Extreme Basketball Review

Extreme Basketball – Isa ang basketball sa mga kinagigiliwang laro sa buong mundo. Sa kasalukuyan, mayroong 400 milyong fans ang larong basketball. Dahil dito, nagkaroon na ng mga basketball game na pwede mong laruin sa iyong mobile phones. Ang ilan sa mga ito ay lisensyado ng National Basketball Association kung saan maaari mong gamitin ang kanilang mga koponan.

May mga basketball game din kung saan maraming karakter kang pwedeng gamitin. Pero kung ayaw mo ng maaksyong laro, pwede kang maglaro ng casual games na walang ibang gagawin kundi ang mag-shoot sa isang ring sa pamamagitan ng pag-drag ng target. May ilang basketball games din na kailangan mong mag-scroll up para mag-shoot sa ring.

Kung gusto mo ng mga ganitong uri ng basketball game, dapat mong masubukan ang Extreme Basketball. Hindi gaya ng ibang mobile casual basketball games, maraming traps sa larong ito bago ka maka-shoot ng bola. May kakaibang mechanics din ang laro na hindi mo makikita sa iba.

Sa Extreme Basketball ay may mga numero na nakalagay sa ibabaw ng ring, ito ang mga bolang kailangan mong i-shoot. May isa kang bola sa panimula ng laro at para dumami ito, kailangan mong i-shoot ang mga ito sa multipliers. Hindi ganoon kadali ang laro dahil may mga traps na haharapin.

Game features ng Extreme Basketball

Para sa features ng Extreme Basketball, isa sa mga pumukaw ng mata ko ang mga “booby traps” ng laro. Hindi pa ako nakakikita ng isang basketball game na may mga spike na maaaring bumutas ng bola. May kulay berdeng slime rin ang Extreme Basketball kung saan didikit ang mga bola sakaling tumama ang mga ito sa pader.

Bukod pa rito, may mga level din sa larong ito kung saan ay may isang player na tumatalon nang paulit-ulit para maharangan ka sa pag-shoot ng bola. May bentilador din na magbabalik ng mga bola mo kapag nag-shoot ka kaya hindi ito agad mapupunta sa mga basketball ring. Minsan, mismong basketball ring na ang gagalaw para mahirapan ka.

May mga skin ka ring pwedeng ma-unlock sa Extreme Basketball. Ang mga skin na ito ang magsisilbing kamay mo kapag isu-shoot mo na ang bola sa ring. Ang ilan sa mga skin na ito ay Iron Man, Spiderman, zombie, rakista, octopus at iba pa. May in-game cash ka ring makukuha matapos ang bawat level pero hindi mo ito pwedeng maipambili ng kahit ano.

Kapag nakuha mo ang No.1 sa world ranking, magkakaroon ka ng pagkakataon na makakuha ng Infinity Gauntlet skin. Walang kahit anong epekto ang mga skin dito pero nakatutuwa na magiging kulay violet ang mga kamay kapag nabili mo ang skin na ito na para bang si Thanos mismo ang naglalaro.

May ranking system din ang larong ito. Sa bawat level na matatapos, mas tataas ang rank mo depende sa bilis mong mag-shoot ng mga bolang kailangan. Hindi natukoy kung totoong tao ang players na nasa rank list. Kung totoo man ito, isa itong magandang paraan para kahit papaano’y magkaroon ng kumpetisyon sa laro.

May multipliers din sa Extreme Basketball at ang mga ito ang susi para malampasan mo ang mga level. Ang multipliers dito ay maaaring makapagparami o makapagbawas sa bilang ng iyong bola. Upang mas dumami ang bola, kailangan mo itong i-shoot sa plus (+) at multiply (x) na multipliers.

Saan maaaring i-download ang Extreme Basketball?

Kung handa ka nang magsimula sa paglalaro, i-download ito gamit ang sumusunod:

  • Download Extreme Basketball on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.quok.extremeBasketball&hl=en&gl=US
  • Download Extreme Basketball on iOS https://apps.apple.com/us/app/extreme-basketball/id1580025854

Tips at Tricks para sa Extreme Basketball

Para makalampas sa mga level ng Extreme Basketball, mahalaga na ma-shoot mo ang bola hindi lang sa isa, kundi sa maraming multipliers upang mas madagdagan ang bilang ng iyong bola. Upang ma-shoot ang bola sa maraming multipliers, kailangang maghintay at magkaroon ng tamang timing bago itira ang bola papunta rito.

May limang tsansa upang ma-shoot mo lahat ng bolang kailangan. Ngunit mas maganda kung sa isa o dalawang bola mo pa lang ay matapos mo na agad ang level. Mas mataas na reward ang makukuha mo kapag nagawa mo ito. May isa kang teknik na maaaring gamitin. Technically, hindi ito pandaraya. Ang pwede mong gawin ay ang pag-exit sa laro gamit ang task manager. Matapos nito, bumalik ka sa laro para ulitin ang level.

Pros at Cons

Hindi matapos-tapos ang mga level sa Extreme Basketball. Kung akala mo’y matatapos na ang laro kapag naabot mo ang No.1 sa world rankings, nagkakamali ka. Sa halip, magpapatuloy pa rin ang laro hanggang sa ikaw na lang ang magsawa. Nakakatuwang laro ang Extreme Basketball kaya okay lang na magkaroon ito ng maraming levels na parang Candy Crush.

Related Posts:

Geometry Dash Lite Review

Brawl Stars Review

Kung pag-uusapan ang gameplay, masayang laruin ang Extreme Basketball kung wala kang magawa at gusto mo lamang magpalipas ng oras. Hindi malaking pagsubok ang pag-shoot ng mga bola pero sobrang nakatutuwang panoorin ang pagsu-shoot ng mga ito sa ring. Hindi kagaya ng ibang basketball games, sa larong ito ay may mga twists.

Mas maganda kung makabibili ka gamit ang pera sa Extreme Basketball. Oo, makakakuha ka ng pera kapag natapos mo ang isang level pero walang pwedeng gawin dito. Ang skins, extrang buhay, at dobleng rewards ay pwede mo lang makuha gamit ang ads. Kung hindi rin pala magagamit ang pera, sana’y hindi na lang ito isinama sa laro.

Ang isa pang downside ng Extreme Basketball ay masaya lang itong laruin sa simula. Walang rason ang sinuman na balik-balikan ang larong ito dahil sa kagustuhang matapos ang mga level. Ang tanging dahilan lang kung bakit patuloy pa rin itong lalaruin ng isang tao matapos makarating sa No. 1 ng world rankings ay dahil wala siyang magawa o ito lang ang pwedeng malaro ng offline.

Hindi ganun kaganda ngunit hindi na rin masama bilang libangan ang isang ito.

Konklusyon

Maraming features ang Extreme Basketball na hindi mo makikita sa mga larong kagaya nito pero hindi mo masasabing isa ito sa mga standout mobile basketball game. Gayunpaman, hindi dapat maliitin ang larong ito dahil masaya naman itong laruin, lalo kapag naiinip ka na at wala kang magawa.

Laro Reviews