May mga laro na natatapos, ngunit muling ipinagpapatuloy upang muling magbigay ng kaligayahan sa mga manlalaro at isa na nga rito ang Alien Shooter 2 na muling binuhay ng Sigma Team game developer upang maghandog ng higit na mas magandang gameplay, mas malinaw na graphics at mas extreme na mga hamon. Kung noon ay “missing in action” ang story sa orihinal na Alien Shooter, sa sequel nitong Action Shooter 2, nagsisimula na ang laro sa kwento ng isang sundalo na ipinadala sa California Military Base upang kontakin si General Baker na nagtatrabaho sa isang Secret Project for the Army ng M.A.G.M.A. Energy Corporation. Ngunit noong nakarating na siya sa nasabing base ay natuklasan niyang naglipana na ang mga alien sa lugar. Malaki ang kanyang pagdududa na ang M.A.G.M.A. Energy Corporation ang may kagagawan sa likod ng pangyayaring ito.
Gagampanan mo ang karakter ng sundalong ito sa laro. Kailangan mong matuklasan ang binabalak ng nasabing korporasyon upang mapigilan mong atakihin at sirain ng mga alien ang buong mundo. Gamitin ang iyong mga armas upang maprotektahan ang iyong sarili laban sa panganib na dala ng mga kalaban. Kung gusto mo namang palitan ang default character, mayroon ka pang pitong pwedeng pagpilian na hango rin mula sa unang bersyon ng laro kaya kung nalaro mo na ang Alien Shooter noon, marahil ay pamilyar ka na sa walong character sa larong ito. Ang ipinagkaiba lamang ay sa halip na apat, mayroon ng anim na character statistics ang bawat character. Mula Strength, Accuracy Health at Speed nadagdagan ito ng Perks at Intelligence.
Tips at Tricks sa Paglalaro
Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:
Sa pag-uumpisa ng laro, mayroon ka lamang sapat na pera at ordinaryong pistol bilang iyong pangunahing armas. Limitado lang din ang bala ng iyong baril kaya kailangan mong mangalap ng mga armas, pera, gear at ammunition sa bawat game level upang matustusan mo ang iyong pangangailangan upang makagamit ng upgrades. Sa mga naunang level ng laro, napakahalaga ang pangangalap ng iba’t ibang resources dahil sa mga mahihirap na level ay tiyak na sa labanan na ang magiging atensyon mo.
Kung pag-uusapan naman ang iyong magagamit na armas laban sa mga alien, mayroon kang limang pagpipilian: pistols, machine guns, grenade launcher, shotguns at energy weapons. Kagaya ng iyong character, ang bawat isa sa mga armas na ito ay mayroon ding kaukulang statistics at amount of damage. Sa karagdagan, may pagkakataon ka ring mag-imbak ng mga gamot na lubhang kinakailangan sa oras na mapuruhan ka ng mga kalaban.
Kagaya sa naunang bersyon ng larong ito, sangkatutak na mga alien rin ang iyong makakaharap na bigla-bigla na lamang sumusulpot ng hindi mo inaasahan kaya kailangan mong maging mapagmatyag sa lahat ng oras upang maiwasan ang surpesang pag-atake ng mga kalaban. Kadalasan silang umaatake mula sa likuran at may kakayahan ding mag-teleport kaya kapag nararamdaman mong magiging dehado ka sa laban ay agad na tumakas at magtago sandali sa ligtas na lugar. Maliban pa sa mga nabanggit, ang ilan sa kanila ay nagbubuga rin ng mga asido at marunong gumamit ng lab weaponry. Ngunit ang higit na dapat mong iwasan ay ang mga alien na mukhang butiki at may bitbit na mga baril at sumasabog na mga alien. Higit sa lahat, magagawa mo lamang na umusad sa laro kapag nakumpleto mo ang lahat ng task sa bawat game level, ngunit dapat mo ring tandaan na hindi madali ang mga task na kailangan mong gawin lalo pa at nasa gitna ka rin ng pakikipaglaban sa mga alien sa paligid.
Saan Maaaring I-download ang Laro?
Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user at i-download ang MuMu Player sa PC para malaro ito. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:
Download Alien Shooter 2 on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.sigmateam.alienshooter2
Download Alien Shooter 2 on iOS https://apps.apple.com/us/app/alien-shooter-2-the-legend/id1419918066
Download Alien Shooter 2 on PC https://www.mumuglobal.com/en/games/action/alien-shooter-2-on-pc.html
Features ng Laro
- More Challenging Levels – Kung sa tingin mo ay intense na ang mga hamon sa unang bersyon ng larong ito, tiyak na mas masusubok pa ang iyong fighting skills sa larong ito ngayon.
- Survival Mode – Kagaya sa mga nakikita natin sa ibang action game genre, itinatampok din ng Alien Shooter II ang Survival Mode kung saan mag-isang haharapin ng iyong karakter ang pwersa ng mga kalaban.
- Career Mode – Sa bagong mode na ito ng laro ka magkakaroon ng maraming pagkakataon upang makakuha ng mga libreng power-ups, karagdagang stats at mga armas.
- Much Larger Battlefield – Kung ikukumpara sa orihinal na laro, masasabing mas malawak sa ngayon ang paligid ng bawat game mode kaya mas magkakaroon ka ng maraming oportunidad upang mangolekta ng mga power-up at makapagtago sakaling napakarami ng mga kalaban.
- Improved Graphics – Isa sa magagandang katangian ng larong ito kung saan kahit night mode ang kadalasang fighting time ay malinaw pa ring nakikita ang kabuuan ng iyong screen.
Pros at Cons ng Laro
Isa sa mga nakakatakot na pwedeng mangyari sa mga game developer ay pumalya at hindi pumatok sa mga manlalaro ang mga sequel ng laro na kanilang ginagawa. Kaya upang maiwasan na mangyari ito, kailangan ng mabusising pagpaplano para masigurong ang upgrades na gagawin sa isang laro ay magdudulot ng mas magandang resulta para sa mga manlalaro. Ngunit, patunay rin ang Alien Shooter II na ang pagkakaroon ng mga sequel ay kadalasang nagbubunga ng magandang resulta. Kung titingnan ang mga feature ng laro at ihambing ito sa ibang alien shooting games, tiyak na mapapansin mong higit na mas marami ang mayroon sa Alien Shooter II.
Hindi rin binigo ng Sigma Team ang mga manlalaro nito dahil kahit ang Laro Reviews ay humahanga sa graphics ng Alien Shooter II. Kapansin-pansin din ang pagkakaroon ng mas maraming weapons at mas modified na mga alien kaya paniguradong hinding-hindi magsasawa ang iyong mga mata sa makikita nila sa screen. Gayundin, tiyak na magugustuhan mo ang soundtrack ng laro lalo na kapag maririnig mo ang tunog na nililikha ng mga alien at kapag nagtagumpay ka sa isang game level.
Sa kabilang banda, habang magandang maituturing ang mga itinatampok na mga challenging level sa isang laro. Sa Alien Shooter II, nasobrahan naman sa dami ang mga mahihirap na game level na tila imposible nang malampasan ng kahit sino kaya kung baguhan ka pa lamang sa mga shooting game, tiyak na hindi mo maiiwasang matalo nang paulit-ulit at makaramdam ng inis sa laro. Bukod pa rito, hindi rin ‘smooth’ gamitin ang control button. May mga pagkakataon kasi na sa halip na mag-reload ng baril, tumatakbo papunta sa kalaban ang iyong character na siyang nagiging dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.
Konklusyon
Walang duda na tama ang Sigma Team sa kanilang desisyon na gawan ng sequel ang Alien Shooter dahil maging ang Laro Reviews ay lubos na naniniwala na malaki ang ipinagbago ng larong Alien Shooter II sa dati nitong bersyon. Napagbigyan na ang kahilingan ng mga dati pang manlalaro nito na mas gandahan ang graphics at gameplay ng laro, kaya naman mas lalo pang umangat ang kalidad ng larong ito. Kung nais mo ring subukan ang mga shooting game, o masubukan ang mas level up na mga hamon, para sa’yo ang larong ito.