Kung hilig mo ang makipagtunggali at humarap sa mga kalaban upang ipagtanggol ang mga inaapi, tiyak kong magugustuhan mo at hindi ka na magdadalawang isip na laruin ang larong ito na nilikha ng Indra Soft, ang Raziel: Dungeon Arena. Ito ay isa sa mga mahuhusay na Action Role-Playing Game o Action – RPG na maaari mong laruin. Sa larong ito ikaw ay isang mandirigma at maaari mong salakayin ang ibang mga manlalaro, co-op dungeons at iba’t ibang uri ng mga malalakas na halimaw upang iligtas ang daigdig laban sa masasama taglay ang mga nakolektang bagong bayani at kagamitan para sa epic gear set upang palakasin ang iyong karakter.
Bukod dito, ayon sa larong Raziel: Dungeon Arena, nagsimula ang lahat ng salakayin ng mga halimaw ang buong Northern Peninsula. Para sa lahat, isa itong malaking kasawian at dagok sa kanilang lugar. Subalit ito rin ang naging dahilan upang muling mabuhay mula sa kamatayan ang mga mandirigma na imposible sa karamihan. Kasama nito ay bagong lakas, angking kakayahan at kapangyarihang lumaban sa kalupitan. Dahil sa pangyayaring iyon, ang buong Northern Peninsula ay naging mapanganib dahil ito’y napaliligiran ng mga halimaw. Kaya naman sa iyong pagbangon kailangan mong harapin ang bawat kalaban na iyong makakasagupa upang sila’y wasakin at patayin hanggang matalo mo ang malaking pinuno nila. Kapag ito’y naisakatuparan mo, makakapunta ka sa susunod na antas ng labanan upang mailigtas ang Ancient Peninsula.
Habang ito’y nilalaro mo, mabubuksan mo ang iba’t ibang mga kakayahan na nakakapagpalakas ng iyong karakter. Makakakuha ka rin ng mga uri ng sandata o armas at maging mahika na iyong gagamitin upang talunin ang kalaban. Sa larong ito ikaw rin ay may pagkakataong makapili at makapagpalit ng kung sino at anong uri ng mandirigma ang iyong ninanais.
Bago magsimula ang laro ay ipapakita ang isang maikling kuwento kung saan at paano nagsimula ang labanan ng Raziel: Dungeon Arena. Ito ang magsisilbing rason kung bakit at para saan ang iyong pakikipaglaban sa kasamaan.
Features ng Raziel: Dungeon Arena
Iba’t ibang level – Hindi ka bibiguin ng Raziel: Dungeon Arena sa dami ng level na maaari mong laruin dito. Mayroon itong single player story mode, boss battles at multiplayer dungeon raids. Sa story mode ipapakita ang isang narrated in-game comic at tunay na soundtrack ng laro. Habang sa boss battles ay ang pakikipagtunggali mo laban sa mga pinunong halimaw. Samantala, ang multiplayer dungeon raids naman ay maaari kang magsama ng ibang manlalaro sa pakikipaglaban.
Klase at kakaibang mga karakter – Mayroong iba’t ibang klase ng karakter sa larong ito na nagpapakita kung anong uri ng mga bayani ang nararapat mong dalhin sa labanan. Una dito ay ang Beast Master: Rock, ang tank class na gumamit ng palakol bilang sandata at nagbibigay ng pisikal na pinsala sa kalaban. Sumunod ay ang Ice Mage: Alina Stewart, ang long/mid-range class/character na may mataas na DPS and CC skills. Pangatlo ay ang Death Ranger: Villasack, na isang long-range bow at arrow user na epektibo para sa mga kalaban na may mabagal na galaw. At ang Puppeteer: Isadora Sander na may kakayahang manipulahin ang puppet na tatawagin sa laro. Ang kanyang kakayahan ay naka-disenyo upang sumuporta sa loob ng labanan.
Tag battle system – Ang isa rin sa mga tinataglay ng larong ito ay pinahihintulutan nito ang bawat manlalaro na makapagdala ng dalawang bayani. Kung saan maaari mo itong palitan kung kelan mo naisin. Ang ganitong uri ng tuntunin sa laro ay magtuturo sayo ng panibagong estratehiya at pamamaraan ng iyong gagamitin sa dalawang karakter na iyong pipiliin.
Variety of Talent Trees and Gear Sets – Bilang isang Action Role-Playing Game o ARPG, bahagi ng laro ang mga talent trees and gear sets. Hinding-hindi magpapahuli ang Raziel: Dungeon Arena pagdating sa mga ganitong bagay. Ang mga manlalaro ay may kalayaang ayusin ang kanilang bayani ayon sa kanilang nais at pumili rin mula sa 16 na unique abilities na gusto mo para sa iyong karakter. Maaari mong subukan ang lahat hanggang sa mahanap mo ang tamang balanse para sa estilo ng iyong paglalaro. Samantala, mayroon ding mga crafted gear sets, set bonuses, gem inlays, at sari-saring pagpipilian para mapahusay ang iyong napupusuan na bayani.
Mercenary sidekick system – Sa larong ito, maaari kang magdala ng kasama na makatutulong sa iyong laban. Ito ay tinatawag ring mercenary sidekick companions. Layunin nilang sumama sa iyo sa buong laro at tumulong sa punyagian. Mayroon silang mga taglay na abilidad at kakayahan na maaari mong magamit sa iyong laro. Malaya ka ring lagyan sila ng armas, sandata o anumang kagamitan na madadala mo sa tunggalian. Nakadepende sa iyo kung paano mo sila nais na gamitin sa estilo ng iyong paglalaro.
Saan pwedeng i-download ang app?
Maaari mong i-download ang laro gamit ang link na ito:
Download Raziel: Dungeon Arena on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.indra.en.raziel
Download Raziel: Dungeon Arena on iOS https://apps.apple.com/us/app/raziel-dungeon-arena/id1522241983
Download Raziel: Dungeon Arena on PC https://www.bluestacks.com/apps/action/raziel-dungeon-arena-on-pc.html
Tips kung nais laruin ang Raziel: Dungeon Arena
Ayon sa Laro Reviews, kung ikaw ay nagbabalak pa lamang na maglaro nito at ito ang unang beses mo rito, mas magandang panoorin mo muna ang maikling kuwento sa pasimula ng Raziel: Dungeon Arena. Sa ganitong paraan, lubos mong mauunawaan ang salaysay at masaya mong malalaro ito nang hindi naguguluhan.
Isa sa hamon nito ay ang manalo at makarating sa matataas na level ng laro. Partikular ito sa level 40 hanggang level 56 dahil ang buong laro ay aabot hanggang level 60. Dito ay makukuha at bubuksan mo na ang mga bayani na hindi mo maaaring makamtan sa mabababang antas. Kaya naman kinakailangan mong paghusayan ang paglalaro upang makarating at makuha ito. Kung nais mo naman na agaran itong mapasayo, bibilhin mo ang mga karakter na ito. Subalit mabuti rin naman kung hindi mo iyon gagawin at dadaan ka sa bawat level upang humusay at matamasa ang tagumpay sa gantimpalang nakalaan.
Related Posts:
World War 2: Shooting Games Review
World of Warships Blitz War Review
Pros at Cons sa paglalaro ng Raziel: Dungeon Arena
Para sa mga bagong manlalaro, mapapansin mo na agad ang kahusayan ng graphics, disenyo sa mga karakter, detalye ng kwento, mabilis na pagtugon at galaw, tamang tunog at mood sa loob ng laro. Kitang-kita ang kahusayan ng pagbuo at pagkakagawa ng Raziel: Dungeon Arena. Makikita at madarama mo na para bang ikaw nasa isang tunay na labanan.
Kumpara sa ibang mga ARPG, kadalasang nararanasan ang pagbabagal ng laro na nakakaapekto sa pagsasakatuparan ng iyong plano at pamamaraan sa paglalaro. Subalit, ang larong ito ay mabilis ang proseso ng pagtugon at pagkontrol sa mga galaw nito. Kaya hindi ka madidismaya kung ikaw ay isang gamer.
Dagdag pa rito, ito rin ay walang automatikong laro o combat. Ito ang mas nakalamang sa larong ito laban sa iba pang mga ARPG na mayroon. Kaya naman kinakailangan mo talagang laruin upang taglayin ang bawat kakayahan na ninanais mo sa iyong bayani.
Samantala, ang isa sa suliraning haharapin mo sa larong ito ay ang hindi mo ito maaaring laruin ng mababa sa 13 ios para sa mga IOS users. Malaki rin ang sakop ng larong ito na nagsisimula sa 4GB at kumukuha ng higit pang espasyo sa inyong mga device. May kabagalan rin ang pag-download ng laro kaya kailangan mong magtiyaga at maghintay.
Para sa Laro Reviews, ang pangkalahatan ng laro ay sulit at masayang laruin. Lalo na sa mga naghahanap ng aksyon at labanan gayong isa ito sa mahuhusay na ARPG na maaari mong laruin ng libre. Oo, libre lamang! Kaya naman ang husay nito at galing ng gawa ay napatunayan at subok na.
Konklusyon
Ang Raziel: Dungeon Arena ay kasalukuyang umabot na sa mahigit isang milyong downloads. Kaya naman noong nakamit nila ito, namahagi sila ng libreng papremyo sa loob ng laro bilang pasasalamat sa lahat ng tumangkilik at sumuporta sa kanila. Ngayon ay may 4.8 out of 5 ratings ang laro patunay ng kahusayan nito. Kaya naman hindi malabong magustuhan mo rin at kaaliwan ang larong ito katulad ng naranasan ng iba.
Laro Reviews