Ang DEAD TARGET: Zombie Games 3D Review ay isang first-person shooter mobile game na nilikha ng VNG Game Studios. Kontrolado ng manlalaro ang isang karakter na nakabingit sa panganib ang buhay dahil sa sandamakmak na zombies sa siyudad. Sa kabila ng kasalukuyang kalagayan, kailangan niyang makaligtas at manatiling buhay.
Umiikot ang istorya sa taong 2040 kung saan sukdulan ang naging pinsala sa mundo. Dahil dito, lubhang nabago ang mga lugar at tanawin sapagkat kitang-kita ang pagkasira ng mga ito. Bilang resulta, nagdesisyon ang Minister of Defense na magkaroon ng panibagong panahon sa pamamagitan ng Project Dead Target. Kabilang dito ang pagpirma ng kontrata sa CS Corporation upang lumikha ng malalakas na mga sundalong magmumula sa mga preso. Ginamit ng korporasyon ang proyektong ito para puwersahin ang pangulo na sundin ang kanilang utos. Bilang katunayang seryoso ang CS Corporation na gawin ito, nagtayo sila ng sariling bersyon ng Dead Target sa hindi kahina-hinalang siyudad, na siyang pinagmulan ng lahat.
Pagdating sa siyudad, makikitang naging zombies ang lahat ng mga mamamayan. Hindi naging matagumpay ang pagpunta ng troop na ipinadala rito. Sa kulungan nagsimulang kumalat ang zombie virus. Dito na papasok ang problemang iyong kakaharapin dahil isa ka sa dalawang agents na tanging natirang buhay sa loob ng siyudad na pinamumugaran ng zombies.
Features ng DEAD TARGET: Zombie Games 3D
Offline Mode – Laruin ito anumang oras at kahit nasaan ka man! Hindi ito nangangailangan ng Wi-Fi o data connection para makapaglaro. Dagdag pa rito, maganda itong laruin kapag nagpapalipas ng oras dahil tiyak na hindi ka maiinip habang naglalaro.
3D Graphics – Pina-level up ang paglalaro ng may temang zombie apocalypse dahil sa 3D graphics nito. Ihanda ang sarili sa makatotohanang disenyo at animation ng laro. Gayundin, nakakadagdag sindak ito dahil sa nakakatakot na anyo ng zombies.
Limitless Missions – Habang patuloy sa paglalaro, alamin ang tumatakbong istorya nito. Kabilang dito ang sari-saring challenges sa iba’t ibang kapaligiran, tulad ng base militar, lupain ng langis, campsites, at mga komunidad ng sakahan sa kanayunan.
Extensive Weapons and Zombies – I-upgrade ang iyong armas sa pamamagitan ng pag-unlock at pag-upgrade nito! Marami ka ring pwedeng pagpilian tulad ng mga baril, pampasabog, skins, at iba pa, Bukod dito, lalong magiging challenging ang laro habang tumatagal dahil iba’t ibang klase ng zombies ang makakasalamuha mo.
Casino Games – Subukan ang iyong swerte sa paglalaro ng klasik na slot machine! Sa pamamagitan nito, pwede kang makatanggap ng sari-saring premyo.
Saan pwedeng i-download ang DEAD TARGET: Zombie Games 3D?
Sundin ang mga sumusunod na hakbang sa pag-download ng laro. Pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman para iOS users. I-type ang DEAD TARGET: Zombie Games 3D sa search bar. Pagkatapos ay i-click ang icon nito at ang Install o Get button. Hintaying makumpleto ang pag-download tsaka buksan ang app at kumpletuhin ang sign in details. Ayan, pwede ka nang makapagsimula ng paglalaro! Kung interesado kang malaman pa ang tungkol sa laro, patuloy na basahin ang artikulo. Inihanda ng Laro Reviews ang tips, tricks, pros, at cons nito para makatulong sa iyo.
Narito ang link kung saan pwedeng i-download ang laro:
Download DEAD TARGET: Zombie Games 3D on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.vng.g6.a.zombie
Download DEAD TARGET: Zombie Games 3D on iOS https://apps.apple.com/us/app/dead-target-zombie-games/id901793885
Download DEAD TARGET: Zombie Games 3D on PC https://www.bluestacks.com/apps/action/dead-target-zombie-on-pc.html
Kung napili mong maglaro ng DEAD TARGET: Zombie Games 3D sa PC, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang https://www.bluestacks.com Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.
Tips at Tricks sa Paglalaro
Tandaan na ang pangunahing currency ng laro ay ang gold. Para makakuha ng maraming gold, siguruhing tapusin ang quests at achievements. Kapag nakumpleto ang mga ito, pwede mo nang kunin ang karampatang premyo. Pindutin lamang ang “Achieve” at “Quest” buttons para makita ito, o kaya naman ay antabayanan ang numerong lalabas sa tabi nito dahil nangangahulugan ito na mayroon kang dapat i-redeem. Bukod dito, maaari ka ring makakuha ng karagdagang golds sa pamamagitan ng panonood ng ads.
Related Posts:
Pro Builder 3D Review
Party Match: Do Not Fall Review
Sa paglalaro, mainam na barilin ang zombie direkta sa kanyang ulo. Bukod sa mas madali silang mamatay kapag na-headshot, makakatanggap ka pa ng cash bonus pagkatapos. Kung mahirap man sa iyong gawin ito, lalo na kapag kumpulan at sabay-sabay na silang umaatake sa’yo, ang payo ko ay itapat ang gun pointer kapantay ng kanilang mga ulo, at pagkatapos ay magpaulan ng gunshots habang pinapasadahan ang bawat isa. Sa paraang ito, mas malaki ang tsansang maka-headshot ka nang maraming zombies.
Kailangan sa bawat plano ay mayroong nakahandang alternatibo kung sakaling pumalpak sa una. Dahil dito, kapag hindi mo nagawang barilin ang zombies direkta sa ulo, pwede mong gawin ay barilin sila sa kanilang dibdib. Dagdag pa rito, may ibang levels na may option na mag-iba ng direksyon. Kapag ganito, mainam na iakma ang sensitivity controls kung saan ka pinakakumportableng maglaro. Maaaring bawasan ang sensitivity ng controls sa game settings, lalo na kung hindi ka pa sanay sa shooter games tulad nito. Kung magbago man ang iyong isip, pwede mo itong pataasin ulit.
Pros at Cons ng DEAD TARGET: Zombie Games 3D
Tunay na nakaka-enganyo ang graphics at sound effects ng laro. Tiyak na mararamdaman ng manlalaro ang mabilis na pagtibok ng puso at adrenaline rush habang naglalaro. Dahil sa magandang animation nito, talagang nakaka-nerbyos kapag mabilis na naglalakad ang zombie o kaya naman kapag sobrang lapit na nito sa’yo. Sinamahan pa ito ng malakas na tunog ng baril pag tumitira kaya nagmistulang makatotohanan ang laro. Bukod dito, kawili-wili rin ang cutscenes nito sapagkat nagbibigay ito ng karagdagang impormasyon tungkol sa istorya ng laro. Napapanatili ang kabuuang atmospera ng laro sapagkat akma ang mga ginamit na kombinasyon ng kulay, disenyo, at sound effects. Bagaman may ilang ads ang biglaang lumalabas, pwede itong mawala kapag sinara ang Wi-Fi o mobile data ng phone.
Sa kabila nito, inaangal ng mga manlalaro ang madalas na pag-crash ng app. May pagkakataong kung saan nasa padulong bahagi na ng laro ngunit biglang nag-lag ang app, at ang mas malala pa rito ay hindi awtomatikong na-save ang progress sa laro. Bukod dito, sinasabing malaking halaga ang kailangan sa pagbili ng malalakas na baril. Ang natatanging paraan lamang na makuha ito ay sa pamamagitan ng pagbabayad ng aktwal na pera para mapunta sa mataas na rank.
Konklusyon
Sa kabuuan, mairerekomenda ng Laro Reviews ang DEAD TARGET: Zombie Games 3D sa lahat. Lalo na kung ang hilig mo ay shooter games at mga may temang zombie apocalypse, saktong-sakto ang larong ito para sa iyo. Nakamamangha ang kabuuang itsura ng laro, kabilang ang graphics, animation, at sound effects nito, kaya naman lalo itong nakakaengganyong laruin. Bukod dito, nagiging convenient sa manlalaro ang feature nitong offline mode dahil maaari kang maglaro kahit nasaan ka man.
Laro Reviews