Secret Society: Mystery Review

Katulad ng lagi mong ginagawa, masaya mong sinasalubong ng may ngiti sa labi ang bawat umaga. Ngunit isang araw, isang hindi inaasahang balita ang nakarating sa’yo: misteryosong nawala ang iyong Tiyo Richard kaya bilang nag-iisang kamag-anak niya, ipinatawag ka sa kanyang mansyon upang tumulong sa paghahanap sa kanya at pansamantalang mamamahala sa kanyang mga ari-arian. Sa iyong pagdating, natuklasan mong bahagi ng isang pangkat ng mga makapangyarihang seeker ang iyong tiyuhin at napag-alaman mo ring katulad niya, may tinataglay ka ring kapangyarihang makapasok sa mga mahihiwagang larawan. Tungkulin mo ngayon sa laro na hanapin ang mga naiwang bakas sa loob ng mansyon na makapagtuturo sa kinaroroonan ng iyong tiyo Richard.

Ang Secret Society: Mystery ay isang laro na ang gameplay ay katulad sa mga klasikong ‘Finding Hidden Objects’. Ngunit bukod sa paghahanap ng mga bagay, itinatampok din ng larong ito ang mga mini puzzle kagaya ng pagbuo ng mga napunit na larawan, block sliding puzzle, memory matching at connecting pipes. Maliban pa rito, may iba pang game modes ang laro kagaya ng paghahanap sa mga nakalistang bagay sa inyong screen, paghahanap ng mga bagay na kapareho ng mga aninong makikita sa board game at Morph kung saan hahanapin mo ang mga bagay na may kakayahang magbago ng kanilang wangis.

Sa kabuuan, mayroong 12 magical cards ang kailangan mong ma-unlock at mapasok. Maliban pa rito, kailangan mo ring tulungan ang butler at sekretarya ng iyong tiyuning sina Alfred at Christy na mahanap ang mga nawawalang antigong bagay sa loob ng mansyon kagaya ng mga sinaunang coin, piraso ng isang chess board, mga larawan at iba pa.

Sa karagdagan, may ilang pagkakataon ding ang game level na iyong lalaruin ay may oras. Ibig sabihin, kailangan mong mahanap ang lahat ng bagay na ipinapahanap sa’yo ng laro bago maubos ang itinakdang oras ng iyong paghahanap.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Madaling mahanap ang malalaking bagay, ngunit ang paghahanap sa mga maliliit na bagay ay medyo may kahirapan, kaya kailangan mong maging masigasig sa paghahanap. Huwag lang basta-bastang titigan ang screen. Sa halip, isa-isahin ang bawat bagay na iyong makikita.

Gamitin ang zoom-in at zoom-out na feature ng laro upang mas malinaw na makita ang bawat bagay na makikita sa iyong screen. Maaari mong pindutin ang bawat bahagi ng iyong screen kung nahihirapan ka na sa paghahanap lalo na pagdating sa mga timed level.

May ilang mga bagay ring naka-camouflage at hindi agad mapapansin, kaya titigang mabuti ang bawat larawang iyong makikita. Gayundin, may ilang pagkakataong bahagyang natatakpan ang ibang hidden object ng iba pang mga bagay.

Sakaling ang nilalaro mo naman ay timed-level at malapit na ang oras ngunit hindi mo pa nakikita ang lahat ng hidden objects, maaari kang gumamit ng mga mahihiwagang baraha at scroll upang ituro sa’yo kung saan makikita ang natitirang hidden object na hindi mo pa natatagpuan.

Features ng Laro

  • Explorer’s Eyes – Sa oras ng pangangailangan, hindi ka bibiguin ng Explorer’s eye na mahanap kaagad ang mga bagay na hindi mo pa natatagpuan.
  • Compass – Kung ang Explorer’s eye ay direktang itinuturo ang mga hidden object, ang Compass naman ay ituturo sa’yo kung saang bahagi ng screen nakakubli ang isang hidden object.
  • Talismans – Sa feature na ito ng laro matatagpuan ang halos lahat ng mahiwagang mga bagay kagaya ng mga scroll, diamond horseshoe, money bag at winged lightning.
  • Energy – Sa pamamagitan ng pag-inom ng kape, energy drink at pagkain ng mga tinapay, muling manunumbalik ang iyong enerhiya sa laro.
  • Inventory – Dito naman matatagpuan ang mga nakokolektang bagay sa tuwing nakakapagtala ng mga panalo.
  • Collection – Sa feature na ito ng laro, makikita ang mga natagpuang antigong bagay kagaya ng mga sinaunang barya.

Saan maaaring i-download ang laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user, at kailangan namang i-download ang Android emulator sa PC para malaro ito. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download Secret Society: Mystery on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.g5e.secretsociety&gl=US

Download Secret Society: Mystery on iOS https://apps.apple.com/us/app/the-secret-society-mystery/id542180079

Download Secret Society: Mystery on https://www.bluestacks.com/apps/adventure/the-secret-society-on-pc.html

Pros at Cons ng Laro

Sa Secret Society: Mystery, maaari kang mapadpad sa iba’t ibang lugar kaya masasabing hindi nakakasawa ang mga nakikitang tanawin sa laro. Maliban pa rito, detalyado rin ang graphics ng laro. Punung-puno ito ng kulay at sobrang dami ng mga bagay na makikita mo.

Sa karagdagan, malaking tulong din ang tutorial ng laro dahil bago ka pa man pumasok sa loob ng mga mahihiwagang larawan, tuturuan ka na ng laro ng mga dapat mong gawin upang madaling mahanap ang mga hidden object at kung paano mabubuo ang mga puzzle.

Sa kabilang banda, bukod sa ang laro ay mabubuksan lamang nang online, nadidismaya rin ang Laro Reviews sa storyline ng Secret Society: Mystery dahil hindi akma sa pangunahing layunin mo sa laro na matagpuan ang iyong Tiyo Richard ang mga task na kailangan mong lampasan. Sa halip, maraming bagay na ipinapagawa sa’yo sina Alfred at Christy na wala namang koneksyon sa layuning matagpuan ang kanilang amo.

Sa karagdagan, paulit-ulit lang ang mga hidden object na kailangan mong mahanap kaya naman napakadali para sa iyong matagpuan kaagad ang mga ito. Ilan pa sa mga bagay na sadyang nakakairita ay masyadong mahal ang presyo ng mga upgrade na kailangang bilhin sa laro. Sa block sliding game mode naman ng laro, mayroong mga level na walang ibang paraan upang mabuksan ang mga ito kung hindi ka bibili ng upgrades kaya kung iisiping mabuti, tila ginawa ang larong ito para lamang sa layuning kumita ng pera.

Konklusyon

Ilang taon na rin ang lumipas simula noong unang pumatok sa gaming world ang mga ‘finding hidden object’ na mga laro kaya hindi na nakapagtatakang napakarami mong pagpipilian sa mga ito. Kung mayroon mang katangian ang Secret Society: Mystery na hindi makikita sa iba, iyon ay wala nang iba kung hindi ang pagkakaroon nito ng ilang game modes at pagkakaroon ng mga mahihiwagang larawan. Ngunit bukod dito, lubos na naniniwala ang Laro Reviews na hindi ang Secret Society: Mystery ang isa sa mga larong may magandang gameplay dahil kung tutuusin, maraming offline hidden object games ang mayroong higit na mas magandang gameplay at hindi mo na kailangan pang gumastos ng pera upang maipagpatuloy lamang ang paglalaro.