Shootero: Spaceshooting Attack Review

Panahon na upang patunayan sa ibang mga nilalang sa kalawakan na hindi tayo mahihina at kaya nating lupigin ang kanilang pwersa gamit lamang ang ating galing sa pakikipaglaban. Inihahandog ng Shootero: Spaceshooting Attack ang isang kapanapanabik na karanasan sa laro sa pamamagitan lamang ng pagkontrol sa mga nakakamanghang sasakyang pangkalawakan. Tibayan lang ang dibdib at lakasan ang loob upang harapin ang mga kalaban. Simple lamang ang mechanics ng laro para laruin, kailangan mo lamang gamitin ang iyong daliri upang pagalawin ang iyong spaceship papunta sa kanan at kaliwa dahil kusa na itong naglalabas ng bala. Wala ka ng ibang gagawin pa maliban sa pagkontrol sa direksyon ng iyong sasakyan.

Sa kabilang banda, dapat din maging maingat at huwag magpadalus-dalos ng desisyon dahil ang mga kalaban ay hindi rin basta-basta magpapatalo. Makakaharap mo ang iba’t-ibang uri ng sasakyang pangkalawakan, mga bagay na nagliliyab at iba pang mga kalaban na paniguradong ngayon mo lang makakaharap.

Hindi ka rin dapat magpakita ng awa sa mga kalaban dahil ang mga ito ay malulupit. Bagkus layunin mong pasabugin lahat ang mga kalabang makakaharap para mailigtas ang iyong sarili. Ang tunggalian sa pagitan mo at ng mga alien ay higit na magbibigay sa iyo ng kakaibang motibasyon upang galingan sa laro. Huwag ding ikukurap ang iyong mga mata dahil may mga kalabang bigla na lamang sumusulpot sa iyong harapan at kaya kang pasabugin sa loob lamang ng ilang segundo.

Tips at tricks kung paano laruin ang Shootero: Spaceshooting Attack

  • Huwag laging nasa isang posisyon dahil sabay-sabay na umaatake ang mga kalaban mula sa iba’t-ibang direksyon;
  • Panatilihin ang distansya mula sa mga kalaban. Maaaring lumapit sa maliliit na uri ng kalaban para madali silang pasabugin, ngunit kailangan mong umatras pabalik sa pinakadulo ng screen kapag nakaharap mo na ang mga malalaking uri ng spaceship na may mga pambihirang kakayahan at lakas;
  • Gamit ang mga rewards sa laro, piliin ang higit na kailangan mo upang magkaroon ng malaking tyansang matapos lahat ng mga kalaban;
  • Hindi dapat maliitin ang mga kalaban sapagkat ang bawat isa sa kanila ay nagtataglay ng mga pambihirang kakayahan na kayang tumapos sa iyo sa laban;
  • Ang pinakamahalagang bagay na dapat isipin ay panatilihing mataas ang porsyento ng iyong Health dahil dito nakasalalay ang magiging kapalaran mo sa laro.

Saan maaaring ma-download ang laro?

Gamit ang search bar ng inyong device, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user at App Store naman para sa iOS, o ‘di kaya ay i-click lamang ang link sa ibaba, i-install ito at hintaying ma-download para masimulan na ang paglalaro. Sa kasalukuyan, hindi pa available ang laro sa PC.

Download Shootero: Spaceshooting Attack on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.galaxyattack.invadershootero

Download Shootero: Spaceshooting Attack on iOS https://apps.apple.com/us/app/shootero-space-galaxy-attack/id1547570442

Download Shootero: Spaceshooting Attack on PC https://www.gameloop.com/game/arcade/com.galaxyattack.invadershootero

Mga feature ng laro

  • Chests- Ang laro ay nagtatampok ng mga chest kung saan maaari mong i-upgrade ang gamit mong sasakyang pangkalawakan. Ilan sa maaari mong pagpipilian ay ang Normal Chest kung saan sa halagang 60 gems, maaari ka ng makatanggap ng isang basic rare gear; Elite Chest kung saan sa halagang 300 gems, pwede ka ng makakuha ng isang rare or elite gear; at ang Elite Chest x10 naman ay nagkakahalaga ng 2700 gems kung saan maaari ka ng makakuha ng sampung rare, o elite gear.
  • Reward ads– Kapag naman ayaw mong gastusin ang mga gems na nakuha sa laro, pwede kang manood ng mga optional na ads kapalit ng gems, chips, extra healing at iba pang mahahalagang MoD sa laro
  • Daily Free Pack– Kung gusto mong makatanggap ng mga reward ng walang kahirap-hirap, kailangan mo lang buksan ang game application na ito at laruin araw-araw.
  • Gem Packs– Kung ikaw naman ay isang manlalaro na may kakayahang gumastos ng totoong pera sa laro, pwede kang makabili ng mga gem pack sa laro upang i-upgrade ang sasakyan at mga bala nito.
  • Chip Packs– Kagaya ng mga gem, mahalaga rin na makaipon ng maraming chips sa laro dahil ito ang nagsisilbing coins o pera para makabili ng mga mahahalagang bagay sa laro.
  • Gear– Dito naman makikita ang weapon, shield, core, engine at drone kaya kung gusto mong i-customize o higit na pagandahin ang iyong sasakyan, maaari mo itong pindutin sa ibabang bahagi ng game screen.
  • Attacks- Ito ang pinakamahalaga sa lahat dahil ang mga ito ang nagsisilbing pangunahing sandata para matalo ang mga kalaban. Sa ilang pagkakataon, maaari kang pumili ng pattern ng mga lalabas na bala mula sa iyong sasakyan. Mayroong double pattern, gatling pattern at splitter pattern. Ang iyong mga atake ay maaari ring i-upgrade sa pamamagitan ng attack up, attack speed up, bullet up at HP up.

Pros at cons ng laro

Ang Shootero: Spaceshooting Attack ay isang laro na nagtataglay ng maraming game feature. Bilang isang manlalaro, tiyak na magugustuhan mo ito dahil sa magagandang katangian ng laro. Hindi rin kagaya ng mga ibang laro, literal na hindi ka mauubusan ng bala rito. Napakadali ring gamitin ang control at wala ka ng dapat isipin pang ibang estratehiya maliban sa iwasan ang mga bala ng kalaban at pasabugin ang mga ito.

Sa karagdagan, lubos ding humahanga ang Laro Reviews sa Shootero: Spaceshooting Attack sapagkat taliwas sa maraming laro, halos wala ka ng maipipintas sa larong ito. Maliban sa isa itong offline game, ang mga ads ay opsyonal, maging ang lagging at glitching ay hindi rin mararanasan sa laro kaya tuloy-tuloy lang ang pag pindot mo sa screen ng hindi naantala, o naiistorbo.

Kung pag-uusapan naman ang graphics ng laro, masasabing dumaan ito sa mabusising pagpaplano. Lutang na lutang sa laro ang mga ideyang pumapasok sa ating mga isipan kapag ipinapalarawan sa atin ang anyo ng kalawakan. Bukod pa rito, bubusugin din ng laro ang mga mata mo sa mga nakakamanghang heavenly body, warship at iba pang mga random na bagay.

Hindi rin mahirap na maipanalo ang mga game level dahil gamit ang mga uri ng attack na nabanggit sa itaas, kayang-kaya ng isang manlalaro na makipagsabayan sa mga kalaban kahit pa higit na mas malalaki ang mga ito. Hindi ipagkakait sa iyo ng laro ang pagkakataong mag-enjoy lang at hindi na kailangan i-pressure ang sarili na mag-isip pa ng mga taktika at game plan sa laro.

Sa kabilang dako, ang pinaka-problema lamang ng larong ito ay nawawala at hindi na-si-save ang game progress mo sa laro. Wala rin itong Cloud Save kaya kapag gumamit ka ng ibang device sa laro ay hindi mo maaaring mailipat ang nalikha mo ng game progress.

Konklusyon

Ang Shootero: Spaceshooting Attack ay isang shooting adventure game na may pambihirang kalidad. Dadalhin ka ng larong ito sa ibang dimensyon ng mundo at ipaparanas sa iyo ang kakaibang pagkakataon na labanan ang ibang mga nilalang. Maliban sa mga nabanggit na negatibong katangian ng laro, nakakasigurado ang Laro Reviews na wala ka ng hahanapin pang iba sa larong ito. Lakas lamang ng loob ang kailangan upang magtagumpay sa laro kaya kung nais mo rin itong ibahagi sa iba, imbitahan na ang iyong mga kaibigan at kakilala na subukan ang larong ito.