Solitales: Garden & Solitaire Card Game in One Review

Ilang solitaire game na ba ang nasubukan ninyong laruin? Wari ko ay sobrang dami na, pero nasubukan niyo na ba ang Solitales: Garden & Solitaire Card Game in One? Kung hindi pa, hayaan ninyong ipaliwanag ko sa inyo ang ilang mahahalagang impormasyon tungkol sa larong ito. Nilikha ito ng Ten Square Games at may mahigit isang milyong downloads na sa Google Play Store. Ang larong ito ay isang uri ng Tripeak solitaire. Bukod pa rito, maaari ka ring makapaglaro ng home design at garden renovation kaya hindi na nakapagtataka na marami ang nahuhumaling sa larong ito.

Sa karagdagan, nagsisimula ang laro sa kwento ni Simon, isang garden designer at home decorator. Isang araw may importanteng lakad siyang pinuntahan, ngunit sa kanyang pag-uwi, hindi niya inaakala ang madadatnan. Sinira ang kanyang mga gamit sa bahay at maging ang kanyang mga pananim sa hardin ay hindi pinalampas. Ang misyon ngayon ng mga manlalaro ay tulungan si Simon at ang kanyang anak na si Pearl na muling ibalik ang ganda ng kanilang bahay at hardin.

Paano laruin ang Solitales: Garden & Solitaire Card Game in One?

Kagaya ng mga klasikong tripeak game, simple lamang ang mechanics ng laro at iyon ay ang maubos lahat ng card sa board. Gamit ang isang nakabukas na card sa deck, iisa-isahin mong aalisin ang mga card mula rito. Pipindutin mo ang isang card na mas mataas ng isang numero o mas mababa ng isang numero sa nakabukas na card sa deck. Para naman sa home design at garden renovation, kailangan mong gawin ang mga task sa hardin at hanapin ang mga hidden object, magbibigay ito ng karagdagang rewards.

Features ng Solitales: Garden & Solitaire Card Game in One:

  • Mayroong mahigit sa 1,000 levels
  • Pwedeng mag-unlock ng mga bagong bahay at hardin sa laro
  • Libreng coins sa pamamagitan lamang ng pagdidilig ng mga halaman at pagsunod sa mga task sa laro
  • Maaaring gumamit ng boosters upang mas madaling maipanalo ang laro
  • Pwede mong tuparin ang pinapangarap mong hardin sa tulong ng mga tip ni Simon at anak nitong si Pearl
  • Bawat araw ay may mga panibagong task na tiyak kong ikakatuwa ninyo

Ilang tips sa paglalaro ng Solitales: Garden & Solitaire Card Game in One

Ang laro ay mayroong napakaraming bonus at rewards – kailangan mo lamang alamin kung paano at kailan sila dapat na gamitin. Una, sakaling maubos na ang lahat ng cards sa deck, bibigyan ka ng libreng limang card upang gamitin para maubos ang mga natitirang card sa board, ngunit kapag nagamit mo na ito lahat at hindi pa rin nauubos ang mga card sa board, kailangan mo ng magbayad ng 400 coins para sa karagdagang limang card. Mayroon ding wildcard sa laro na kung maswerte ka ay maaaring mabunot ng libre sa deck. Kung hindi naman, maaari itong bilhin sa halagang 400 coins upang tanggalin ang kahit anong numero ng card sa board. Ang shovel naman ay may kakayahang tanggalin ang hanggang sa limang natitirang card sa board, mabibili ito sa halagang 700 coins.

Ang cutter naman, sa karagdagan, ay may kakayahang gupitin lahat ng cards na magkakahanay; magagamit ito sa halagang 700 coins din. Bukod pa rito, mayroon ding tinatawag na blow card na kayang magtanggal ng limang card sa board sa pamamagitan lamang ng pag-ihip nito. Sa pagkakataon namang matanggal mo ang limang cards ng sunod-sunod, magkakaroon ka ng streak bonus kung saan maaari kang mabigyan ng extra cards o extra coins. Higit sa lahat, bawat matitirang card sa deck na hindi pa nabubuksan at nagagamit ay magbibigay sa iyo ng karagdagang 10 coins bawat isa.

Sa kabilang dako naman, ang bawat isang susi na matatanggap pagkatapos magtagumpay sa isang game level ay pwedeng magamit upang gawin ang mga task sa hardin kagaya ng pagwawalis, pagputol ng masukal na damo, paghuhukay ng maaaring pagtaniman ng bulaklak, pagtatanim ng bulaklak at marami pang iba. May mga pagkakataon din na kukunin kang hardinero ng mga kapitbahay kung saan tutulungan mo silang pagandahin ang kanilang hardin. Kadalasan, matatagpuan mo rito ang ilang mga sinaunang bagay na kailangan mong kolektahin dahil magbibigay ito sa iyo ng ilang mahahalagang rewards.

Saan maaaring i-download ang laro?

Para sa mas madaling pag-access ng laro, maaari mong i-click ang sumusunod na links:

Download Solitales: Garden & Solitaire Card Game in One on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=solitaire.card.games.free.solitales&gl=US

Download Solitales: Garden & Solitaire Card Game in One on iOS https://apps.apple.com/us/app/solitales-gardening-solitaire/id1472749429

Download Solitales: Garden & Solitaire Card Game in One on PC https://pcsoftwin.com/solitales-garden-solitaire-card-game-in-one-for-pc-windows-10/

Pros at cons ng laro

Kung pagandahan lang naman ng game feature ang pag-uusapan, naniniwala ang Laro Reviews na walang makakapantay sa Download Solitales: Garden & Solitaire Card Game in One. Hindi lamang ito basta isang tripeak game dahil katulad ng naunang nabanggit, pwede ka pang maglaro ng home design at garden renovation dito. Saan ka pa nga ba makakahanap ng ganitong klaseng laro?

Pagdating naman sa graphics, hindi rin magpapatalo itong laro. Bukod sa isa itong 3D solitaire game, bubusugin ka rin ng laro ng iba’t ibang uri ng mga bulaklak at mga sinaunang bagay na rito niyo lang makikita. Bukod pa rito, tuturuan din kayo ng laro kung paano ang tamang pag-ayos ng hardin at bibigyan rin kayo ng ilang tips kung paano pagagandahin ang inyong bahay.

Sa karagdagan, hindi rin mabilang ang ilang uri ng rewards at bonuses na makukuha mo sa larong ito. Isa ito sa magandang katangian ng laro na sa kabutihang palad ay ipinagkaloob naman ng developer sa mga manlalaro.

Sa kabila ng mga magagandang katangian ng laro na nararapat bigyang puri, mayroon pa ring mga loophole sa laro na dapat punahin. Una, hindi ito maaaring malaro ng offline kaya naman, tanging ang may internet connection lamang ang makakapaglaro nito. Sunod, habang pataas nang pataas ang mga nabubuksan mong game level ay mas lalo ring nagmamahal ang presyo ng mga special card na magagamit sa laro. Maliban pa rito, tumataas din ang halaga ng coins na kailangang gamitin upan mabuksan ang mga game level.

Dumako naman tayo sa aspetong teknikal ng laro, isa sa mga bagay na tunay na nakakapanlumo ay ang pagkakaroon ng sobrang daming pop-ads sa laro gayundin ang paulit-ulit na paglabas ng notification na nagsasabing imbitahan ang mga kaibigan sa Facebook upang laruin ang nasabing laro.

Konklusyon

Sa panahong kinalalagyan natin ngayon, tunay na laging sinusubok ang ating kakayahan upang magpatuloy sa buhay. Humaharap tayo sa iba’t ibang suliranin at minsan hindi natin alam kung paano tayo magpapahinga. Kaya naman iminumungkahi ng Laro Reviews ang Solitales: Garden & Solitaire Card Game in One bilang isa sa mga pwedeng gawing libangan upang ma-relax ang ating isip. Hanapin lamang ito sa mga gaming store at subukang laruin dahil malay niyo, itong laro na pala ang matagal niyo ng hinihintay na sagot upang matamo ang kapayapaan ng isip.