Sushi Fever – Cooking Game Review

Nais mong masubukang magluto ng sushi, ngunit walang panahon at hindi alam kung paano? Pwede mo na itong magawa sa pamamagitan ng paglalaro gamit ang iyong device. Sigurado akong magugustuhan mo rin ang larong ito gaya ko at ng ibang manlalaro. Ito ay nilikha ng Horizon Cube, isang game developer mula sa Perak, Malaysia. Ang unang larong kanilang nilikha ay ang Sushi Fever – Cooking Game. Opisyal itong inilabas noong Enero 2018 at patuloy na sumisikat sa mga manlalaro hanggang ngayon.

Ang Sushi Fever – Cooking Game ay isang casual simulation game na may single-player mode. Ibig sabihin, ang larong ito ay nakabase sa totoong mga bagay at pangyayari gaya ng produktong sushi at sushi restaurant. Ang larong ito ay tungkol sa pagluluto o paggawa ng pagkaing sushi. Ibinebenta mo rin ang mga ito sa iyong sushi restaurant upang kumita ng pera at makapaggawa pa ng iba’t ibang uri ng sushi.

Sa huling update ng laro noong Abril 2020, mas pinabuti nila at pinaghusay ang kalidad ng Sushi Fever – Cooking Game. Tiyak kong kaaaliwan mo ang simpleng larong ito kapag natutunan mo na kung paano ito laruin. Handa ka na bang mamahala ng isang sushi restaurant at maging magaling na sushi chef? Kung handa ka na, basahin ang buong artikulo upang malaman ang iba pang impormasyong makakatulong sa iyo.

Sushi Fever - Cooking Game Review

Features ng Sushi Fever – Cooking Game

Levels – Ang Sushi Fever – Cooking Game ay may iba’t ibang levels. Maaari kang makarating sa mahigit 100 levels ng laro. Ang bawat level ay may iba’t ibang hamong naghihintay para sa iyo. Mayroon ka ring misyong dapat makamit at isakatuparan sa iyong paglalaro upang makapunta sa susunod nalevel.

Ingredients – Gaya ng totoong pagkaing sushi, mayroon ding iba’t ibang sangkap ang pagkaing ito. Ang ilan sa maaari mong bilhin at gawing sushi ay ang Salmon, Rice, Seaweed, Cucumber, Shrimp, Avocado, Mackerel, Omelette, Squid, Tuna, at maraming pang iba. Sigurado akong sa masasarap na sangkap na ito maraming customer ang bibili sa iyong restaurant.

Upgrade – Sa larong ito, maaari mo ring i-upgrade ang iyong mga kagamitan para sa mas magandang serbisyo ng iyong restaurant. Kabilang sa mga item na ito ang Condiments, Knife, Chopsticks, Drinks, Plates, Sushi Cover, Rolling Mat, Seats, Decorations, at marami pang iba.

Game Shop – Ang Sushi Fever – Cooking Game ay mayroon ding sariling tindahan. Maaari kang bumili ng special offer na items sa shop ng laro. Ang mga ibinebenta rito ay mga coin at gems na nagkakahalaga ng ₱25.95 hanggang ₱259.95.

Saan pwedeng i-download ang Sushi Fever – Cooking Game?

Kung nais makuha ang larong ito, narito ang mga link ng laro. Sa ngayon, hindi pa available sa iOS ang Sushi Fever – Cooking Game. I-click lamang ang mga link sa ibaba para i-download ang laro depende sa ginagamit na device:

Download Sushi Fever – Cooking Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.horizoncube.sushifever

Download Sushi Fever – Cooking Game on PC https://www.gameloop.com/game/casual/com.horizoncube.sushifever

Sushi Fever - Cooking Game Review

Para ma-download ang laro, kailangan mo ng data o internet connection para makuha ito. Pagkatapos, i-click lamang ang link, pindutin ang Install button at hintaying umabot sa 100% ang pagda-download. Kapag tapos na, maaari mo nang buksan at laruin ang Sushi Fever – Cooking Game.

Tips at Tricks kung nais laruin ang Sushi Fever – Cooking Game

Para sa mga bago at nagnanais na laruin ang Sushi Fever – Cooking Game, narito ang ilang tips mula sa Laro Reviews na siguradong makakatulong sa iyo.

Kung ikaw ay bagong manlalaro at hindi alam kung paano magsisimula, mayroong tutorial stage ang larong ito. Sundin lamang ang mga itinuturo at basahing mabuti ang sinasabi sa direksyon. Sa ganitong paraan, mauunawaan mo kung tungkol saan nga ba ang laro at kung paano ito laruin. Inirerekomenda sa mga baguhan na dumaan muna sa tutorial mode para sa mas magandang karanasan sa paglalaro.

Sa paglalaro ng Sushi Fever – Cooking Game, kailangan mo lang gumawa ng sushi at ibigay ang orders ng mga customer sa iyong restaurant. Bigyan muna sila ng menu book at hintayin ang kanilang order upang malaman mo kung ano ang pagkaing ihahanda mo para sa kanila. Sundin lang ang sinasabi ng iyong customer at gawin ito sa mabilis na oras upang hindi sila mainip. Limitado ang iyong oras sa paghahain ng pagkain kaya naman kailangang mabilis kang kumilos at gumawa ng orders ng mga customer. Mayroon ding time limit ang pagbubukas ng iyong sushi restaurant at may bilang ng customer ang dapat mong mapagbentahan. Gawin ang iyong misyon upang makakuha ng tatlong stars at gems bilang iyong premyo.

Hindi mahirap at nakakalitong laruin ang Sushi Fever – Cooking Game. Sa katunayan, mabilis mo itong matututuhan dahil madali lang ang gameplay ng laro. Subalit kailangan mo lang galingan at bilisan ang iyong paglalaro upang hindi maubos ang iyong oras. Maaari ka ring mag-upgrade ng mga item sa larong ito upang mas lumaki ang iyong kinikitang pera at lumawak ang iyong business. May recipes rin ang pagggawa ng sushi, maglaro lamang upang mabuksan mo ang mga recipe na ito at maibenta sa iyong restaurant. Ibigay ang lahat ng iyong makakaya at maging isang magaling na chef.

Sushi Fever - Cooking Game Review

Pros at Cons ng Sushi Fever – Cooking Game

Para sa Laro Reviews, ang Sushi Fever – Cooking Game ay isa sa magaganda at masasayang laro na libre mong makukuha sa Google Play Store. Base sa aking karanasan, nakakaaliw at nakakaadik ang larong ito lalo na kapag nasubukan mo na itong laruin. Ang pinagkaiba lang nito sa ibang cooking games, imbis na mga burger at fries, sushi ang pagkaing ginagawa at ibinebentang produkto sa mga customer. Isa ito sa ikinaganda at ikinalamang ng laro sa ibang mga casual simulation game sa Google Play Store.

Dagdag pa rito, malinaw at maayos rin ang disenyo ng graphics na ginamit sa laro. Simple lang rin ang sound effects at background music na inilapat sa Sushi Fever – Cooking Game. Maaari rin itong laruin ng mga batang edad tatlo pataas dahil wala itong marahas na nilalamang nakakaapekto sa isipan ng bawat indibidwal. Sigurado akong kaaaliwan rin itong laruin ng mga kabataan at kahit ng matatanda.

Nakatanggap rin ng iba’t ibang reviews ang larong ito sa Google Play Store. Ayon sa mga komento, nagustuhan nila at kinaadikan ang larong ito. Marami rin ang nasiyahan sa paglalaro dahil para ka raw namamahala talaga ng isang sushi shop. Matututunan mo rin daw ang iba’t ibang uri ng sushi sa paglalaro nito. Subalit may mga problema ring naranasan ang ibang manlalaro sa paglalaro ng Sushi Fever – Cooking Game. Ayon sa kanila, masyado raw mataas ang presyo ng mga item kung nais mo itong i-upgrade. May ads pa rin daw na lumalabas sa laro kahit na nagbayad na sila upang mawala ito.

Sa larong ito, maaari ka ring bumili ng mga in-app product gamit ang totoong pera. Ang mga item na ito ay nagkakahalaga ng ₱25.95 hanggang ₱1,050 kada item. Subalit pwede mo namang i-disable ang feature na ito at i-off sa iyong setting sa pagbili kung ayaw mong gumastos.

Konklusyon

Sa ngayon, mayroon na rin itong 4.6/5 ratings sa Google Play Store. Umabot na rin sa mahigit 100,000 downloads ang larong ito at may mahigit 1,000 reviews ang naitala. Kaya kung gusto mong masubukan at malaman ang iba pang impormasyon ng larong ito, i-download mo na ang Sushi Fever – Cooking Game sa iyong device!