Idle Property Manager Tycoon Review

Ang Hothead Games ay isang Canadian mobile game developer na kilalang-kilala sa larangan ng idle clicker game simula pa noong taong 2012. Sa kasalukuyan, karamihan sa mga larong nilikha nito ay mayroong milyun-milyong downloads sa Play Store lamang at isa sa mga larong umani ng mahigit isang milyong download ay ang larong Idle Property Manager Tycoon. Ano nga ba ang mayroon sa larong ito kung bakit marami ang nahuhumaling? Kagaya ng ibang idle clicker game, layunin mo rin sa larong itong mapalago ang iyong negosyo sa pamamagitan ng iyong pinagkakakitaan na mga ari-arian.

Mag-invest, mag-level up at mag-upgrade: ito ang mga layuning kailangan mong makamtan upang masigurado ang iyong pagiging bilyonaryo sa laro. Ngunit, magagawa mo lamang ang mga ito kung marunong kang gumamit ng strategy kaya mahalaga sa larong ito na maging matalino ka sa bawat desisyong iyong gagawin.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Bilang pagsisimula, gagabayan ka ng tutorial ng laro kung ano ang mga dapat mong gawin. Ngunit kapag nabili mo na ang iyong unang property, hahayaan ka na ng laro kung ano ang iyong magiging diskarte para mas lalong lumaki ang iyong kita. Pero bago ka pa man mag desisyong magpatuloy sa paglalaro, i-activate muna ang 2x ad booster upang mas mag-multiply ang dami ng iyong kita. Kung paanong mabilis na umusad sa laro? Simple lamang ang dapat mong gawin at iyon ay wala nang iba kundi ang manood ng ads upang tuluy-tuloy ang pag-multiply ng iyong kikitain sa laro. Kung gusto mo namang magpahinga muna saglit sa paglalaro, huwag kalimutang i-activate ang ad booster upang kahit offline ay tuluy-tuloy pa rin ang doble-dobleng perang iyong matatanggap.

Sa larong ito, huwag manghinayang na gastusin ang iyong income, bagkus hangga’t maaari ay ubusin lahat ng iyong kita sa pag-a-upgrade at pagbili ng mga gusali upang patuloy lamang sa paglaki ang income na iyong natatanggap. Ngunit, tandaan din ang mga dapat mong ina-upgrade ay ang matataas na game levels sapagkat ang mga ito ang nagbibigay sa’yo ng mas malaking pera kumpara sa mga mabababang level.

Ang presyo ng mga gusali at pag-upgrade ay natural lamang na patuloy na tumataas sa lahat ng idle clicker game. Ngunit, mas mainam pa rin na unang bilhin ang pinakamahal na investment upang lalong lumaki ang value ng multiplier. Sa karagdagan, hindi mo na kailangan pang pagurin ang iyong sarili sa pangongolekta ng iyong income, sapagkat maaari ka namang mag-hire ng mga manager na siya nang bahala sa trabahong ito.

Sa paglalaro ng idle clicker games, hindi maiiwasang makaramdam ka ng pagkabagot minsan dahil sa nagiging paulit-ulit na takbo ng laro, ngunit ang Idle Property Manager Tycoon ay mayroong itinatampok na mga bonus mini-game. Katulad ng drones na kailangan mong i-tap upang bumagsak ang limpak-limpak na pera. Mayroon ding nangyayaring house parties at block parties sa mga bahay na iyong nabili. Kapag ita-tap mo ang house party icons, makakaasa kang makakatanggap ng karagdagang extra income, kapag naman mabilis at tuluy-tuloy mong pinindot ang block party icon, mapupuno nito ang meter at magpapatuloy ang chain ng pagtanggap ng income hanggang sa susunod na mga bahay.

Kung mayroon mang bagay na mahirap makuha sa laro, ito na ang mga gold brick na itinuturing bilang premium in-game currency ng laro. Makakakuha ka lamang nito ng hanggang sampu bawat araw sa tulong ng house parties at kapag dinalaw ka ng swerte, maari mo ring makuha ang mga ito sa mga in-game event at log-in reward. Ang mga gold brick ay maaaring gamitin upang i-boost ang dami ng iyong matatanggap na income. Ngunit, iminumungkahi ng Laro Reviews na itabi ang mga ito upang gamitin mo sa pag-hire ng star tenants na nagsisilbing mga permanent booster ng laro.

Dahil nabanggit na rin ang mga star tenant, maaari mong ma-access ang listahan ng mga pagpipiliang tenant sa ibabang bahagi ng screen. Kagaya ng iyong mga nabibiling investment, maaari mo rin silang i-level up gamit ang iyong mga gold brick upang mas lalong lalaki ang boost na kaya nilang mabigay.

Sa karagdagan, ang larong ito ay walang random ads, bagkus lahat ng ads sa larong ito ay optional lamang. Ibig sabihin, nasayo nakasalalay ang desisyon kung panonoorin mo ang mga ito kapalit ng rewards, o hindi. Ngunit, kung nais mong umusad nang mas mabilis sa laro, mas mainam na parati kang manood ng ads sapagkat ang mga reward na iyong natatanggap sa ads ay nakadepende sa income ng iyong kasalukuyang game level.

Mga Feature ng Laro

  • Unlimited Resources – manood ka lamang ng mga ad, makakatanggap ka na agad ng mga instant reward mula sa laro.
  • Boosters – Mas lalo pang palakihin ang iyong income sa pamamagitan ng mga available booster sa larong ito.
  • Upgradable investments – Saan ka pa makakahanap ng investment na maaaring i-upgrade? Dito lang iyan sa larong ito.
  • Investment Overload – Hind lamang isa, dalawa, talo, apat, o lima ang iyong magiging investment sa larong ito, bagkus napakaraming paraan upang kumita ng pera.
  • Casual idle gameplay – Baguhan ka man sa paglalaro ng mga idle clicker game, walang dahilan upang hindi mo agad matutunan ang mechanics ng laro dahil mula umpisa hanggang dulo, napakadali lamang sundan at intindihin ng daloy ng laro.

Saan maaaring i-download ang laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user, at i-download naman ang laro gamit ang GameLoop Android emulator para malaro ito sa PC. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download Idle Property Manager Tycoon on Android https://play.google.com/store/apps/dev?id=7982814415950435553

Download Idle Property Manager Tycoon on iOS https://apps.apple.com/us/app/idle-property-manager-tycoon/id1456640704

Download Idle Property Manager Tycoon on PC https://www.gameloop.com/ph/game/casual/com.hotheadgames.google.free.idleproperty

Pros at Cons ng Laro

Kung ang tanging dahilan mo lamang sa paglalaro ng isang mobile game ay upang ma-relax, walang duda na inirerekomenda ng Laro Reviews ang Idle Property Manager Tycoon para sa’yo. Sa gameplay pa lamang ng laro, hindi mo mapipigilang mamangha sapagkat tunay na walang kapantay ang mga event at feature na mayroon ang larong ito. Tuluy-tuloy lang din ang pagtanggap mo ng income sa larong ito kahit pa wala kang ginagawa kaya naman kapag gumamit ka pa ng ma booster at upgrade, imposibleng hindi lumuwa ang iyong mga mata sa laki ng iyong income. Sa karagdagan, hindi man 3D ang graphis ng laro, ngunit malinaw pa ring makikita sa iyong screen ang mga detalye ng larong ito.

Sa kabilang banda, kung gaano karami ang magagandang katangian mayroon ang larong ito, ganun din karami ang mga nakakairitang katangian mayroon ito. Una, imposibleng umusad ka sa larong ito nang hindi manonood ng sangkatutak na mga ad. Pangalawa, tiyak na mapapagod muna nang husto ang iyong mga daliri sa kakapindot ng upgrade buttons bago mo maabot ang mga matataas na game level. Pangatlo at higit sa lahat, samu’t saring technical problems ang iyong mararanasan sa larong ito ahil magpahanggang ngayon ay hindi pa rin nasosolusyunan ng laro ang madalas na pagkakaroon ng glitch at lag sa laro, partikular na kapag naabot mo ang matataas na game level.

Konklusyon

Sa kabila ng napakaraming negatibong katangiang mayroon ang larong ito, hindi pa rin maitatangging patuloy ang paglobo ng mga taong tumatangkilik sa Idle Property Manager Tycoon dahil sa napakarami ring magagandang katangiang mayroon ito. Ngunit, kung kabilang ka sa mga taong ayaw na ayaw sa mga ad, tiyak na hindi mo magugustuhan ang larong ito. Gayunpaman, kung nais mong maranasang laruin ang isa sa pinakatanyag na laro sa larangan ng idle clicker games, ano pa ang hinihintay mo, i-download na ang larong ito sa iyong device.