi na kailangan ng mahabang oras sa pag-grind ng resources para lang makapag-level up. Bukod pa rito, maraming matatanggap na freebies para sa mga baguhang manlalaro. Halimbawa na lang ng makukuhang items ay pets, EXP, Sacred Windbell, Chicken Headphones, at Prophet Crystal kaya tiyak na gaganahang magsimula. Binigyang-pansin din ng mga developer ang pagiging interactive sa pagitan ng mga manlalaro sa pamamagitan ng social media profile. Dahil dito, mas nabigyan ng pagkakataon para makipag-usap sa ibang mga manlalarong may kaparehas na server.

Sa kabila nito, maraming manlalaro ang nakapansin ng pagkakapareho ng Cloud Song: Saga of Skywalkers sa Guardians of Claudia, Tales of Wind, at Laplace M. Sa madaling sabi, walang bagong pinakita ang laro. Hindi rin lahat ng manlalaro ay nais ng auto-pathing mode at mas pipiliing magkaroon ng kontrol sa paglalaro. Bagama’t may option kang i-off, pero kung ang isang partikular na laro ay kayang tapusin ng iba gamit ang auto-pathing mode, hindi na ganun kasarap sa pakiramdam ang bawat panalo dahil nawawala ang hamong kanilang hinahanap. Maging ang pets system na sinasabing isa sa natatangi tungkol sa Cloud Song: Saga of Skywalkers sa ibang laro, nagiging isang simpleng equipment na lamang ang mga ito na kailangang i-upgrade. Nawawala na ang angking personalidad at pagkakakilanlan ng pets.

Isa rin sa nakikitang kailangang pag-ibayuhin ng laro ay ang dalas ng paglabas ng panibagong server. Kaunti lang ang mga manlalaro sa isang server kung kaya’t nahihirapan ang mga bagong manlalarong makipag-team up sa dungeon dahil sa baba ng kanilang bilang. Dahil kaunti lang ang mga bagong manlalaro na sumasali, kinalaunan ay naging ghost town server na ito. Kapag nangyari ito, napipilitang i-merge ang mga server. Nagreresulta ito ng paglipat ng ibang manlalaro sa pinakabagong server. Dahil paulit-ulit na lang itong nangyayari, maaaring magdulot ito ng pagkadismaya at tamarin na ang mga manlalaro.

Konklusyon

Sa madaling sabi, mairerekomenda ko ang Cloud Song: Saga of Skywalkers para sa mga manlalarong gipit sa oras at walang panahon para mag-grind ng resources. Dahil sa auto-pathing mode nito, maaaring pamahalaan na lang ang resources, equipment, at pets at pagmasdan ang malalaking damage scores na ipinapakita sa screen. Para rin ito sa mga manlalarong mahilig sa MMORPG at hindi alintana ang gastos para mapabilis ang pag-level up at manalo sa arena. Sinasabing malaki ang pagkakaiba ng progress sa pagitan ng F2P at mga manlalarong bumili ng in-app purchases.

Laro Reviews