Bago pa umusbong ang mobile games, isa sa mga pinakasikat na laro noon ay ang shoot ‘em up o kilala rin bilang shmup. Ito ay sub-genre ng shooter at action video games. Maituturing din itong classic na arcade game. Kung pamilyar ka rito o nalaro mo na ito noon, siguradong magiging interesado ka sa larong tatalakayin ng Laro Reviews sa article na ito.
Ang Galaxy Attack: Alien Shooter ay isang arcade game na ginawa ng ABI Game Studio (Onesoft Joint Stock Company). Nasa iyong mga kamay ang kapalaran ng sangkatauhan sapagkat ikaw ang huling starfighter na nakikipaglaban sa space laban sa mga kawan ng alien invaders. Nahahati ang bawat level sa maraming waves na dapat mong malampasan para maipanalo ito. Malaking bahagi sa larong ito ang transforming mechanic, kung saan nagbabago ang kasalukuyang ship na ginagamit mo tuwing makakakolekta ka ng icon ship sa battle. Bukod pa rito, may power-ups at skills ding maaari mong makolekta at gamitin habang nasa labanan.
Features ng Galaxy Attack: Alien Shooter
Four Play Modes – Mamili kung alin sa apat na game modes ang pipiliing laruin: Campaign, Endless, Boss, at Hero.
- Campaign – Sa umpisa, kailangan mong makumpleto muna ang ilang levels bago ma-unlock ang ibang game modes. Maaari kang mamili kung alin ang magiging difficulty level ng iyong paglalaro, kung ito ba ay Medium, Hard, o Crazy. Mas mataas ang reward na makukuha kapag mas mahirap ang difficulty level, ngunit kailangan munang makumpleto ang naunang mode bago ma-unlock ang mas mahihirap na mode.
- Endless – Kailangang matapos ang 10 levels sa Campaign mode bago ito ma-unlock. Binubuo ang Endless mode ng iba’t ibang stages. Makakatanggap ka ng magkakaibang rewards sa bawat stage na makumpleto, tulad ng coins, crystals, at iba pa.
- Boss – Talunin ang 43 boss aliens sa isang labanan! Maaari mo silang kalabanin sa Easy, Medium, o Hard mode. Bagaman pwede kang makakuha ng tig-dalawang crystals sa bawat mode, mayroong iba-ibang drop rate. Ang Easy ay may 20% Drop, ang Medium ay may 30%, at ang Hard naman ay 40%.
- Hero – Binubuo ng Terra, Hydron, Hellion, Biotox, at Void. Kailangan mo munang makumpleto ang 20 levels sa Campaign mode bago ito malaro.
PvP Mode – Kailangang makumpleto ang 12 levels sa Campaign mode bago ma-unlock ang player-versus-player (PvP) mode. Makipaglaro ng 1v1 o 1v3 upang makapagpakitang-gilas na ikaw ang pinakamahusay na space pilot. I-challenge ang iyong mga kaibigan sa isang labanan!
Pilot Forces – Mayroong kabuuang bilang na 25 pilots ang maaari mong makuha. Ang bawat isa sa kanila ay may natatanging abilidad na makakatulong sa iyong paglalaro. Halimbawa, si Khan ay may kakayahang mag-increase ng 3.6% power booster drop rate, pabagalin ng 3.7% ang flight velocity rate ng alien, at mag-increase ng 1s active time sa Shield Booster.
Saan Pwedeng I-download ang Galaxy Attack: Alien Shooter?
Ituturo ng Laro Reviews sa bahaging ito kung saan at paano i-download ang Galaxy Attack: Alien Shooter. Kasalukuyang available ang laro sa Android, iOS, at PC. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman para sa may iOS devices. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito sa, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pwede mo nang simulan ang paglalaro pagkatapos nito!
Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:
Download Galaxy Attack: Alien Shooter on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.alien.shooter.galaxy.attack&hl=en&gl=US
Download Galaxy Attack: Alien Shooter on iOS https://apps.apple.com/us/app/galaxy-attack-alien-shooter/id1176011642
Download Galaxy Attack: Alien Shooter on PC https://www.bluestacks.com/apps/arcade/galaxy-attack-alien-shooter-on-pc.html
Kung sa PC mo napiling maglaro ng Galaxy Attack: Alien Shooter, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang https://www.bluestacks.com. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.
Tips at Tricks sa Paglalaro
Isa sa mga napakaimportanteng tandaan sa larong ito ay ang wastong paggastos ng iyong gold at crystals. Maaari kang matuksong gastusin ang gold nang basta-basta sa iba’t ibang bagay dahil bibigyan ka ng maraming opsyon ng laro kung saan mo ito posibleng ilaan. Pwede mo itong gamitin sa maraming bagay kabilang na ang pag-upgrade ng ships, pagbili ng bagong ships, pagkakaroon ng skins, at iba pa. Bukod pa rito, hindi ko rin mairerekomendang gamitin ang gold sa pagbili ng bagong ships. Sa halip, mas mainam na gamitin ang iyong resources sa pag-upgrade ng iyong unang tatlong ship at ipunin ang crystals para sa extra lives. Kaya kahit na pwedeng baguhin ang ginagamit na ship sa laban, mas maigi kung mananatiling gamitin ang isa o dalawang ship at ibuhos ang upgrades doon.
Pagdating naman sa paglalaro, mapapansin na kapag natatalo ang ibang kalaban, nagda-drop ang mga ito ng ilang items. Siguraduhing kunin ang items sapagkat magagamit mo ang mga ito para i-boost ang ginagamit na ship at ang attack powers nito. Maraming beses itong pwedeng mangyari kaya huwag palampasin ang bawat pagkakataon para mas lalong lumakas ang iyong ship. Gayunpaman, maging alerto sa mga bagay na dina-drop ng kalaban dahil ang iba rito ay traps o attacks na maaaring magdulot ng damage sa ship. Tandaan kung aling items ang makakatulong at makakapinsala sa ship para madali mo itong makabisado habang tumatagal. Dagdag pa rito, iwasang lumapit masyado sa kalaban habang nasa labanan. Maaaring mahirapan kang iwasan ang mga atake nito kung malapit ang iyong pwesto.
Bagaman may items na maaari mong kolektahin para lumakas ang iyong ship, mahalaga pa ring hindi ilagay ang sarili sa delikadong posisyon. Kung ang item ay nasa kabilang bahagi ng screen at kasalukuyan kang pinapaulanan ng atake ng kalaban, huwag mo nang intindihin pa kung paano kunin ang item na iyon. Ang priority mo dapat ay ang iyong kaligtasan. Tandaan na kapag nasa delikadong ang lokasyon ang item, balewalain na lang ito. May posibilidad pa rin namang lumabas ito muli sa ibang pagkakataon.
Para mapanatili ang iyong buhay sa laban, ang pinakamahalagang dapat mong gawin ay umilag sa lahat ng atake ng kalaban. Dahil kapag napuruhan ang ship ng bullet galing sa kalaban, game over na. Bukod pa rito, maging alerto rin sa iyong kapaligiran lalo na sa bandang likuran dahil may mga pagkakataong sa likod dumadaan ang grupo ng enemy ships. Kapag hindi ka nakailag at natamaan ka ng mga ito, mamamatay ka agad at game over na naman. Kung napansin mo na sa likod dumadaan ang kalaban, matutunang mag-adapt sa sitwasyon at iusog ang ship pataas. Napakahalagang maobserbahan mo ang patterns ng kanilang galaw para maging madali ang iyong pag-iwas sa panganib.
Pros at Cons ng Galaxy Attack: Alien Shooter
Pwede mo itong laruin kahit walang internet connection dahil sa offline mode na feature nito. Mayroon din itong features kung saan maaari kang makipag-interact sa ibang manlalaro. Maaaring makipag-connect sa friends kapag ni-log in ang iyong Facebook account dito. Bukod pa rito, may pagkakataon kang makipagkumpitensya sa iba sa pamamagitan ng ranking na nahahati sa Global at Country, kung saan ang batayan dito ay ang score at level. Maaari kang manguna sa paglalaro sa buong mundo o kaya sa sarili mong bansa. Maganda rin ang graphics nito at kapansin-pansin ang pinagsamang classic na shmups at modern style nito. Gayunpaman, mayroong isyu ng madalas na pagka-crash at pagfi-freeze ng laro at tumatagal ito ng ilang oras. Hindi rin ito madaling maintindihan ng mga baguhang manlalaro dahil bukod sa wala itong detalyadong tutorial sa simula, hindi mo rin malalaman kung ano ang gamit ng bawat boost o kung paano makakakuha ang iba’t ibang ships.
Konklusyon
Kung isa sa mga kinalakihan mong laro ang shoot ‘em ups, tiyak na magugustuhan mo ang Galaxy Attack: Alien Shooter. Maraming game modes ang pwede mong pagpilian kaya hindi malilimitahan ang iyong paglalaro. Tamang-tama itong laruin kapag naghihintay sa labas at hindi konektado sa Wi-Fi o mobile data. Gayunpaman, maaaring maguluhan ka sa paglalaro nito kung ikaw ay baguhan pa lang sa ganitong klase ng laro. Pero habang tumatagal, lahat ng manlalaro ay ma-eenjoy itong laruin – mapabaguhan man o beterano.