Baby Panda World Review

Ang game developer na Babybus ang gumawa sa larong tatalakayin ng Laro Reviews sa article na ito. Layunin nilang gawing masaya at nakaka-enjoy ang pag-aaral para sa mga bata. Nahahati ang kanilang apps sa dalawang age groups, ang Starter Series para sa toddlers at ang Prodigy Series para sa mga batang nasa edad na tatlo pataas.

Kabilang sa kanilang mga ginawang laro ang Baby Panda World. Isa itong educational game kung saan koleksyon ito ng sikat na apps ng BabyBus. Tamang-tama ito sa mga tagasubaybay ng kanilang apps dahil lahat ng paboritong content ng mga manlalaro ay matatagpuan sa larong ito.

Features ng Baby Panda World

100 Areas – Siguradong mae-enjoy ito ng mga manlalaro sapagkat napakaraming lugar ang maaari nilang libutin dito. Binubuo ng 100 areas ang Baby Panda World! Aliwin ang sarili sa pagsha-shopping sa supermarket o ang panonood ng pelikula sa sine! Pwede ka ring maglibot at magsaya sa amusement park! Hindi lamang ito ang nakaabang sa iyo sapagkat napakaraming iba’t ibang entertainment facilities ang pwede mong magamit dito. Kung gusto mo namang i-explore ang kagandahan ng kalikasan, maaari ka ring pumunta sa airport at sumakay ng eroplano papunta sa nais mong destinasyon.

Unique Roles – Hindi limitado ang manlalaro sa iisang role na pwede niyang gampanan. Sapagkat sa Baby Panda World, malaya siyang gampanan ang kahit anong role na nais niya, kabilang dito ang pagiging pulis, doctor, chef, pilot, at marami pang iba. Maaari mong ibatay ang role na gagampanan sa iyong hilig! Halimbawa, kung hilig mo ang pagde-dress up, bagay sa iyo ang maging stylist. Kapag naman nae-enjoy mo ang pamumuhay sa farm, maaari kang maging magsasaka habang nag-aalaga ng farm animals at nagtatanim ng prutas at gulay.

Various Adventures – Mahilig ka ba sa adventures? Kung gano’n ay ma-eenjoy mo ang walang katapusang adventures sa larong ito. Sumabak sa labanan laban sa witches kapag pumunta ka sa gubat. Maaari mo ring talunin ang pirates sa labanan sa dagat. Hindi lamang ito, may pagkakataon ka ring bumalik sa nakaraan sa panahon ng Jurassic period at bisitahin ang kaharian ng dinosaurs. Pwede ka ring pumunta sa underground upang tulungan ang rabbits na magtago mula sa kanilang kalaban. Sa makatuwid, napakaraming adventures ang pwede mong gawin sa laro! Kaya magandang alamin mo na ang iyong pinapangarap na adventure at tuparin ito rito!

Saan Pwedeng I-download ang Baby Panda World?

Sa section na ito ng article, ituturo kung paano i-download ang Baby Panda World. Pwede itong mai-download sa Android, iOS, at PC devices. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pagda-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos ng lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Baby Panda World on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.sinyee.babybus.world

Download Baby Panda World on iOS https://apps.apple.com/us/app/baby-panda-world-babybus/id1264951751

Download Baby Panda World on PC https://www.memuplay.com/how-to-play-com.sinyee.babybus.world-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro

Nakakatulong sa umpisa ng laro ang tutorial sa gagamiting controls nito. Sundin lamang ang kamay na lumilitaw dahil ito ang magsisilbing gabay mo sa kung ano ang dapat gawin. Halimbawa, kailangan ng jellies na magpapadulas sa slides na may iba’t ibang kulay. Para magawa ito, kailangan mong pindutin ang isang jelly at i-drag ito papunta sa umpisa ng slide. Kapag nailagay mo na ang lahat, saka sabay-sabay na mag-i-slide ang jellies upang mag-iba ang kanilang kulay batay sa slide na pinuntahan nila. Pagkatapos nilang mag-slide, makikitang na-stuck sila sa sahig kaya ang kailangan mong gawin ay pindutin ang isang jelly at i-swipe ito pataas. Mapapansin mong magkaiba ang emosyon ng jellies kapag natanggal mo na sila sa pagiging stuck dahil nakangiti at mukha na silang masaya.

Importante rin ang matchmaking dito. Halimbawa, kapag oras na para pakainin ang jellies, dapat ibigay mo ang prutas sa bawat isa sa kanila batay sa nakalagay sa kanilang thought bubble. Nakakatulong sa mga batang maintindihan ito dahil puro visual ang paraang ginamit sa pagma-match ng mga bagay. Kapag naibigay na sa jelly ang prutas na gusto nito, makikitang ngunguyain niya ito pagkatapos kainin at kapag nalunok na ang pagkain, ituturo niya ang kanyang bibig bilang indikasyong gusto pa nitong kumaing muli. Kadalasang nagbabago ang prutas na mga susunod nilang kakainin kaya dapat palaging bumase sa ipapakita ng kanilang thought bubble.

May mga bahagi rin sa laro kung saan kailangang hiwain ang isang buong loaf ng tinapay. Sa ganitong sitwasyon, ang kailangan lang gawin ay i-trace ang broken lines na makikita sa tinapay. Ang kulay pulang bilog sa itaas nito ang nagsisilbing starting point kung saan dapat simulan ang paghiwa. Pagkatapos mahiwa ang tinapay at i-toast ito, ang susunod na kailangang gawin ay hiwain ito para maging hugis hayop tulad ng bear, rabbit, at puppy. Muli mong ite-trace ang ang broken line na makikita sa tinapay. Huwag kalilimutang magsimula sa kulay pulang bilog bago simulan ang pagti-trace.

Para mas madaling maintindihan ng mga bata ang laro, mainam na malakas ang volume at hindi naka-silent ang ginagamit na device. Maraming voiceover ang nagsisilbing paraan sa pagbibigay ng instruction o pagkukwento rito.

Pros at Cons ng Baby Panda World

Available ang laro sa mga sumusunod na wika: Simplified at Traditional Chinese, Japanese, English, Russian, Arabic, French, Korean, at German. Kaya malaki ang range ng mga manlalarong kayang abutin nito. Alinsunod sa layunin ng game developer nito na BabyBus, maganda itong ipalaro sa mga bata lalo na’t hinahasa nito ang pagkatuto nila habang ine-enjoy ang laro. Sa paglalaro nito, matututo sila ng iba’t ibang fields tulad ng Science, painting, music, Math, language, Emotional Intelligence, health at society.

Nakakaakit din sa mga bata ang graphics at sound effects ng laro. Nakapokus sa target audience nito ang sound effects pati ang voiceovers na maririnig kaya hindi magiging boring ang dating nito sa mga bata. Hindi rin maipagkakaila ang napaka-cute na disenyo at pagkakalikha sa mga karakter na makikita rito. Dagdag pa rito, napatunayan na kung gaano ito nagugustuhan at nae-enjoy laruin ng mga bata.

Bagaman angkop ang laro sa mga bata, isa sa mga inaalala ng karamihan sa mga manlalaro ay ang maraming ads na lumalabas habang naglalaro. Kaso ang hindi maganda rito ay hindi naaangkop sa edad ng mga bata ang lumalabas na ads. Bukod pa rito, may mga isyu kung saan sobrang tagal na naglo-loading ng ads kaya walang ibang opsyon ang mga manlalaro kundi i-restart ang app. May pagkakataon din kung saan blangko lang ang nakikita sa screen.

Konklusyon

Bilang kabuuan, mairerekomenda ng Laro Reviews ang Baby Panda World na laruin ng mga bata. Sa paglalaro nito, hindi lang sila nag-eenjoy sapagkat natututo rin sila ng iba’t ibang kaalaman. Bukod pa rito, nahahasa rin ang kanilang kakayahang sumunod sa instruction. Napakarami ring pwedeng ma-explore ng mga manlalaro rito kaya tiyak na magugustuhan ng mga bata ang larong ito. Kung ipapalaro mo ito sa iyong anak, kapatid, o pamangkin, mainam na obserbahan muna sila sa umpisa para makita kung kailangan ba nila ng iyong gabay sa paglalaro, partikular na sa paggawa ng tasks.