Defense Legends 2: Commander Tower Defense Review

Kung nais mong maglaro ng tower defense game na may matindi at kapana-panabik na hamon bawat level, subukan ang larong ito. Ito ay nilikha ng GCenter at opisyal na inilabas noong Oktubre 2016. Limang taon na ang nakalipas simula ng ito’y nagawa kaya naman marami ng bersyon na malalaro nito sa Google Play Store.

Ang Defense Legends 2: Commander Tower Defense ay isang strategy game. Ang larong ito ay may naunang bersyon, ang Tower defense – Defense Legend. Samantala, mayroon na rin itong ikatlong bersyon, ang Defense Legend 3: Future War samantalang ang ikaapat naman ay Defense Legend 4: Sci-Fi TD. Subalit kung nais mo ng larong may kakaibang hamon at kawili-wili, subukan ang ikalawang bersyon ng Defense Legends.

Ang larong ito ay isa ring stylised at offline game. Ibig sabihin hindi mo na kailangan ng data o internet connection para makapaglaro nito. Kahit nasaan ka man o anong oras mo man ito naising laruin ay pwede mong magawa. Ito rin ay single-player mode lamang at hindi maaaring laruin ng multiplayer.

Sa larong ito, kailangan mong maging mapanuri at malikhain sa mga pamamaraan na gagawin mo sa pakikipaglaban. Diskubrehin ang iyong kakayahan sa pagsasagawa ng sariling diskarte sa paglalaro ng tower defense game. Handa ka na bang lumaban? Kung handa ka na, basahin ang artikulo upang malaman ang iba pang impormasyon tungkol sa larong Defense Legends 2: Commander Tower Defense.

Features ng Defense Legends 2: Commander Tower Defense

Maraming mapa – Ang laro ay may mas maraming level kumpara sa unang bersyon na nilikha ng GCenter. Bago rin ang mapa para sa mga lugar na pagdarausan ng laban. Kaya kung tapos ka ng maglaro ng unang bersyon ng Defense Legends maaari mo ng isunod ang larong ito. Maaari mo rin naman itong laruin kahit hindi mo pa nalalaro ang naunang bersyon. Sigurado akong magugustuhan mo rin ito gaya ng ibang manlalaro.

Bagong armas – Ang Defense Legends 2: Commander Tower Defense ay mayroong bagong mga armas na maaari mong gamitin sa laban. Ang ilan sa mga bagong kagamitan na ito ay ang Supergun Future, Landmine Consortium, Ice-Age, Wheel Reaper, A-Bomb Storm at marami pang iba. Maaari mo ring makuha ang mga item na ito gamit ang coins sa laro.

Leaderboard – Sa larong ito, maaari kang mapasama sa ranggo ng mga magagaling na manlaro ng tower defense game. Maglaro lang at ipanalo ang bawat laban dahil baka isa ka na sa magagaling na manlalaro ng Defense Legends 2: Commander Tower Defense. Daily Gift – Sa Defense Legends 2: Commander Tower Defense maaari kang makakuha ng surpresang papremyo araw-araw. Mag-log in lang at maglaro araw-araw para makuha ang mga item.

Shop – Ang Defense Legends 2: Commander Tower Defense ay mayroon ding sariling game shop. Maaari kang bumili ng mga item na magagamit mo sa laro at mga gcoin kung nais mo ng maraming pera para makabili ng ibang kagamitan.

Saan pwedeng i-download ang Defense Legends 2: Commander Tower Defense?

Kung nais makuha ang larong ito, narito ang mga link ng laro. I-click lamang ang mga link sa ibaba para i-download ang laro depende sa ginagamit na device:

Download Defense Legends 2: Commander Tower Defense on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.GCenter.Defense.Legend2 Download Defense Legends 2: Commander Tower Defense on iOS https://apps.apple.com/us/app/defense-legend-2/id1180077713 Download Defense Legends 2: Commander Tower Defense on PC https://napkforpc.com/apk/com.GCenter.Defense.Legend2/

Para ma-download ang laro, kailangan mo ng data o internet connection para makuha ito. Pagkatapos, i-click lamang ang link, pindutin ang Install button at hintaying umabot sa 100% ang pagda-download. Kapag tapos na, maaari mo nang buksan at laruin ito.

Tips at Tricks kung Nais Laruin ang Defense Legends 2: Commander Tower Defense

Para sa mga bago at nagnanais na laruin ang Defense Legends 2: Commander Tower Defense, narito ang ilang tips mula sa Laro Reviews na siguradong makakatulong sa iyo.

Kung ikaw ay bagong manlalaro at hindi alam kung paano magsisimula, maaari kang maglaro muna sa tutorial stage. Sundin lamang ang mga itinuturo at basahing mabuti ang sinasabi sa direksyon. Pindutin ang mapa kung saan ka maglalaro para sa iyong tutorial play. Sa ganitong paraan, mas maiintindihan mo kung paano laruin ang Defense Legends 2: Commander Tower Defense.

Pagkatapos mo maglaro sa tutorial stage, maaari ka nang mag-log-in upang mai-save mo ang progreso na nagawa mo sa paglalaro. Gamitin ang iyong Google Account at ikonekta ito sa laro. Para kahit anong device ang iyong gamitin o i-uninstall mo man ang laro, maaari mo pa rin itong mabuksan at ituloy ang level na iyong natapos.

Base sa aking karanasan, simple at madali lang laruin ang Defense Legends 2: Commander Tower Defense. Kailangan mo lang mag-isip at maging maingat sa mga hakbang na gagawin mo. Gumamit ng estratehiya at pamamaraan na sa tingin mo ay makakatulong sa iyong paglalaro. Ikaw ang may kontrol kung saan at paano mo dapat ihanay ang iyong mga tore na nagpoprotekta sa iyo sa laban. Kaya dapat pag-isipan mong mabuti kung paano mo sila gagamitin para kapag nagsimula na ang digmaan mabilis mong mapapatay ang kalaban.

Ang isa sa magandang tip na dapat mong tandaan, dapat ilagay mo sa unahan ang mga malalakas mong armas para mapatay mo agad ang kalaban. Ilagay ang malalakas sa unahan at saka lagyan ng mga back-up na toreng pandigmaan. Nasa istilo pa rin ng iyong paglalaro nakasalalay ang iyong pagkapanalo sa laban.

Pros at Cons ng Defense Legends 2: Commander Tower Defense

Para sa Laro Reviews, ang Defense Legends 2: Commander Tower Defense ay isa sa magandang larong nilikha ng GCenter dahil nagkaroon ito ng apat na bersyon. Mas pinabuti at pinaganda ng developer ng laro ang Defense Legends ang disenyo ng graphic na inilapat sa ikalawang bersyon ng laro. Pati na rin ang visual effects, sound effects at background effects ng laro ay malinaw at maayos.

Libre mo lang ring makukuha ang larong ito sa Google Play Store, App Store at kahit sa isang Personal Computer. Maliit lang rin ang MB ng larong ito na umaabot sa 141 MB. Hindi ito kumokonsumo ng malaking space storage sa iyong device kumpara sa ibang laro. Subalit habang nilalaro mo ito, nadagdagan ang data app nito.

Dagdag pa rito, nakatanggap rin ang larong ito ng iba’t ibang reviews sa Google Play Store. Ayon sa mga komento, nasisiyahan daw sila sa paglalaro nito dahil maganda ang graphics ng laro. Madali lang din daw itong matutunang laruin at maayos na itinuturo ang tutorial stage para sa mga bagong manlalaro.

Samantala, may mga problemang nararanasan din ang ibang manlalaro sa Defense Legends 2: Commander Tower Defense. Maraming ads daw ang lumalabas na nakakaabala sa kanilang paglalaro. Subalit maaari ka namang mag-avail sa item na remove ads kung nais mong mawala ito. Mayroong manlalaro na nagbayad gamit tunay na pera upang mawala ang ads na lumalabas sa laro pero mayroon pa rin daw itong ads. Ang ibang manlalaro ay nagpadala rin ng mensahe sa email ng GCenter subalit hindi ito nagbibigay ng sagot.

Sa larong ito, maaari ka ring bumili ng mga in-app na produkto gamit ang tunay na pera. Ang mga item na ito ay nagkakahalaga ng ₱42 hanggang ₱2,900 kada item. Subalit pwede mo namang i-disable ang feature na ito at i-off sa iyong setting ang in-app na pagbili kung ayaw mong gumastos.

Konklusyon

Sa ngayon, mayroong itong 4.5/5 stars rating sa Google Play Store at may mahigit 55,000 reviews. Umabot na rin sa mahigit 5 milyong downloads ang naitala ng larong ito. Kaya kung gusto mong masubukan ang kanilang bagong update at malaman ang iba pang impormasyon tungkol dito, i-download mo na sa iyong device ang Defense Legends 2: Commander Tower Defense!