Ice Age Adventures Review

Kung isa ka sa mga taong naging fan ng movie na Ice Age, tiyak kong kilala mo na sina Sid, Manny at Diego at ang kwento kung paano nabuo ang kanilang pagkakaibigan. Ngunit kung hindi man ay huwag mag-alala dahil maaari mo pa rin namang malaman ang kwento nito dahil ito ang ginamit na inspirasyon ng developer upang mabuo ang larong ito. Ito ang Ice Age Adventures na inilabas ng isa sa mga sikat at marami na ring naipakilalang laro sa matagal nang panahon, ang Gameloft SE. Sa larong ito, maaari mo silang makasama na maglakbay, magtungo sa iba’t ibang klase ng isla upang i-rescue ang bawat klase ng hayop na nakulong doon at nawalay sa kanilang mga pamilya. Marami kang maaaring gawin dito para lang mailigtas ang mga ito. Maaari kang magpadausdos sa isang madulas na yelo o hindi kaya naman ay mag-solve ng puzzle gaya ng pagma-match ng magkakaibang bato upang makolekta ang mga gems na hugis puso. Sa oras din na mailigtas ang mga hayop ay maaari mo rin silang gawan ng tirahan upang doon sila magkasama-sama ng kanilang pamilya. Exciting hindi ba? Bukod pa riyan ay marami pa ang hinanda ng laro para rito. Atin itong silipin.

Features ng Ice Age Adventures

Marami kang maaaring gawin sa loob ng Ice Age Adventures. Bilang tungkulin mo sa larong ito na iligtas ang iba’t ibang klase ng hayop na napadpad sa iba’t ibang klase ng isla, tungkulin mo silang ilipat sa isang maayos na lugar kung saan maaari rin nilang makasama ang kanilang mga kauri. Kaya naman, makikita mo sa larong ito ang isang malawak na lugar kung saan ka maaaring magtayo ng mga gusali upang maging tirahan ng mga ito. Kung sakali mang maging overcrowded na ito ay maaari mo namang mapalaki ang iyong teritoryo sa pamamagitan ng pagbili sa mga kalapit pang lugar gamit ang isa sa currency ng laro na shell.

Bukod sa mga inililigtas mong hayop mula sa iba’t ibang isla ay maaari ka rin namang bumili ng hayop sa mismong Shop ng laro. Kung bibilangin ay nasa labindalawang species ang makikita mo rito. Ito ay ang mga Flamingo, Gazelle, Beaver, Polar Bear, Aardvark, Snowy Fox, Hare, Llama, Musk Ox, Trunkless Start, Horse at Green Bird. Kasama ng mga pangalan ng mga hayop na ito ang bilang ng Berry na kaya nilang i-produce kada oras. Isa kasi ang Berry sa pinakamahalagang item na mayroon sa laro lalo na pagdating sa pagre-rescue. Mabibili mo na ang mga hayop na ito gamit ang currency ng laro na acorn.

Upang hindi ka naman maligaw pagdating sa maaari mong maging misyon sa larong ito, ang mga features na makikita sa kaliwang bahagi ng screen ang iyong magiging gabay pagdating dito. Dito mo malalaman kung sino ang kailangang iligtas, alin ang kailangang i-renovate at marami pang iba. Kung minsan ay mayroong dalawa, tatlo o higit pang task na inilalagay rito kaya naman talagang kailangan mo itong bisitahin palagi. Para bang hindi rin ito nauubos dahil maaaring kapag nakatapos ka na sa isa ay maaari itong magkaroon muli ng bago.

Sa kabuuan, ang larong ito ay mayroong dalawapu’t anim na isla na maaaring mapuntahan ng iyong mga karakter na sina Sid, Manny at Diego. Kung iisa-isahin ang mga isla, iyon ay ang Paradise Island, The Freezing Lands, Iceview Isles, New Snowington, Sula Sea Cliffs, Snow-capped Shores, Wobbly Islands, Sid Cinnati, Shimmering Waters, Switchback Cove, Mysterious Shores, Manny Chusetts, Sandy Diego, Turquoise Waters, Sandchesters Islands, Buenos Windy, Whispering Isles, Wave’s End, Flaming Fires, The Fiery Fiefs, Molten Maw, Scorched Earth, Obsidian Rift, Summit’s Core, Ashes’ Fall, at Cinder Springs.

Kung pagdating naman sa game mode ng larong ito, mayroong dalawang klase ng bagay ang maaaring gawin ng bawat manlalaro para lamang mailigtas ang bawat hayop na humihingi ng tulong. Maaari silang mag-match o magsolve ng puzzle o hindi kaya naman ay magpadausdos sa isang madulas na sahig na nyebe at salubungin ang hayop na kailangan nilang iligtas. Maaari ring iba-iba ang game mode depende sa tema ng isla na iyong pinuntahan. Bukod pa riyan ay mayroon din ditong side quest kung saan dito ka maaaring makakuha ng additional na reward.

Saan maaaring i-download ang Ice Age Adventures?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 61MB sa Google Play Store habang 258.9MB naman pagdating sa App Store. Maaari ka namang gumamit ng emulator gaya ng BlueStacks para naman sa iyong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.

Download Ice Age Adventures on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.gameloft.android.ANMP.GloftIVHM

Download Ice Age Adventures on iOS https://apps.apple.com/us/app/ice-age-adventures/id632437966

Download Ice Age Adventures on PC https://www.bluestacks.com/apps/adventure/ice-age-adventures-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Ice Age Adventures

Isa sa pinakamahalagang currency na mayroon ang larong ito ay ang mga berries dahil isa ito sa iyong magagamit upang matanggal ang ilang mga bagay na maaaring humaharang sa inyong mga dinaraanan gaya ng mga puno, mailigtas lang ang mga hayop na kailangan mong ibalik sa kanilang mga pamilya. Kaya naman, para sa Laro Reviews, isang mainam na paraan ang iniipon mo muna ito at kapag nasiguro mong sapat na ang dami nito ay maaari ka nang magtungo muli sa iba’t ibang isla. Dahil na rin maximum na ang 1000, hindi lang para sa mga berries kundi pati na rin sa shell at acorn, mainam na i-upgrade na lamang ang mga posible mong mapagkuhanan pa nito at iyon ay mula sa iyong mga na-rescue na hayop. Mainam din na alagaan mo rin sila sa pamamagitan ng pagpapakain mo sa mga ito o ‘di kaya naman ay palakihin pa ang kanilang tinitirhan upang mas malaki rin ang maging balik nito sa iyo. Huwag ding kalilimutan na tipirin ang mga ito, gamitin lamang ito kung kina-kailangan. Kung para ito sa paggawa ng daan upang makarating sa iyong destinasyon, humanap ng ruta kung saan mapapaikli ang iyong dadaanan nang sa gayon ay limitado lang din ang mababawas dito. Sa oras kasi na maubos na ito, tila may katagalan pa upang muli kang makakuha nito.

Pros at Cons ng Ice Age Adventures

Kakaiba ang Ice Age Adventures sa parte kung saan hindi lamang ito patungkol sa pagliligtas sa mga hayop dahil trabaho mo rin sa larong ito na ibalik sila sa mga nawalay nilang pamilya at bigyan sila ng komportableng tirahan. Pinalalawak mo ang iyong teritoryo upang mas marami pang hayop ang madala mo rito. Dahil sa dami ng mga bagay na maaari mong gawin dito, hindi maikakaila na isa ang larong ito sa maaaring kagiliwan ng lahat, mapabata man o may edad na. Tunay na nakakaaliw at sulit paglaanan ng oras.

Isa rin sa nakakadagdag-aliw sa larong ito ay ang graphics na talagang hindi nalalayo sa nakikita natin sa pelikulang Ice Age. Napanatili ng larong ito ang hawig na hawig na imahe ng bawat karakter mula sa sikat na pelikulang ito. Dahil na rin may pagka-humorous ang pelikulang ito, nagawa ring panatilihin sa larong ito ang pagiging humoristic ng bawat karakter rito. Nakakatuwa ang bawat palitan ng linya at tunay na hindi mo mapipigilan na matawa sa ilan sa mga ito.

Para sa Laro Reviews, maituturing lang na disadbentahe sa larong ito na kapag nakulangan ka na ng resources dahil mahihirapan ka nang makapag-ipon muli. Dahil na rin marahil sa 1000 lang dapat na maximum ng bawat resources mo ay madali lamang din itong maubos. Yung tipong hindi mo pa man naililigtas ang dapat mong i-rescue na hayop, ubos na agad ito dahil sa dami ng obstacles na kailangan mo munang pagdaanan. Bukod pa rito, ayon sa mga nakaranas ng maglaro nito, tila mahirap ang makapag-upgrade rito dahil walang option ang laro na maaari mong gamitin upang magawa ito.

Konklusyon

Bilang huling verdict para sa Ice Age Adventures, sulit naman ang paglalaro mo nito dahil marami kang maaaring gawin dito. Kung isa ka rin sa paborito ang pelikulang Ice Age ay maaari mong i-consider na laruin ito dahil perpekto naman at nabigyang hustisya ng developer nito ang paggamit ng mga karakter para lamang maisakatuparan ang larong ito. May potensyal na kagiliwan ng lahat lalo na kung susubukan ng larong i-address ang ilang mga problema na nasa loob nito. Gayunpaman, kung nais mo itong subukan, i-download na ito.