Kasabay ng pagpatok ng social media, ilang taon lang ang nakaraan, pinagkaguluhan din sa online world ang mga larong puzzle, partikular na ang match three puzzle game kung saan unang naging tanyag sa buong mundo ang Candy Crush, na sinundan na ng iba pang laro na may katulad na gameplay. Walang pinipiling edad ang nasabing genre ng laro, ngunit kadalasan, mga kabataan at mga magulang talaga ang nawiwili sa paglalaro nito, pero hindi rin nangangahulugan na hindi ito tinatangkilik ng mga manlalarong kabilang sa Millennial at Generation Z. Katunayan, ang match three puzzle games at iba pang uri ng puzzle game ay isa sa mga larong madalas nilalaro tuwing may bakanteng oras sa paaralan, o hindi kaya sa trabaho dahil sa lahat ng uri ng laro, ang mga puzzle game ang higit na nakakapagbigay aliw at nakaka-relax sa ating isipan.
At kagaya ng nabanggit sa itaas, bukod sa larong Candy Crush, marami pang match three puzzle game ang nagsulputan sa gaming world at isa na nga rito ang larong Farm Harvest® 3- Match 3 Game ng game developer na LETS FUN – publisher of match 3 puzzle game. Ngunit, kung ikukumpara ang larong ito sa iba, masasabi ng Laro Reviews na kakaiba ang tema at mechanics na mayroon ito. Sa halip kasi na mga candy, blocks, o gem, mga prutas, gulay at iba pang bagay na makikita sa farm ang kailangan na i-match. Bukod pa rito, mas lalo pang binigyan ng kulay ang laro dahil sa dalawang character na sina Tony at Nick. Si Tony ang nagmamay-ari ng farm at nagsasaka. Sa kabilang banda, si Nick naman ay isang kuneho na mahilig manira ng mga pananim at mang-agaw ng gamit na hindi naman sa kanya, kaya maliban sa layunin mong ma-clear ang mga board, tungkulin mo rin na tulungan si Tony na itaboy sa kanyang farm ang pasaway na si Nick.
Tips at Tricks sa Paglalaro
Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:
Marahil kagaya ng nakararami, pamilyar ka na rin kung paano laruin ang isang three match puzzle game, ngunit kung baguhan ka pa lamang, paniguradong hindi ka rin mahihirapan sa paglalaro sapagkat napakadali lamang manalo sa mga game level sa larong ito. Ang unang bagay na dapat mo lang tandaan ay kung ano ang objectives na gustong ipagawa sa iyo ng laro. Ang susunod, kailangan mo lang na i-match ang tatlong magkakauring bagay ng nasa anyong horizontal, o vertical. Pagkatapos, huwag rin kalimutan na mayroon ka lamang limitadong moves, kaya kailangan mong magawa ang objectives ng laro bago ka pa maubusan ng moves na gagamitin.
Upang makagawa ng combo sa laro, kalangan mo lang i-match ang tatlo, o higit pang magkakaparehong prutas, gulay, o iba pa dahil bukod sa makakatipid ka sa paggamit ng moves, ang pagkakaroon ng combo ay naglilikha rin ng tinatawag na chain reaction kung saan maraming bilang ng bagay ang kusang natatanggal sa board. Mahalaga rin na matapos mo ang isang game level ng marami pang natitirang moves dahil ang mga ito ay nagbibigay ng bonus points. Mas maraming matitirang moves, mas maraming points na matatanggap.
Sa ilang pagkakataon, makakaharap mo rin sa ibang game level si Nick kung saan may masama itong binabalak na nakawin ang iyong mga prutas at gulay sa loob ng board, kaya upang mapigilan mo siya, sikapin mong matanggal ang lahat ng kanyang cubes sa loob ng board upang hindi siya magtagumpay sa kanyang masamang balak.
Sa kabilang banda, kapag naabot mo naman ang matataas na game level, paniguradong mahihirapan ka na maisakatuparan ang ilang objectives ng laro kaya maaari kang gumamit ng mga booster na makikita sa ibabang bahagi ng board. Mayroong iba’t ibang uri ng booster na pwede mong magamit, pero piliin lamang kung alin sa kanila ang higit na makakatulong sa iyo.
Saan maaaring i-download ang laro?
Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user at i-download naman ang laro sa GameLoop para malaro ito sa PC. Samantala, hindi pa available ang larong ito para sa mga iOS user. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:
Download Farm Harvest® 3- Match 3 Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.letsfungame.farmharvest3
Download Farm Harvest® 3- Match 3 Game on PC https://www.gameloop.com/ph/game/casual/com.letsfungame.farmharvest3
Mga Feature ng Laro
- Farm Animals – Kung mahilig ka sa mga alagang hayop, talaga namang matutuwa ka sa larong ito dahil mabubusog ang iyong mga mata sa dami ng hayop na iyong makikita rito.
- Diverse Objectives – Hindi kagaya ng ibang klasikong three match puzzle game na may maraming magkaparehong objectives, sa Farm Harvest® 3- Match 3 Game tiyak na susubukin ng iba’t ibang hamon ang iyong galing pagdating sa paglalaro ng puzzle game.
- Turn-based like levels – May ilang pagkakataon din sa larong ito na maglalaro ka ng isang turn-based game partikular na kapag nakakaharap mo sa isang duel ang pasaway na kunehong si Nick na kung saan salitan kayo sa pagpindot sa board.
- Spinning Wheel – Bukod sa daily rewards na iyong matatanggap kapag araw-araw kang naglalaro, may pagkakataon ka rin na makatanggap ng mga libreng reward sa pamamagitan lamang ng pag-ikot ng spinning wheel.
Pros at Cons ng Laro
Sa dami ng uri ng puzzle game game na iyong pwedeng i-download online, tiyak na mahihirapan ka sa pagpili kung alin sa kanila ang higit na mas magandang laruin. Ngunit para sa Laro Reviews ang larong dapat mong tangkilikin ay mayroong magandang gameplay, may napakagandang graphics, at may smooth na control – lahat ng mga katangiang ito ay tinataglay ng Farm Harvest® 3- Match 3 Game.
Pagdating naman sa usapin ng graphics, paniguradong hindi lamang mga batang manlalaro ang matutuwa sa makikita nila sa kanilang mga screen dahil siguradong kahit ang mga may edad ng mga manlalaro ay tiyak na mapapangiti at matutuwa sa mga cute na farm animals, makukulay na mga bulaklak at iba’t ibang gulay na itinatampok sa larong ito.
Sa kabilang banda, habang parami nang parami ang game levels ng iyong na-a-unlock, mas lalo ring tumataas ang presyo ng isang booster habang kumukonti naman ang bilang ng gems na iyong makukuha. Maraming pagkakataon din na bigla na lamang kusang nagpo-force exit ang laro, o hindi naman kaya ay nagla-lag sa loob ng ilang sandali.
Higit sa lahat, ang pinakamalaking bagay na nakakadismaya sa larong ito ay ang walang katapusang dami ng ads na lumalabas sa screen. Bago pa man magsimula ang isang game level ay mayroon ng lalabas na ads at pagkatapos nito ay may lalabas muli na panibagong ad sa dulo ng bawat game level. Maging ang optional ads na sinasabing makakapagbigay ng rewards kapag pinanood mo ay palpak din kadalasan.
Konklusyon
Kung magandang gameplay at graphics ng laro ang paglalaban, kagaya ng marami ay naniniwala rin ang Laro Reviews na tinataglay ng Farm Harvest® 3- Match 3 Game ang mga katangiang ito. Ngunit, ang isang bagay na dapat agarang masolusyunan ng game developer ay ang problema sa ads sapagkat walang manlalaro ang tatangkilik ng isang laro na maya’t maya ay mayroong pop ads na lumabas sa kanilang screen.