Monsters Lab – Freaky Running Review

Mahilig ka bang mag-eksperimento? O kaya naman ay mahilig sa mga palabas na may temang sci-fi, monsters, at mutation? Ang Hunter x Hunter at Fullmetal Alchemist anime ang ilan sa mga nagpalabas ng temang may mutation. Makikita rito ang mga karakter na may pinaghalong genes at mga katangiang galing sa tao at hayop. Kung nabasa mo ang Solo Levelling, mapapansin na ang isa sa mga alagad ng bidang lalaki ay isang nilalang na mutation ng langgam at tao. Bukod sa mga nabanggit, isa rin ang Stranger Things sa mga sikat na palabas na may kaparehong tema. Malawak ang imahinasyon ng mga tao pagdating sa usapinng siyensya. Kaya hindi na nakakapagtaka kung may uusbong na mga laro kagaya ng Monsters Lab – Freaky Running Show. Ito ay isang running game na ginawa ng SayGames LTD na naglalayong magbigay excitement sa mga manlalaro.

Ang game mechanics ng larong ito ay umiikot sa kung paano makukumpleto ang transpormasyon ng iyong mutated being. Gamit ang iyong daliri, gabayan ito habang tumatakbo sa platform. Iwasan ang mga nakasalang na balakid at ang grupo ng mga nuclear clear-up na nais kunin ang iyong halimaw. Daanan ang tamang lagusang nag-uugnay sa wastong DNA sequence at maging isang ganap na mutated being. Sa finish line, makikita ang grupo ng mga scientist na magbibigay ng grado kung pasado ba sa kanila o hindi ang natapos na transpormasyon ng eksperimento. Basahin hanggang dulo ng artikulo upang malaman ang verdict ng Laro Reviews tungkol sa larong ito.

Features ng Monsters Lab – Freaky Running

Collectible Monsters – Kolektahin ang iba’t ibang anyo na maaaring kalabasan ng iyong eksperimento! Unti-unti itong maa-unlock habang papataas ang iyong level. Dahan-dahang masilayan ang kanilang kahindik-hindik, kakaiba, at katakot-takot na itsura.

Mutated Monsters Mash – Maaaring matapos ang iyong eksperimento sa dalawang pamamaraan. Una ay dumaan sa berdeng lagusan at bumuo ng isang ganap na mutated monster. Pangalawa, pagpalit-palitin ang lagusang dinadaanan. Maaaring sa pula o berdeng lagusan pumunta at paghalu-haluin ang iba’t ibang DNA sequence. Oras na makarating sa finish line, pagmasdan at maging proud sa iyong nilikha.

Offline Mode – Gamit ang feature na ito, pwedeng maglaro ng hindi nakakonekta sa internet o mobile data. Mainam ito lalo na kung mahina o walang signal sa lugar kung saan mo balak maglaro.

Saan Pwedeng I-download ang Monsters Lab – Freaky Running?

Gamit ang iyong smartphone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman para sa iOS users. Ilagay sa search bar ang Monsters Lab – Freaky Running. Dahil walang bayad ang laro, diretso mo na itong maida-download. Tapusing basahin ang artikulong itong mula sa Laro Reviews para malaman ang tips, tricks, pros, at cons ng laro.

Narito ang mga link kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Monsters Lab – Freaky Running on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.monsters.lab

Download Monsters Lab – Freaky Running on iOS https://apps.apple.com/kg/app/monsters-lab-freaky-running/id1595599443

Tips at Tricks sa Paglalaro

Makikita ang iyong eksperimentong nasa proseso ng pagmu-mutate sa isang malaking cylindrical na lalagyan. Magsisimula ang laro oras na mag-swipe sa screen at makatakas ang mutated being. Mula rito, gabayan ito sa platform at piliin ang nais na DNA sequence base sa kulay ng mga lagusan hangga’t makarating sa finish line. Mapapansing ang tanging kulay ng lagusan ay pula at berde lamang. Makikita rin kung anong parte ng katawan ang kasunod na magmu-mutate oras na madaanan ito. Tandaan na kung nais magkaroon ng tamang DNA sequence, dumaan sa berdeng lagusan upang makuha ang akmang anyo ng mutation.

May mga nuclear clear-up ding magtatangkang hulihin at kunin ang iyong eksperimento sa kanilang lab. May dalawang paraan upang makawala sa kanila – iwasan o suntukin sila. Mas maganda kung iiwasan na lang sila upang hindi mabawasan ang iyong baterya. Ito ang iyong HP at nagsisilbing enerhiya upang makatakbo. Siguraduhing hindi ito masasagad hanggang dulo dahil kapag nangyari ito, matatalo ka at uulit ng kasalukuyang level. Gayunpaman, hindi ka pa rin naman nila mahuhuli dahil automatic na susuntukin ng iyong karakter ang mga kalaban.

Related Posts:

Oil Tanker Truck Driving Games Review

Duterte Fighting Crime 2 Review

Bukod sa mga grupo ng nuclear clear-up, isa pang balakid na kakaharapin ay ang mga malalaking blocks, boxes, tangke, at kumukulong apoy na haharang sa iyong pagtakbo. Sa bahaging ito, mainam kung iiwasan ito nang tuluyan dahil anumang uri ng pisikal na contact sa iyong mutated na karakter ay magdudulot ng pagkabawas sa kanyang enerhiya.

Importanteng kunin din ang mga maliliit na bateryang makikita habang tumatakbo sa platform. Ito ang iyong charger na makakatulong upang manumbalik ang nawalang enerhiya. Maging alerto rin dahil may mga pagkakataong malapit ang mga ito sa pulang lagusan kaya mabilisang i-swipe ang screen at gabayan ang iyong mutated na karakter sa berdeng lagusan. May jumping tool ding makikita na mag-aangat sa iyong mutated runner upang makalundag at maiwasan ang pagkalaglag. Pumirmi lang sa bilog at automatic na itong makakatalon.

Makalipas ang ilang mga level, makakaharap mo ang boss. Para manalo, mabilisang i-tap ang iyong screen. Habang ginagawa ito, siguraduhing i-monitor ang HP ng mutated runner at ng iyong kalaban. Makikita rito kung sino ang mas lamang sa kanilang dalawa.

Upang ma-maximize ang karanasan sa paglalaro, i-off ang mobile data o anumang uri ng internet connection para huminto ang walang-humpay na ads na makikita habang naglalaro. Magandang gawin ito kung wala masyadong importanteng lakad o ganap.

Pros at Cons ng Monsters Lab – Freaky Running

Nakakaengganyong laruin ito dahil masisilayan ang iba’t ibang posibleng maging bunga ng iyong eksperimento. Kung mahilig ka sa anyo ng mga halimaw, malamang ay magugustuhan mo ang iba’t ibang disenyo ng mutated forms. Bagamat simple ang gameplay ng laro, kailangan pa rin gamitan ng bilis ng reflex at mata upang mapagtagumpayan ang bawat level. Sa kabilang banda, nagiging paulit-ulit na ang content ng laro habang tumatagal. May mix and match na nagaganap sa DNA sequence ng iyong eksperimento at makikita ang kabuuang anyo matapos matunton ang finish line. Bibigyan ng puntos kung pasado ba sa mga scientist ang mutated runner ngunit matapos nito, wala ng bagong content na maaari pang gawin. Limitado lang din ang bilang ng mutated forms hanggang 32. Wala ring preview na makikita sa monsters tab kung ano pa ang ibang posibleng anyo ng iyong karakter maliban na lang kung maa-unlock ang mga ito. Pero kung ikaw ay mahilig sa sorpresa at ayaw ng spoiler, marahil ay magustuhan mo ang ganitong feature. Hindi rin madalas lumabas sa mutation sequence ang mga bagong na-unlock na anyo. Madalas nakikita ang mga luma at naunang itsura.

Ang pinakanakakadismayang bahagi ng laro ay ang ads na mayroon ito. Matapos mapagtagumpayan ang bawat level, kailangan manood ng isang ad bago makatuntong sa susunod na level. Ilang segundo lang ito at ang iba ay may option kang i-skip, ngunit kung parati na lang itong susulpot ay nakakasagabal na sa paglalaro. Hindi rin akma na ipalaro ito sa mga bata dahil may ilang video ads na nagpapakita ng nakakatakot na tema. Bagamat maaaring patayin ang mobile data o hindi kumonekta sa internet habang naglalaro, hassle na ito lalo pa’t mahalaga ang data connection sa kasalukuyan.

Konklusyon

Pasok ba ito sa panlasa ng Laro Reviews? Masasabi kong hindi. Nakakatuwa ito sa umpisa ngunit habang tumatagal ay nagiging boring na rin. Wala masyadong pasabog bukod sa iba’t ibang mutated forms na maaaring makuha ng iyong karakter. Dagdag pa rito, ang sunud-sunod na ads ay talaga namang nakakasagabal sa momentum ng paglalaro. Mainam lang itong laruin kung ikaw ay may hinihintay at kailangan magpalipas ng oras. Bukod dito, hindi ko nakikitang lalaruin ito nang pangmatagalan.

Laro Reviews