Ang Dawn of Titans: War Strategy ay isang uri ng role playing at strategy game na nilikha ng NaturalMotionGames. Sa title pa lamang nito, magkakaroon ka na kaagad ng ideya kung ano ang maaaring bumungad sa’yo oras na buksan mo ang larong ito. Idagdag na rin natin na ang larong ito ay hitik sa mga tauhang hinango mula sa mga kilalang greek gods at goddesses. Ilan din dito ang naging inspirasyon upang magkaroon ng kakaibang timpla ang laro at magsilbing pain para sa mga manlalarong hilig ang mga ancient gods, labanan at iba pa.
Dito sa Dawn of Titans: War Strategy RPG, trabaho mong paunlarin ang iyong sariling Kingdom sa pamamagitan ng pagtatayo rito ng gusali para sa iyong mga mandirigma at para sa iyong resources. Maaari ka ring makipagdigma sa iba pang manlalaro nito alang-alang sa kapangyarihan at panibagong lupang iyong magagamit at kalauna’y pauunlarin. Kolektahin ang mga titan na siyang maaari mong magamit sa iyong susunod na laban at sumama sa malakas na alyansa at sama-samang kumpletuhin ang bawat challenge na mayroon sa larong ito.
Feature ng Dawn of Titans: War Strategy RPG
Maraming hinandang features ang Dawn of Titans: War Strategy RPG upang kagiliwan ng bawat manlalaro nito. Sa simula pa lamang ay mapapansin mo na kaagad ang kaakit-akit na itsura ng iyong sariling Kingdom. Mayroon kang sariling castle, barracks, farm, food storage, gold mine, gold storage, armory, alliance camp, at army camp. Ang iba sa mga ito ay nangangailangan ng pag-upgrade habang ang iba naman ay magkakaroon ka pa lamang kung ipagpapatuloy mo ang paglalaro nito.
Kung nais mo namang dagdagan pa ang ilang mga gusaling gusto mong itayo, mayroong shop dito kung saan maaari kang bumili ng isa pang builder’s yard, barracks, farm, gold mine at iba pa upang lalo pang umunlad ang iyong Kingdom. Laman din ng shop na ito ang ilan pang mga item gaya ng iba’t ibang klase ng Titan, Divine Shrine na maaaring ilagay sa iyong temple, ilan pang resources gaya ng gems, gold, pagkain at castle shield upang maprotektahan ito sa kahit sinong manlalarong maaaring mag-raid dito.
Sa Relic Inventory naman makikita ang mga item na mayroon ka na at ilan ang eksaktong bilang ng mga iyon. Dito mo makikita kung ilang titan na ang mayroon ka. Kung bibilangin, nasa 207 ang Titan na mayroon sa larong ito na maaari mong makuha habang nilalaro ito. Makikita rin dito kung ilang mga armas gaya ng blade, arc o helm ang nasa iyo na. Maaari mong ibenta ang mga ito o kaya naman ay bumili ng mas marami pa. Mayroon ding pwesto sa inventory ang mga spell at troops na mayroon ka na at maa-unlock mo pa.
Sa bawat laro ay hindi maaaring mawala ang mga quest upang mapanatili ang pagkalibang ng bawat manlalaro. Ilan sa mga hinandang quest para rito ay gaya ng pag-a-upgrade sa iyong castle, pakikipag-alyansa o iba pa na basic at maaari mong gawin kung nais mong makatanggap ng reward gaya ng gems na magagamit mo upang mag-improve pa ang iyong performance sa laro. Mayroon din maging campaign at adventures kung saan maaari mong laruin kung hindi mo tipo ang makipaglaban sa iba pang manlalaro. Mahaba ang mga ito at walang dudang hindi mo pagsasawaan.
Mayroong button sa laro kung saan maaari mong silipin ang malawak na mundo ng larong ito. Sa oras na pindutin mo ito ay ilalabas ka nito sa iyong Kingdom para makita ang ilan pang Kingdom mula sa iba’t ibang manlalarong nasa iba’t ibang panig ng mundo. Ilan sa mga ito ang maaari mong maging kakampi o kaalyado habang ang iba naman ay maaari mong maging kalaban. Ilan sa mga ito ang maaaring sumalakay sa iyong Kingdom at sirain ang ilang mga gusaling binuo mo para lamang makatanggap sila ng iba’t ibang reward.
Hindi mo kailangang mag-alala kung mangyari iyon ng hindi mo namamalayan dahil mayroon namang nilagay ang laro na Battle Log kung saan makikita mo ang username ng manlalarong umatake sa iyong Kingdom maging ang kung anong mga bagay ang kinuha o nabawas sa’yo matapos ang pagsalakay. Maaari kang maghiganti sa mga ito sa pamamagitan ng pagpindot lamang ng revenge na makikita sa gilid.
Kung mangyaring hindi sapat ang iyong troops at ang kakayahang mayroon ang iyong titan upang makapaghiganti, dito maaaring pumasok ang pakikipag-alyansa. Sa bandang taas ng main screen ng laro ay mayroong nakalagay na VP. Kapag sapat na ang dami nito, dito ka lamang maaaring makipag-alyansa sa ibang mga manlalaro. Maaari kang gumawa o sumali sa mga matatag na alyansa. Kung nahihirapan mang maghanap ay mayroong chat system dito kung saan maaari kang makipag-usap sa iba pang manlalaro upang matulungan ka pagdating dito.
Saan Maaaring I-download ang app?
Ang larong ito ay nangangailangan ng 1.7GB sa Google Play at App Store. Pagdating naman sa laptop o PC, nangangailangan ito ng emulator gaya ng bluestacks. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.
Download Dawn of Titans: War Strategy RPG on PC https://www.bluestacks.com/apps/strategy/dawn-of-titans-on-pc.html
Download Dawn of Titans: War Strategy RPG on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.naturalmotion.dawnoftitans
Download Dawn of Titans: War Strategy RPG on iOS https://apps.apple.com/us/app/dawn-of-titans-war-strategy/id911800950
Tips at Tricks sa Paglalaro ng Dawn of Titans: War Strategy RPG
Lamang ka sa bawat laban kung mayroon kang dalang titan. Sa lakas nito, paniguradong ilang laban ang maaari mong ipanalo. Ngunit kahit ganon, mahalaga pa ring marami ka ring dalang troops sa bawat laban. Para magawa iyon, iprioritize ang pag-upgrade ng iyong army camp upang madagdagan ang ilan pang units na madadala mo sa bawat battle. Kung papansinin, isa lamang ito sa makikitang paalala ng laro sa tuwing pumapasok ka rito o habang naglalaro ka kaya mainam na tandaan ang mga iyon dahil talagang makakatulong iyon sa’yo upang makausad pa sa laro.
Related Posts:
War & Wonders
Ottoman Wars Review
Isa rin sa dapat mong tandaan ay ang palaging silipin ang bawat paligid ng battlefield sa tuwing may labanan. Iyon ay upang makita mo kung mayroon pang kalabang nagmamatyag muna sa bawat gilid, nagtatago sa mga puno at lumalabas lamang sa pagkakataong wala kang kamalay-malay. Isipin din muna kung saan mo ilalagay ang iyong troops at sino ang dapat nilang kalabanin. Applicable ito lalo na kung may binabantayan kayong encampment o yung itsurang umiilaw na bilog sa laro. Iyon ay upang hindi mapunta sa kung saan-saan ang mga ito at hindi nila mamamalayang may iba pa pala silang kalaban sa paligid. Mainam na huwag na gamitin ang auto orders ng laro kung hindi mo pa ito gamay dahil siguradong hindi ito magiging epektibo.
Pagdating sa mga ganitong klaseng laro, mainam talaga ang pagsali sa bawat alyansa. May mga pagkakataon kasing biglaan ang mga nangyayaring pagsalakay sa iyong Kingdom. Mainam na palaging maglagay ng troops at titan na maaaring dumepensa sa iyong mga teritoryo o kaya naman gawin ang mas mabisang paraan gaya ng pagsapi sa mga alyansa upang maprotektahan ka o makaganti sa biglaang pagsalakay ng kung sino man.
Pros at Cons ng Dawn of Titans: War Strategy RPG
Lahat ng bagay na makikita mo sa larong ito ay magugustuhan mo. Mula sa graphics na talaga namang isa na sa masasabi mong the best na graphics sa lahat ng laro. Mula sa itsura ng mga tauhan, ang detalyado mong kingdom at ilang mga gusaling makikita rito, ang mundo na mayroon sa larong ito at kahit pa ang pagkakagawa sa bawat labanan ay talagang mamamangha ka. Ito ang dahilan kung bakit masasabi mong hindi man bago ang gameplay nito, nagawa pa ring mag-standout ng laro dahil para bang naroon ka rin sa malawak na lupaing iyon at pinapanood sila sa bawat labanan.
Isa pa sa nakadagdag-aliw dito ang paggamit o paglapit ng ilang mga pangalan ng greek gods sa mga karakter sa larong ito. Akma ang mga ito sa mismong tema ng laro at isa ring maaaring dahilan bakit kailangan mong laruin ito. Nakamamangha ang kwentong inilapat dito na talagang susubaybayan mo rin habang naglalaro. Perpekto itong inilapat sa bawat misyon mo dahilan para magpatuloy ka sa paglalaro nito. Maganda ring naglapat sila ng tutorial para dito dahil napakaraming bagay ang makikita mo rito, oras na ito’y pasukin mo. Dahil sa tutorial na ito, nagkakaroon ng pahapyaw na kaalaman ang bawat manlalaro kung ano ang pinakamisyon nila sa laro at nakakatuwang hindi lamang iyon umiikot sa pakikipaglaban.
Isa lamang ang nakikitang kahinaan ng Laro Reviews pagdating sa larong ito at iyon ay ang control nito partikular na sa labanan kung saan parang ang bigat nitong pagalawin. May pagkakataong hindi sumusunod ang iyong mga tao sa direksyong nais mo silang magtungo. Nawa’y magawan nila ng paraan ito upang mas mapaganda pa ang larong ito.
Konklusyon
Sa itsura ng larong ito, masasabi mo talagang naging sulit ang bawat nilaan mong oras rito. Marami kang maaaring gawin sa larong ito ngunit hindi ito yung tipo ng larong magdamag mong lalaruin. Bukod pa rito, isa rin ito sa hahasa ng iyong talino. May ilang mga item sa larong ito na kailangan mong bilhin gamit ang tunay na pera ngunit kahit ganun ay posible ka pa ring manalo rito. Para sa Laro Reviews, sapat ang larong ito para sa mga taong naghahanap ng kakaibang role-playing game. Kaya naman, subukan na ang Dawn of Titans: War Strategy RPG!
Laro Reviews