Mayroong mga larong puzzle na games lang ang feature at mayroon din larong puzzle na kapanapanabik tulad ng larong ito. Ang Cube Escape Collection ay isang offline na larong puzzle na ginawa ng Rusty Lake. Bukod sa mapanghamong puzzle, mayroon din itong napakagandang storyline na tiyak na pupukaw sa natutulog mong imahinasyon. Kaya hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa, halina at simulan na nating tuklasin itong laro dito sa artikulong ginawa ng Laro Reviews.
Mga Tampok ng Laro
Simple lang at napaka-minimalistic nitong laro. Sa pagbubukas mo nito, makikita mo kaagad ang mga stages na maaari mong laruin. Mayroon itong siyam na stage na kailangan mong maipasa upang matunghayan ang kapanapanabik nitong istorya. Ang setup ng laro ay POV o point of view, ibig sabihin kapag naglalaro ka nito ay makikita mo ang point of view bilang isang character ng laro. Upang laruin ito, kailangan mo lang lutasin ang mga puzzle sa pamamagitan ng paghahanap ng mga clue sa loob ng silid. Ngayon ay talakayin natin kung ano ang aasahan mo sa bawat stage.
Seasons – Sa stage na ito ay makikita mo ang iyong mga “memory” na isang substage nitong laro.
The Lake – Sa stage na ito, magigising ka sa isang lugar na tila isang bahay na nasa gilid ng lawa.
Arles – Naka-setup naman ang stage na ito sa isang lumang kwarto na parang isang condominium.
Harvey’s Box – Itong stage ay tila nakatingin ka sa isang kahon na puno ng mga samut-saring mga bagay at ang senaryo ay parang may hinahanap ka sa loob ng kahon.
Case 23 – Ang stage na ito ay mayroong apat na chapter. Ito ay sumusubaybay sa iyong buhay at propesyon bilang isang police detective.
The Mill – Itong stage ay naka-setup sa isang lumang windmill. Ang layunin dito ay paandarin ang lumang windmill.
Birthday – Ang stage na ito ay isang senaryo ng iyong alaala sa araw ng iyong kapanganakan.
Theatre – Ang stage na ito ay isang senaryong nagaganap sa isang teatro.
The Cave – Ang stage na ito ay naka-set up sa isang kweba na kung saan ay mayroong nangyaring delubyo sa inyong team habang kayo ay naghuhukay.
Hindi tiyak ang bawat layunin ng laro at ikaw na mismo ang dapat na makadiskubre kung ano ang layunin at kung paano ito gawin.
Paano I-download ang Cube Escape Collection?
Hindi mo na kailangang gumawa ng anumang log in account at hindi mo na rin kailangang mag-bind ng Gmail o Facebook account. Para i-download ito sa Android, pumunta sa Google Play Store at i-type sa search bar ang pangalan ng laro pagkatapos i-click ang Install. Parehong proseso lamang ang pag-download nito para sa iOS ngunit sa halip na Google Play Store, maaari mo tong i-download mula sa App Store. Para sa PC, pumunta sa http://gameloop.com at i-type sa search bar ang pangalan ng laro at i-click ang Download. Para sa mas mabilis na pag access, maaaring i-click ang mga link sa ibaba.
Download Cube Escape Collection on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=air.com.RustyLake.CubeEscapeCollection
Download Cube Escape Collection on iOS https://apps.apple.com/us/app/cube-escape-collection/id1555267021
Download Cube Escape Collection on PC https://www.gameloop.com/game/adventure/cube-escape-collection-on-pc
Tips at Tricks para sa mga Baguhan
Narito ang ilan sa mga Tips at Tricks na ibabahagi ng Laro Reviews na kailangan mong malaman kung ikaw ay baguhan pa lamang sa larong ito. Talagang nakakalito itong laruin dahil walang instructions o tutorial itong laro. Sa pagbubukas mo ng laro, ang tanging makikita mo lamang ay ang siyam na stages na kailangan mong maipasa. Palaisipan din ang pagkakasunud-sunod ng bawat stage. Ibig sabihin maaari kang malito at mawala sa eksaktong timeline ng story kung hindi mo nalaro ang mga stage na magkakasunod. Dapat kang magsimulang maglaro sa ika-siyam na stage dahil ito ang pinakaunang senaryo ng istorya. Pag natapos mo na ito, susunod na laruin ang ika-walo. Ibig sabihin paatras ang bilang ng pagkakasunod-sunod ng mga stages mula ika-siyam na stage hanggang ika-isa.
Sa simula ng stage, ang makikita mo lang ay ang silid at ang mga items na maaaring makatulong sa iyo. Walang tutorial kung saan at paano ka magsisimula sa bawat stage kaya ang pinakamainam na dapat mong gawin ay mangolekta muna ng mga item sa bawat silid. Huwag munang alalahanin ang paghahanap ng mga clue sapagkat ang mga items na iyong makokoleta ang siyang magsisilbing clue. Halimbawa, kapag mayroon kang nakuhang item na kutsilyo, ibig sabihin mayroon kang dapat hiwain o mayroon kang gawain na nangangailangan ng kutsilyo. Pwede ka rin manood ng ads upang ma-unlock ang mga hints sa bawat silid.
Kalamangan at Kahinaan
Ang larong ito ay ang sagisag ng salitang “puzzle” dahil halos lahat ng mga task at pati hints ay puzzle. Kung ikaw ay isang manlalarong naghahanap ng larong hahamon sa iyong puzzle-solving skills, tiyak na hindi ka bibiguin nitong laro dahil tunay na mapanghamon ang bawat stage nito. Kahit na ang tamang pagkakasunud-sunod ng mga stage at senaryo ay kailangan mong hulaan kaya kung magkakamali ka sa pagpili ng uumpisahang stage, maaaring malito ka sa storyline ng laro. Ang konsepto ng laro ay natatangi at napaka-mapanghamon at sigurado akong 50% ng mga manlalarong nagbabasa nitong artikulo ay hindi kayang tapusin o i-solve ang isang stage nang isang araw lamang.
Ang graphics nito ay nasa 2D ngunit malalim ang detalye ng disenyo nito kaya hindi nakakalito at madaling makilala ang mga items. Wala din itong mga lags, bugs at mga pop up ads kaya tiyak na mae-enjoy mo ang iyong gaming experience. Sa tingin ko, walang kapintasan itong laro ngunit hindi ito mainam para sa mga manlalarong baguhan pa lang sa mga puzzle games dahil wala itong tutorial at napakahirap lutasin ng mga puzzles nito. Kung bibigyan ko ng rating kung gaano kahirap itong laro, bibigyan ko ito ng 9.5 out of 10.
Konklusyon
Sa kabuuan, itong laro ay nakatanggap ng star rating na 4.7 sa Google Play Store at 4.9 naman sa App Store. Gaya ng nabanggit ko sa itaas, hindi ko ito mairerekomenda sa mga manlalarong hindi pa sanay sa mga puzzle games ngunit hindi naman ibig sabihin nito ay hindi mo na ito pwedeng subukan. Kung mayroon kang sapat na pasensya at passion sa puzzle at mystery type na laro, tiyak na magugustuhan mo ito. Kaya ano pang hinihintay mo? I-download na ang Cube Escape Collection ngayon!