Nauuso sa kasalukuyan ang mga roguelike action games. Subalit, sa kabila ng mahigpit na kumpetisyon, mabibilang lamang sa mga ito ang talagang may mahusay at de-kalidad na game execution. Ang rogue-like games ay may kumplikadong genre bunga ng pinaghalong elemento ng iba’t ibang uri ng laro. Gayunpaman, hindi naman ito talagang napakahirap laruin. Sa katunayan, ang game mechanics ng mga ito ay simple at pamilyar sa karamihan.
Ang Last Hero: Roguelike Shooting Game ay inilabas ng SuperNova Game noong Hunyo 6, 2020. Sa kasalukuyan, ang game app nito ay may mahigit sa isang milyong installs na sa Google Play Store. Ang pangunahing layunin ng mga manlalaro rito ay alamin ang totoong dahilan ng zombie apocalypse na puminsala sa sangkatauhan. Para magawa ito, kailangan nilang maideklara bilang “the last hero standing” sa laro.
Maraming zombies at monsters ang kailangan mong harapin at talunin sa larong ito. Bukod dito, may iba pang tasks na kailangang kumpletuhin upang makamit ang ultimate goal. Kung may balak kang subukan ito, kailangan mong maghanda sa mga labanang magaganap at maging mahusay na shooter upang manatiling buhay.
Paano I-download ang Laro?
Maaari mong laruin ang Last Hero sa mga Android at iOS device. Para simulan ang iyong download, hanapin lang ang game app nito sa Play Store o sa App Store at i-click ang install button. Kung ikaw ay iOS user, kailangan mong hanapin ang game app na Last Hero: Dawn of the Dead sa App Store. Kung nais mong laruin ito gamit ang laptop o desktop, kailangan mong gumamit ng isang lehitimong emulator upang i-download ang app sa isang computer. Para hindi ka na mahirapan pa, pwede mong gamitin ang mga sumusunod na link:
Download Last Hero: Roguelike Shooting Game on iOS https://apps.apple.com/us/app/last-hero-dawn-of-the-dead/id1526813034
Download Last Hero: Roguelike Shooting Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.supernova.ggplay.lastherodotd
Download Last Hero: Roguelike Shooting Game on PC https://www.99images.com/apps/action/com.supernova.ggplay.lastherodotd/download
Ultimate Guide para sa mga Manlalaro
Tulad ng karamihang roguelike games, ang Last Hero ay walang progressive gameplay system. Ang difficulty level nito ay naka-set ng random at hindi nakabase sa aktwal na game level. Sa pamamagitan ng sistemang ito, talagang masusubukan ang iyong kakayahan at diskarte sa pagharap ng iba’t ibang hamon.
Kung nais mong makilala ng mas mabuti ang larong ito, tutulungan ka ng Laro Reviews na pag-aralan ang features at gameplay nito. Tandaan na ang iyong game account ay automatic na magi-generate kapag nagsimula ka na sa paglalaro. Upang matiyak na masi-save ang iyong game progress, kailangan mong tandaan ang iyong user ID at server ID. Pwede mo ring i-bind ito sa iyong Google account.
- Features at Game Controls
May apat na uri ng baril na maaaring pagpilian ng mga manlalaro. Ang bawat isa sa mga ito ay may iba’t ibang kapasidad para mapatumba ang mga zombie. Maaari mo ring gamitan ang iyong hero character ng iba’t ibang combo skills upang mas palakasin pa. Ang isa pang feature ng larong ito ay ang permadeath. Kung sakaling mamatay ka sa kalagitnaan ng match, ang lahat ng items at buffs na iyong nakolekta ay mawawala at kakailanganin mong magsimula muli sa partikular na level.
Ito ay gumagamit ng one-finger operation upang ma-control ang hero character. Automatic din na babarilin nito ang mga kaaway, ang kailangan mo lang gawin ay iwasan ang mga atake ng kalaban at itutok sa kanila ang iyong baril. Hindi pangkaraniwan ang ganitong set up ng controls. Maaaring mahirapan ka sa umpisa, subalit tiyak na sa kalaunan ay masasanay ka rin.
- Power-ups at Boosts
Maraming character abilities ang pwede mong pagpilian sa laro. Mas nagiging epektibo pa ang mga ito laban sa mga kaaway kapag ito ay ginawang combo. May character ability na kayang i-freeze ang mga kaaway upang mas madaling matamaan ang mga ito. Pwede ka ring gumamit ng nakamamatay na bomba para pasabugin ang mga grupo ng zombies. May isang special ability din na kapag ginamit mo ay magkakaroon ka ng kakayahang patalbugin ang mga bala upang mas marami pang kaaway ang matamaan nito.
- Mga Kalaban sa Laro
Bukod sa mga nakakatakot na zombies, may mas malalakas ka pang makakalaban sa larong ito. Hindi tulad ng zombies na madali lang patumbahin, mas mahirap kalabanin ang mga halimaw na bigla na lamang sumusulpot kung saan-saan. Kapag ito ang iyong nakaharap, kailangan mong maging alerto at umatake nang mas mabilis. Hindi kasi sila basta napapatay ng basic attacks lang. Kailangan mo ring bantayan ng maigi ang iyong life points dahil kapag ito ay naubos, matatalo ka sa match at kailangan mong mag-restart. May NPCs ka ring makakasalamuha sa laro. Ang mga ito ay nag-aalok ng special ability deals at iba pa kapalit ng coins o gems.
Pros at Cons ng Last Hero: Roguelike Shooting Game
Ang gameplay at game mechanics ng Last Hero ay simple, madaling matutunan at lubos na nakakahumaling. Mas challenging din ang dating nito sa mga manlalaro dahil sa kakaiba at exciting nitong features. Nakakamangha rin ang background music at sound effects na ginamit dito dahil ito ay talagang angkop sa tema at konsepto ng laro.
Subalit, maraming ding manlalaro ang nauubusan ng pasensya dahil madalas na nagka-crash ang app dahil sa bugs. Ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit may mga pagkakataong hindi talaga gumagana ang laro. Paulit-ulit din itong nagkakaroon ng connection issues at kadalasan ay bigla na lamang nagkakaroon ng server disconnection issues sa gitna ng match. Kahit simple ang game control system nito, medyo mahirap itong i-master dahil madalas itong hindi gumagana ng maayos. Bukod sa mga ito, medyo nakakadismaya rin ang graphics at animations na ginamit sa laro dahil ang kalidad ng mga ito ay pangkaraniwan lang at medyo luma na. Nakakalungkot din na walang customization features sa laro kayahindi pwede gawing mas personalized ang mga hero character, maging ang mga baril at iba pang sandata.
Konklusyon
Sa kabuuan, ang Last Hero: Roguelike Shooting Game ay medyo overrated para sa Laro Reviews. Ito ay may average rating na 4.8 stars mula sa mahigit 14,000 reviews sa Play Store. Sa kabilang banda, mayroon itong 2.6-star rating mula sa halos 100 reviews sa App Store.
Kung susubukan mo ang larong ito ay kailangan mo ng mahabang pasensya dahil marami itong technical issues na hindi pa naaayos. Maaaring nakakahumaling at nakakaaliw talaga ang gameplay nito, subalit, kung ang mga isyu at problemang nabanggit ay hindi malulutas sa lalong madaling panahon, karamihan sa mga manlalaro nito ay patuloy na madidismaya at tuluyang mawawalan ng gana sa laro.