Toilet Empire Tycoon – Idle Management Game Review

Sa tinagal-tagal ng panahon, marahil ilang beses mo ng nakita sa social media ang mga patalastas tungkol sa mga larong Hotel Tycoon, Supermarket Tycoon, Gym Tycoon, Jail Tycoon, o kundi kaya ay Casino Tycoon. Ngunit ni isang beses ba ay narinig mo na ang mga katagang Toilet Tycoon? Kung hindi pa, ito na ang pagkakataon mong subukan ang larong ito.

Ano nga ba ang mayroon sa larong ito? Ang Toilet Empire Tycoon – Idle Management Game ay isang simulation game kung saan ang pangunahing layunin ng bawat manlalaro ay mapalago ang toilet business at umani ito ng maraming kita. Sa larong ito, gagampanan mo ang posisyon ng isang manager ng Toilet Empire na may tungkuling paramihin ang dami ng toilets at panatilihing maayos at malinis ang bawat cubicle. Dagdag pa rito, kailangan mong i-upgrade ang lahat ng kagamitan mula sa tissue hanggang water system upang mabigyan ng nararapat na serbisyo ang lahat ng mga taong gumagamit ng iyong mga toilet.

Toilet Empire Tycoon - Idle Management Game ReviewLahat ng bagay na may kinalaman sa paggamit ng toilet ay itinatampok sa larong ito. Ang kailangan mo na lamang gawin ay maging maparaan sa mga strategy na gagawin upang tuloy-tuloy lang ang pagpasok ng pera.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at trick na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Ano nga ba ang mga dapat gawin at tandaan sa larong ito? Kagaya ng ibang tycoon games, kailangan mo lamang i-upgrade ang lahat ng pasilidad ng iyong negosyo upang patuloy na lumaki ang iyong kita. Bilang pagsisimula ng laro, ang unang task mo bilang manager ay ang paramihin ang unit ng iyong mga toilet sa Street Block upang nang sa ganun ay hindi magkaroon ng mahabang pila sa paggamit ng Comfort Room ang mga tao at walang sinuman ang magagalit dahil sa sobrang haba ng pila. Sa karagdagan, ang bawat pag-upgrade ng mga kagamitan ay mayroong kaukulang bayad kaya napakahalagang magamit mo nang wasto ang iyong income upang maiwasan ang pagkalugi ng iyong negosyo.

Hindi sapat na ikaw lang ang namamahala ng iyong Toilet Empire, kakailanganin mo ang tulong ng ibang tao, kaya kailangan mong mag-hire ng tagalinis ng mga toilet at maintenance na siyang mag-aayos ng mga sira sa mga kagamitan. Sakaling marating mo na ang 9 stars pataas, kakailanganin mo na rin ang tulong ng mga barista, bartender, booker, doormen at chef upang mas lalong mapagsilbihan ang iyong mga customer. Sa iyong pag-usad sa laro, hindi na lamang toilet ang magiging sentro ng iyong negosyo sapagkat mas lalong dadami at lalawak pa ang iyong pagkakakitaan. Ilan sa mga bagay na madadagdag sa iyong negosyo ay ang swimming pool, night club, at bar area sa beach.

Tandaan din na sa larong ito, hindi magiging sapat ang kita ng iyong mga toilet, kaya napakahalaga na manood ka ng ads kapalit ng malalaking halaga ng pera. Maraming itinatampok na optional ads ang laro, ang kailangan mo na lamang gawin ay maging masipag sa panonood upang makatanggap ng limpak-limpak na salapi na siyang lubos na kinakailangan upang magawa mong makapag-upgrade.

Bukod sa mga optional ad, mayroon ding roulette na itinatampok ang laro kung saan bawat araw ay bibigyan ka ng dalawang pagkakataon upang makatanggap ng libreng rewards kagaya ng premium in-game currency na diamonds, at coins. Kung sa tingin mo ay hindi sapat ang dalawang beses na spin ng Roulette bawat araw, maaari mo pang mapalawig ang iyong paggamit ng Roulette sa pamamagitan ng panonood ng ads. Gayundin, kung nais mong tuloy-tuloy lang ang pag-operate ng iyong Toilet Empire business kahit offline, maaari mong i-hire si manager Jack kapalit ng in-app purchase. Maliban pa rito, handa ring tumulong si Director Tony na doblehin ang kinikita ng iyong negosyo, ngunit bilang kapalit, kailangan mo ring gumastos ng totoong pera.

Toilet Empire Tycoon - Idle Management Game ReviewKagaya ng nabanggit sa itaas, magsisimula ka ng iyong negosyo sa Street Block, pagkatapos ay sa Airport, Night Club at sa Beach. Ngunit magagawa mo lamang na umusad sa laro kapag naabot mo na ang mga kinakailangang star para makapag-level up.

Mga Feature ng Laro

  • Daily Quest – Maglaro araw-araw upang walang tigil din ang pagdating ng mga biyaya sa iyo.
  • Superstar – Isa sa mga VIP customer na laging nariyan sa oras ng iyong pangangailangan. Panoorin lamang ang kanyang video advertisement kapalit ng libu-libong salapi.
  • Superb 3D Graphics and Cool Animation Effects – Walang duda na sa larong ito, hindi mo mapipigilang mamangha sa napakagandang mga visual effect ng laro.
  • Unlimited Resources – Hindi mo na kailangan pang gumastos ng totoong pera para lamang umusad sa laro dahil sa pamamagitan lamang ng panonood ng ads, sobra-sobrang in-game currency na ang iyong matatanggap.
  • Management Game – Matututunan din sa larong ito kung paano magpatakbo ng isang malaking negosyo.

Saan maaaring i-download ang laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user, at i-download naman ang laro gamit ang GameLoop Android emulator para malaro ito sa PC. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download Toilet Empire Tycoon – Idle Management Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.wali.idletoilet

Download Toilet Empire Tycoon – Idle Management Game on iOS https://apps.apple.com/us/app/toilet-empire-tycoon/id1515240938

Download Toilet Empire Tycoon – Idle Management Game on PC https://www.gameloop.com/ph/game/casual/toilet-empire-tycoon—idle-management-game-on-pc

Toilet Empire Tycoon - Idle Management Game Review

Pros at Cons ng Laro

Kung nagsasawa ka na sa paglalaro ng mga klasikong tycoon games, huwag nang palampasin ang pagkakataong ito na subukan ang Toilet Empire Tycoon – Idle Management Game, sapagkat buo ang paniniwala ng Laro Reviews na hindi kayo bibiguin ng larong ito. Bukod kasi sa napakadali lamang ng mechanics ng laro, napakarami rin ng pwedeng gawin sa larong ito bukod sa iyong Toilet Empire business kaya tiyak na walang sinuman ang mababagot sa paglalaro. Pagdating sa usaping graphics, maituturing pang isang understatement kung sasabihin ng Laro Reviews na walang kapantay ang ganda ng image display ng larong ito.

Sa karagdagan, tiyak na marami ka ring matututunan sa laro lalo na pagdating sa pamamahala ng negosyo, sapagkat step-by-step na itinuturo ng laro kung paano magagawang maganda ang kalidad ng serbisyo at kung paano kumita ng malaki.

Sa kabilang banda, nararapat ding malaman ng lahat na ang presyo ng bawat upgrade sa larong ito ay bigla na lamang tumataas ng sobrang laki. Gayundin, hinding-hindi ka makakausad sa laro kung hindi ka manonood ng napakaraming ads, kaya kung isa ka sa mga taong inis na inis sa mga ad, hindi para sa iyo ang larong ito. Maliban pa sa mga nabanggit, isang malaking kasinungalingan din ang sinasabi ng laro na masi-save ang iyong progress sa paglalaro, sapagkat pagdating ng Four star, bigla na lamang nawawala ang lahat ng iyong pinaghirapan sa laro, kaya kung gusto mo pang magpatuloy sa paglalaro, kinakailangan mong magsimula ulit.

Konklusyon

Marami ka bang bakanteng oras? Naghahanap ka ba ng isang laro na magbibigay sa iyo ng ideya kung paano umasenso sa buhay? Kung oo, subukan na ang Toilet Empire Tycoon – Idle Management Game upang nang sa ganun ay malaman mo kung gaano katotoo ang lahat ng mga sinasabi ng Laro Reviews tungkol sa larong ito.