Delicious – Hopes and Fears Review

Ang Delicious – Hopes and Fears ay ang trial version ng Delicious – Emily’s Hopes and Fears. Ito ay isang restaurant management game ng GameHouse Original Stories at ang ika-labindalawang installment ng franchise. Ang orihinal na laro ay naging available sa Steam sa mahigit tatlong daang piso at inilabas sa mobile devices. Maaari mo lamang malaro ang unang bahagi, ngunit maa-access mo ang buong version kung mag-a-apply ka para sa isang subscription. Magiging sulit ba ang paggastos sa larong ito? Alamin dito.

Matapos gawing perpektong tahanan ang kanilang bahay para palakihin ang kanyang anak, nagpasya si Emily at ang kanyang pamilya na mag-picnic sa restaurant ng kanyang ina. Naging mapayapa ang lahat dahil sa wakas ay makakasama niya si Patrick, ang kanyang asawa, at si Paige, ang kanyang anak. Hanggang sa magkasakit ang kanilang anak at magkaroon ng mga asul na spot sa kanyang balat. Sa kasamaang palad, walang ibang mga lunas kundi ang bulaklak na maaari mong makuha sa tuktok ng nagninyebeng bundok – ang parehong bulaklak mula sa journal na binasa ni Patrick kay Paige. Kaya’t wala siyang pagpipilian kundi ang maglakbay upang maghanap ng lunas habang si Emily ang nag-aalaga sa kanilang anak na babae.

Delicious - Hopes and Fears Review

Tulad ng ibang restaurant management games, dapat mong ihanda ang orders at pagsilbihan ang iyong customers. Ang restaurants at ang pagkain ay mag-iiba depende sa kung anong bahagi ng kwento ang kinaroroonan mo. Kaya, kumpletuhin ang mga layunin sa bawat antas habang sinusundan mo ang pakikipagsapalaran ng mga karakter.

Features ng Delicious – Hopes and Fears

Campaign – Ito ang pangunahing mode ng laro kung saan maaari mong sundan ang paglalakbay ng mga karakter sa pamamagitan ng paglalaro ng iba’t ibang level. Iba-iba ang bawat restaurant na kailangan mong pamahalaan depende sa kung saan matatagpuan ang kuwento. Bukod dito, makakatanggap ka ng hanggang tatlong stars at coins bilang gantimpala kung makumpleto mo ang goals.

Goals – Ito ang mga gawain sa bawat level na maaari mong laruin. Bago simulan ang laro, makikita mo ang mga ito sa gitna ng Play tab. Sa kabilang banda, matatagpuan ang mga ito sa kanang itaas ng screen kapag naglilingkod ka sa customers.

Menu – Naglalaman ito ng lahat ng mga pagkain at inumin na ihahain mo sa iyong customer. Bilang karagdagan, ang bawat pagkain ay maaaring palitan ng mas mahusay na mga unit. Halimbawa, ang Sweet Water Icicle ang iyong unang ice cream, ngunit maaari mong piliin ang Push Pop para makatanggap ng mas mataas na tip.

Store – Ang lugar kung saan maaari mong i-upgrade ang mga mesa, mga dekorasyon, at mga bagay na ginagamit sa paghahanda ng pagkain. Hindi tulad ng karamihan sa restaurant management games, hindi mo kakailanganin ang anumang in-app purchases dahil magagamit mo lang ang in-game currencies dito.

Present – Ito ang mga laruang maibibigay mo kay Paige para mapasaya siya gamit ang mga diamonds.

Delicious - Hopes and Fears Review

Trophies – Sa halip na isang golden cup, makakatanggap ka ng mga nakapasong halaman bilang gantimpala para sa mga nagawa mo.

Memorable Moments – Isang photo album na naglalaman ng lahat ng larawang kinunan mo sa cutscenes.

Saan pwedeng i-download ang Delicious – Hopes and Fears?

Pumunta sa Google Play Store gamit ang iyong smartphone kung Android user ka o sa App Store kung iOS device naman ang iyong gamit. I-type ang Delicious – Hopes and Fears sa search bar. Dahil libre ang laro, i-click at i-install lang ito at hintaying matapos ang pagda-download.

Narito ang mga link kung saan mo maaaring ma-download ang laro:

Download Delicious – Hopes and Fears on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.gamehouse.d12gp

Download Delicious – Hopes and Fears on iOS https://apps.apple.com/us/app/delicious-hopes-and-fears/id1032374293

Download Delicious – Hopes and Fears on PC https://store.steampowered.com/app/550400/Delicious__Emilys_Hopes_and_Fears/

Kung gusto mong laruin ito sa PC, i-download ang Steam mula sa kanilang https://store.steampowered.com/about/ Kumpletuhin ang kinakailangang access para mag-sign in sa iyong account, at kailangan mong magbayad muna ng ₱369.95. Pagkatapos ay maaari mo na ngayong i-download ang laro at maranasan ito sa PC.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Naghahanap ka ba ng tips na magagamit mo upang pamahalaan ang restaurants sa iba’t ibang lokasyon? Kung gayon ito ang tamang artikulo para sa iyo.

Ano ang dapat i-upgrade?

Makatuwirang mag-set up ng komportableng kapaligiran para mapanatiling masaya ang customers. Karamihan sa players ay bibili din ng mga dekorasyon dahil mas mura ang mga ito. Gayunpaman, ang pag-i-invest sa isang kitchen at iba pang mga item na ginagamit para sa paghahanda ng pagkain ay isang mas mahusay na pagpipilian. Hindi na kailangang maghintay pa ng mga customer dahil mas mabilis mong maihahain ang mga pagkain kung ma-upgrade mo ang mga ito.

Panatilihing masaya ang customers.

Laging tingnan kung gaano karaming mga puso ang nasa ibabaw ng kanilang ulo dahil bibigyan ka nila ng mas mataas na tips kung pananatilihin mo silang masaya. Mababawasan ang mga pusong ito kung hindi mo pa rin nase-serve ang kanilang orders, kaya huwag silang masyadong paghintayin.

Mag-focus sa goal.

Hindi ka matatalo sa level kung hindi mo makumpleto ang mga ito, ngunit hindi ka rin makakatanggap ng diamond bilang gantimpala. Kaya laging basahin at unahin ang layunin upang makakuha ng tatlong stars at higit pang mga premyo.

Delicious - Hopes and Fears Review

Ihanda ang mga inumin.

Ito ang isa sa pinakamabagal na order na maaari mong ihanda at mas malaki ang tsansang matapon kapag pinabayaan mo ang mga ito. Kung iniisip pa rin ng iyong customers kung ano ang io-order o di kaya’y kumakain pa rin ng kanilang pagkain, punuin ang mga inumin at ilagay ang mga ito sa lalagyan. Dahil dito, makakatipid ka ng mas maraming oras na makapaglingkod sa mas maraming customers.

Pros at Cons ng Delicious – Hopes and Fears

Mahusay ang pagkakasulat ng mga karakter ng laro, at makikita mo ito batay sa makisalamuha sa isa’t isa. Halimbawa, makikita mo kung gaano kamahal ng tatay ang kanyang anak na si Paige dahil lagi niya siyang binabasahan ng kwento bago matulog. Kaya hindi siya nagdalawang-isip na gumawa ng paraan para makuha ang gamot na makakapagpagaling sa minamahal niyang anak. Dahil dito, nakakataba ng pusong subaybayan ang mga kuwento ng mga pangunahing tauhan. Bilang karagdagan, maaari ka ring kumuha ng mga larawan sa ilang cutscenes upang ma-capture ang moments at mapanatili ang mga ito.

Pinipilit ka ng ilang layunin na mag-multi-task. Halimbawa, may levels kung saan dapat kang magbasa ng isang kwento para kay Paige habang naglilingkod sa mga customer. Kakailanganin mo lang i-tap ang taong nagbabasa upang gawin ang task, ngunit makakaapekto ito sa iyong performance kung hindi ka maka-focus sa paglilingkod sa iyong mga customer.

Dahil trial version lamang ito ng Delicious – Emily’s Hopes and Fears, hanggang level five ka lang makakapaglaro. Kailangan mong mag-apply para sa isang monthly subscription sa halagang ₱510.00 bawat buwan o ₱4700 bawat taon para ma-enjoy ang full game at limampung higit pang story game sa iyong mobile phone. Mas praktikal ito dahil mas makakatipid ka kung ikukumpara mo ang mga presyo sa steam version nito. Sa kabilang banda, magiging magastos ito kung gusto mo lang laruin ang larong ito. Kaya inirerekomenda ng Laro Reviews ang pagdaragdag ng opsyon kung saan makakabili ka ng isang laro dahil hindi lahat ay kayang bumili ng game bundles.

Konklusyon

Ang Delicious – Hopes and Fears ay hindi lamang isang simpleng restaurant management game. Namumukod-tangi ito sa iba dahil sa magandang kwento nito. Bukod dito, ang gameplay ay katulad ng iba pang mga laro, kaya hindi ka mahihirapang pag-aralan ito. Maaaring hindi mo mae-enjoy ang buong laro dahil ito ay isang free version lamang. Gayunpaman, nagbibigay ito ng isang sulyap sa kung ano ang iyong mararanasan kung malalaro mo ang full version nito. Kaya inirerekomenda ng Laro Reviews na mag-apply para sa buwanan o taunang subscription kung kaya mo. Mas makakatipid ka dahil hindi mo lang maa-access ang full version nito kundi ang iba pang limampung laro.