Super Bino Go: Adventure Jungle Review

Kung tatanungin ngayon ang mga ipinanganak noong 1990s kung ano ang mga paborito nilang laro, tiyak na marami ang sasagot ng Super Mario, isang series ng fantasy games na nilikha ng Nintendo. Tampok ang kanilang sikat na mascot na si Mario. Sa paglipas ng panahon, dumaan na sa maraming pagbabago ang nasabing laro. Sa internet, halos hindi mabilang ang mga larong may kaparehong mechanics sa paglalaro ng Super Mario. Isa na nga sa mga sikat na series ng laro ay ang Super Bino Go: Adventure Jungle. Ngunit ano nga ba ang larong ito at paano ba dapat ito laruin? Kagaya ng orihinal na Super Mario, madali lamang kontrolin ang karakter ng laro na si Bino. Gamit ang mga pine cone, maaari niyang tamaan ang mga halimaw na tumatakbo papunta sa kanya. Ngunit limitado lamang ang bilang ng mga pine cone, kaya kailangan pa ring tumalon kung nais na maiwasan ang mga halimaw at mga balakid sa laro.

Ang pangunahing misyon sa laro ay ang mailigtas ang prinsesa mula sa kamay ng mga halimaw. Ngunit hindi magiging madali ang misyong ito sapagkat ang laro ay punung-puno ng mga pagsubok na kailangang malampasan. Sa kabuuan, mayroong walong isla na tinitirahan ng mga halimaw at 145 na game levels ang kailangang maipanalo. Tulad ng mga tipikal na laro, nagsisimula sa madadaling levels ang Super Bino Go: Adventure Jungle, ngunit habang tumatagal ay mas nagiging challenging na ito kaya kailangan ng buong atensyon.

Hindi katulad ng mga combat game, walang matinding labanan sa larong ito. Kaya hindi mo na kailangang pahirapan ang iyong sarili para makabuo ng ilang strategic plans. Magagamit mo lang ang iyong instinct para humanap ng perpektong pagkakataong tumakbo pasulong. Kung pag-uusapan naman ang mga hadlang, hindi mo alam kung ano ang maaaring susulpot sa larong ito. Kailangan mo lang maging handa sa lahat ng pagkakataon. Kagaya lamang ito ng mga totoong pangyayari sa ating buhay na kapag may mga dumarating na problema, hahanap ka ng sarili mong paraan para harapin ito at malampasan. Mahalagang tandaan na dapat i-enjoy lamang ang paglalaro at huwag agad susuko sa tuwing nakararanas ng pagkatalo. Sumubok lamang nang sumubok hanggang sa magtagumpay.

Super Bino Go: Adventure Jungle Review

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Super Bino Go: Adventure Jungle:

  • Limitado lamang ang oras sa bawat game level, kaya hindi lamang ang pagtalo sa mga halimaw at pagsira sa mga balakid ang dapat isipin, bagkus kailangan mo ring habulin ang oras upang hindi matalo sa laro;
  • Kung gustong malampasan ang lahat ng levels sa laro, kailangang bumili ng tatlong mahahalagang items ang isang manlalaro mula sa shop na makikita rito gamit ang mga coin na nakokolekta. Ang mga ito ay likidong pampalaki, bomba at ang pinakamahalaga sa lahat ay ang kalasag na magbibigay ng proteksyon kay Bino sa loob ng ilang sandali laban sa mga halimaw.

Saan maaaring i-download ang laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user at gumamit naman ng emulator para sa mga gumagamit ng PC. Sa kasamaang palad ay hindi pa ito ngayon available sa App Store para sa mga iOS user. I-click lamang ang mga link sa ibaba, i-install ito at hintaying ma-download para masimulan na ang paglalaro.

Download Super Bino Go: Adventure Jungle on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.superbinogo.jungleboyadventure

Download Super Bino Go: Adventure Jungle on PC https://www.bignox.com/appcenter/com-superbinogo-jungleboyadventure-pc.html

Super Bino Go: Adventure Jungle Review

Mga feature ng Laro

  • Eight Iconic Islands plus 145 game levels – Imposibleng makaramdam ka ng pagkabagot sa larong ito dahil dadalhin ka nito sa iba’t ibang magagandang tanawin ng mga isla at bubusugin ka ng adventure ni Bino kasama ang kanyang mga kalaban;
  • Seven strong bosses to defeat – Bukod sa mga karaniwang halimaw na makakasagupa sa laban, mayroon ding pitong higit na mas malalakas na mga kalaban na kailangang patumbahin para umusad ang game level;
  • High-resolution graphics – May kalabuan ang graphics ng mga series game noong nag-uumpisa pa lamang itong pumatok. Ngunit ang larong ito ay tunay na may kapuri-puring graphics. Lahat ng mga bagay na makikita sa inyong mga screen ay detalyado at makukulay.
  • Sound effects – Bukod sa graphics, isa pa sa nakakadagdag ng kagandahan sa larong ito ay ang maayos at masarap pakinggang mga sound effect. Hindi masyadong maingay ang mga ito at mas lalong hindi nakakaantok.
  • Can be played using Phone, Tablet, or PC – Mayroong kalayaan ang mga manlalaro na pumili kung anong uri ng device ang komportable silang gamitin sa paglalaro ng Super Bino Go: Adventure Jungle.
  • Free game – Hindi na kailangan pang gumastos o magbayad ng mga manlalaro upang mai-download ang laro dahil libre itong mai-install.
  • Unlimited coins – Hindi madamot ang larong ito dahil ang mga coins na maaaring makuha ay nakakalat lamang sa iba’t ibang bahagi ng laro.
  • Three most important items to be collected – Upang masigurado ang panalo sa laro, gamitin ang mga nakolektang coin upang bilhin ang Power na may kakayahang palakihin si Bino, ang bomba upang pasabugin ang mga kalaban at ang shield na inumin para magbigay proteksyon kay Bino.

Super Bino Go: Adventure Jungle Review

Pros at Cons ng Laro

Dadalhin ka ng larong ito sa masasayang alaala ng nakaraan kung saan wala pang masyadong social media at tanging Game boy lang ang hawak ng mga bata upang libangin ang kanilang mga sarili. Lubos ding naniniwala ang Laro Reviews na bata man o matanda ay pwedeng-pwedeng maglaro nito. Dahil bukod sa madali lamang itong laruin, maraming magagandang tanawin at maraming game characters ang makikita sa larong ito.

Wala ring maipipintas sa kalidad ng graphics nito dahil bukod sa makulay ang laro, wala ring kapantay ang pagiging detalyado ng mga makikitang bagay rito. Sadyang nakaka-relax din ang atmosphere habang naglalaro dahil kahit na makaranas ng pagkatalo, hindi ka pa rin mapapagod upang sumubok ulit at maipanalo na ang laro.

Sa kabilang banda, may mga ilang negatibong katangian din ang larong ito. Una na rito ay ang sobrang dami ng ads kapag naglaro ka nang online. Sobrang dami rin ng mga kalaban kaya dapat na dobleng ingat ka palagi upang hindi agad matalo sa laro. Gayundin, kailangang malaki rin ang storage ng inyong mga device upang hindi maranasan ang ilang technical problems sa laro kagaya ng glitching at lagging.

Konklusyon

Kung may ilang bagay man tayong gustong balikan sa ating pagkabata, tiyak na nanaisin nating muling maranasan ang makasama ang ating mga childhood friend na maglaro ng mga patok na laro noon sa Game boy kagaya ng Super Mario, kung saan hinango ang Super Bino Go: Adventure Jungle. Hindi maikakailang maraming mga online game sa ngayon ang nagtatampok ng mga karahasan at mga hindi kaaya-ayang bagay, kaya dapat lamang na maging mapanuri tayo lalo na ang mga magulang sa mga larong dapat tangkilikin ng kanilang mga anak. Ang larong ito, sa kabutihang palad, ay walang bahid ng anumang uri ng karahasan na maaaring mag-impluwensya sa mga manlalarong gumawa ng masama.

Sa karagdagan, kung nais mong libangin ang iyong sarili kahit sa maikling panahon at makahanap ng inspirasyon kung paano harapin ang mga hamon sa buhay, iminumungkahi ng Laro Reviews and larong ito para sa’yo. Yayain na ang tropa at ibahagi sa mga bata ang larong ito upang maranasan din nila ang sayang naramdaman mo noon.