Grow Turret – Clicker Defense Review

Kung ikaw ay isang masugid na tagahanga ng Sci-Fi genre at arcade game, tiyak na magugustuhan mo rin itong laro. Sa artikulong ito na ginawa ng Laro Reviews ay matutunghayan mo ang isang kapanapanabik na larong may arcade style graphics at simpleng gameplay. Kung handa ka na, halina’t kilalanin natin itong laro.

Mga Tampok ng Laro

Ang Grow Turret – Clicker Defense ay isang offline tapping game na ginawa ng PixelStar Games. Ito ay may 2D graphics na pixelated ang art style na nagbibigay ng classic na vibe. Dahil sa arcade na konsepto ng laro, sigurado akong maraming mga manlalaro ang maaalala ang panahon ng kabataan nila. Napakasimple lang nitong laruin. Kailangan mo lang i-tap ang screen upang tumira ang turret. Tumitira nang kusa ang turret ngunit mabagal lamang at kung ita-tap mo ang screen, bibilis ang pagtira nito depende sa kung gaano kabilis ang iyong pag-tap. Upang manalo sa laro, kailangan mong patayin ang mga alien o kalaban bago ito makaikot sa iyong platform. Ngayon alamin naman natin ang mga pangunahing tampok nitong laro.

Upgrade – Makikita mo dito ang iyong stats at maaari mo rin itong i-upgrade. Mayroon lamang tatlong stats na kailangan mong i-upgrade. Ito ay ang damage, get gold up at turret point. Makikita mo rin dito ang iyong mga active skills tulad ng double shot at aim weakness. Ang mga skills na ito ay mayroon lamang time limit at maaaring magamit muli kapag naabot mo ang 1000 na pagtira. Maaari mo rin i-upgrade ang iyong battle car dito. Ang battle car ay ang iyong platform na pinapatungan ng iyong turret at nagsisilbing depensa.

Turret – Dito mo makikita ang mga turret na iyong nakolekta. Maaari mo rin i-upgrade ang iyong turret sa pamamagitan ng turret fragment na nakukuha sa Hunt. Mayroong star ranking at uri ang mga turrets (white ang pinakamahina at purple ang pinakamalakas na uri ng turret).

Hunt – Ito ay isang mission mode. Ibig sabihin, ito ay isang espesyal na mode na kung saan ay ikaw naman ang aatake. Mayroon itong tatlong uri: ang Eradication Battle, Boss Raid at Alien Hunting. Ang bawat isa nito ay mayroong normal, hard, hell, extreme at extreme-2 na mga mode at bawat isa ay nagbibigay ng iba’t-ibang reward (mas mahirap ang mode, mas maganda at marami ang reward).

Paano I-download ang Grow Turret – Clicker Defense?

Hindi mo na kailangan gumawa ng log in account upang makapagsimulang maglaro nito ngunit, kailangan mong i-bind ang iyong Gmail account sa laro. Pagbukas mo nitong laro, lalabas ang isang notification na nagsasabing humihingi ang laro ng permiso upang i-bind ang iyong Gmail account. Upang i-download ito sa Android, buksan ang iyong Google Play Store at i-type sa search bar ang pangalan nitong laro pagkatapos, i-click ang Install. Parehong proseso lamang para sa iOS ngunit maaari mo itong i-download mula sa App Store. Para naman sa PC, pumunta sa http://gameloop.com at hanapin itong laro sa nasabing website at i-click ang Download. Para sa mas mabilis na pag-access, i-click ang mga link sa ibaba:

Download Grow Turret – Clicker Defense on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.pixelstar.GrowTurret

Download Grow Turret – Clicker Defense on iOS https://apps.apple.com/us/app/grow-turret/id1434216737

Download Grow Turret – Clicker Defense on PC https://www.gameloop.com/game/casual/com.pixelstar.GrowTurret

Tips at Tricks para sa mga Baguhan

Simple lang gameplay nito at hindi mo na kailangan ng mga magarbong strategy at tactics ngunit nangangailangan ito ng mabilisang pagpindot para sa maximum damage. Ngayon ay tuturuan ka ng Laro Reviews kung paano bumilis ang iyong pagpindot.

Bago tayo magsimula sa topic na ito, dapat mong tandaan na palaging i-upgrade ang iyong mga stats. I-prioritize ang pag-upgrade ng stats na “get gold up” dahil ito ay nagpaparami sa gold coins na iyong nakukuha. Samakatuwid, kung mas marami ang gold coins na iyong maaani, mas mabilis mong maa-upgrade ang iyong damage at turret points. Palaging lumahok sa Hunt upang makakuha ng mga turret fragment na kailangan upang i-upgrade ang turret. Hindi ka makakakuha ng anumang items (maliban sa gold coins) mula sa main battle kaya, upang makapag-upgrade ng turret at platform, palaging lumahok sa Hunt hangga’t maaari.

Ngayon, para sa topic na hinihintay ng lahat, paano nga ba bumilis ang pagpindot? Ang sagot sa tanong na ito ay simple lang ngunit nakakangawit kung gagawin kaya, ihanda na ang iyong mga daliri at siguraduhing mag-stretching ng mga daliri bago gawin ito. Upang mapabilis ang pagpindot, imbes na isang daliri, gamitin ang dalawang daliri sa pagpindot. Gamit ang index at middle finger, salitang gamitin ito sa pagpindot. Tulad ng isang tao na lumalangoy, isipin na ang iyong index at middle finger ay ang mga paa ng lumalangoy at ang screen ng iyong cellphone ang swimming pool. Sa ganitong paraan, mas mapapabilis ang iyong pagpindot ngunit nakakangawit ito sa katagalan. Importante ang ganitong kakayahan dahil nakabase ang kalahati ng iyong damage output sa bilis ng iyong pagpindot.

Kalamangan at Kahinaan

Kung naranasan mo ang pumila sa arcade store o napagalitan ka ng iyong magulang dahil gabi ka na umuwi sa bahay nyo dahil naaliw ka sa paglalaro ng arcade game, tiyak na maaalala mo ang mga panahong iyon dito sa laro. Napakaganda ng neo-classic theme ng laro na talagang nagbibigay ng arcade na vibe. Simple lang ang gameplay kaya ito ang pinakamainam na pampalipas oras ngunit, kung gagawin mo ang itinuro ko sa tips at tricks, tiyak na mangangalay ang iyong daliri. Hindi gaanong malaki ang file size ng laro kaya kahit ang mga manlalarong may mababa ang specs ng phone ay maaaring ma-enjoy ito. Wala din itong mga lags at bugs at minsan lang din lumilitaw ang mga ads na nagpapaganda sa laro. Kung mayroon ka nitong laro, hindi ka na mababagot kapag nai-stuck ka sa mahabang pila o nasa mahabang byahe ka dahil offline itong laro. Maganda din ang reward system na talagang mapagbigay kaya masasabi kong well-balanced ito. Ang Hunt na feature ay nagbibigay ng ibang uri ng lasa sa laro kaya kung sakaling mabagot ka sa main stage, maaari kang mag-switch ng gameplay mode upang mabago ang environment ng laro. Mayroon itong in-app purchase ngunit sa tingin ko ay hindi mo na kailangan pang bumili ng anumang premium items dahil kaya naman tapusin ang bawat level kahit wala ka ng mga privilege na ito. Sa kabuuan nito, halos walang kapintasan itong laro at sigurado akong ang mga manlalarong mahilig sa arcade games ay magugustuhan ito.

Konklusyon

Sa kabuuan, ang laro ay nakatanggap ng star rating na 4.3 sa Google Play Store at 4.6 naman sa App Store. Hindi nakakapagtaka kung bakit mataas ang rating nito. Sino ba naman ang hindi mahuhumaling sa larong well-balanced ang gameplay at hindi pay-to-win? Kaya kung gusto mo ulit maranasan ang tamis ng panahon ng iyong kabataan, i-download na ang Grow Turret – Clicker Defense ngayon!