Pamilyar ka ba sa video game na Auto Chess War? Dito hinango ang gameplay ng larong tatalakayin ng Laro Reviews sa artikulong ito. Kapag nagsimula na ang battle, ang chess pieces na nilagay sa board ay automatic na maglalaban sa isa’t isa.
Ang Auto Chess War ay nilikha ng game developer na Phoenix Mobile. Ito ay isang strategic player-versus-environment (PvE) game. Kailangan ng manlalarong bilhin ang pieces at ipwesto ang mga ito ayon sa gagamiting diskarte at pagkakaayos para sa laban. Sari-sari ang taglay na abilidad ng bawat chess piece na katangi-tangi kaya ang labanan dito ay kung paano mo sila ipupwesto base sa kanilang kagamitan. Para manalo sa laro, kailangang mamatay ang lahat ng chess pieces ng kalaban habang ikaw ay may natitira pa.
Features ng Auto Chess War
Multiple Game Modes – Iba’t ibang game mode ang pwedeng laruin ng manlalaro. Pwede kang mamili sa tatlong modes na ito:
- Adventure – katulad ng mga larong roguelike, kung saan nagbibigay ito ng panibagong karanasan sa bawat laro nito. Binubuo ito ng 12 chapters. Habang mas tumatagal, mas nagiging mahirap ang laban.
- Challenge – Ito ang player-versus-player (PvP) na laro kung saan pwedeng mag-imbita ng kaibigan at ibang manlalaro para kalabanin sila sa labanan.
- Endless – Wala itong sinusundan na mapa kaya hindi pwedeng mamili ng ruta; diretso agad sa susunod na laban kapag natapos sa isa. Kapag naabot na ang 50th wave, bukod sa rewards na katumbas ng pinakamataas na chapter na naabot, makakakuha rin ang manlalaro ng 2% na pagtaas sa rewards kada wave na malalagpasan. Hindi lang ito, pwede ka ring makatanggap ng hanggang 200% na karagdagan sa rewards sa mga susunod na wave.
Various Chess Pieces – May kabuuang bilang na 58 cards ang maaaring makuha ng manlalaro at gamitin sa labanan. Nagtataglay ang bawat isa ng katangian base sa kanilang Exp, kabilang dito ang mga sumusunod: Beast, Warrior, Predator, Guard, Assassin, Nature, Shooter, Mage, Summoner, Elf, Horde, Hell, Doomsday, Berserker, Greeder, Ghost, Alliance, Goblin, Tournament, Pirate, at Healer. Bukod pa rito, iba-iba rin ang main at secondary attributes ng bawat isa. Maaaring pataasin ang levels ng cards para mas mapalakas ang kanilang skills.
Cloud Save – Sa feature na ito, automatic na ma-sesave ang iyong progreso sa laro kapag pinindot ang Auto Backup. Maaaring i-backup o i-restore ang sinave na files anumang oras. Kaya naman huwag mag-alalang iwanan ang laro at balikan muli ito.
Offline Mode – Kahit na hindi konektado sa Wi-Fi o mobile data, maaari ka pa ring maglaro nito. Hindi limitado ng internet connection ang laro kaya kahit saang lugar, pwedeng masiyahan sa paglalaro.
Saan pwedeng i-download ang Auto Chess War?
Ang parteng ito ng artikulo ang magtuturo kung paano i-download ang Auto Chess War sa iyong mobile phone. Pumunta sa Google Play Store para sa Android users, at sa App Store naman sa iOS users, ilagay sa search bar ang pamagat ng laro at hanapin ito sa search results. Hindi na kailangang magbayad upang mai-download ang laro sapagkat F2P ito. Pindutin ang Get o Install button para mai-download ito. Hintaying matapos ang pag-download tsaka buksan ang app. Kumpletuhin ang mga kailangan para sa sign-in details at pwede ka nang magsimula ng paglalaro!
Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:
Download Auto Chess War on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.phoenix.autochess
Download Auto Chess War on iOS https://apps.apple.com/us/app/auto-chess-war/id1460212900
Tips at Tricks sa Paglalaro
Kung hindi ka masyadong pamilyar sa gameplay ng mga larong tulad ng Auto Chess War, marahil ay mabibigla ka sa dami ng impormasyong nakasaad sa bawat card. Maikokonsiderang kumplikado ang laro dahil kakailanganin mo munang maging pamilyar sa abilidad ng iyong cards para malaman kung ano ang gamit nila at kung saang pwesto ang pinakamainam sa kanila. Para tulungan ka na magkaroong ng magandang progreso sa laro at pagkapanalo, ibabahagi ng Laro Reviews ang ilang tips at tricks sa paglalaro.
Huwag magdalawang-isip na bilhin ang cards kahit na sa tingin mo ay hindi mo agad ito magagamit, sapagkat magsisilbi itong karagdagan sa iyong opsyon sa susunod. Gayunpaman, iwasan pa ring masimot ang gold na mayroon ka sa bawat battle. Samakatuwid, ang tip ko sa iyo ay magkaroon ng tamang balanse ng matalinong paggastos ng gold habang mayroong imbakan ng cards na binubuo ng mga potensyal na kombinasyon.
Related Posts:
Heroes Defense: Attack on Zombie Review
Epic War: Thrones Review
Importante ring aralin ang iba’t ibang klase ng cards para may ideya ka kung alin sa mga ito ang magandang pagtambalin. Mainam na mayroon kang team composition sa isip dahil iyon ang ikokonsidera mo kapag bumibili at nag-iipon ng cards. Kapag nakahanap ka ng cards na palaging nagpapanalo sa iyo, magandang mag-invest dito sa pamamagitan ng pag-upgrade para mas lumakas ang kanilang skills.
Kung sakali namang hindi tumalab ang kumbinasyong nilagay mo sa kalaban, mainam na maging flexible at handa para rebisahin ang iyong team composition depende sa kung ano ang pinaka-epektibong gamitin para matalo ang kalaban. Kung ikaw ay VIP, siguraduhing nagdadagdag ka ng cards sa mid-game hanggang late game para magsilbing pang-counter sa mga kalaban.
Malaki ang naitutulong ng pagiging babad sa karanasan ng paglalaro nito sapagkat magkakaroon ka ng mabuting pang-unawa sa mechanics nito at mas magiging pamilyar sa mga katangian ng bawat cards.
Pros at Cons ng Auto Chess War
Bagaman hango ito sa gameplay ng Auto Chess, mayroon pa rin itong panibago at natatanging game mode kumpara sa ibang larong may magkatulad na gameplay, tulad ng Endless mode. Hindi rin nakakapangamba na mawala ang progreso sa laro dahil sa cloud-save nito. Kaya kapag umalis sa laro, agad na mase-save ang nilaro at mababalikan kung saan huling nagtapos ang manlalaro. Bukod dito, nakakatulong din na walang timer sa laban kaya hindi nakakatarantang magdesisyon sa gagamiting card. May sapat na oras para magplano at bumuo ng gagamiting estratehiya. Marami ring opsyon ang manlalaro pagdating sa wikang gagamitin sa laro. Kabilang dito ang English, Simplified at Traditional Chinese, Japanese, Vietnamese, at Russian.
Pagdating naman sa cons nito, nakakaranas ng bugs ang karamihan sa laro. Kahit na stable naman ang internet connection, ilang beses pa rin lumalabas sa screen ang connection timeout dahil sa network error. Malaki ang pagkakaiba ng F2P player kumpara sa VIP. Maraming features sa laro ang pwede lamang ma-access ng VIP. Katulad ng 2x combat speed, pag-enlist ng mga karakter sa kalagitnaan ng battle, karagdagang 50% EXP at diamonds sa pagkumpleto ng chapters, +1 sa Base Income, at pag-skip ng ads.
Konklusyon
Sa kabuuan ng laro, masasabing disente ang graphics nito. Sinamahan din ng nakaka-engganyong sound effects. Kung hilig mo ang strategic PvE games, paniguradong magugustuhan mo ang Auto Chess War. Nakakaadik din ang laro kaya hindi mo namamalayan na ilang oras na ang ginugol mo sa paglalaro, lalo na kapag ang nilalaro mo ay ang Endless mode. Malaki ang potensyal ng laro lalo na kapag pinaganda pa lalo ang graphics nito, inayos ang bugs, at dinagdagan ng updates at developments.
Laro Reviews