Kung nababagot ka na sa mga paulit-ulit na casual game at gusto mo ng bagong kagigiliwang laro, huwag mag-alala dahil sa artikulong ito na ginawa ng Laro Reviews ay ipakikilala namin ang isang offline na larong tiyak na papawi sa iyong pagkabagot. Ang Balloon defense 3D ay ginawa ng BoomHits. Handa ka na bang maglakbay sa isang panibagong mundo?
Mga Tampok ng Laro
Ang pangunahing layunin ng laro ay paputukin ang lahat ng mga balloon sa pamamagitan ng pagtira dito ng mga darts. Kailangan mong iwasan ang mga balloon dahil kapag nadikit ka sa mga ito ay matatalo ka. Simple lang ang gameplay ng laro at tiyak na kaya mong maipasa ang bawat stage. Ngayon ay talakayin natin kung ano ang dapat mong asahan dito sa laro.
Skins – Mayroong tatlong uri ang skins; character, hats at darts. Mayroon itong 12 character at hats na maaaring ma-unlock sa pamamagitan ng panonood ng ads o pagbili sa mga ito gamit ang diamonds. Ang darts naman ay isang upgrade feature ng iyong bala. Sa tuwing magle-level up ka sa stage, maaari mong i-upgrade ang iyong mga darts. Hindi tulad ng character at hats na skin, ang dart skin ay hindi lamang palamuti kundi mayroon din itong epekto. Maaari nitong gawing triple ang darts na iyong binabato o pataasin ang iyong damage output. Nahahati sa limang uri ang darts, ito ay ang mga: base, nice, rare, epic at myth.
Character upgrades – Makikita mo ang tampok na ito bago magsimula ang stage. Mayroon lamang itong tatlong uri: rare darts, experience at turret ngunit kailangan mo muna itong i-upgrade ng tatlong bese bago mo magamit ang mga effects nito. Kung gusto mong makakuha ng mga bagong darts, kailangan mong i-upgrade ang rare darts. Kung gusto mo namang tumaas ang iyong damage, speed at range, kailangan mong i-upgrade ang experience at kung nais mong magkaroon ng turret na tutulong sa iyo, kailangan mong i-upgrade ang turret. Lahat ng mga nabanggit ay maaaring i-upgrade gamit ang balloon token o sa pamamagitan ng panonood ng ads.
Paano I-download ang Balloon Defense 3D?
Hindi mo na kailangan gumawa ng log in accounts o mag-bind ng Facebook at Gmail accounts upang makapagsimulang maglaro nito. Upang i-download ito sa Android, pumunta lamang sa iyong Google Play Store app at i-type sa search bar ang pangalan ng laro. Parehong proseso lamang para sa iOS ngunit sa halip na sa Google Play Store, maaari itong i-download mula sa App Store. Sa ngayon, wala pa itong PC version at kung mayroon man kayong makita sa internet, maaaring hindi ito katulad o di kaya ay mayroong virus o maaaring makasira ng iyong PC. Para sa mabilis na pag access, maaaring i-click ang mga link sa ibaba.
Download Balloon Defense 3D on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.EternalStudio.BalloonPop
Download Balloon Defense 3D on iOS https://apps.apple.com/ro/app/balloons-defense-3d/id1617817611
Tips at Tricks para sa mga Baguhan
Simple lang ang gameplay nitong laro ngunit mapanghamon dahil habang tumataas ang stage na iyong natatapos, mas lalong dumadami at bumibilis ang mga balloon ngunit may perpektong strategy at tactic ang Laro Reviews para dito. Hatiin natin sa dalawang uri ang tips at trick. Una ay ang upgrading pattern at pangalawa ay ang gameplay strategy.
Gameplay strategy – Simple lang ang strategy. Huwag ma-corner ng mga balloon. Ngunit ang tanong, paano nga ba ito i-execute? Sa unang bahagi, kakaunti pa lang ang balloon na lalapit sa iyo, kailangan mong samantalahin ang pagkakataon upang suriin ang mapa ng stage sa pamamagitan ng paglilibot sa mapa o tinatawag na reckoning. Importante ito dahil kailangan mong malaman kung saan ka maaaring ma-corner at upang magkaroon ka ng ideya kung saan mo dadalhin ang mga balloon upang maging pabor sa iyo ang terrain. Mas mainam na pumunta sa posisyon na kung saan ay may malawak na area upang makagalaw.
Upgrading pattern – Importanteng malaman mo kung ano ang mga dapat unahing i-upgrade upang mas maging epektibo sa paglalaro. Dahil sa mabilis na gameplay ng laro, ibig sabihin mabilis na lumalakas ang mga balloon at mas nagiging mahirap itong paputukin sa bawat stage kaya, kailangan mong i-prioritize ang experience upang magkaroon ka ng sapat na lakas upang paputukin ang mga balloon. Kung medyo nahihirapan ka na dahil sa dami ng mga balloons, maaari mo nang i-upgrade ang turret. Ang rare darts naman ay kusang nag-a-upgrade sa ilang mga stage na may reward na darts kaya kahit hindi mo na kailangan itong pagtuunan ng pansin ngunit, pwede mo pa rin itong i-upgrade kung mayroon kang extra na balloon tokens.
Kalamangan at Kahinaan
Isa sa mga katangian na nagustuhan ko dito ay ang simple ngunit mapanghamon nitong gameplay. Simple lang ang mga controls at hindi gaanong komplikado ang upgrading feature nito ngunit hindi nakakabagot ang mga stage at dahil dito, natitiyak kong hindi ito madaling pagsawaan. Maganda rin ang 3D graphics nito at napakakinis ng animation kaya kahit sa mga masisikip na espasyo ng mapa o kahit napalibutan ka na ng mga balloons, magagawaan mo pa rin ng paraan dahil madaling i-visualize ang strategy kapag ganito kaganda ang graphics. Maayos din ang pagkakagawa ng reward system dahil malaki ang ibinibigay na balloon token sa bawat stage na iyong maipapasa kaya maaari kang mag-upgrade bawat stage na iyong matatapos.
Ito naman ang mga hindi ko nagustuhan sa laro. Nagkakaroon ng pag-crash o lags sa tuwing lalaruin mo ito sa offline. Nakakainis itong uri ng bug dahil nawawalan ng saya ang laro. Nililimitahan din ng mga pop up ads ang iyong laro dahil lumalabas ito sa kalagitnaan ng iyong paglalaro na kung minsan ay nagreresulta ng pagkatalo. Mas mainam sana kung maaari mo itong laruin offline at gawing optional ang panonood ng mga ads. Halibawa, sa tuwing gusto mong mapabilis ang iyong pag-upgrade, maaaring manood ng ads. Dahil sa ganitong mga isyu ng laro, nababawasan ang saya nito at dahil casual game ito, inaasahan ng mga manlalaro na ito ay maaaring laruin offline.
Konklusyon.
Sa kabuuan, ito ay nakatanggap ng star rating na 3.5 sa Google Play Store at 5.0 naman sa App Store. Mababa ang rating nito sa Google Play Store dahil sa mga isyu ng laro. Kahit na sinong manlalaro ay mababagot kapag ganito ang sistema ng laro ngunit hindi mo mararanasan ang mga nabanggit na isyu sa iOS kaya mataas ang rating ng laro dito.