FPS Commando Shooting – May panahon noon na sobrang sikat ang First Person Shooter (FPS) games sa mga online gamers dahil sa aksyon na hatid nito. Sa kasalukuyang panahon, mas namamayagpag ang Third Person Shooters dahil sa battle royale games gaya ng Fortnite, at Players Unknown Battleground. Sa katunayan, kahit ang franchise na Call of Duty ay may battle royale mode na rin.
Sa panahon ngayon, makakapaglaro ka na ng mga larong barilan kahit sa mobile phones. Ang problema nga lang, kadalasan ng shooting games ay nangangailangan ng malaking memory at graphics card. Dahil dito, may ilang mga manlalaro na hindi kayang makipagpalitan ng bala sa kanilang mga kalaban.
Ngayon, maaari ka nang makapaglaro ng isang shooting game kahit hindi ganoon kalaki ang kapasidad ng iyong mobile phone. Maaari mong laruin ang FPS Commando Shooting Games at makipaglaban sa mga terorista. May opsyon ka rin dito na makipaglaro sa ibang manlalaro gamit ang multiplayer mode.
Kung wala kang Wi-Fi, maaari mo ring laruin ang FPS Command Shooting Games offline. Ang mga kalaban sa larong ito ay non-playable character (NPC). Swak ang larong ito sa mga taong papunta sa lugar na walang koneksyon sa internet.
Game features
Ang shooting system ng mobile game na ito ay kakaiba kumpara sa ibang laro dahil wala kang pipindutin dito para makapatay ng mga teroristang kalaban. Kapag itinutok mo ang cursor sa FPS Commando Shooting Games, kusa kang babaril sa kalaban ng walang kahirap-hirap. Madali ring mamatay ang mga kalaban sa larong ito.
Kung pag-uusapan naman ang mga baril at iba pang armas, marami kang maaaring gamitin sa larong ito. Kagaya ng ibang shooting games, iba’t iba ang damage ng mga baril dito. Pagdating sa melee weapons, maaari kang mamili ng mga kutsilyo. Maaari ka rin ditong gumamit ng frying pan, granada, at kahit bazooka para makumpleto ang level.
May mga armas din sa FPS Command Shooting Games na may skin. Syempre, mas mataas ang damage ng mga baril na may skin. Lahat ng armas sa larong ito ay maaari mong mabili gamit ang totoong pera. Kung hindi mo naman gustong gumastos, may mga armas na maaari mong mabili gamit ang in-game coins currency. Maaari ka ring mag-ipon ng sapat na coins para magamit ang mga armas na nais mo pansamantala.
Siguradong hindi ka rin mabibitin dito pagdating sa mga level. May apat na mapa sa FPS Commando Shooting Games na siguradong punung-puno ng mga kalaban. Ang mga mapa sa FPS Command Shooting Games ay disyerto, niyebe, research facility, at military base. Ang mga mapang ito ay base sa mapa ng Counter Strike.
May multiplayer system rin ito kung saan maghahanap ang laro ng mga maaari mong maging kakampi. Sa multiplayer mode, maaari kang makipagtagisan ng galing sa ibang manlalaro. Ang multiplayer ng FPS Commando Shooting Games ay base sa point system. Kailangan mong magkaroon ng mas maraming points sa kabilang team bago matapos ang takdang oras.
Saan pwedeng i-download ang FPS Commando Shooting Games?
- Download FPS Commando Shooting Games on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.sgs.antiterrorism.counterattack.commandomissiongame
Tips at tricks para sa FPS Command Shooting Games
Madali lang laruin ang FPS Command Shooting Games dahil NPC lang ang kalaban mo rito at ang pangunahing layunin mo lamang ay ubusin ang mga terorista sa loob ng mapa bago ka mawalan ng buhay. Pinakamagandang taktika dito ang pagbaril sa mga kalaban mo sa malayuan. Dahil hindi mo naman kailangang barilin ng direkta ang mga terorista, kailangan mo lang maitutok sa kanila ang iyong cursor at hayaang ito ang tumapos sa trabaho.
Huwag ka ring mananatili sa iisang lugar lang at mag-camp. Kapag nag-camp ka sa FPS Command Shooting Games, malaking ang pagkakataong mag-spawn malapit sa iyo ang kalaban at mapalibutan ka nila. At kapag napalibutan ka ng mga ito, mas mataas ang tsansa mong mamatay dahil sabay-sabay kang babarilin ng mga terorista.
Pagdating sa armas, dapat humanap ka ng baril na komportable para sa iyo. May ilang manlalaro na gumagamit ng shotgun dahil sa laki ng nagagawa nitong damage. Kayang pumatay ng shotgun sa isang putok lang. Kung ang istilo mo naman ay malayuang pag-atake, mas mabuti kung gagamit ka ng assault rifle na may scope.
Kung gusto mong malaman ang nababagay na baril sa iyo, maaari mong tingnan ang stats ng mga baril kapag bibili ka nito. Bago magsimula ang laro, awtomatikong magkakaroon ka ng dalawang baril; ang baril na iyong nabili at isang pistol. Para mas lumakas ang iyong firepower, lagi ka dapat pumulot ng mga baril na nalalaglag.
Sa multiplayer mode, awtomatikong mananalo ka kapag pumuwesto ka sa base ng kalaban kung saan sila nagre-respawn. Sa estratehiyang ito, aabangan mo na lang sila at babarilin sa ulo. Ulit-ulitin mo lang ito hanggang sa manalo kayo ng iyong team. Subalit, kailangan mong mag-ingat dahil baka mag-respawn ang mga terorista sa iyong likod.
Pros at cons ng FPS Command Shooting Games
Sa una pa lang, halata mo nang rip-off ito ng Counter Strike. Mismong ang game logo nito ay hawig ng de_dust na mapa sa sikat na shooting game. Ang mga terorista rin nito ay sobrang hawig ng mga karakter sa Counter Strike. Pati ang mapa nito, sa Counter Strike lang din binase at masasabi mong 90% ang hawig sa mga mapa nito.
Related Posts:
Sculpt People Review
Color Game Land – Pinoy Casino Slots Review
Pagdating naman sa audio, ginaya rin nila ito mula sa Defense of the Ancients at Counter Strike. Kapag nakakapatay ka ng kalaban, may tunog na “monster kill” at kapag natapos na ang round, tutunog ang iconic na “counter terrorist win” mula sa mga larong nabanggit. Nakakagulat na hindi pa kinakasuhan ng Blizzard at VALVe ang game developer ng FPS Command Shooting Games.
Sobrang dali lang rin ng gagawin dito, ang kailangan mo lang ay itutok ang cursor sa kalaban. Nawawala dito ang esensya ng isang shooting game. Paano magiging shooting game ang isang laro kung wala kang baril na pinapaputok? Hindi rin totoong multiplayer mode ang sinasabing multiplayer option ng larong ito dahil NPC pa rin ang iyong kalaban rito. Mapapatunayan ito dahil kaya mo pa ring laruin ang multiplayer mode offline.
Konklusyon
Marahil marami kang masasabing negatibo tungkol sa FPS Command Shooting Games pero hindi na rin ito masama bilang isang laro – pwede na. Hindi ito ang larong masasabi mong kapantay ng ibang FPS games dahil maraming bagay ang sadyang ginaya nito mula sa Counter Strike at iba pang mga laro. Pero, okay na rin ang larong ito kung wala ka namang internet, gusto mo ng mapapaglibangan at wala kang ibang malaro.
Laro Reviews