Cooking Diary® Restaurant Game Review

Kung minsan ka nang nangarap na sana ay magkaroon ka ng sariling restaurant, tamang-tama ang laro na ito para sa iyo, ang Cooking Diary® Restaurant Game na nilikha ng Mytona. Ang larong ito ay isang uri ng strategy simulation time management game na inilabas noong 2018 kung saan ikaw ay binibigyan ng pagkakataong magmay-ari ng isang sikat na restaurant sa Tasty Hills, isang great culinary capital na dinarayo ng ilang mga gourmands at chef.

Oras na simulan mo na ang larong ito, bubungad sa iyo ang narration ng isang dating may-ari ng restaurant na buo na ang desisyon niyang mag-retire. Ikaw, na isang manlalaro at bilang kanyang apo, ang kanyang inaasahan na papalit sa pagpapatakbo ng naiwang negosyo. Inaanyayahan ka niyang magtungo sa Tasty Hills kung saan naroon ang sinasabing family restaurant. Ang lugar ay malimit na dinarayo ng mga tao upang makatikim ng iba’t ibang klase ng pagkain habang ang iba naman ay naghahangad na maging kilala sa larangan ng pagluluto.

Simple lamang ang gameplay ng larong ito. Bilang bagong may-ari ng iyong restaurant, kailangan mo lamang magluto ng iba’t ibang klase ng putahe ayon sa iyong bilis at galing. I-upgrade rin ang kabuuang itsura ng restaurant mula sa dekorasyon para dito pati ang mga kagamitan hanggang sa menu nito upang maging kaakit-akit sa mga customer. Trabaho mong kunin ang atensyon ng bawat tao na naririto sa Tasty Hills at patunayan na isa ang restaurant mo sa pinaka-the best na naririto.

Features ng Cooking Diary® Restaurant Game

Gender Selection – Sa larong ito, malaya kang makakapili kung anong kasarian ang nais mong gamitin sa buong laro.

Player Customization – Maaari mo ring i-customize ang iyong magiging itsura sa larong ito. Malaya kang makakapili kung anong hugis ng mukha, istilo ng buhok, itsura ng mata, kilay, labi at ilong. Maaari mo ring piliin dito ang shade ng kulay ng balat at buhok mo.

Special Customers – May iba’t ibang klase ng customer ang larong ito na maaari mong makaharap na talaga namang susubukin ang iyong pasensya at galing sa pag-a-assist sa kanila. Tulad din ito ng malimit nating napapansing kaugalian ng mga crew sa bawat fast food na ating pinupuntahan.

Narito ang iba’t ibang klase ng customer na mayroon ang larong ito:

  • Picky – Ito ang klase ng customer na mabilis magpalit ng order. Mahalaga sa kanya ang oras kaya kung hindi mo maibibigay agad ang gusto niya, malaki ang tyansa na magpalit agad siya ng bibilhing pagkain.
  • Rich – Gaya ni Picky, mahalaga rin ang oras para kay Rich. Oras na maibigay mo agad ang kanyang gusto at malinis ang iyong naging trabaho, maaari ka niyang bayaran nang doble.
  • Forgetful – Ito ang tipo ng customer na palaging nakakalimutan ang kaniyang order.
  • Gluttonous – Ang tipo ng customer na palaging marami ang binibili. Kumpara sa ibang customer, kaya nitong um-order ng dalawa o higit pa.
  • Drinks – Ang tipo ng customer na tanging inumin lang ang ino-order. Kaya nitong um-order ng dalawa o higit pang inumin.
  • Impatient – Kung ikukumpara kay Picky at Rich, parehas lamang ang mga ito na nangangailangan ng mabilis na serbisyo. Ngunit si impatient ay yung tipo ng customer na mabilis magalit oras na pumalya kang ibigay sa kanya ang kanyang order sa takdang oras.
  • Indecisive – Ito ang tipo ng customer na maaaring mag-cause ng mahabang pila dahil sa mabagal nitong pagdedesisyon sa kung ano ang kanyang bibilhing pagkain.
  • Snacks – Kung mayroong Drinks customer, meron namang Snacks kung saan iyon lamang ang inoorder.
  • Fun – Sa tulong ni Fun customer, kaya niyang pagaanin ang atmosphere sa restaurant, maging ang mood ng iba pang customer na naghihintay rin ng kanilang order.
  • Annoying – Ang customer na ito ay tinawag na annoying dahil umo-order agad ito kahit hindi pa nakukuha ang tip na iniwan ng ibang customer. May pagkakataon pa na dinagdagan lamang niya ng ilang barya ang bawat tip para masabing marami ang naibigay niyang tip.
  • Loyal – Ito ang tipo ng customer na gustong-gusto ang iyong mga ginagawang pagkain kaya tinatanggap nito ang kahit anong pagkain ang ibigay mo sa kanya.

Patience Bar – Mapapansin ito sa laro malapit sa order ng mga customer. May hugis itong puso, kulay pula at mapapansing unti-unting nababawasan depende sa tagal nilang naghihintay ng kanilang in-order na pagkain.

In-game Diary – Dito nakalagay ang ilan sa iyong mga task na dapat mong kumpletuhin kapalit ng bawat reward.

Equipment – Dahil may ilang mga gamit na nangangailangan ng pag-upgrade, maraming equipment pagdating sa kitchen, interior at design sa restaurant, ang pwedeng mabili ng mga character dito upang mapaganda pa ang kalidad ng kanilang trabaho.

Assistant – Sa tulong ng pagkakaroon ng assistant sa laro, napapagaan ang iyong trabaho.

Saan maaaring i-download ang Cooking Diary® Restaurant Game

I-click lamang ang mga link sa ibaba depende sa device na gamit:

Download Cooking Diary® Restaurant Game on PC https://www.bluestacks.com/apps/simulation/cooking-diary-on-pc.html

Download Cooking Diary® Restaurant Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.mytona.cookingdiary.android

Download Cooking Diary® Restaurant Game on iOS https://apps.apple.com/us/app/cooking-diary-restaurant-game/id1214763610

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Cooking Diary® Restaurant Game

Simple lamang ang gameplay ng cooking game na ito dahil ibibigay mo lang naman ang gusto ng customer na kainin. Madali lamang sa simula ngunit habang lumalalim ka sa laro ay doon mo mapapansin na pabigat din ito nang pabigat kahit pa hindi naman nababago ang proseso ng paglalaro mo rito.

Isa sa maaaring maging dahilan ng pagkakaroon ng difficulty sa laro ay kung dumating ang pagkakataong dumarami ang customer na naghihintay sa counter. Kaya naman, isang mainam na paraan upang kahit papaano ay maiwasan ito ay ang maghanda agad ng pagkaing malimit inoorder ng bawat customer. Halimbawa sa burger, dahil isa ito sa may pinakamatagal na proseso na lutuin, maaari kang magluto agad ng burger patty para kung sakaling may mag-order ay agad mong maibibigay. Maaari mo ring ibigay iyon sa iyong assistant upang lagyan din agad ng bacon dahil madalas na ilang segundo rin ang itinatagal nito.

Pagdating naman sa customer, laging sundin ang “first come, first serve” dahil sa larong ito, maaaring mawalan ng pasensya ang customer sa oras na tumagal ang kanyang paghihintay. Ganun pa man, maaari mo rin namang idepende sa kanilang inorder kung sino ang iyong uunahin. Kung mabilisan naman ang inorder ng isa at medyo may katagalan ang paghahanda sa order ng naunang customer, maaaring ang pangalawa ang iyong unahin. Alinman sa mga ito ang iyong susundin, isang mainam pa rin na gawin ang palaging alerto at mabilis na pagkilos para maibigay agad ang hinihingi ng iyong mga customer. Tandaan na katumbas ng magandang serbisyo ang malaking reward na ibibigay ng customer.

Related Posts:

The King of Fighters ALLSTAR Review

Mech Arena Review

Pros at Cons ng Larong Cooking Diary® Restaurant Game

Gaya ng kung paanong ginagawang unique ng bawat nagluluto ang kanilang inihandang pagkain, mayroong kakaibang timpla ang Cooking Diary Restaurant Game na hindi mo makikita sa iba. Simple lamang ang kailangang gawin sa laro at kahit hindi mo man aminin bilang isang manlalaro, ang pagkakaroon ng linear na gameplay ang isa sa maaaring magpainip sa bawat manlalaro. Ganun pa man, sa kabila ng linear nitong gameplay, sinikap ng developer nito na hindi lamang malibang ang bawat manlalaro sa pagluluto kundi maging isang daan din upang mapalapit ang mga ito sa mundo ng culinary at ilabas ang iba pang skills pagdating sa arts at socializing. Isang magandang estratehiya na hindi lamang pagluluto ang pokus ng larong ito kundi marami pang ibang magagawa na talaga namang kapaki-pakinabang sa bawat manlalaro.

Para sa Laro Reviews, maganda ang daloy ng kwento na nilalaman ng larong ito. Sa simula pa lamang, binibigyan ka na agad ng malaking responsibilidad na gampanan ang isang trabaho na ipagpatuloy ang passion na mayroon ang iyong pamilya, ang pagluluto. Isang magandang paraan na talagang inilapit sa tunay na buhay ang bawat makikita sa larong ito gaya ng pakikisalamuha sa iba’t ibang klase ng tao, pagpapaunlad ang isang negosyo at higit sa lahat, kung paano makukuha ang tiwala ng tao sa pamamagitan ng pagluluto ng masarap na pagkain. Kung usapang interesting storyline lang din talaga ang pag-uusapan, mayroon niyan ang larong ito at siguradong hindi ka magsisisi kung pipiliin mong silipin ito.

Maganda rin maging ang bawat graphics na nilagay para dito na talaga namang isang rason para makuha agad ang atensyon ng bawat manlalaro. Isang suhestiyon lang na maibibigay para dito ay mas mainam sana kung hindi simplified ang bawat proseso ng laro. Kung may paraan sana upang makita rin na tinikman ng bawat customer ang mga ihinandang pagkain at sa oras na matapos na ito ay doon lamang magkakaroon ng coins bilang bayad at tip sa mga manlalaro.

Isang kawalan din na maituturing sa larong ito ay ang pagiging pay to win ng larong ito dahil para bang iiwanan ka ng larong ito sa sitwasyon kung saan darating ka sa puntong unti-unti mong bibitawan ang laro dahil makakaranas ka ng kakapusan sa gems na maaari mong magamit sa laro at ang tanging daan lamang upang malampasan ito ay ang pagbabayad. Masyado ring maraming ads ang larong ito na siyang nakakadagdag upang mawalan ng interes sa paglalaro ang bawat naglalaro nito.

Sa kabuuan, maganda ang laro at talaga namang entertaining. Gayunpaman, may ilan ding disadvantage ang larong ito na dapat bigyang pansin ng developer upang mapalakas pa ang potensyal ng larong ito na makilala at kagiliwan ng lahat.

Konklusyon

Ayon sa developer at publisher ng larong ito, ang Cooking Diary ay isang laro kung saan pwedeng magtipon-tipon ang lahat ng mga nahihilig sa pagluluto at nahuhumaling sa iba’t ibang uri ng pagkain. Sa oras na pasukin mo ang larong ito, para bang pinasok mo na rin ang mundo ng culinary dahil nalalaman mo rin kung paano ang nagiging kalakaran sa loob ng isang kainan at nakikilala mo rin ang iba’t ibang klase ng customer dito na maaaring matagpuan mo rin sa tunay na buhay. Mahilig ka man sa pagkain o sa pagluluto, isa ang larong ito sa nirerekomenda ng Laro Reviews para sa iyo.

Laro Reviews