Escape Games – Lost Temple Review

Isa na namang nakakaaliw na laro ang hindi malabong magustuhan ng mga taong mahilig sa adventure games. Ang Escape Games – Lost Temple ay isang online na laro na ginawa ng Vincell Studios. Ito ay para sa mga manlalarong interesado sa mga tinatawag na escape rooms. Tampok dito ang iba’t-ibang pagsubok na siyang susuri sa galing sa pag-iisip ng taktika ng mga maglalaro. Ipagpatuloy ang pagbabasa ng artikulong ito na gawa ng Laro Reviews upang malaman pa ang ibang detalye tungkol sa laro.

Mga Tampok ng Laro

Maituturing na pinaghalong escape room at adventure game ang Escape Games – Lost Temple, kung saan ang buong istorya ng laro ay nakasentro sa isang nakalimutang templo. Sa templo na ito makikita ang isang scepter na siyang nararapat na makuha matapos ang laro. Mayroong anim na level ang larong ito at may halos 65 pataas na mga puzzles na dapat mabuo. Maliban sa mga ito, mayroon ding halos 120 na imbentaryong kailangan mong makolekta. Bawat kabanata ay may parte ng istorya na siyang gagabay sa iyo upang mas maintindihan pa ang layunin ng laro. Ang mga karakter naman na magsisilbing kontrol mo ay sina Leela at Liam na mga manlalakbay. Tampok ang mga dayalogo nila sa unang parte ng laro pati na rin sa mga susunod pang mga pangyayari. Ang mga dayalogong ito ang magsisilbing gabay mo sa kung ano ang nararapat na gawin bago magsimula sa pagbuo ng puzzles at pagkolekta ng mga imbentaryo. Sa paglalaro, hindi lamang mga puzzles ang iyong nararapat na malampasan upang makausad sa susunod na mga pagsubok. Sapagkat ang Escape Games – Lost Temple ay isa ring escape room, may parte sa laro na kailangan mong maghanap ng mga tagong bagay at mangolekta ng mga hinihinging kayamanan upang makalabas sa mga silid na nasa loob ng templo. Talaga nga namang hindi ka mawawalan ng gagawin dahil sa dami ng tampok na nakalagay sa larong ito.

Paano I-download ang Escape Games – Lost Temple?

Madali lamang i-access ang Escape Games – Lost Temple sa kahit anong gadget na mayroon ka, lalong lalo na sa iyong mobile phone. Sundin lamang ang mga gabay na hatid ng Laro Reviews sa pag-download nito. Kung ikaw ay nagmamay-ari ng Android, maaari mong hanapin ang Escape Games – Lost Temple sa Google Play Store at i-click ang salitang install. Para naman sa iOS, pumunta lamang sa App Store at gawin ang proseso na katulad sa Android. Para naman sa mga malalaking gadget katulad ng Laptop o PC, nangangailangan munang mag-download at mag-install ng Gameloop emulator. Pagkatapos gawin ito ay pumunta lamang sa Google Play Store, hanapin ang laro at i-click ang install. Siguraduhing tama ang larong iyong pinili sa pamamagitan ng pagsuri kung ito ba ay gawa ng Vincell Studios. Para sa mas madaling pag-access, mangyaring i-click lamang ang mga nasa ibaba.

Download on Escape Games – Lost Temple Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.vincellstudios.hiddenescapelosttemple&hl=en&gl=US

Download Escape Games – Lost Temple on iOS https://apps.apple.com/us/app/escape-games-lost-temple/id1482920648

Download Escape Games – Lost Temple on PC https://www.gameloop.com/game/adventure/com.vincellstudios.hiddenescapelosttemple

Tips at Tricks para sa mga Baguhan

Masasabing mapanghamon ang mga larong may pakikipagsapalaran katulad na lamang nitong Escape Games – Lost Temple. Walang tiyak na estratehiya ang maaaring gamitin sa lahat ng parte ng laro dahil na rin sa paiba-ibang pagsubok na tampok dito. Ngunit, huwag mag-alala dahil kahit papaano ay may hatid na tips at tricks ang Laro Reviews para sa mga baguhan pa lamang o mga may balak na maglaro nito. Sana ay makatulong ang mga ito sa inyo.

Sa simula ng laro ay may instraksiyon na ipapakita kung ano ang magiging sistema ng laro at kasali na rito ang pag-navigate ng mga gamit na maaaring i-kolekta. Sundin lamang ang mga ito upang makapagpatuloy. Kapag naman ikaw ay nasa parte na kung saan kailangan mong makabuo ng puzzle, may mga buttons sa gilid na maaari mong gamitin upang makakuha ng hint kung paano lutasin ang puzzle. Kapag naman ikaw ay nahihirapan pa rin kahit may mga hint ng nakalagay, maaari ka namang gumamit ng iba pang features ng laro katulad na lamang ng panonood ng isang video na siyang naglalaman ng paraan upang mabuo ang puzzle. Subalit, kung ramdam mo na hindi pa rin ito sapat, ang huling button na maaari mong gamitin ay ang skip feature kung saan pwede mong ipagpaliban ang paglalaro at diretso ka nang uusad sa susunod na parte ng laro. Ang nakakapanghinayang lamang sa mga tampok na nabanggit ay ang stars na kailangan mong malikom bilang bayad sa paggamit ng mga ito. Sa madaling salita, hindi mo kaagad magagamit ng libre ang mga game features na nabanggit sa taas. Kailangan mo munang maglaro ng iba pang mga pagsubok, manuod ng ads, o hindi naman kaya ay gumamit ng totoong pera upang makabili ng stars na gagamitin mo bilang pangbayad sa laro.

Kalamangan at Kahinaan

Kahit na medyo kumplikado ang laro dahil na rin sa konsepto nito ng pakikipagsapalaran at escape room, masasabi na isa ito sa mga magagandang online na laro. Mahahalata na pinag-isipang mabuti ang magiging daloy nito. Mula sa istorya ng laro pati na rin sa layunin ay talaga namang kahanga-hanga. Nakaka-enganyo rin ang mga inilagay na tampok dito dahil lahat ng mga ito ay mapanghamon. Lahat ay talagang susubok sa iyong kaalaman sa puzzles pati na rin sa lawak ng iyong kaisipan.

Bukod pa rito, napakaganda rin ng buong disenyo ng laro dahil makatotohanan ang mga ito. Dagdag pa ang musika at sound effects na ginamit na siyang mas nakapagbibigay aliw habang naglalaro.

Sa kabilang banda naman, masasabi na may iilang kahinaan din ang Escape Games – Lost Temple. Isa na rito ang panaka-nakang ads na bigla na lamang susulpot habang ikaw ay naglalaro. Nakakalito rin minsan kung ano ang susunod na dapat gawin dahil walang lilitaw na gabay para sa iyo. Nangangailangan pang pindutin mo ang lahat ng bagay na makikita upang malinawan ka sa dapat na gagawin. Maliban sa mga ito, makabubuti rin sana kung maaaring i-zoom in at i-zoom out ng mga manlalaro ang mga kayamanan at bagay na kailangan makolekta upang mas makita ang mga ito.

Konklusyon

Sa kabuuan, mayroong 4.3 na ratings ang Escape Games – Lost Temple sa Google Play Store at 4.5 naman sa App Store. Disente at mataas ang mga markang nakuha nito dahil na rin sa magandang konsepto ng laro. Talaga namang mahihikayat ang mga manlalaro na subaybayan ang larong ito dahil nakakaaliw na mga tampok tulad ng puzzles, mga imbentaryo, at nakatagong kayamanan. Kaya naman kung mahilig ka sa adventure games at escape rooms, huwag nang magpatumpik-tumpik pa at i-download na ang Escape Games – Lost Temple!